Pumunta sa nilalaman

Pumunta sa talaan ng mga nilalaman

Papaano Ko Malalaman Kung Ito Nga’y Tunay na Pag-ibig?

Papaano Ko Malalaman Kung Ito Nga’y Tunay na Pag-ibig?

Kabanata 31

Papaano Ko Malalaman Kung Ito Nga’y Tunay na Pag-ibig?

PAG-IBIG​—sa mga may matang pinakikislap ng romansa ito ay mahiwagang karamdaman na bumibihag, isang damdamin na minsan lamang mangyari sa buhay, tigib ng masidhing kaligayahan. Ang pag-ibig, sabi nila, ay pantanging karanasan ng puso, bagay na hindi puwedeng unawain, dapat lamang na damhin. Ito ay nananaig sa lahat at walang-hanggan . . .

Ganito ang mga romantikong pagpapakahulugan. At walang alinlangan, ang umibig ay puwedeng maging isang napakagandang karanasan. Ngunit ano ba ang tunay na pag-ibig?

Pag-ibig sa Unang Pagtatagpo?

Si Janet ay unang nakilala ni David sa isang party. Agad siyang naakit sa magandang katawan nito at sa pagtakip ng buhok nito sa mata kapag tumatawa. Si Janet ay nabighani ng kaniyang malalalim at kayumangging mata at ng pagiging mapagbiro. Waring kapwa sila umibig sa unang pagtatagpo!

Sa sumunod na tatlong linggo, hindi na magkahiwalay sina David at Janet. Isang gabi ay tumanggap si Janet ng masamang tawag sa telepono mula sa dati niyang nobyo. Tinawagan niya si David para tulungan siya. Subalit si David, na nalito at nag-akalang siya’y binabantaan, ay tumugon nang walang sigla. Nang gabi ring yaon ay naglaho ang pag-ibig na sa akala nila’y wala nang katapusan.

Gusto kang paniwalain ng mga pelikula, aklat, at palabas sa telebisyon na ang pag-ibig sa unang pagtatagpo ay walang kamatayan. Oo, pisikal na pagkaakit ang madalas na unang nakatatawag-pansin. Gaya ng sinabi ng isang binata: “Mahirap ‘makita’ ang pagkatao ng isa.” Pero saan ba “umiibig” ang isa kapag ang relasyon ay tumatagal pa lamang ng ilang oras o araw? Hindi ba sa larawan na naaaninaw sa iba? Totoo, wala ka pang gaanong alam sa iniisip, pag-asa, pangamba, plano, ugali, sining, o kakayahan ng taong yaon. Nakikilala mo pa lamang ang panlabas na balat, hindi “ang lihim na pagkatao sa puso.” (1 Pedro 3:4) Magtatagal ba ang ganitong pag-ibig?

Mandaraya ang Kaanyuan

Bukod dito, mandaraya ang panlabas na anyo. Sinasabi ng Bibliya: “Ang alindog ay mandaraya, at ang kagandahan ay walang kabuluhan.” Ang makislap na balot ng isang regalo ay hindi nagsasabi kung ano ang nasa loob. Totoo, baka ang napakagandang balot ay balatkayo ng walang kuwentang regalo.​—Kawikaan 31:30.

Sinasabi ng Kawikaan: “Kung papaano ang singsing na ginto sa nguso ng baboy, gayon ang magandang babae na walang bait.” (Kawikaan 11:22) Ang mga singsing sa nguso ay karaniwang adorno noong panahon ng Bibliya. Napakarikit ng mga ito, at madalas ay yari sa purong ginto. Kaya, ito ang unang alahas na mapapansin mong nakasuot sa isang babae.

Angkop lamang, na ihambing ng kawikaan sa “singsing na ginto sa nguso ng baboy” ang isang babaing maganda sa labas pero “walang bait.” Ang ganda ay hindi bagay sa babaing masungit; sayang lamang ito. Sa katagalan, hindi siya ginagawang kaakit-akit nito kung papaanong ang isang baboy ay hindi napagaganda ng singsing na ginto sa nguso! Malaki ngang pagkakamali ang ‘umibig’ sa kaanyuan ng isa​—at waling bahala kung ano siya sa loob.

