Papaano Ko Mapipigil ang Aking Hilig sa Panonood ng TV?
Kabanata 36
Papaano Ko Mapipigil ang Aking Hilig sa Panonood ng TV?
PARA sa marami, bata at matanda, ang panonood ng TV ay umaabot sa malubhang pagkagumon. Ang surbey ay nagpapakita na sa edad na 18 ang isang karaniwang kabataang Amerikano ay makagugugol ng mga 15,000 oras sa panonood ng TV! At na ang pagkasangkot sa isang tunay na pagkagumon ay nahahalata kapag ang pusakal na mga tagapanood na ito ay sumusubok na alisin na ang hilig na ito.
“Nakita kong ang panonood ng TV ay napakahirap paglabanan. Kapag bukás na ang set, hindi ko iyon maiwasan. Hindi ko iyon mapatáy. . . . Kapag inaabót ko na ang set para patayin, nawawalan ng lakas ang aking mga bisig. Kaya naman nauupo na lamang ako roon nang mahabang oras.” Isa ba itong walang-gulang na kabataan? Hindi, ito’y isang propesor sa Ingles sa kolehiyo! Subalit ang mga kabataan man ay maaaring maging sugapa sa TV. Bigyang-pansin ang mga reaksiyon ng ilan na sumang-ayon sa isang “Linggong Walang TV”:
“Nakadarama ako ng pamimighati . . . Parang masisira ang aking ulo.”—Labindalawang-taóng-gulang na si Susan.
“Parang hindi ko kayang maalis ang hilig. Gayon na lamang ang aking pagkakagusto sa TV.”—Labintatlong-taóng gulang na si Linda.
“Ang panggigipit ay gayon na lamang. Nananatili sa akin ang simbuyo ng pagnanais. Ang pinakamahirap na sandali ay sa gabi sa pagitan ng alas otso at alas diyes.”—Labing-isang-taóng gulang na si Louis.
Hindi katakataka kung gayon na ang karamihan sa kabataang kasangkot ay nagdiriwang pagsapit ng katapusan ng “Linggong Walang TV” anupa’t halos mabaliw-baliw sa pagmamadali ng pagbubukás ng TV set. Subalit hindi ito dapat pagtawanan, ang pagkasugapa sa TV ay nagdadala ng maraming posibleng mga problema. Isaalang-alang ang ilan lamang sa mga ito:
Pagbaba ng mga marka: Ang National Institute of Mental Health (E.U.) ay nag-ulat na ang labis na panonood ng TV ay maaaring umakay sa “mas mababang nagagawa sa paaralan, lalo na sa pagbasa.” Ang aklat na The Literacy Hoax ay nagpaparatang pa: “Ang epekto ng telebisyon sa mga bata ay na ito’y lumilikha ng pag-asang ang pagkatuto ay dapat na maging madali lamang, walang ginagawa, at nakalilibang.” Ang isang sugapa sa TV sa gayon ay nakasusumpong na ang pag-aaral ay isang mahirap na bagay.
Di-mabuting ugali sa pagbasa: Kailan mo huling dinampot ang isang aklat at binasa iyon mula sa pasimula hanggang katapusan? Isang tagapagsalita para sa West German Association of Book Dealers ay buong lungkot na nagsabi: “Tayo’y naging isang bansa ng mga taong umuuwi sa kanilang tahanan pagkatapos ng trabaho at nakakatulog sa harap ng telebisyon. Pakaunti nang pakaunti ang ating pagbasa.” Ang isang ulat sa Australya ay nagsabi rin nang ganito: “Sa bawat isang oras na ginagamit sa pagbasa, ang isang karaniwang batang Australyano ay gumugugol ng pitong oras sa panonood ng telebisyon.”
Nababawasan ang pakikisama sa pamilya: Ganito ang sulat ng isang Kristiyanong babae: “Dahilan sa labis na panonood ng TV . . . Ako’y labis na nalulungkot at nakadarama na parang napawalay. Para bang ang [aking] pamilya ay mga ibang taong lahat.” Nasusumpungan mo rin ba ang iyong sarili na nababawasan ang panahon sa pakikisama sa iyong pamilya dahilan sa TV?
