Nasa Aklat Ba ng Buhay ang Pangalan Mo?
Kabanata 11
Nasa Aklat Ba ng Buhay ang Pangalan Mo?
SARDIS
1. Ano ang espirituwal na kalagayan ng kongregasyon sa Sardis, at paano sinimulan ni Jesus ang kaniyang mensahe?
MGA 50 kilometro sa timog ng makabagong Akhisar (Tiatira), matatagpuan ang susunod na kongregasyon na tumanggap ng mensahe mula sa niluwalhating si Jesus: ang Sardis. Noong ikaanim na siglo bago ang ating Karaniwang Panahon, ang lunsod na ito ang siyang marangyang kabisera ng sinaunang kaharian ng Lydia at tirahan ng napakayamang si Haring Croesus. Noong panahon ni Juan, naghihirap na ang lunsod na ito, at ang dating karilagan nito sa ilalim ni Croesus ay naging bahagi na lamang ng kasaysayan. Sa katulad na paraan, ang kongregasyong Kristiyano roon ay nasa espirituwal na karukhaan. Sa kauna-unahang pagkakataon, hindi pinasimulan ni Jesus sa pamamagitan ng komendasyon ang kaniyang mensahe. Sa halip ay sinabi niya: “At sa anghel ng kongregasyon sa Sardis ay isulat mo: Ito ang mga bagay na sinasabi niya na may pitong espiritu ng Diyos at pitong bituin, ‘Alam ko ang iyong mga gawa, na taglay mo ang pangalan na ikaw ay buháy, ngunit ikaw ay patay.’”—Apocalipsis 3:1.
2. (a) Para sa mga Kristiyano sa Sardis, ano ang ipinahihiwatig ng pagtataglay ni Jesus ng “pitong espiritu”? (b) Ano ang reputasyon ng kongregasyon sa Sardis, subalit ano ang totoo tungkol sa kanila?
2 Bakit ipinakikilala ni Jesus ang sarili niya bilang isa na “may pitong espiritu”? Sapagkat ang mga espiritung ito ay kumakatawan sa banal na espiritu ni Jehova na saganang dumadaloy. Sa dakong huli ay inilalarawan din ni Juan ang mga ito bilang “pitong mata,” na nagpapahiwatig na tumatagos ang paningin na ipinagkakaloob ng banal na espiritu ng Diyos kay Jesus. (Apocalipsis 5:6) Kaya may kakayahan siyang ilantad at harapin ang anumang kalagayang maaaring umiral. (Mateo 10:26; 1 Corinto 4:5) Kilala ang kongregasyon ng Sardis sa pagiging buháy at aktibo. Subalit nakikita ni Jesus na patay ito sa espirituwal. Ang karamihan sa mga miyembro nito ay maliwanag na muling naging mapagwalang-bahala gaya noong hindi pa sila nagiging mga Kristiyano.—Ihambing ang Efeso 2:1-3; Hebreo 5:11-14.
3. (a) Bakit dapat bigyan ng pantanging pansin ng “anghel ng kongregasyon sa Sardis” ang katotohanan na si Jesus ang may “pitong bituin”? (b) Anong seryosong payo ang ibinibigay ni Jesus sa kongregasyon ng Sardis?
3 Ipinaaalaala rin ni Jesus sa “anghel ng kongregasyon sa Sardis” na Siya ang may “pitong bituin.” Nasa kanang kamay niya ang matatandang ito sa kongregasyon, at awtorisado siya na pangasiwaan sila sa kanilang gawaing pagpapastol. Dapat na sabik silang ‘alamin ang kaanyuan ng kawan.’ (Kawikaan 27:23) Kaya dapat silang makinig nang mabuti sa susunod na mga salita ni Jesus: “Maging mapagbantay ka, at palakasin mo ang mga bagay na nalalabi na malapit nang mamatay, sapagkat ang iyong mga gawa ay hindi ko nasumpungang lubusang naisagawa sa harap ng aking Diyos. Kung gayon, patuloy mong isaisip kung paano mo tinanggap at kung paano mo narinig, at patuloy mong tuparin ito, at magsisi ka. Tiyak nga na malibang gumising ka, darating ako na gaya ng magnanakaw, at hindi mo na malalaman pa kung anong oras ako darating sa iyo.” —Apocalipsis 3:2, 3.