“Pinakamadaya sa Lahat”

Sa kabila nito, nadarama ng iba na ang puso ay hindi nagkakamali pagdating sa pag-ibig. ‘Basta makinig ka sa iyong puso,’ sabi nila. ‘Malalaman mo kapag tunay na pag-ibig ito!’ Nakalulungkot, ang palagay na ito ay kabaligtaran ng katotohanan. Ipinakita ng isang surbey sa 1,079 na kabataan (edad 18 hanggang 24) na sa pangkalahatan sila ay pitong beses nang umibig hanggang noon. Marami ang umamin na ang nakalipas nilang romansa ay pagkahumaling lamang​—isang pansamantala, lumilipas na damdamin. Ngunit sila ay “pawang nagsasabi na ang nararamdaman nila ngayon ay pag-ibig”! Balang araw tiyak na marami sa kanila ay aamin na ang karanasan nila ngayon ay kahawig din niyaong sa nakaraan​—wala kundi pagkahumaling.

Ang trahedya ay na libu-libong magnobyo ang nagpapakasal taun-taon sa maling palagay na sila’y ‘umiibig,’ ngunit agad natutuklasang nagkamali pala sila. Sinabi ni Ray Short sa aklat na Sex, Love, or Infatuation na ang pagkahumaling “ay umaakit sa inosenteng mga lalaki at babae sa patibong ng maling pag-aasawa gaya ng mga kordero sa patayan.”

“Siyang tumitiwala sa kaniyang sariling puso ay mangmang.” (Kawikaan 28:26) Madalas, ang pasiya ng ating puso ay mali o lihis. Ang totoo’y sinasabi ng Bibliya: “Ang puso ay pinakamadaya sa lahat.” (Jeremias 17:​9, The Living Bible) Gayunma’y, sinasabi pa ng unang nabanggit na kawikaan: “Ngunit ang lumalakad na may kapantasan ay maliligtas.” Maiiwasan mo rin ang mga panganib at kabiguan na dinaranas ng ibang kabataan kung makikilala mo ang kaibahan ng pagkahumaling at ng pag-ibig na inilalarawan sa Bibliya​—pag-ibig na hindi kailanman nabibigo.

Pag-ibig Laban sa Pagkahumaling

“Ang pagkahumaling ay bulag at hindi nito gustong magbago. Ayaw nitong humarap sa katotohanan,” sabi ng 24-anyos na si Calvin. Idinagdag pa ng 16-anyos na dalagitang si Kenya, “Kapag nahumaling ka sa isang tao, akala mo hindi na siya magkakamali.”

Ang pagkahumaling ay huwad na pag-ibig. Ito’y di-makatotohanan at nakasentro sa sarili. Mahilig magsabi ang mga nahuhumaling: ‘Para akong importante kapag kasama ko siya. Hindi ako makatulog. Hindi ako makapaniwalang totoo ito’ o, ‘Talagang pinaligaya niya ako nang husto.’ Napansin mo ba kung ilang beses ginamit ang “ako” o “ko”? Tiyak na mabibigo ang isang ugnayang nasasalig sa pag-iimbot! Ngunit pansinin ang tunay na pag-ibig ayon sa Bibliya: “Ang pag-ibig ay matiisin at magandang-loob. Ang pag-ibig ay hindi nananaghili, ito’y hindi nagmamapuri, hindi mapagpalalo, hindi nag-uugaling mahalay, hindi hinahanap ang sariling kapakanan, hindi nayayamot. Hindi inaalumana ang masama.”​—1 Corinto 13:​4, 5.

Yamang “hindi hinahanap ang sariling kapakanan,” ang pag-ibig salig sa simulain ng Bibliya ay hindi nakasentro sa sarili at hindi maramot. Totoo, baka ang dalawa ay masyadong romantiko at talagang nagkakagustuhan. Subalit ang damdaming ito ay dapat timbangan ng katuwiran at paggalang sa kapuwa. Kapag talagang umiibig ka, magmamalasakit ka sa kapakanan at kaligayahan niya na gaya rin ng sa iyo. Hindi ka papayag na sirain ng matinding emosyon ang tamang pagpapasiya.

Isang Halimbawa ng Tunay na Pag-ibig

Matingkad itong inilalarawan ng ulat sa Bibliya hinggil kina Jacob at Rachel. Nagkakilala sila sa isang balon na iniigiban ni Rachel para sa mga tupa ng kaniyang ama. Agad naakit sa kaniya si Jacob hindi lamang dahil sa siya’y “maganda at kahali-halina” kundi sapagka’t siya’y isang mananamba ni Jehova.​—Genesis 29:​1-12, 17.

