Normal Ba na Magdalamhati Tulad ng Nadarama Ko?
Kabanata 16
Normal Ba na Magdalamhati Tulad ng Nadarama Ko?
NAAALAALA ni Mitchell ang araw nang mamatay ang kaniyang tatay: “Gayon na lamang ang aking pagkabigla. . . . ‘Hindi maaaring magkatotoo ito,’ ang patuloy kong sinasabi sa aking sarili.”
Marahil ang iyong mahal sa buhay—isang magulang, isang kapatid, o isang kaibigan—ay namayapa na. At sa halip na basta makadama lamang ng kalungkutan, ikaw ay nakadarama pa rin ng galit, pagkalito, at pagkatakot. Kahit subukin mo man, hindi mo mapigilan ang mapaluha. O kinikimkim mo ang sakít na iyong nadarama sa iyong kalooban.
Totoo, natural lamang na magdamdam kapag namatay ang ating mahal sa buhay. Kahit si Jesu-Kristo man, nang malaman niya ang pagkamatay ng isang matalik na kaibigan ay “tumangis” at “naghinagpis.” (Juan 11:33-36; ihambing ang 2 Samuel 13:28-39.) Ang pagkatalos na maging ang iba man ay nakadarama rin ng gaya ng nadarama mo ay makatutulong na mapakitunguhan ang iyong pangungulila.
Di Pagtanggap
Sa pasimula ay wala kang nadarama. Marahil sa iyong kalooban ay umaasa kang iyon ay isa lamang masamang panaginip, na may darating at gigising sa iyo at ang mga bagay ay magiging tulad ng dati. Ang nanay ni Cindy, halimbawa, ay namatay sa sakit na kanser. Ang paliwanag ni Cindy: “Hindi ko pa matanggap na wala na siya. Kapag may nangyayari na kung noon ay aking ipinakikipag-usap sa kaniya, nasusumpungan ko ang aking sarili na nagsasabing, ‘Kailangang sabihin ko ito kay Inay.’”
Karaniwan nang hindi matanggap ng mga naulila na sila’y namatayan. Inaakala pa man din nilang nakita nila ang namatay sa kalye, sa dumaraang sasakyan, sa subway. Ano mang kauntingGenesis 1:28; 2:9) Kaya natural lamang na hindi natin matanggap agad ang kamatayan.
pagkakahawig ay agad nagpapaningas sa pag-asang baka hindi totoong patay na siya. Tandaan, ginawa ng Diyos ang tao upang mabuhay, hindi upang mamatay. (“Ano’t Nagawa Niya Iyon sa Akin?”
Huwag ipagtaka kung may pagkakataong nakadarama ka ng kaunting galit sa taong namatay. Nagugunita ni Cindy: “Nang mamatay si Inay, may mga panahong naiisip ko, ‘Talagang hindi ninyo ipinaalam sa amin na mamamatay kayo. Basta umalis kayo nang walang paalam.’ Nadama kong ako’y pinabayaan.”
Ang pagkamatay ng isang kapatid ay nagdudulot din ng katulad na damdamin. “Talagang nakakatawa na magalit sa isang namatay na,” ang paliwanag ni Karen, “ngunit nang mamatay ang aking kapatid na babae, hindi ko iyon napigilan. Mga kaisipang tulad ng, ‘Bakit siya namatay at iniwan akong nag-iisa? Ano’t nagawa niya iyon sa akin?’ ang umuukilkil sa aking isipan.” Ang ilan naman ay nagagalit sa kapatid dahil sa sakít na dulot ng kaniyang pagpanaw. Ang ilan ay nakadaramang sila’y pinabayaan, marahil ay naghihinanakit pa nga, dahilan sa maraming panahon at atensiyon na tinanggap ng maysakit na kapatid bago mamatay. Ang nagdadalamhating mga magulang na, sa takot na mawalan muli ng isa pang anak, at dahil doo’y biglang naging labis-labis na mapangalaga ay nagiging dahilan din upang makadama ng pagkagalit sa namatay.
“Kung Sana’y . . . ”
Ang pagkabagabag ng budhi ay isa pang malimit na reaksiyon. Ang mga tanong at pag-aalinlangan ay gumugulo sa pag-iisip. ‘May iba pa kayang paraan na sana’y nagawa natin? Hindi kaya dapat sana’y kumunsulta pa tayo ng isa pang doktor?’ At pagkatapos ay ang marami pang kung sana’y. ‘Kung sana’y hindi kami nag-aaway na madalas.’ ‘Kung sana’y naging mas mabait ako.’ ‘Kung sana’y ako na ang nagpunta sa tindahan.’