4. Paano makatutulong ang mga salita ni Pedro sa kongregasyon ng Sardis upang ‘mapalakas ang mga bagay na nalalabi’?
4 Dapat alalahanin ng matatanda sa Sardis ang nadama nilang kagalakan nang una nilang marinig ang katotohanan at ang mga pagpapalang tinanggap nila nang panahong iyon. Subalit patay sila ngayon sa espirituwal na gawain. Aandap-andap ang lampara ng kanilang kongregasyon dahil wala silang mga gawa ng pananampalataya. Maraming taon pa bago nito, sumulat si apostol Pedro sa mga kongregasyon sa Asia (malamang na kabilang dito ang Sardis) upang patibayin ang kanilang pagpapahalaga sa maluwalhating mabuting balita na tinanggap ng mga Kristiyano at na ipinahayag “taglay ang banal na espiritu na ipinadala mula sa langit”—na siyang kinakatawan ng pitong espiritu sa pangitain ni Juan. Ipinaalaala rin ni Pedro sa mga Kristiyanong iyon sa Asia na kabilang sila sa ‘isang piniling lahi, isang maharlikang pagkasaserdote, isang banal na bansa, isang bayang ukol sa pantanging pag-aari, upang ipahayag nila nang malawakan ang mga kagalingan ng isa na tumawag sa kanila mula sa kadiliman tungo sa kaniyang kamangha-manghang liwanag.’ (1 Pedro 1:12, 25; 2:9) Ang pagbubulay-bulay sa espirituwal na mga katotohanang ito ay tutulong sa kongregasyon ng Sardis na magsisi at “palakasin . . . ang mga bagay na nalalabi.”—Ihambing ang 2 Pedro 3:9.
5. (a) Ano ang nangyari sa pagpapahalaga ng mga Kristiyano sa Sardis? (b) Ano ang mangyayari kung hindi tutugon sa payo ni Jesus ang mga Kristiyano sa Sardis?
5 Nang panahong iyon, ang kanilang pagpapahalaga at pag-ibig sa katotohanan ay gaya ng apoy na malapit nang mamatay. Iilang baga na lamang ang nagniningas. Pinasisigla sila ni Jesus na paningasin ang kaunting baga na iyon, gatungan ang apoy, pagsisihan ang mga pagkakasalang dulot ng kanilang pagpapabaya, at muling maging buháy sa espirituwal bilang isang kongregasyon. (Ihambing ang 2 Timoteo 1:6, 7.) Kung hindi, mabibigla na lamang ang kongregasyon ng Sardis kapag dumating si Jesus nang di-inaasahan—“gaya ng magnanakaw”—upang maglapat ng hatol.—Mateo 24:43, 44.
Darating na “Gaya ng Magnanakaw”
6. Paano dumating si Jesus na “gaya ng magnanakaw” noong 1918, at ano ang nakita niyang kalagayan ng mga nag-aangking tagasunod niya?