Pagkatapos makipanuluyan ng isang buong buwan kina Rachel, nagtapat si Jacob ng pag-ibig kay Rachel at niyaya itong pakasal. Romantikong pagkahumaling? Hinding-hindi! Sa buong buwang yaon, nakita niya si Rachel sa natural na ayos nito​—ang trato nito sa kaniyang magulang at sa iba, ang trabaho nito bilang pastol, ang pagkaseryoso nito sa pagsamba kay Jehova. Tiyak na nakita niya ito sa “pinakamaganda” at “pinakapangit” na hitsura. Kaya ang pag-ibig niya rito ay tiyak na hindi damdaming walang taros kundi pag-ibig na walang pag-iimbot salig sa katuwiran at lubos na paggalang.

Dahil dito, handa si Jacob na maglingkod nang pitong taon sa ama niya upang siya ay mapangasawa. Ang basta pagkahumaling ay tiyak na hindi tatagal nang ganoon! Tunay na pag-ibig lamang, walang-imbot na interes sa iba, ang dahilan kung kaya ang mga taon ay naging “parang ilang araw lamang.” Dahil sa tunay na pag-ibig, naingatan nila ang pagkabinata at pagkadalaga sa panahong yaon.​—Genesis 29:​20, 21.

Kailangan ang Panahon

Kaya ang tunay na pag-ibig ay hindi pinalalamig ng panahon. Madalas, ang pinakamabuting pagsubok sa iyong damdamin para sa iba ay ang palipasin ang panahon. At saka, gaya ng sinabi ng dalagang si Sandra: “Hindi iaalok sa iyo ng isang tao ang kaniyang personalidad sa pagsasabi lamang ng: ‘Ganito ako. Ngayo’y kilala mo na ako.’” Hindi, kailangan ang panahon upang makilala mo ang iyong nakukursunadahan.

Panahon din ang magpapahintulot sa iyo na suriin ang iyong romantikong interes sa liwanag ng Bibliya. Tandaan, ang pag-ibig “ay hindi nag-uugaling mahalay, hindi hinahanap ang sariling kapakanan.” Sabik din ba siya sa tagumpay ng iyong mga plano​—hindi lamang ang sa kaniya? Iginagalang ba niya ang iyong punto-de-vista, ang iyong damdamin? Ginipit ka ba niya sa paggawa ng mga bagay na talagang ‘may kahalayan’ upang tugunan ang mapag-imbot na mga simbuyo? Lagi ka ba niyang hinihiya o pinatitibay sa harap ng iba? Sa mga pagtatanong na ito ay mas tuwiran mong matatantiya ang iyong damdamin.

Ang pagmamadali ay pag-aanyaya ng kapahamakan. “Basta umibig na lamang ako, mabilis at matindi,” paliwanag ng 20-anyos na si Jill. Pagkatapos ng apurahang pagliligawan ng dalawang buwan, ikinasal sila. Nagsimula nang lumitaw ang lihim na mga kahinaan. Unti-unting ipinamalas ni Jill ang kawalang-katatagan at pagiging malasarili. Si Rick, asawa niya, ay hindi na romantiko at naging mapag-imbot. Isang araw, matapos ang dalawang taóng pagsasama, ay ipinagsigawan ni Jill na ang asawa niya ay “bastos,” “tamad,” at isang “palpak” na asawa. Suntok sa mukha ang itinugon ni Rick. Lumuluha, si Jill ay tumakbong papalabas ng bahay​—at ng kanilang pagsasama.

Tiyak na ang pagsunod sa payo ng Bibliya ay nakatulong sana sa pagpapanatili ng kanilang pagsasama. (Efeso 5:​22-33) Hindi sana nagkaganito kung nagkakilala silang mabuti bago ikasal! Ang pag-ibig sana nila ay hindi yaong nauukol sa isa lamang “guniguni” kundi sa isang tunay na persona​—isa na nagtataglay kapuwa ng kahinaan at katangian. Naging mas makatotohanan sana ang kanilang mga inaasahan.

Ang tunay na pag-ibig ay hindi nabubuo sa magdamag lamang. At ang mabuting asawa ay hindi laging yaong napakaganda. Halimbawa, nakilala ni Barbara ang isang binata na hindi raw gaanong kaakit-akit sa kaniya​—sa umpisa. “Pero habang nakikilala ko siya,” tanda ni Barbara, “lahat ay nagbago. Nakita ko ang malasakit ni Stephen sa iba at kung papaano niya inuna ang kapakanan ng iba. Ito ang mga katangian na hinahanap ko sa isang mapapangsawa. Naakit ako sa kaniya at natutuhan ko siyang ibigin.” Isang matatag na pagsasama ang ibinunga.

