Pagdadalamhati at Pagsasaya sa Katapusan ng Babilonya
Kabanata 37
Pagdadalamhati at Pagsasaya sa Katapusan ng Babilonya
1. Ano ang magiging reaksiyon ng “mga hari sa lupa” sa biglang pagkapuksa ng Babilonyang Dakila?
MABUTING balita para sa bayan ni Jehova ang katapusan ng Babilonya, subalit ano ang pananaw rito ng mga bansa? Sinasabi sa atin ni Juan: “At ang mga hari sa lupa na nakiapid sa kaniya at namuhay sa walang-kahihiyang karangyaan ay tatangis at dadagukan ang kanilang sarili sa pamimighati dahil sa kaniya, kapag nakita nila ang usok na mula sa pagsunog sa kaniya, habang nakatayo sila sa malayo dahil sa kanilang takot sa pahirap sa kaniya at nagsasabi, ‘Sa aba, sa aba, ikaw na dakilang lunsod, Babilonya ikaw na matibay na lunsod, sapagkat sa isang oras ay dumating ang paghatol sa iyo!’”—Apocalipsis 18:9, 10.
2. (a) Yamang ang makasagisag na sampung sungay ng kulay-iskarlatang mabangis na hayop ang pupuksa sa Babilonyang Dakila, bakit namimighati ang “mga hari sa lupa” sa kaniyang katapusan? (b) Bakit nakatayong malayo mula sa nawasak na lunsod ang namimighating mga hari?
2 Yamang ang makasagisag na sampung sungay ng kulay-iskarlatang mabangis na hayop ang pumuksa sa Babilonya, waring kataka-taka ang reaksiyon ng mga bansa. (Apocalipsis 17:16) Subalit kapag wala na ang Babilonya, maliwanag na matatalos ng “mga hari sa lupa” kung gaano kalaki ang naitulong niya upang payapain ang mga tao at gawing mapagpasakop sa kanila. Ang klero ang nagbasbas sa mga digmaan, naging ahensiya sa pangangalap ng bagong mga sundalo, at humimok sa mga kabataan na sumabak sa digmaan. Ang relihiyon ay nagsilbing tabing ng kabanalan na pinagkublihan ng tiwaling mga tagapamahala habang sinisiil ang pangkaraniwang mga tao. (Ihambing ang Jeremias 5:30, 31; Mateo 23:27, 28.) Subalit pansinin na nakatayong malayo sa nawasak na lunsod ang namimighating mga haring ito. Ayaw nilang lumapit upang tulungan siya. Nalulungkot sila sa kaniyang pagpanaw subalit hindi nila handang isapanganib ang kanilang sarili alang-alang sa kaniya.
Tatangis at Magdadalamhati ang mga Mangangalakal
3. Sino pa ang nanghihinayang sa pagpanaw ng Babilonyang Dakila, at anu-anong dahilan ang ibinibigay ni Juan tungkol dito?
3 Hindi lamang mga hari sa lupa ang nanghihinayang sa pagpanaw ng Babilonyang Dakila. “Gayundin, ang mga naglalakbay na mangangalakal sa lupa ay tumatangis at nagdadalamhati sa kaniya, sapagkat wala nang bibili pa ng kanilang maraming paninda, maraming paninda na ginto at pilak at mahalagang bato at mga perlas at mainam na lino at purpura at seda at iskarlata; at lahat ng bagay na yari sa mabangong kahoy at bawat uri ng kasangkapang garing at bawat uri ng kasangkapang yari sa napakahalagang kahoy at sa tanso at sa bakal at sa marmol; gayundin ang kanela at espesya mula sa India at insenso at mabangong langis at olibano at alak at langis ng olibo at mainam na harina at trigo at mga baka at mga tupa, at mga kabayo at mga karwahe at mga alipin at mga kaluluwang tao. Oo, ang mainam na bunga na ninasa ng iyong kaluluwa ay lumisan na mula sa iyo [Babilonyang Dakila], at ang lahat ng maririkit na bagay at maririlag na bagay ay nalipol na mula sa iyo, at ang mga iyon ay hindi na muling masusumpungan pa ng mga tao.”—Apocalipsis 18:11-14.
