Bakit Hindi Ako Maaaring Magsaya Paminsan-minsan?
Kabanata 37
Bakit Hindi Ako Maaaring Magsaya Paminsan-minsan?
TUWING Biyernes ng gabi, si Pauline a ay dumadalo sa mga Kristiyanong pagpupulong. Nasisiyahan siya sa mga talakayan, subalit kung minsan ay dinaramdam niya ang bagay na siya’y naroroon samantalang ang kaniyang mga kaibigan sa paaralan ay nasa labas at nagsasaya.
Kapag tapos na ang pulong, nadaraanan ni Pauline ang isang lokal na paboritong tipunan ng mga kabataan pauwi sa kanila. Natatandaan niya: “Dahil naaakit ako ng malalakas na tugtugin at nagliliwanag na mga ilaw, idinidikit ko ang aking ilong sa bintana kapag dumaraan kami at sabik na nangangarap sa kasiyahang tiyak na kanilang nadarama.” Hanggang sa dumating ang panahon na ang pagnanais niya na magsaya kasama ng kaniyang mga kaibigan ay maging pinakamahalagang bagay sa kaniyang buhay.
Tulad ni Pauline, maaaring kung minsan ay nakadarama ka na dahil sa ikaw ay isang Kristiyano, mayroon kang bagay na hindi nagagawa. Gusto mong mapanood ang palabas sa TV na iyon na pinag-uusapan ng lahat, ngunit ang sabi ng iyong mga magulang iyon ay masyadong marahas. Gusto mong pumunta sa mall at maglumagi roon kasama ng mga kabataan sa paaralan, subalit tinatawag sila ng iyong mga magulang na “masasamang kasama.” (1 Corinto 15:33) Gusto mong dumalo sa kasayahang iyon na dadaluhan ng lahat ng iyong mga kaeskuwela, subalit ang sabi ng Itay at Inay ay hindi maaari.
Ang iyong mga kaeskuwela ay paroo’t parito kailanma’t gusto nila, sa mga konsiyerto at pakikipagkasayahan hanggang madaling araw na hindi pinipigilan ng kanilang mga magulang. Sa gayon ay nasusumpungan mo ang iyong sarili na naiinggit sa kanilang
kalayaan. Hindi naman sa ibig mong gumawa ng masama. Ibig mo lamang magsaya paminsan-minsan.Libangan—Ang Pangmalas ng Diyos
Makaaasa ka na wala namang masama sa pagnanais na magsaya. Tutal, si Jehova ay “ang maligayang Diyos.” (1 Timoteo 1:11) At sa pamamagitan ng pantas na lalaking si Solomon, sinabi Niya: “Binata, ikaw ay magalak sa iyong kabataan. Magsaya ka habang ikaw ay nasa iyong kabataan. Gawin mo ang nais mong gawin, at sundin mo ang naisin ng iyong puso.” Gayumpaman, pagkatapos ay nagbabala si Solomon: “Tandaan mo na ang Diyos ay hahatol sa iyo sa anumang iyong ginagawa.”—Eclesiastes 11:9, 10, Today’s English Version.
Sa pagkaalam na ikaw ang mananagot sa Diyos ng iyong sariling mga gawain, ito’y naglalagay sa libangan sa isang lubusang naiibang liwanag. Sapagkat samantalang hindi naman hinahatulan ng Diyos ang isa sa pagsasaya, hindi naman niya sinasang-ayunan ang isa na ‘maibigin sa kalayawan,’ isang taong hindi mabubuhay kung walang kasayahan. (2 Timoteo 3:1, 4) Bakit ganito? Isaalang-alang si Haring Solomon. Sa paggamit niya sa kaniyang di-maubos na kayamanan, nalasap niya ang lahat ng kalayawan na maaaring isipin ng tao. Sinasabi niya: “Anumang ninasa ng aking mga mata ay hindi ko ipinagkait. Hindi ko pinigil ang aking puso sa anumang kagalakan.” Ang resulta? “Narito! lahat ay walang kabuluhan at nauuwi sa wala.” (Eclesiastes 2:10, 11) Oo, alam ng Diyos na sa bandang huli, ang naghahanap-kalayawang buhay ay mag-iiwan sa iyong hungkag at bigo.