Papaano makikilala ang tunay na pag-ibig? Maaaring mangusap ang puso, pero magtiwala sa iyong isip na sinanay sa Bibliya. Alamin hindi lamang ang panlabas na “larawan.” Hintaying yumabong ang relasyon. Tandaan, ang pagkahumaling ay madaling mag-init pero agad ding lumalamig. Habang tumatagal, ang tunay na pag-ibig ay lumalakas at nagiging “sakdal na buklod ng pagkakaisa.”​—Colosas 3:14.

Mga Tanong para sa Talakayan

◻ Ano ang panganib kung ang isa ay iibig sa hitsura ng iba?

◻ Mapagtitiwalaan ba ang puso sa pagkilala ng tunay na pag-ibig?

◻ Ano ang ilang pagkakaiba ng pag-ibig at pagkahumaling?

◻ Bakit madalas magkasira ang mga nagde-date? Lagi bang mali ang ganito?

◻ Papaano mo haharapin ang kabiguan kapag nagwakas ang pag-iibigan?

◻ Bakit mahalagang gumugol ng panahon upang higit pang magkakilala ang dalawa?

[Blurb sa pahina 242]

Tao ba ang iniibig mo o isang “larawan” lamang?

[Blurb sa pahina 247]

“Ang pagkahumaling ay bulag at hindi nito gustong magbago. Ayaw nitong humarap sa katotohanan.”​—Isang 24-anyos na lalaki

[Blurb sa pahina 250]

“Ako’y isa na lamang ‘Hi, kumusta ka?’ Ayoko nang maging malapit kahit kanino”

[Kahon/Larawan sa pahina 248, 249]

Papaano Ko Malilimutan ang Pagkasawi sa Pag-ibig?

Natitiyak mo na ito ang iyong pakakasalan. Masaya kayo kapag magkasama, pareho kayo ng hilig, at nagkakagustuhan kayo. Walang anu-ano, nanlamig na ang relasyon, sumambulat sa bugso ng galit​—o nalusaw sa luha.

Sa kaniyang aklat na The Chemistry of Love, itinulad ni Dr. Michael Liebowitz ang simula ng pag-ibig sa bugso ng matapang na droga. Ngunit gaya ng droga, ang pag-ibig ay nakapagdulot ng sumasalantang ‘withdrawal symptoms’ kapag nanlamig. At hindi mahalaga kung ang pag-ibig ay pagkahumaling lamang o ito na nga ang ’tunay.’ Pareho itong makalilikha ng pagkahibang​—at panlulupaypay kapag nagwakas na ang relasyon.

Ang pangmalas mo sa hinaharap ay maaaring padilimin ng pagkabigo, sama-ng-loob, at pati na ng galit na bunga ng pagkikipagkasira. Isang dalaga ang nagsabing ‘nasugatan’ siya dahil sa siya’y iniwan. Sabi niya, “[Sa mga lalaki] ako’y isa na lamang ‘Hi, kumusta ka?’ Ayoko nang maging malapit kahit kanino.” Mientras malalim ang abot ng inyong pag-uugnayan, malalim din ang sugat na idinudulot ng paghihiwalay.

Oo nga, ang kalayaan mong manligaw sa kaninumang gusto mo ay isang pagbabakasakali: puwede ka talagang mabigo. Walang tiyak na garantiya na lalago ang tunay na pag-ibig. Kaya kung ang isang manliligaw na marangal ang intensiyon ay magpasiya sa dakong huli na hindi magiging matalino ang pagpapakasal, hindi ito laging nangangahulugan na ikaw ay naisahan.

Ang problema ay, kahit maayos at may kabaitan ang inyong paghihiwalay, makadarama ka pa rin ng sama-ng-loob at pagkabigo. Subalit walang dahilan para mawalan ka ng pagpapahalaga sa sarili. Ang bagay na ikaw ay hindi naging “tama” sa paningin niya ay hindi nangangahulugan na hindi ka na magiging tama sa paningin ng iba!

Subuking malasin ang nabigong pag-ibig sa mahinahong paraan. Ang pakikipagkasira ay baka pa nga magtampok ng hindi kanais-nais na mga bagay tungkol sa taong nakasangkot mo​—kawalang-gulang sa emosyon, kawalang paninindigan, katigasan ng loob, di pagpaparaya, kawalan ng malasakit sa iyong damdamin. Mahirap sabihing kanais-nais na katangian ito ng isang mapapangasawa.

