Pagtulong sa Iba na Gawin ang Kalooban ng Diyos
Aralin 15
Pagtulong sa Iba na Gawin ang Kalooban ng Diyos
Bakit kailangang sabihin sa iba ang tungkol sa iyong natututuhan? (1)
Kanino mo maaaring ibahagi ang mabuting balita? (2)
Ano ang maaaring maging epekto sa iba ng iyong asal? (2)
Kailan ka maaaring mangaral kasama ng kongregasyon? (3)
1. Sa ngayon, marami ka nang natututuhang mabubuting bagay mula sa Bibliya. Ang kaalamang ito ay dapat umakay sa iyo upang maglinang ng isang Kristiyanong personalidad. (Efeso 4:22-24) Ang kaalamang iyan ay kailangang-kailangan upang matamo mo ang buhay na walang-hanggan. (Juan 17:3) Gayunman, kailangan ding makarinig ang iba ng mabuting balita upang sila man ay maligtas. Lahat ng tunay na mga Kristiyano ay dapat mangaral sa iba. Iyan ang utos ng Diyos.—Roma 10:10; 1 Corinto 9:16; 1 Timoteo 4:16.
2. Makapagsisimula ka sa pamamagitan ng pamamahagi ng mabubuting bagay na iyong natututuhan sa mga malalapit sa iyo. Sabihin ang mga ito sa iyong pamilya, kaibigan, kaklase, at kasama sa trabaho. Maging mabait at matiisin sa paggawa nito. (2 Timoteo 2:24, 25) Tandaan na ang mga tao’y karaniwan nang mas tumitingin sa asal ng isa kaysa sa sinasabi nito. Kaya ang iyong mabuting asal ay maaaring makaakit sa iba upang makinig sa mensaheng sinasabi mo sa kanila.—Mateo 5:16; 1 Pedro 3:1, 2, 16.
3. Darating ang panahon, magiging kuwalipikado ka na rin upang magsimulang mangaral kasama ng lokal na kongregasyon ng mga Saksi ni Jehova. Ito’y isang mahalagang hakbang sa iyong pagsulong. (Mateo 24:14) Tunay na magiging isang malaking kagalakan kung makatutulong ka sa iba na maging lingkod ni Jehova at magtamo ng buhay na walang-hanggan!—1 Tesalonica 2:19, 20.