Ang Diyos ay nag-uutos din na lumayo ka sa maruruming gawain, gaya ng pag-abuso sa droga at pakikipagtalik bago ang kasal. (2 Corinto 7:1) Gayunman, ang marami sa mga bagay na kinatutuwaan ng mga tinedyer ay umaakay sa pagkasilo ng isa sa ganitong mga gawain. Isang batang babae, halimbawa, ay nagpasiyang dumalo nang walang kasama sa isang pagtitipon ng ilang mga kaeskuwela. “Ang musika sa stereo ay napakalakas, umaatikabong sayawan, nasa ayos ang pagkain at puro tawanan,” ang nagugunita niya. Subalit, “may nagdala ng pot. Pagkatapos ay alak. Diyan nagsimulang magkaloku-loko ang lahat.” Ang seksuwal na imoralidad ang naging bunga. Inamin ng batang babae: “Naging miserable at malulungkutin ako mula noon.” Kapag walang pangangasiwa ng mga matatanda, napakadaling maging “walang-taros na kasayahan” o katakut-takot na pagkakatuwaan ang ganoong mga pagtitipon!—Galacia 5:21, Byington.
Hindi katakataka na ang iyong mga magulang ay maging gayon na lamang ang pagmamalasakit tungkol sa kung papaano mo ginugugol ang iyong libreng panahon, marahil tinatakdaan kung saan ka lamang maaaring pumunta at kung sino ang dapat mong kasamahin. Ang kanilang motibo? Upang matulungan kang unawain ang babala ng Diyos: “Ilayo mo ang alalahanin sa iyong puso, at ilagan mo ang kasakunaan sa iyong katawan; sapagkat ang kabataan at ang kasariwaan ng buhay ay walang kabuluhan.”—Eclesiastes 11:10.
Naiinggit Ka ba sa mga Naghahanap ng Kalayawan?
Madaling malimutan ang lahat na ito at kainggitan ang kalayaang sa wari’y tinatamasa ng ilang mga kabataan. Si Pauline ay huminto sa pagdalo sa mga Kristiyanong pagpupulong at nakisama sa grupo ng mga naghahanap ng kalayawan. “Nasumpungan ko ang aking sarili na gumagawa ng lahat ng mga maling gawaing ibinababala sa akin,” naaalaala niya. Ang pagpapakalabis sa kalayawan ni Pauline ay nagbunga sa wakas ng pag-aresto sa kaniya at paglalagay sa kaniya sa isang paaralan para sa nagkasalang mga batang babae!
Matagal na panahon na ang nakalilipas ang manunulat ng Awit 73 ay may damdaming katulad ng kay Pauline. “Ako’y nanaghili sa hambog, nang aking makita ang kaginhawahan ng masasama,” ipinagtapat niya. Pinag-alinlanganan pa man din niya ang kahalagahan ng pamumuhay sa makatuwirang mga prinsipyo. “Tunay na walang kabuluhan ang pagkalinis ko sa aking puso at ang pagkahugas ko sa aking mga kamay sa kawalang-sala,” ang sabi niya. Subalit isang malalim na kaunawaan ang sumapit sa kaniya: Ang masasamang tao ay “nasa madulas na lupa,” pahapay-hapay sa bingit ng kapahamakan!—Awit 73:3, 13, 18.