Papaano kung siya lamang ang may gustong kumalas at sa paniwala mo’y mabuti ang kalalabasan ng inyong pagsasama? Tiyak na karapatan mong ipaalam sa kaniya kung ano ang iyong nadarama. Baka hindi lang kayo masyadong nagkaunawaan. Wala kang gaanong mapapala sa pagngangawa at pagpapalahaw. Kung magpipilit siyang humiwalay, hindi ka dapat magmukhang kawawa, na lumuluhang naninikluhod sa pagmamahal ng isang taong wala naman talagang pagtingin sa iyo. Sinabi ni Solomon na may “panahon ng paghanap at panahon ng pagkawala.”​—Eclesiastes 3:6.

Papaano kung may matibay na dahilan ka upang maghinala na ikaw ay ginamit lamang ng isang tao na sa pasimula pa’y wala naman talagang taimtim na interes mag-asawa? Hindi ka dapat gumanti nang may pamiminsala. Tandaan na ang panlilinlang na ito ay hindi nalilingid sa Diyos. Sinasabi ng kaniyang Salita: “Ang taksil ay bumabagabag sa kaniyang sariling laman.”​—Kawikaan 11:​17; ihambing ang Kawikaan 6:​12-15.

Manakanaka maaari ka pa ring bagabagin ng kalungkutan o ng mga alaala ng lumipas. Walang masama kung susubukan mong umiyak. Tutulong din ang pagiging abala, marahil sa trabaho o sa ministeryong Kristiyano. (Kawikaan 18:1) Isipin mo ang mga bagay na masaya at nakapagpapatibay. (Filipos 4:8) Ihinga mo ang iyong problema sa isang matalik na kaibigan. (Kawikaan 18:24) Ang iyong mga magulang ay maaari ding maging malaking kaaliwan, kahit sa palagay mo’y nasa edad ka na upang maging independiyente. (Kawikaan 23:22) At higit sa lahat, magtiwala ka kay Jehova.

Baka nakikita mo ngayon na dapat mong mapasulong ang ilang bahagi ng iyong pagkatao. Baka mas maliwanag ang pangmalas mo sa mga katangian ng mabuting asawa. Palibhasa natuto kang umibig at masawi, baka mas maingat ka na sa pakikipagtipan sakaling dumating uli ang isa na talagang kanais-nais​—at malamang na ang posibilidad ay higit sa iyong inaakala.

[Tsart sa pahina 245]

Ito ba’y Pag-ibig o Pagkahumaling?

PAG-IBIG PAGKAHUMALING

1. Walang pag-iimbot na 1. Maramot, mahigpit. Nag-iisip

pagmamalasakit sa kapakanan na, ‘Ano ba ang magagawa

ng iba nito para sa akin?’

2. Ang pag-iibigan ay malimit 2. Madaling magsimula ang

nagsisimula nang unti-unti, pag-ibig, baka gumugol

marahil ay gumugugol ng lamang ng ilang oras

mga buwan o taon o araw

3. Naakit ka ng buong 3. Masyado kang naaakit o

pagkatao at personal na interesado sa panlabas na

mga katangian ng isa hitsura ng isa. (‘Ang pungay

ng kaniyang mga mata.’

‘Ang ganda ng katawan niya’)

4. Ang epekto nito ay 4. May epektong nakapipinsala,

nagiging mas mabuti kang tao nakalilito

5. Makatotohanan ang 5. Hindi makatotohanan. Ang

pagtingin mo, nakikita ang tingin sa isa ay sakdal na.

kaniyang mga kahinaan, Niwawalang-bahala ang umuukilkil

gayunma’y minamahal pa rin siya na pag-aalinlangan hinggil

sa mga kahinaan ng pagkatao

6. May di-pagkakaunawaan 6. Malimit ang pagtatalo.

kayo, pero alam mong puwede Walang anumang nalulutas.

ninyo itong pag-usapan at lutasin Marami ang “nalulutas” sa

pamamagitan ng halik

7. Gusto mong magbigay at 7. Ang pagdiriin ay nasa

makibahaging kasama niya pagkuha o pagtatamo, lalo na

sa pagpapalugod sa pita ng sekso

[Larawan sa pahina 244]

Ang isang maganda, subalit walang bait, na lalaki o babae ay ‘gaya ng singsing na ginto sa nguso ng baboy’

[Larawan sa pahina 246]

Ang isa na laging humihiya sa iyo sa harapan ng iba ay walang tunay na pag-ibig sa iyo