Papaano Ko Malilimutan ang Isang Crush?
Kabanata 28
Papaano Ko Malilimutan ang Isang Crush?
“PARA sa karamihan ng tinedyer,” sabi ng isang magasing pangkabataan, “ang mga crush ay pangkaraniwan lamang na gaya ng sipon.” Halos lahat ng kabataan ay dumaranas nito, at halos lahat ay sumasapit sa hustong gulang, nang hindi naiwawala ang pagpapahalaga-sa-sarili at pagiging-masayahin. Gayunman, sakaling ikaw ay tamaan ng isang crush, hindi ito bagay na katawa-tawa. “Labis akong nasiphayo,” tandang-tanda ng isang kabataan, “pagkat wala akong magawa tungkol doon. Alam kong napakatanda niya para sa akin, pero gustung-gusto ko siya. Naging kakatwa ang kilos ko dahil doon.”
Ang Kayarian ng Isang Crush
Walang masama sa pagkakaroon ng masidhing damdamin para sa isa—maliban na kung ito’y mahalay o di-angkop (gaya ng sa isang may-asawa). (Kawikaan 5:15-18) Subalit bilang kabataan, ang iyong isip at kilos ay madalas na inuugitan ng “mga pita na likas sa kabataan.” (2 Timoteo 2:22) Natututo pa lamang sumupil sa bago at matitinding emosyon na likha ng pagbibinata’t pagdadalaga, baka ang isang kabataan ay lipos na ng labis-labis na damdaming romantiko—subalit wala naman siyang mapag-ukulan nito.
Karagdagan pa, “ang mga babae ay nagiging mabikas at sosyal nang mas maaga kaysa mga lalaki.” Dahil dito, “malimit nilang natutuklasan na ang mga kaklase nilang lalaki ay napakamusmos pa at di nakapupukaw-damdamin kung ihahambing sa mga guro” o iba pang mas nakatatanda, at may-asawa nang mga lalaki. (Magasing Seventeen) Kaya maaaring ituring ng isang babae ang kaniyang paboritong guro, mang-aawit, o iba pang nakatatandang kakilala bilang “ulirang” lalaki. Ang mga kabataang lalaki ay nahuhumaling din sa ganitong paraan.
Gayunman, maliwanag na ang pag-ibig na nadarama ukol sa mga tauhang napakalayo ng agwat ay nasasalig lamang sa panaginip at hindi sa katotohanan.Mga Crush—Bakit Ito Makasasamâ
Bagaman panandalian ang maraming crush, malaki rin ang nagiging pinsala nito sa isang kabataan. Tiyak, marami sa mga nakukursunadahan nila ay mga taong hindi kapuri-puri. Sinabi ng pantas: “Ang kamangmangan ay iniluklok sa matataas na katayuan.” (Eclesiastes 10:6) Kaya ang isang mang-aawit ay hinahangaan dahil sa magandang boses o kaakit-akit na anyo nito. Ngunit kapuri-puri ba ang kaniyang moral? Siya ba ay “nasa Panginoon” bilang naaalay na Kristiyano?—1 Corinto 7:39.
May babala rin ang Bibliya: “Ang pakikipagkaibigan sa sanlibutan ay pakikipag-away sa Diyos.” (Santiago 4:4) Hindi kaya manganib ang iyong pakikipagkaibigan sa Diyos kung ilalagak mo ang iyong puso sa isang tao na ang paggawi ay hinahatulan ng Diyos? Isa pa, iniuutos ng Bibliya, “Mag-ingat sa mga diyus-diyusan.” (1 Juan 5:21) Ano ang itatawag mo kapag ang buong dingding ng kaniyang kuwarto ay dinidekorasyunan ng isang kabataan ng mga litrato ng tanyag na mang-aawit? Hindi ba aangkop dito ang salitang “idolatriya”? Makalulugod kaya ito sa Diyos?
Pinahihintulutan pa ng ibang kabataan na mapangibabawan ng pangarap ang kanilang katinuan. Sinasabi ng isang dalaga: “Tuwing tatanungin ko siya kung ano ang nadarama niya—lagi niyang sinasabi na wala siyang pagtingin sa akin. Pero halatang-halata
ko sa kaniyang tingin at kilos na hindi iyon totoo.” Sinikap ng binata na maging mabait sa pagpapaliwanag ng kawalan niya ng interes, subalit ayaw ng babae na humarap sa katotohanan.Sinabi pa ng isang babae tungkol sa pagkahumaling niya sa isang tanyag na mang-aawit: ‘Gusto ko siyang maging boyfriend, at nagdasal ako na sana’y magkatotoo! Isinasama ko sa pagtulog ang kaniyang album pagkat sa ganito lamang ako makalalapit sa kaniya. Umabot ako sa punto na kung hindi siya magiging akin, ay magpapakamatay ako.’ Makalulugod kaya sa Diyos ang ganitong kahibangan, na nag-uutos sa atin na maglingkod sa kaniya nang “may matinong isipan”?—Roma 12:3.