Natutuhan ito ni Pauline—sa mahirap na paraan. Pagkaraan
ng kaniyang makasanlibutang layaw, gumawa siya ng malaking pagbabago sa kaniyang buhay upang matamo-muli ang pagsang-ayon ng Diyos. Ikaw, sa kabilang panig, ay hindi kailangang dumanas ng pag-aresto, magkaroon ng isang nakahahawang sakit sa sekso, o dumanas ng mga paghihirap sa epekto ng droga upang mapagtanto na ang hantungan ng isang ‘kasayahan’ ay maaaring maging masaklap. May maraming mga kapaki-pakinabang, nakapagpapalakas na mga paraan upang magsaya na ligtas sa gayong mga kapanganiban. Ano ang ilan sa mga yaon?Kapaki-pakinabang na mga Kasayahan
Ang isang surbey sa mga kabataang Amerikano ay nagbunyag na ang mga tinedyer ay “nasisiyahan sa paminsan-minsang paglabas at mga gawain ng pamilya.” Ang paggawang magkakasama bilang isang pamilya ay hindi lamang nakatutuwa kundi nagdaragdag din naman sa pagkakaisa ng pamilya.
Ito’y nangangahulugan nang higit pa kaysa sa panonood lamang ng TV na sama-sama. Ang sabi ni Dr. Anthony Pietropinto: “Ang problema sa panonood ng telebisyon ay na, samantalang ito’y ginagawa kasama ng iba, pangunahin nang ito’y isang gawaing pang-isahan. . . . Gayunman, ang mga libangang tulad ng mga larong ginaganap sa loob ng bahay, mga isport na panlabas, mga talakayan sa pagluluto, paggawa ng mga proyekto, at ang pagbabasa nang malakas ay naglalaan ng mas maraming pagkakataon sa pakikipag-usap, pakikipagtulungan, at pagpapasigla sa pangkaisipan kaysa nagagawa ng walang-kibong pagkaabala sa panonood ng TV ng modernong pamilya.” Gaya ng sabi ni John, ama ng pito: ‘Kahit na ang paglilinis ng bakuran o ang pagpipinta ng bahay ay maaaring maging nakatutuwa kapag ito’y ginawa bilang isang pamilya.’
Kung ang iyong pamilya ay hindi na nagsasagawa nito nang sama-sama, mauna ka at imungkahi mo ang mga yaon sa iyong mga magulang. Subukang magbigay ng mga interesante at nakapananabik na mga ideya para sa mga pampamilyang pagliliwaliw o mga proyekto.
Gayunman, hindi kailangang laging kasama ka ng iba upang bigyang-kasiyahan ang sarili. Si Mary, isang kabataan na nag-iingat sa kaniyang pakikisama, ay natutuhan kung papaano siya masisiyahan kahit nag-iisa. “Tumutugtog ako ng piyano at biyolin, at gumugugol ako ng panahon sa pag-eensayo ng mga yaon,” ang sabi niya. Si Melissa, isa pang dalagita, ay gayundin ang sabi: “Kung minsan ay ginugugol ko ang panahon sa pagsusulat ng kuwento o tulain para sa aking sariling kasiyahan.” Ikaw man ay matututong gamitin ang panahon nang mabunga sa pamamagitan ng pagpapaunlad sa mga kasanayang gaya ng pagbabasa, pagkakarpintero, o pagtugtog ng mga instrumento.
Mga Pagtitipong Kristiyano
Sa pana-panahon, nakatutuwa rin naman na magsama-sama ang magkakaibigan. At sa maraming mga lugar ay may ilang mga kapaki-pakinabang na mga gawaing ikasisiya mo. Ang pagboboling, pag-iisketing, pamimisikleta, paglalaro ng besbol, at basketbol ay popular sa Hilagang Amerika. Puwede ring dagdagan mo pa at subukang pumunta sa isang museo o sa isang zoo. At, oo, may isang lugar na makapagsasama-sama kayo at makapagpatugtog
ng mga plaka o manood ng kapaki-pakinabang na palabas sa TV kasama ng ibang Kristiyanong mga kabataan.Maaari mo rin namang hilingan ang iyong mga magulang na tulungan kang magplano ng isang mas pormal na pagtitipon. Gawin mo iyong kapana-panabik sa pamamagitan ng pagsasaayos ng iba’t ibang mga gawain, gaya ng mga laro at pangkatang pag-awit. Kung ang ilan sa iyong mga kaibigan ay may mga katangiang pangmusika, baka puwede silang suyuing magpalabas nang kahit kaunti. Ang mabuting pagkain ay nakadaragdag sa isang okasyon, subalit hindi kailangang maging espesyal o mahal. Kung minsan ang mga bisita ay nagdadala ng kani-kanilang mga pagkain.