Katamaran: Ang ilan ay nag-iisip na ang pagiging walang ginagawa sa harap ng TV “ay maaaring umakay sa [isang kabataan] na umasang ang [kaniyang] pangangailangan ay matatamo nang walang pagsisikap at gayundin sa isang walang kibong pagharap sa buhay.”
Pagiging lantad sa di-kanais-nais na mga impluwensiya: Ang ilang mga istasyon ng telebisyon ay nagdadala ng pornograpiya sa tahanan. At ang regular na mga programa ay palaging naglalaan ng tungkol sa mga banggaan ng kotse, mga pagpapasabog, pananaksak, pamamaril, at mga sipa ng karate. Sang-ayon sa isang pagtantiya, ang isang kabataan sa Estados Unidos ay makasasaksi ng pagpatay sa 18,000 mga tao sa TV sa panahong
siya ay 14-na-taóng-gulang, puwera pa ang mga suntukan at katampalasanan.Ang Britanong mananaliksik na si William Belson ay nakasumpong na ang mga lalaking lumaki sa mararahas na mga panoorin sa TV ay malamang na “mapasangkot sa malubhang uri ng karahasan.” Sinabi rin niya na ang karahasan sa TV ay makapagbubuyo sa “pagmumura at paggamit ng malaswang salita, kapusukan sa isport o laro, pagbabanta ng karahasan sa ibang bata, pagsulat sa mga pader, [at] paninira ng mga bintana.” Samantalang iniisip mong hindi ka tatablan ng gayong mga impluwensiya, ang pagsusuri ni Belson ay nakasumpong na ang pagkalantad sa karahasan sa TV ay hindi “nagpabago [sa] may kabatirang mga saloobin ng mga bata tungkol sa” karahasan. Ang palagiang panonood ng karahasan ay nag-aalis sa kanilang natatago-sa-kaisipang mga pagtutol laban sa karahasan.
Subalit ang mas nakababahala ay ang epekto na idudulot ng pagkasugapa sa karahasan sa TV may kinalaman sa relasyon ng isa sa Diyos na ‘napopoot sa isa na umiibig sa karahasan.’—Awit 11:5.
Papaano Ko Mapipigil ang Aking Panonood?
Hindi naman ito nangangahulugan na ang TV ay dapat malasin bilang likas na masama. Ang manunulat na si Vance Packard ay nagpaliwanag: “Marami sa mga napapanood sa telebisyon sa E.U. ay kapaki-pakinabanag . . . Madalas ay may mga panggabing mga palabas ng tunay na napakagagandang nagagawa ng potograpiya na ipinakikita ang gawa ng kalikasan—mula sa pagkilos ng mga paniki, beavers, bison hanggang sa mga isda.
Ang telebisyong pampubliko ay may kaakit-akit na ballet, opera, at musika. Ang TV ay napakahusay rin sa pagkuha ng mga mahahalagang pangyayari . . . Paminsan-minsan ang TV ay nagpapalabas ng nakapagtuturong mga dula.”Gayumpaman, kapag sobra sa isang bagay kahit na mabuti ay maaari ring makasamâ. (Ihambing ang Kawikaan 25:27.) At kapag nasumpungan mong kulang ka sa pagpipigil-sa-sarili upang isara ang nakasasamang mga palabas, makabubuti na alalahanin ang mga salita ni apostol Pablo: “Hindi ako pasasakop sa kapangyarihan ng anuman.” (1 Corinto 6:12, Today’s English Version) Papaano ka, kung gayon, makalalaya mula sa pagkaalipin sa TV at mapigil ang iyong panonood?