Ang sabi ni Mitchell: “Sana’y naging mas mapagpasensiya at maunawain ako sa aking tatay. O kaya’y mas marami akong nagawa sa bahay para mas maalwan sa kaniya kapag umuuwi siya.” At napansin ni Elisa: “Nang magkasakit si Inay at karakaraka’y pumanaw, may di-nalulutas na mga damdamin kami sa isa’t isa. Nakokonsiyensiya ako ngayon. Naiisip ko ang mga bagay na dapat sanang nasabi ko sa kaniya, mga bagay na hindi ko sana dapat na sinabi sa kaniya, lahat ng maling bagay na nagawa ko.”
Maaaring sisihin mo pa ang iyong sarili dahil sa nangyari. Naaalaala ni Cindy: “Pinagsisisihan ko ang aming bawat pagtatalo, ang mga álalahanín na idinulot ko kay Inay. Naisip ko na ang lahat ng mga álalahaníng yaon ang isa pang dahilan ng kaniyang karamdaman.”
“Ano ang Sasabihin Ko sa Aking mga Kaibigan?”
Ang isang biyuda ay nakapansin sa kaniyang anak na lalaki: “Ayaw na ayaw ni Jonny na sabihin sa ibang mga bata na patay na ang kaniyang tatay. Ikinahiya niya iyon at ikinagalit pa, dahilan lamang sa gayong kahihiyan.”
Ang aklat na Death and Grief in the Family ay nagpapaliwanag:
“‘Ano ang sasabihin ko sa aking mga kaibigan?’ ay isang tanong na gayon na lamang kahalaga sa maraming mga anak [naiwang buháy na magkakapatid]. Madalas, ang mga ito ay nag-aakala na hindi nauunawaan ng kanilang mga kaibigan ang kanilang nararanasan. Ang mga pagsisikap na ipadama sa iba ang iyong pagdadalamhati ay maaaring tugunin lamang ng pagmulagat at di pagkabahala . . . Dahil dito, ang naulilang anak ay maaaring makadama na siya’y inaayawan, ibinubukod, at kung minsan, pinagmumukhang kakatuwa pa nga.”Kung gayon, unawain mo na ang iba kung minsan ay hindi lamang alam kung ano ang sasabihin sa isang nagdadalamhating kaibigan—kaya wala silang sinasabi. Ang iyong pangungulila ay maaaring nakapagpapaalaala sa kanila na sila man ay maaaring mawalan din ng mahal sa buhay. Dahil sa ayaw nilang maalaala iyon, umiiwas sila sa iyo.
Pakikiharap sa Iyong Pagdadalamhati
Sa pagkaalam na ang iyong pagdadalamhati ay normal ay isang malaking tulong upang maunawaan at malutas iyon. Subalit tumatagal lamang ang pagdadalamhati kapag patuloy mong tinatanggihan ang katotohanan. Kung minsan ang pamilya ay nag-iiwan ng isang bakanteng lugar sa mesang kakanan para sa namatay, na para bang ang isang yaon ay darating para kumain. Gayunman, ang isang pamilya ay iba ang ginawa. Ang sabi ng ina: “Hindi na kami kailanman nauupo sa mesang kakanan sa
dati naming lugar. Lumipat ang aking asawa sa upuan ni David, at tumulong iyon upang mapunan ang bakante.”Nakatutulong din kung maunawaan na bagaman may mga bagay na dapat at hindi dapat sanang sinabi o ginawa, karaniwan nang hindi iyon ang dahilan kung bakit namatay ang iyong mahal sa buhay. Bukod doon, “Tayong lahat ay malimit na natitisod.”—Santiago 3:2.
Sabihin sa Iba ang Iyong Nadarama
Iminungkahi ni Dr. Earl Grollman: “Hindi sapat ang basta lamang makilala ang iyong nagtatalong mga emosyon; kailangang pakitunguhan iyon nang hayagan. . . . Ito ang panahon na sabihin sa iba ang iyong nadarama.” Hindi ito panahon para ibukod mo ang iyong sarili.—Kawikaan 18:1.