Mayroon bang isang parke o isang lugar sa malapit na maaaring makapaglaro ng bola o kaya’y lumangoy? Bakit hindi magplano na magpiknik? Muli, ang mga pamilya ay maaaring magdala ng mga pagkain upang sa gayon ay walang isang mabibigatan.
Ang susi ay ang pagiging katamtaman lamang. Ang tugtugin ay hindi kailangang nakabibingi upang maging kasiya-siya, ni kailangang ang sayaw ay maging magaspang o mahalay upang katuwaan. Sa katulad na paraan, ang mga larong panlabas ay maaaringGalacia 5:26.
maging kasiya-siya nang walang puspusang kompetisyon. Gayunman, ganito ang ulat ng isang magulang: “Ang ilang mga kabataan kung minsan ay nagtatalo, halos sa puntong nag-aaway na.” Panatilihing nakasisiya ang gayong mga gawain sa pamamagitan ng pagsunod sa payo ng Bibliya upang maiwasan ang ‘pagpapaligsahan sa isa’t isa.’—Sino ang iyong aanyayahan? Ang sabi ng Bibliya, “Ibigin ninyo ang buong kapatiran.” (1 Pedro 2:17) Bakit lilimitahan ang iyong pakikipagtipon sa kaedad mo? Palawakin ang iyong pakikipagsamahan. (Ihambing ang 2 Corinto 6:13.) Ang isang magulang ay pumansin: “Ang mga may edad, bagaman hindi madalas na kasali sa ilang mga gawain, ay nasisiyahan sa pagdalo at panonood sa mga nagaganap.” Ang pagkanaroroon ng mga matatanda ay malimit na tumutulong na maiwasan ang paglihis ng mga bagay-bagay. Sabihin pa, imposible na maanyayahan “ang buong samahan” sa isang pagtitipon. Bukod dito, ang maliit na pagtitipon ay mas madaling makontrol.
Ang Kristiyanong pagtitipon ay nagbibigay rin ng pagkakataon na magpalakasan sa espirituwal. Totoo, may ilang mga kabataang nag-iisip na ang pagdaragdag ng espirituwalidad sa isang pagtitipon ay nakapag-aalis ng katuwaan. “Nang magkaroon kami ng pagtitipon,” ang reklamo ng isang Kristiyanong batang lalaki, “iyon ay, ‘Maupo, ilabas ang iyong Bibliya, at maglaro ng Bible games.’” Gayunman, ang mang-aawit ay nagsabi: “Maligaya ang tao . . . [na ang] kasayahan ay nasa kautusan ni Jehova.” (Awit 1:1, 2) Ang mga talakayan—o maging ang mga laro—na nakasentro sa Bibliya ay sa gayon maaaring maging kasiya-siya. Marahil kailangan lamang ang paghahasa ng iyong kaalaman sa Kasulatan upang makasali nang lubusan.
Ang isa pang ideya ay ang pagkakaroon ng ilang magsasalaysay kung papaano sila naging mga Kristiyano. O dagdagan ng kaunting init at tawanan sa pamamagitan ng pag-anyaya sa ilan na maglahad ng nakatutuwang mga kuwento. Madalas na ito’y nagtuturo ng mahahalagang leksiyon. Ang ilang mga kabanata sa aklat na ito ay maaaring bumuo ng saligan para sa isang kapana-panabik na talakayan ng grupo sa isang pagtitipon.