Ang manunulat na si Linda Nielsen ay pumapansin: “Ang pagpipigil-sa-sarili ay nagsisimula sa paglalagay ng mga tunguhin.” Una, suriin ang iyong kasalukuyang hilig. Sa loob ng isang linggo, bilangin mo kung anu-anong palabas ang iyong pinanonood at kung gaanong panahon ang iyong ginugugol sa bawat araw sa harap ng TV. Binubuksan mo ba agad ito pagdating na pagdating
ng bahay? Kailan mo ito pinapatay? Ilang mga palabas ang “kailangang panoorin” linggu-linggo? Maaaring magulat ka sa mga resulta.Pagkatapos ay tingnang mabuti ang palabas na iyong pinanonood. “Hindi ba lumilitis ng mga salita ang pakinig gaya ng ngalangala na lumalasa ng pagkain niya?” ang tanong ng Bibliya. (Job 12:11) Kaya gumamit ng kaunawaan (kasama ng payo ng iyong mga magulang) at suriin kung aling palabas ang tunay na karapatdapat panoorin. Ang ilan ay tumitiyak sa pasimula pa lamang kung aling palabas ang kanilang panonoorin at binubuksan ang TV sa mga palabas na iyon lamang! Ang iba ay gumagawa ng mas istriktong hakbang, na may alituntuning walang-telebisyon-sa-mga-araw-na-may-pasok o isang-oras-sa-isang-araw na limitasyon.
Subalit ano kung ang tahimik na TV set ay napatunayang isang matinding tukso? Ang isang pamilya ay lumutas ng suliranin sa ganitong paraan: “Inilagay namin ang aming set sa basement para hindi namin nakikita . . . Sa basement mas kakaunti ang tukso na basta buksan iyon pagdating ng bahay. Kailangang sadyain mo pa iyon sa ibaba upang makapanood ka.” Ang paglalagay ng iyong set sa isang munting silid, o kaya’y iwanan iyong hindi nakasaksak, ay mabisang paraan na maaaring gawin.
Kapansin-pansin, sa gitna ng kanilang ‘hirap sa pag-iwas sa panonood’ ang mga kabataang lumalahok sa “Linggong Walang TV” ay nakasumpong ng ilang positibong panghalili sa TV. Isang batang babae ang nakaalaala: “Nakipag-usap ako kay
Inay. Siya’y naging mas interesanteng tao sa aking paningin, sapagkat ang aking atensiyon ay hindi nababahagi sa kaniya at sa telebisyon.” Ang isa pang batang babae ay nagpalipas ng oras sa pagluluto. Isang batang lalaki na nagngangalang Jason ang nakatuklas na mas nakatutuwang pumunta “sa parke sa halip na manood ng TV,” o mangisda, magbasa, o pumunta sa beach.Ang karanasan ni Wyant (tingnan ang nakalakip na pinamagatang “Ako’y isang Sugapa sa TV”) ay naglalarawan na ang isa pang susi sa pagpigil sa panonood ng TV ay ang pagkakaroon ng “maraming gawain sa Panginoon.” (1 Corinto 15:58) Ikaw man ay makasusumpong na ang paglapit sa Diyos, na pinag-aaralan ang Bibliya sa tulong ng maraming mabubuting publikasyon na magagamit, at pinapagiging abala ang sarili sa gawain ng Diyos ay tutulong sa iyo na mapagtagumpayan ang pagkasugapa sa TV. (Santiago 4:8) Totoo, ang pagbabawas sa iyong panonood ng TV ay mangangahulugan na hindi mo mapapanood ang ilan sa iyong mga paboritong palabas. Subalit bakit nga ba dapat mong hustuhin ang panonood ng TV, na parang aliping sinusubaybayan ang bawat palabas? (Tingnan ang 1 Corinto 7:29, 31.) Mas mabuti na maging ‘matatag’ ka sa iyong sarili na tulad ni apostol Pablo, na minsang nagsabi: “Hinahampas ko ang aking katawan at sinusupil na parang alipin.” (1 Corinto 9:27) Hindi ba mas mabuti ito kaysa maging alipin ka ng isang TV set?
Mga Tanong para sa Talakayan
◻ Bakit ang panonood ng TV ay maaaring tawaging pagkagumon para sa ilang mga kabataan?
◻ Ano ang ilan sa mga posibleng nakapipinsalang epekto ng labis na panonood ng TV?
◻ Ano ang ilang paraan ng pagpigil sa panonood ng TV?
◻ Ano ang maaari mong gawin sa halip na manood ng TV?
[Blurb sa pahina 295]
“Nakadarama ako ng pamimighati . . . Parang masisira ang aking ulo.”—Labindalawang-taóng-gulang na si Susan, isang kalahok sa “Linggong Walang TV”
[Kahon sa pahina 292, 293]
‘Ako’y Isang Sugapa sa TV’—Isang Interbiyu
Tagapagpanayam: Ilang taon ka noon nang masilo ka ng TV?