Sinasabi ni Dr. Grollman na sa pagkakaila sa pagdadalamhati, “pinahahaba mo lamang ang paghihirap at pinatatagal ang patuloy na pagdadalamhati.” Iminumungkahi niya: “Humanap ng isang mabuting tagapakinig, isang kaibigan na makauunawang ang iyong nadarama ay normal na reaksiyon sa isang mapait na pagdadalamhati.” Ang isang magulang, isang kapatid na lalaki o babae, isang kaibigan, o isang matanda sa Kristiyanong kongregasyon ay madalas na mapatunayang isang tunay na alalay.
At kumusta naman kung nadarama mong ibig mong umiyak? Si Dr. Grollman ay nagdaragdag pa: “Para sa ilan, ang pagluha ang pinakamabisang gamot sa emosyonal na paghihirap, sa mga lalaki at gayundin sa mga babae at mga bata. Ang pag-iyak ay isang natural na paraan upang maibsan ang hapis.”
Pakikipagtulungan Bilang Isang Pamilya
Ang iyong mga magulang ay makatutulong din sa panahon ng pangungulila—at ikaw man ay makatutulong sa kanila. Halimbawa, sina Jane at Sarah, mula sa Inglatera, ay nawalan ng
kanilang 23-taóng-gulang na kapatid na lalaking si Darrall. Papaano nila napagtagumpayan ang kanilang pagdadalamhati? Ang sagot ni Jane: “Sapagkat kami’y apat, sinimulan kong gawin ang lahat ng mga bagay kasama ni Itay, samantalang si Sarah naman ay gumawang kasama ni Inay. Sa ganitong paraan hindi kami napag-iisa.” Nagpatuloy pa si Jane: “Ngayon ko lamang nakitang umiyak si Itay. Umiyak siya nang dalawang ulit, kung sa bagay, ay mabuti naman iyon, at sa pag-alaala niyaon, ako’y natutuwa ngayon na naroroon ako upang aliwin siya.”Isang Pag-asang Umaalalay
Ang kabataang si David, mula sa Inglatera, ay nawalan ng kaniyang 13-taóng-gulang na kapatid na si Janet dahil sa Hodgkin’s disease. Ang sabi niya: “Ang isa sa mga bagay na nakatulong sa akin nang malaki ay ang isang teksto na binanggit sa diskurso sa libing. Sinasabi niyaon: ‘Sapagkat siya’y nagtakda ng isang araw na kaniyang nilayong ipaghukom sa tinatahanang lupa sa katuwiran, at siya’y nagbigay ng katiyakan sa lahat ng tao nang kaniyang buhaying-muli siya, si Jesus, buhat sa mga patay.’ Idiniin ng tagapagsalita ang pananalitang ‘katiyakan’ may kinalaman sa pagkabuhay-muli. Iyon ang nagpalakas sa akin pagkatapos ng libing.”—Gawa 17:31; tingnan din ang Marcos 5:35-42; 12:26, 27; Juan 5:28, 29; 1 Corinto 15:3-8.
Ang pag-asa sa Bibliya na pagkabuhay-muli ay hindi nag-aalis ng pagdadalamhati. Hindi mo kailanman malilimutan ang iyong mahal sa buhay. Gayumpaman, marami ang nakasumpong ng tunay na kaginhawahan sa mga pangako ng Bibliya at bilang resulta, ay nagsimulang unti-unting mahimasmasan mula sa sakít na dulot ng pagkawala ng isang minamahal.
Mga Tanong para sa Talakayan
◻ Inaakala mo bang natural na magdalamhati sa isang mahal sa buhay na pumanaw?
◻ Anong mga emosyon ang maaaring maranasan ng isang nagdadalamhati, at bakit?
◻ Ano ang ilang paraan upang maunawaan at malutas ng isang nagdadalamhating kabataan ang kaniyang nadarama?
◻ Papaano mo maaaring aliwin ang isang kaibigan na nawalan ng isang mahal sa buhay?
[Blurb sa pahina 128]
“Hindi ko pa matanggap na wala na siya. . . . Nasusumpungan ko ang aking sarili na nagsasabing, ‘Kailangang sabihin ko ito kay Inay’”
[Blurb sa pahina 131]
“Nang mamatay si Inay, . . . naisip ko, ‘Talagang hindi ninyo ipinaalam sa amin na kayo’y mamamatay. Basta umalis kayo nang walang paalam.’ Nadama kong ako’y pinabayaan”
[Larawan sa pahina 129]
“Hindi ito tunay na nangyayari sa akin!”
[Larawan sa pahina 130]
Kapag nawalan tayo ng mahal sa buhay sa kamatayan, kailangan natin ang alalay mula sa isang madamayin