Sinasabi ng Bibliya sa Kawikaan 13:12: “Ang pag-asa na nagluluwat ay nagpapasaki̇́t ng puso.” Kaya hindi mabuti sa kalusugan ang umasa ng pag-ibig sa isang imposibleng relasyon, at sinasabi ng mga doktor na ang pag-ibig na hindi nasusuklian ay isang sanhi ng “kalumbayan, pagkabalisa, pagkaligalig . . . di pagkakatulog o pag-aantok, paninikip ng dibdib o hirap sa paghinga.” (Ihambing ang 2 Samuel 13:1, 2.) Nagtapat ang isang nahuhumaling na dalaga: “Hindi ako makakain. . . . Hindi na ako makapag-aral. Pinapangarap ko . . . siya nang gising. . . . Ako’y lungkot na lungkot.”
Gunigunihin ang pinsalang lilikhain mo kung papayagan mo ang isang pangarap na mangibabaw sa iyong buhay. Naobserbahan ni Dr. Lawrence Bauman na ang “kawalan ng gana sa pag-aaral” ay isa sa unang mga ebidensiya ng isang di mapigilang crush. Ang pagbubukod ng sarili mula sa mga kaibigan at
pamilya ay isa pa ring karaniwang resulta. Nariyan din ang pagkapahiya. “Nakahihiyang aminin ito,” sabi ng manunulat na si Gil Schwartz, “pero gumawi akong parang isang kenkoy nang magka-crush ako kay Judy.” Bagaman matagal nang nawala ang iyong crush, nananatili pa rin ang mga alaala ng pagbuntut-buntot mo sa isa, ng kahiyahiyang kilos sa harapan ng madla, at ng paggawing may kahangalan.Pagharap sa Katotohanan
Si Haring Solomon, isa sa pinakamatalinong tao sa kasaysayan, ay halos mamatay sa pag-ibig sa isang dalaga na hindi naman nagkagusto sa kaniya. Inialay niya rito ang ilan sa pinakamatatamis na tulain na isinulat ng tao, na nagsasabi sa babae na siya ay “maganda na gaya ng buwan, dalisay na gaya ng nagbabagang araw”—pero hindi rin niya ito napasagot!—Awit ni Solomon 6:10.
Nang dakong huli, nagsawa rin si Solomon sa panliligaw sa kaniya. Ikaw, papaano mo rin kaya masusupil ang iyong damdamin? “Siyang tumitiwala sa kaniyang sariling puso ay mangmang,” sabi ng Bibliya. (Kawikaan 28:26) Totoong-totoo ito kapag ikaw ay nahumaling sa pag-ibig. Gayunman, “ang lumalakad na may kapantasan ay maliligtas.” Nangangahulugan ito ng pagiging realistiko kapag tumitingin sa mga bagay-bagay.
“Papaano malalaman ang pagkakaiba ng lehitimo at huwad na pag-asa?” tanong ni Dr. Howard Halpern. “Sa pamamagitan ng maingat at walang-damdaming pagtingin sa mga bagay-bagay.” Isaalang-alang: Gaano kalaki ang posibilidad na magkatotoo ang pakikipagromansa sa taong ito? Kung siya ay tanyag, malamang na hindi pa kayo magkita nang harapan! Malabo rin ang mangyayari kapag ang nasasangkot ay nakatatanda sa iyo, gaya ng isang guro.
Karagdagan pa, ang nakukursunadahan mo ba’y nagpahalata na ng anumang interes sa iyo? Kung hindi pa, mayroon bang tunay na dahilan na maniwalang magbabago rin ito sa hinaharap? O baka naman binibigyan mo ng romantikong kahulugan ang kaniyang walang-malay na mga salita at kilos? Sabihin pa, sa maraming lupain ay mga lalaki ang inaasahang manguna sa panliligaw. Hihiyain lamang ng isang dalaga ang sarili kung may
kapusukan niyang hahabulin ang isang hindi naman talaga interesado.Bukod dito, ano ang gagawin mo kung sakaling suklian niya ang iyong pagmamahal? Handa ka na ba sa mga pananagutan ng may-asawa? Kung hindi, ay “ilayo mo ang kapanglawan sa iyong puso” at huwag padala sa panaginip. May “panahon ukol sa pag-ibig,” at baka ito ay maraming mga taon pa kapag mas may gulang ka na.—Eclesiastes 3:8; 11:10.
