Mga Gawaing Kinamumuhian ng Diyos
Aralin 10
Mga Gawaing Kinamumuhian ng Diyos
Ano ang dapat mong madama hinggil sa mga bagay na sinasabi ng Diyos na masama? (1)
Anong mga uri ng seksuwal na paggawi ang mali? (2)
Papaano dapat malasin ng isang Kristiyano ang pagsisinungaling? (3) ang pagsusugal? (3) ang pagnanakaw? (3) ang karahasan? (4) ang espiritismo? (5) ang paglalasing? (6)
Papaano makakakalas ang isang tao sa masasamang gawain? (7)
1. Iniibig ng mga lingkod ng Diyos kung ano ang mabuti. Ngunit dapat din nilang matutuhang kamuhian kung ano ang masama. (Awit 97:10) Iyan ay nangangahulugan ng pag-iwas sa ilang gawain na kinamumuhian ng Diyos. Ano ang ilan sa mga gawaing iyon?
2. Pakikiapid: Ang pakikipagtalik bago ikasal, pangangalunya, pagsiping sa hayop, insesto, at homoseksuwalidad ay pawang malulubhang pagkakasala sa Diyos. (Levitico 18:6; Roma 1:26, 27; 1 Corinto 6:9, 10) Kung ang dalawa ay hindi kasal ngunit nagsasama, dapat silang maghiwalay o kaya’y legal na magpakasal.—Hebreo 13:4.
3. Pagsisinungaling, Pagsusugal, Pagnanakaw: Hindi makapagsisinungaling ang Diyos na Jehova. (Tito 1:2) Ang mga taong nagnanais ng kaniyang pagsang-ayon ay dapat umiwas sa pagsisinungaling. (Kawikaan 6:16-19; Colosas 3:9, 10) Anumang anyo ng pagsusugal ay may bahid ng kasakiman. Kaya ang mga Kristiyano ay hindi nakikibahagi sa anumang uri ng sugal, gaya ng loterya, karera ng kabayo, at binggo. (Efeso 5:3-5) At ang mga Kristiyano ay hindi nagnanakaw. Hindi nila binibili ang alam nilang nakaw na ari-arian o kumukuha ng mga bagay-bagay nang walang pahintulot.—Exodo 20:15; Efeso 4:28.
4. Silakbo ng Galit, Karahasan: Ang di-mapigil na galit ay maaaring umakay sa mga gawang karahasan. (Genesis 4:5-8) Ang isang marahas na tao ay hindi maaaring maging kaibigan ng Diyos. (Awit 11:5; Kawikaan 22:24, 25) Isang kamalian na maghiganti o gumanti ng masama sa masasamang bagay na maaaring gawin ng iba sa atin.—Kawikaan 24:29; Roma 12:17-21.
5. Mga Panggagaway at Espiritismo: Ang ilang tao ay tumatawag sa kapangyarihan ng mga espiritu upang subuking pagalingin ang mga sakit. Kinukulam naman ng iba ang kanilang mga kaaway upang ang mga ito’y magkasakit o mamatay pa nga. Ang kapangyarihang nasa likod ng lahat ng gawaing ito ay si Satanas. Kaya hindi dapat makibahagi ang mga Kristiyano sa alinman sa mga ito. (Deuteronomio 18:9-13) Ang pananatiling malapit kay Jehova ang pinakamabuting proteksiyon sa mga panggagaway na maaaring ipaminsala sa atin ng iba.—Kawikaan 18:10.
6. Paglalasing: Hindi naman masamang uminom ng kaunting alak, serbesa, o iba pang inuming de-alkohol. (Awit 104:15; 1 Timoteo 5:23) Ngunit ang labis na pag-inom at paglalasing ay masama sa paningin ng Diyos. (1 Corinto 5:11-13; 1 Timoteo 3:8) Ang sobrang pag-inom ay makasisira ng iyong kalusugan at wawasak sa iyong pamilya. Magiging dahilan din ito upang madali kang madaig ng iba pang mga tukso.—Kawikaan 23:20, 21, 29-35.
7. Ang mga taong nagsasagawa ng mga bagay na sinasabi ng Diyos na masama ay “hindi magmamana ng kaharian ng Diyos.” (Galacia 5:19-21) Kung talagang iniibig mo ang Diyos at nais siyang paluguran, maaari kang kumalas sa mga gawaing ito. (1 Juan 5:3) Pag-aralan mong kamuhian ang mga bagay na sinasabi ng Diyos na masama. (Roma 12:9) Makisama sa mga taong may maka-Diyos na mga asal. (Kawikaan 13:20) Ang maygulang na mga kasamahang Kristiyano ay maaaring pagmulan ng tulong. (Santiago 5:14) Higit sa lahat, umasa sa tulong ng Diyos sa pamamagitan ng panalangin.—Filipos 4:6, 7, 13.
[Mga larawan sa pahina 20, 21]
Kinamumuhian ng Diyos ang paglalasing, pagnanakaw, pagsusugal, at mga gawang karahasan