6 Ang babala ni Jesus na darating siyang “gaya ng magnanakaw” ay sumasaklaw hanggang sa makabagong panahong ito. May pantanging pagkakapit ito sa mga Kristiyano na buháy pa rin nang dumating ang araw ng Panginoon. Di-nagtagal matapos ang 1914, natupad ang hula ni Malakias: “‘Biglang darating sa Kaniyang templo ang tunay na Panginoon, na hinahanap ninyo, at ang mensahero ng tipan na siyang kinalulugdan ninyo. Narito! Siya ay tiyak na darating,’ ang sabi ni Jehova ng mga hukbo.” (Malakias 3:1; ) Bilang “mensahero ng tipan,” si Jesus ay dumating upang siyasatin at hatulan ang mga nag-aangking tagasunod niya. ( Apocalipsis 1:101 Pedro 4:17) Nang panahong iyon, noong 1918, nasangkot nang husto ang Sangkakristiyanuhan sa pagbububo ng dugo sa Digmaang Pandaigdig I at naging patay sa espirituwal na diwa. Maging ang mga tunay na Kristiyano, na buong-sigasig na nangaral bago ang digmaan, ay inantok din nang ilang panahon sa espirituwal. Ibinilanggo ang ilan sa kanilang prominenteng matatanda, at halos mapatigil ang gawaing pangangaral. Nang gisingin ng espiritu ni Jehova ang mga Kristiyanong ito noong sumunod na taon, ang iba ay hindi handa. Ang ilan, gaya ng mga dalagang mangmang sa talinghaga ni Jesus, ay hindi nasasangkapan sa espirituwal na paraan ukol sa pribilehiyo ng paglilingkod kay Jehova. Subalit nakatutuwa naman na marami, tulad ng maiingat na dalaga, ang nakinig sa babala ni Jesus: “Patuloy kayong magbantay, kung gayon, sapagkat hindi ninyo alam ang araw ni ang oras.”—Mateo 25:1-13.
7. Bakit kailangang manatiling gising ang mga Kristiyano ngayon?
7 Kahit nagsimula na ang araw ng Panginoon, kailangan pa ring manatiling alisto ang mga Kristiyano. Sa kaniyang dakilang hula hinggil sa magiging “tanda kapag ang lahat ng mga bagay na ito ay nakatalagang sumapit na sa katapusan,” inilakip ni Jesus ang seryosong babalang ito: “May kinalaman sa araw na iyon o sa oras ay walang sinuman ang nakaaalam . . . Manatili kayong mapagmasid, manatiling gising, sapagkat hindi ninyo alam kung kailan ang takdang panahon. Ngunit ang sinasabi ko sa inyo ay sinasabi ko sa lahat, Patuloy kayong magbantay.” (Marcos 13:4, 32, 33, 37) Oo, hanggang sa mga sandaling ito, bawat isa sa atin, kabilang man tayo sa mga pinahiran o sa malaking pulutong, ay nararapat na manatiling alisto at paglabanan ang tendensiyang makatulog sa espirituwal. Kapag dumating ang araw ni Jehova na ‘gaya ng isang magnanakaw sa gabi,’ masumpungan nawa tayong gising na gising upang makamit ang kaayaayang hatol.—1 Tesalonica 5:2, 3; Lucas 21:34-36; Apocalipsis 7:9.
8. Paano pinasisigla ng uring Juan sa ngayon ang bayan ng Diyos upang manatiling buháy sa espirituwal?
8 Ang uring Juan mismo sa ngayon ay gising sa pangangailangang pasiglahin ang bayan ng Diyos na manatiling buháy sa espirituwal. Sa layuning ito, isinasaayos sa buong lupa ang pantanging mga pagtitipon nang ilang beses sa bawat taon. Kamakailan, ang bilang ng dumalo sa 2,981 pandistritong kombensiyon ay may kabuuang 10,953,744, at 122,701 bagong mananampalataya ang nabautismuhan. Mahigit sandaang taon nang ginagamit ng uring Juan ang magasing Bantayan sa paghahayag ng pangalan at layunin ni Jehova. Bilang tugon sa matinding pag-uusig noong dalawang digmaang pandaigdig, pinasigla ng Ang Bantayan ang mga Saksi ni Jehova na panumbalikin ang kanilang sigasig anupat inilathala ang mga artikulong gaya ng “Maligaya ang mga Walang Takot” (1919), “Isang Panawagan Upang Kumilos” (1925), at “Pagkabigo ng Pag-uusig” (1942).
9. (a) Ano ang dapat itanong ng lahat ng Kristiyano sa kanilang sarili? (b) Anong pampatibay-loob ang ibinigay ng Ang Bantayan?