Pagsusuri sa Iyong Damdamin
Nagkukomento si Dr. Charles Zastrow: “Nagaganap ang pagkahumaling kapag pinapangarap ng isa na ang kaniyang nakukursunadahan ay isang ‘perfect lover’; alalaong baga, na ang taong yaon ay nagtataglay ng lahat ng katangian na dapat makita sa isang asawa.” Gayumpaman, hindi umiiral ang ganitong “perfect lover”. “Sapagkat ang lahat ay nangagkasala at hindi nakakaabot sa kaluwalhatian ng Diyos,” sabi ng Bibliya.—Roma 3:23.
Kaya tanungin ang iyong sarili: Talaga bang kilalang-kilala ko ang taong pinag-uukulan ko ng pagtingin? Umiibig ba ako sa isang guniguni? Nagbubulag-bulagan ba ako sa kaniyang mga pagkukulang? Isang walang-damdaming pagsisiyasat sa iyong pinapangarap ay baka sapat na upang maalis ang iyong pagkatuliro! Nakatutulong din ang pagsusuri sa katangian ng pag-ibig na nadarama mo sa taong ito. Sinabi ng manunulat na si Kathy McCoy: “Ang pag-ibig na hindi maygulang ay maaaring tumubo at maglaho sa isang kisapmata . . . Sa iyo ito nakatutok, at ang totoo’y umiibig ka lamang sa ideya na ikaw ay umiibig . . . Ang pag-ibig na hindi maygulang ay mahigpit, mapag-angkin, at mapanibugho. . . . Ang pag-ibig na hindi maygulang ay humihiling ng kasakdalan.”—Ihambing sa 1 Corinto 13:4, 5.
Pagwawaksi sa Kaniya sa Iyong Isipan
Totoo, lahat ng pangangatuwiran sa mundo ay hindi lubusangKawikaan 26:20.
makapapawi sa iyong damdamin. Pero maiiwasan mong gatungan pa ito. Ang pagbabasa ng nakapupukaw na nobela ng pag-ibig, panonood ng mga love story sa TV, o basta pakikinig sa ilang partikular na uri ng tugtugin ay magpapalubha lamang sa iyong kalungkutan. Kaya huwag kang padadala sa situwasyon. “Sapagkat sa kakulangan ng gatong ay namamatay ang apoy.”—Ang isang romantikong pangarap ay hindi maihahalili sa mga tao na talagang nagmamahal at nagmamalasakit sa iyo. Huwag mong ‘ihiwalay ang iyong sarili.’ (Kawikaan 18:1) Baka matuklasan mo na malaki ang maitutulong ng iyong mga magulang. Bagaman sinisikap mong ikubli ang iyong damdamin, malamang na nahahalata na nila na may nangyayari sa iyo. Bakit hindi ka lumapit sa kanila at magtapat ng iyong niloloob? (Ihambing ang Kawikaan 23:26.) Magaling ding paghingahan ang isang maygulang na Kristiyano.
“Maging abala,” payo ni Esther Davidowitz na manunulat ng mga artikulong pantinedyer. Magkaroon ng libangan, mag-ehersisyo, mag-aral ng bagong wika, magsaliksik sa Bibliya. Ibuhos mo ang isip sa mga gawain na magpapagaang sa kirot ng pagbabalik sa katotohanan.
Hindi madali ang lumimot sa isang crush. Ngunit sa paglipas ng panahon, ay maiibsan din ang hapdi nito. Malaki ang matututuhan mo tungkol sa iyong sarili at sa iyong mga damdamin, at lalo kang magiging handa sakaling sa hinaharap ay makadama ka na ng tunay na pag-ibig! Pero papaano mo makikilala ang ‘tunay na pag-ibig’?
Mga Tanong para sa Talakayan
◻ Bakit pangkaraniwan lamang sa kabataan ang mga crush?
◻ Sino ang karaniwan nang kinahuhumalingan ng mga kabataan, at bakit?
◻ Bakit makapipinsala ang mga crush?
◻ Ano ang magagawa ng isang kabataan upang makalimutan niya ang kaniyang crush?
◻ Papaano maiiwasan ng kabataan ang paggatong sa isang romantikong pangarap?
[Blurb sa pahina 223]
‘Hindi ako makakain. Hindi na ako makapag-aral. Pinapangarap ko siya nang gising. Ako’y lungkot na lungkot’
[Larawan sa pahina 220]
Pangkaraniwan na ang magka-crush sa mga nakatatanda, at may-asawa
[Larawan sa pahina 221]
Ang isang walang-damdamin, walang-pagkiling na pagsusuri sa taong yaon ay maaaring makagamot sa iyong pagkahumaling