Mga Sagot na Lumulutas
Paunang-Salita
Mga Sagot na Lumulutas
‘BAKIT AYAW akong unawain ng aking mga magulang?’ ‘Susubukan ko ba ang droga at alkohol?’ ‘Tama kaya ang pagsisiping muna bago ang kasal?’ ‘Papaano ko malalaman kung ito nga’y tunay na pag-ibig?’ ‘Ano mayroon ang kinabukasan para sa akin?’
Hindi lamang ikaw ang una—ni ang huli—na kabataang nagtanong ng mga katanungang iyan. Gayunman, kapag ibinabangon ng mga kabataan ang mahahalagang mga isyung ito, sila’y madalas na pinauulanan ng sunud-sunod na nagkakasalungatang mga sagot. Halimbawa, ang pag-inom ng nakalalasing na inumin. Ang mga magulang ay pumipigil dito—gayong sila naman ay umiinom din. Ang mga magasin at mga panoorin sa TV ay nagtatampok nito. Hinihimok ka ng iyong mga kasamahan na subukin ito. Hindi nakapagtataka, kung gayon, na maraming kabataan ang litung-lito sa kung ano ang kanilang gagawin.
Sa pagkilala sa pangangailangan ng tapat, nakalulutas na mga sagot sa mga tanong ng mga kabataan sa ngayon, ang magasing Gumising! a ay nagpasimula ng isang tampok na serye na pinamagatang “Ang mga Kabataan ay Nagtatanong . . . ” noong Enero 1982. Ang serye ay nakakuha ng kagyat at mabuting pagtugon mula sa mga mambabasa. “Ang serye ay patunay ng inyong patuloy na pagpapakita ng interes sa suliranin ng mga kabataan sa ngayon,” isinulat ng isang nasisiyahang mambabasa. “Ako’y umaasa at nananalangin na ang mga artikulong ito ay magpapatuloy,” ang sulat naman ng isa.
Ganito pa ang pagkasabi ng isa pang mambabasa: ‘Ako’y 14-na-taóng gulang at hindi ko kailanman inakala na napakahirap pala kapag lumalaki na. Napakaraming kaigtingan sa mga kabataan sa ngayon. Kaya naman ako’y tumatanaw ng utang na loob dahil sa mga artikulo. Nagpapasalamat ako gabi-gabi sa Diyos dahil sa paglalathala ng mga ito.’ Gayunman, ang mga
artikulo ay hindi naman para sa mga batang walang muáng, ni iyon man ay may pagtatangkang “isulat para hamakin” ang mga mambabasa. “Ang mga Kabataan ay Nagtatanong . . . ” kung gayon ay nakatagpo ng mga nasisiyahang mambabasa sa gitna ng mga may sapat na gulang na. “Apatnapung taóng-gulang na ako,” ang sulat ng isang magulang. “Ang mga artikulong ito ay totoong bigay-Diyos sa amin bilang mga magulang.” Nakita ng mga Kristiyanong matatanda na ang mga iyon ay pinakatulong upang maunawaan ang mga kabataan sa mga kongregasyon ng mga Saksi ni Jehova at kung papaano sila pakikitunguhan.Bakit itong “Ang mga Kabataan ay Nagtatanong . . . ” ay nagsimulang tumanggap ng ganitong masiglang pagtugon? Ang mga sagot na ibinibigay ay tunay na maaasahan! Ang bawat artikulo ay likha ng malawak na pagsasaliksik. Bukod doon, upang matiyak ang tunay na kaisipan at damdamin ng mga kabataan, ang mga reporter ng Gumising! ay nakipag-usap na sa daan-daang mga kabataan sa buong daigdig! Ang kanilang matapat na mga pagpapahayag ay nakatulong nang malaki upang ang mga artikulo ay maging makatotohanan at praktikal.