Wyant: Mga sampung taon. Pagdating na pagdating ko sa bahay galing sa paaralan, binubuksan ko agad ang TV. Una, pinanonood ko ang mga cartoons at mga programang pambata. Pagkatapos ay susundan naman ng balita, . . . at pupunta ako sa kusina at maghahanap ng makakain. Pagkatapos noon, babalik ako sa TV at manonood hanggang sa antukin ako.
Tagapagpanayam: Subalit kailan ka nagkakapanahon sa iyong mga kaibigan?
Wyant: Ang kaibigan ko ay ang TV.
Tagapagpanayam: Kung gayon ay hindi ka nagkapanahon kailanman sa paglalaro at isport?
Wyant: [nagtatawa] Wala akong kakayahan sa paglalaro. Sa dahilang lagi akong nanonood ng TV, hindi ko kailanman napaunlad ang mga yaon. Isa akong teribleng manlalaro ng basketbol. At sa klase namin sa gym ako ang laging huling pinipili. Bagaman, pinapangarap ko rin na mapaunlad kahit kaunti ang aking kakayahan sa paglalaro—hindi naman para maipagyabang ko iyon, kundi para lamang masiyahan ako kahit na papaano.
Tagapagpanayam: Kumusta naman ang iyong mga marka?
Wyant: Nakapasa naman ako sa grammar school. Nagpupuyat ako at ginagawa ko ang aking araling-bahay sa huling minuto. Subalit mas mahirap sa haiskul dahil nasanay na ako sa hindi tamang paraan ng pag-aaral.
Tagapagpanayam: Ang panonood ba ng TV ay nakaapekto sa iyo?
Wyant: Oo, kung minsan kapag ako’y kasama ng mga tao, nasusumpungan ko ang aking sarili na basta nanonood lamang sa kanila—para bang nanonood ako ng talk show sa TV—sa halip na makibahagi sa usapan. Sana’y mas mahusay akong makipag-usap sa mga tao.
Tagapagpanayam: Bueno, mahusay naman ang nagawa mo sa pag-uusap na ito. Maliwanag na napagtagumpayan mo na ang iyong pagkagumon.
Wyant: Sinimulan kong tigilan ang TV pagkatapos na pumasok ako sa haiskul. . . . Hinanap ko ang pakikisama ng mga kabataang Saksi at nagsimulang gumawa ng espirituwal na pagsulong.
Tagapagpanayam: Subalit ano ang kinalaman nito sa iyong panonood ng TV?
Wyant: Habang lumalaki ang aking pagpapahalaga sa espirituwal na mga bagay, napagtanto ko na ang marami sa mga palabas na dati kong pinanonood ay hindi para sa mga Kristiyano. Gayundin, naisip kong kailangan pa ang higit na pag-aaral ng Bibliya at maghanda sa Kristiyanong mga pagpupulong. Iyan ay nangahulugan ng pagputol sa halos lahat ng panonood ng TV. Gayunman, hindi iyon madali. Gustung-gusto ko noon ang Sabado-ng-umagang mga cartoon. Subalit isang Kristiyanong kapatid na lalaki sa kongregasyon ang nag-anyaya sa akin na sumama sa kaniya sa bahay-bahay na gawaing pangangaral sa Sabado ng umaga. Iyan ang pumutol ng aking bisyong panonood ng TV tuwing Sabado. Kaya sa katapusan ay tunay na natutuhan kong bawasan ang aking panonood ng TV.
Tagapagpanayam: Kumusta naman ngayon?
Wyant: Bueno, may problema pa rin ako na kapag bukás ang TV, wala akong magawa. Kaya palaging nakasara iyon. Ang totoo, ang aking TV ay nasira mga ilang buwan na ang nakalilipas at ni hindi ko iyon pinagagawa.
[Larawan sa pahina 291]
Ang panonood ng TV ay isang malubhang pagkagumon para sa ilan
[Larawan sa pahina 294]
Kapag ang telebisyon ay inilagay sa isang hindi kombinyenteng lugar, mas kakaunti ang tukso na buksan iyon