9 Gaya sa Sardis, ang patuloy na pagsusuri sa sarili ay napakahalaga sa lahat ng Kristiyano sa mga kongregasyon ngayon. Dapat na lagi nating itanong sa ating sarili: Ang atin bang ‘mga gawa ay lubusang naisagawa’ sa harap ng ating Diyos? Personal ba tayong naglilinang ng mapagsakripisyong saloobin at nagsisikap ba tayong mag-ukol ng buong-kaluluwang paglilingkod sa Diyos, nang hindi hinahatulan ang iba? Kaugnay nito, ang magasing Bantayan ay nakapaglaan ng pampatibay-loob sa pamamagitan ng pagtalakay sa mga paksang gaya ng “Patuloy na Patunayan Kung Ano Nga Kayo” at “Huwag Nang Mamuhay Pa Para sa Ating Sarili.” a Sa pamamagitan ng maka-Kasulatang tulong na ito, siyasatin natin ang ating panloob na pagkatao samantalang sinisikap nating maging mapagpakumbaba at mapanalanginin habang lumalakad nang tapat kay Jehova.—Awit 26:1-3; 139:23, 24.
“Ilang Pangalan”
10. Anong nakapagpapatibay na bagay ang napansin ni Jesus sa kongregasyon ng Sardis, at paano ito dapat makaapekto sa atin?
10 Lubhang nakapagpapatibay ang susunod na mga salita ni Jesus sa kongregasyon ng Sardis. Sinabi niya: “Gayunpaman, mayroon kang ilang pangalan sa Sardis na hindi nagparungis ng kanilang mga panlabas na kasuutan, at lalakad silang kasama ko na nakaputi, sapagkat sila ay karapat-dapat. Siya na nananaig ay gayon magagayakan ng mga puting panlabas na kasuutan; at hindi ko sa anumang paraan papawiin ang kaniyang pangalan mula sa aklat ng buhay, kundi kikilalanin ko ang kaniyang pangalan sa harap ng aking Ama at sa harap ng kaniyang mga anghel.” (Apocalipsis 3:4, 5) Hindi ba’t napasisigla tayo ng mga salitang ito at napatitibay ang ating determinasyon na maging tapat? Kung magpapabaya ang lupon ng matatanda, ang kongregasyon sa kabuuan ay maaaring makatulog nang mahimbing sa espirituwal. Sa kabila nito, may ilang indibiduwal sa kongregasyon na maaaring buong-tapang na magsikap na panatilihing malinis at walang dungis ang kanilang pagkakakilanlang Kristiyano at sa gayo’y patuloy na magtaglay ng mabuting pangalan sa harap ni Jehova.—Kawikaan 22:1.
11, 12. (a) Kahit sa panahon ng malaking apostasya, paanong ang ilan ay malamang na naging kagaya niyaong “ilang pangalan” na nanatiling tapat sa Sardis? (b) Anong kaginhawahan ang naranasan ng tulad-trigong mga Kristiyano sa panahon ng araw ng Panginoon?
11 Oo, ang “mga panlabas na kasuutan” ay tumutukoy sa matuwid na pagkakakilanlan ng isa bilang Kristiyano. (Ihambing ang Apocalipsis 16:15; 19:8.) Sa kabila ng pagwawalang-bahala ng karamihan, tiyak na nagalak si Jesus na makitang may “ilang pangalan”—ilang pinahirang Kristiyano sa Sardis—na nagsisikap pa ring maingatan ang pagkakakilanlang ito. Sa katulad na paraan, nang umiral ang malaking apostasya sa loob ng maraming siglo at ang nag-aangking mga Kristiyano ay maging bahagi ng Babilonyang Dakila, o pandaigdig na imperyo ng huwad na relihiyon, tiyak na may ilang indibiduwal pa ring nagsikap na gawin ang kalooban ni Jehova sa kabila ng malalaking hadlang. Matuwid ang mga ito gaya ng trigo sa gitna ng ubod-kapal na makasektang mga panirang-damo.—Apocalipsis 17:3-6; Mateo 13:24-29.