Gayunman, ang tunay na lihim ng tagumpay ng “Ang mga Kabataan ay Nagtatanong . . . ” ay nakasalalay sa bagay na ang mga sagot na ibinibigay nito ay salig, hindi sa teorya o personal na opinyon, kundi salig sa walang-hanggang katotohanan na matatagpuan sa Salita ng Diyos, ang Bibliya. ‘Ang Bibliya?’ Marahil ay itatanong mo. Oo, ito’y maraming masasabi sa mga kabataan. (Tingnan ang Kawikaan, kabanata 1-7; Efeso 6:1-3.) Kinasihan iyon ng ating Maylikha, na matalinong nakababatid ng “masasamang pita ng kabataan.” (2 Timoteo 2:20-22; 3:16) At samantalang ang lipunan ng mga tao ay may malaking pagbabago magmula noong mga panahon ng Bibliya, ang mga pita ng kabataan ay hindi gaanong nagbago. Ang Bibliya kung gayon ay nananatiling napapanahon. Gayunman, nagsikap kami na maiharap ang payo ng Bibliya sa paraan na ang mga kabataan ay hindi makadarama na sila’y sinisermonan mula sa Bibliya, kundi sa halip ay nangangatuwiran mula roon. At bagaman ang materyales ay sadyang isinulat na taglay sa isipan ang mga kabataan sa gitna ng mga Saksi ni Jehova, ito’y maaaring basahin at kalugurán ng sinumang may paggalang sa praktikal na karunungan na nakapaloob sa Bibliya.
Bilang tugon sa mga kahilingan ng maraming mambabasa, tinipon namin ang ilang mga artikulo ng “Ang mga Kabataan ay
Nagtatanong . . . ” sa anyong aklat. Ang 39 na mga kabanatang narito ay kumakatawan, sa pinaikling anyo, sa mga impormasyon mula sa mahigit na 100 ng halos 200 artikulo na lumabas sa Gumising! sa pagitan ng 1982 at 1989. Ang ilang mga bagong materyales ay idinagdag. Karagdagan pa, ito’y may maraming larawan ng mga kabataan mula sa iba’t ibang mga lupain at lahi.Malayang isa-isahin ang mga nilalaman at tumungo kaagad sa mga tanong na may kinalamang higit sa iyo. Ngunit, iminumungkahi namin na pagkatapos ay basahin mo rin sa pangkalahatan ang aklat, na tinitingnan ang mga teksto sa iyong sariling kopya ng Bibliya.
Sa ilang mga pamilya, ang magulang-sa-anak na pakikipagtalastasan ay hindi umiiral o kaya’y di-pinagkasanayan. Kung kaya idinagdag namin ang isang bahagi na tinatawag na Mga Tanong para sa Talakayan, na makikita sa katapusan ng bawat kabanata. Ang mga tanong ay hindi dinisenyo para sa parapo-por-parapong mga pagsusuri. Ni isang paraan upang subukin ang kanilang mga anak. Ang mga ito’y dinisenyo upang pasiglahin ang isang talakayan sa pagitan ng mga kabataan at mga magulang. Ang marami sa mga katanungan ay magpapahintulot sa iyo na magbigay ng iyong sariling punto-de-vista o ikapit sa iyong sariling situwasyon ang materyal sa talakayan.
Ang maraming pamilya ay maaari kung gayon na naising gamitin paminsan-minsan ang aklat na ito bilang saligan sa pantahanang pag-aaral. Ang mga miyembro ng pamilya ay maaaring bumasang isa-isa ng mga parapo, na tinitingnan ang mga tekstong nakaulat. Maaaring huminto muna at itanong ang Mga Tanong para sa Talakayan, kapag nabasa na ang mga angkop na subtitulo o pagkatapos na mabasa na ang buong kabanata. Ang lahat ay pinasisigla na sabihin ang kaniyang niloloob nang hayagan at may katapatan. Maaaring masiyahan ang mga kabataan na talakayin nilang sama-sama ang aklat.
Ito ang “mga panahong mahirap pakibagayan,” kahit na sa mga kabataan. (2 Timoteo 3:1) Gayunman, sa pamamagitan ng kaalaman mula sa Bibliya, ikaw ay maaaring matagumpay na makalampas sa mahirap na panahon ng buhay. (Awit 119:9) Kung gayon, isang kagalakan namin na makapaglaan ng ganitong koleksiyon ng praktikal, salig-sa-Bibliyang mga sagot sa mga tanong na makalilito sa iyo.
Ang mga Tagapaglathala
[Talababa]
a Inilalathala makalawa isang buwan ng Watch Tower Bible and Tract Society of the Philippines, Inc.