Panatilihing Balanse ang Paglilibang!
Si Jesu-Kristo ay hindi natatangi sa pagkakaroon ng kasiyahan paminsan-minsan. Ang Bibliya ay bumabanggit ng kaniyang pagdalo sa isang pagdiriwang ng kasalan sa Cana, na kung saan ang mga pagkain, tugtugan, sayawan, at nakapagpapalakas na pagsasamahan ay walang alinlangang sagana. Si Jesus ay nag-abuloy pa man din sa ikapagtatagumpay ng pagdiriwang ng kasalan sa pamamagitan ng makahimalang paglalaan ng alak!—Juan 2:3-11.
Subalit ang buhay ni Jesus ay hindi naman walang-katapusang kasayahan. Ginugol niya ang karamihan ng kaniyang panahon sa pagtataguyod ng espirituwal na mga interes, sa pagtuturo sa mga tao ng kalooban ng Diyos. Ang sabi niya: “Ang pagkain ko ay ang aking gawin ang kalooban ng sa akin ay nagsugo, at tapusin ang kaniyang gawa.” (Juan 4:34) Ang paggawa ng kalooban ng Diyos ay nagdulot kay Jesus ng walang katapusang kasiyahan kaysa sa idinudulot ng ilang mga pansamantalang libangan. Sa ngayon, “sumasagana [pa rin] sa gawa ng Panginoon.” (1 Corinto 15:58; Mateo 24:14) Subalit kapag, sa pana-panahon, nakadarama ka ng pangangailangan sa ilang mga libangan, tamasahin iyon sa isang balanse, kapaki-pakinabang na paraan. Gaya ng pagkaturing dito ng isang manunulat: “Ang buhay ay hindi maaaring palaging punung-puno ng aksiyon at katuwaan—at malamang na mapapagod ka rin kung gayon nga!”
[Talababa]
a Hindi niya tunay na pangalan.
Mga Tanong para sa Talakayan
◻ Bakit ang ilang mga kabataang Kristiyano ay nananaghili sa mga kabataan ng sanlibutan? Nadama mo na rin ba ang ganito?
◻ Anong babala ang ibinibigay ng Diyos sa mga kabataan may kinalaman sa kanilang pag-uugali, at papaano ito nakaaapekto sa kanilang pagpili ng libangan?
◻ Bakit kamangmangan na managhili sa mga kabataang sumusuway sa mga batas at prinsipyo ng Diyos?
◻ Ano ang ilang mga paraan upang masiyahan sa kapaki-pakinabang na mga libangan (1) kasama ng mga miyembro ng pamilya, (2) nang nag-iisa, at (3) kasama ng kapuwa mga Kristiyano?
◻ Papaano nagpakita ng halimbawa si Jesus sa pagiging balanse may kinalaman sa paglilibang?
[Blurb sa pahina 297]
“Dahil naaakit ako ng malalakas na tugtugin at nagliliwanag na mga ilaw, idinidikit ko ang aking ilong sa bintana kapag dumaraan kami at sabik na nangangarap sa kasiyahang tiyak na kanilang nadarama”
[Blurb sa pahina 302]
“May nagdala ng pot. Pagkatapos ay alak. Diyan nagsimulang magkaloku-loko ang lahat”
[Larawan sa pahina 299]
Ang mga kabataan ba na sumusunod sa mga prinsipyo ng Bibliya ay talagang nawawalan ng kasiyahan?
[Mga Larawan sa pahina 300]
Ang pagkakaroon ng hobby ay isang kapaki-pakinabang na paraan ng paggamit ng libreng panahon
[Mga Larawan sa pahina 301]
Ang Kristiyanong mga pagtitipon ay mas nakasisiya kapag ang mga bagay-bagay ay isinaplano at dinaluhan ng may iba’t ibang antas ng edad