12 Nangako si Jesus na siya ay makakasama ng tulad-trigong mga Kristiyanong ito “sa lahat ng mga araw hanggang sa katapusan ng sistema ng mga bagay.” Kilala niya sila at alam niya ang magandang pangalang nagawa nila para sa kanilang sarili. (Mateo 28:20; Eclesiastes 7:1) Gunigunihin ang kagalakan ng “ilang” tapat na buháy pa rin nang magsimula ang araw ng Panginoon! Sa wakas, naibukod sila mula sa Sangkakristiyanuhang patay sa espirituwal at tinipon sa isang matuwid na kongregasyon na mas nakakatulad ng kongregasyon sa Smirna.—Mateo 13:40-43.
13. Anu-anong pagpapala ang naghihintay sa mga pinahirang Kristiyano na hindi “nagparungis ng kanilang mga panlabas na kasuutan”?
13 Ang katuparan ng kamangha-manghang pag-asa ay makakamit ng mga taga-Sardis na mananatiling tapat hanggang wakas at hindi magpaparungis ng kanilang pagkakakilanlang Kristiyano. Matapos itatag ang Mesiyanikong Kaharian ni Jesus noong 1914, binuhay-muli sila bilang espiritu at bilang mga mananaig ay ginayakan sila ng puting mga panlabas na kasuutan na sagisag ng kanilang walang-kapintasan at walang-dungis na katuwiran. Yamang lumakad sila sa masikip na daang umaakay sa buhay, tatamasahin nila ang walang-hanggang gantimpala.—Mateo 7:14; tingnan din ang Apocalipsis 6:9-11.
Magpakailanman sa Aklat ng Buhay!
14. Ano ang “aklat ng buhay,” at kaninong mga pangalan ang nakatala roon?
14 Ano ang “aklat ng buhay,” at kaninong mga pangalan ang mananatili roon? Ang aklat, o balumbon, ng buhay ay tumutukoy sa rekord ng mga lingkod ni Jehova na napapahanay upang tumanggap ng buhay na walang hanggan. (Malakias 3:16) Dito sa Apocalipsis, pangalan ng mga pinahirang Kristiyano ang espesipikong tinutukoy. Subalit nakatala rin doon ang pangalan ng mga nakahanay ukol sa walang-hanggang buhay sa lupa. Karagdagan pa, ang mga pangalan ay maaaring ‘pawiin’ mula sa aklat na iyon. (Exodo 32:32, 33) Gayunpaman, kung mananatili sa aklat ng buhay ang mga pangalan ng mga kabilang sa uring Juan hanggang sa panahon ng kanilang kamatayan, tatanggap sila ng imortal na buhay sa langit. (Apocalipsis 2:10) Ito ang mga pangalan na bukod-tanging kikilalanin ni Jesus sa harap ng kaniyang Ama at sa harap ng Kaniyang mga anghel. Anong dakilang gantimpala!
15. Ano ang dapat gawin ng mga kabilang sa malaking pulutong upang hindi na mabura pa sa aklat ng buhay ang kanilang pangalan?
15 Makaliligtas sa malaking kapighatian ang mga kabilang sa malaking pulutong na ang pangalan ay nakasulat din sa aklat ng buhay. Kung iingatan nila ang kanilang pananampalataya sa buong panahon ng Milenyong Paghahari ni Jesus hanggang sa pangwakas na pagsubok na kasunod nito, gagantimpalaan sila ng buhay na walang hanggan sa Paraiso sa lupa. (Daniel 12:1; Apocalipsis 7:9, 14; 20:15; 21:4) Kung gayon, hindi na mabubura pa sa aklat ng buhay ang kanilang pangalan. Ngayong naunawaan mo na kung ano ang inihaharap dito sa pamamagitan ng banal na espiritu, hindi ka ba nananabik na tumugon sa payong inulit ni Jesus: “Ang may tainga ay makinig sa sinasabi ng espiritu sa mga kongregasyon”?—Apocalipsis 3:6.
[Talababa]
a Tingnan Ang Bantayan, Hulyo 15, 2005, at Marso 15, 2005.
[Mga Tanong sa Aralin]
[Larawan sa pahina 57]
Manatili nawa ang iyong pangalan sa aklat ng buhay