4. Bakit tumatangis at nagdadalamhati ang “mga naglalakbay na mangangalakal” sa katapusan ng Babilonyang Dakila?
4 Oo, ang Babilonyang Dakila ay suki at matalik na kaibigan ng mayayamang negosyante. Halimbawa, sa nakalipas na mga siglo, ang mga monasteryo, kumbento, at mga simbahan sa Sangkakristiyanuhan ay nakapagkamal ng pagkarami-raming ginto, pilak, mahahalagang bato, mamahaling kahoy, at iba pang materyal na kayamanan. Bukod dito, binasbasan ng relihiyon ang maluhong pamimili at paglalasingan kapag ipinagdiriwang ang Pasko na nakasisirang-puri kay Kristo at ang iba pang di-umano’y banal na mga araw. Pinasok ng mga misyonero ng Sangkakristiyanuhan ang malalayong lupain, at nabuksan ang pagkakataon sa bagong mga negosyo para sa “mga naglalakbay na mangangalakal” ng sanlibutang ito. Noong ika-17 siglo sa Hapon, ang Katolisismo, na dumating kasabay ng mga negosyante, ay nasangkot pa man din sa digmaang piyudal. Ganito ang isinasaad ng The Encyclopædia Britannica bilang pag-uulat sa isang kritikal na digmaan na pinaglabanan sa paanan ng mga pader ng kastilyo sa Osaka: “Di-sukat akalain ng mga hukbong Tokugawa na nakikipagbaka sila sa kaaway na ang mga bandila’y nagagayakan ng krus at ng mga imahen ng Tagapagligtas at ni St James, ang santong patron ng Espanya.” Pinag-usig at halos pinawi ng matagumpay na pangkat ang Katolisismo sa lupaing iyon. Ang pakikialam ng simbahan sa mga gawain ng sanlibutan ngayon ay hindi rin magdudulot sa kaniya ng pagpapala.
5. (a) Paano pa inilalarawan ng tinig mula sa langit ang pagdadalamhati ng “mga naglalakbay na mangangalakal”? (b) Bakit ‘nakatayo rin sa malayo’ ang mga mangangalakal?
5 Ang tinig mula sa langit ay nagsasabi pa: “Ang mga naglalakbay na mangangalakal ng mga bagay na ito, na yumaman dahil sa kaniya, ay tatayo sa malayo dahil sa kanilang takot sa pahirap sa kaniya at tatangis at magdadalamhati, na nagsasabi, ‘Sa aba, sa aba—ang dakilang lunsod, na nadaramtan ng mainam na lino at purpura at iskarlata, at marangyang nagagayakan ng gintong palamuti at mahalagang bato at perlas, sapagkat sa isang oras ay nawasak ang gayon kalaking kayamanan!’” (Apocalipsis 18:15-17a) Sa pagkawasak ng Babilonyang Dakila, nagdadalamhati ang “mga mangangalakal” sa pagkawala ng kasosyo nila sa negosyo. Tunay ngang “sa aba, sa aba” nila. Subalit pansinin na pawang makasarili ang mga dahilan ng kanilang pagdadalamhati at sila—gaya ng mga hari—ay ‘nakatayo sa malayo.’ Ayaw nilang lumapit upang tulungan sa anumang paraan ang Babilonyang Dakila.
6. Paano inilalarawan ng tinig mula sa langit ang pagdadalamhati ng mga kapitan ng barko at ng mga magdaragat, at bakit sila tumatangis?
6 Ang ulat ay nagpapatuloy: “At ang bawat kapitan ng barko at ang bawat tao na nagbibiyahe saanmang dako, at ang mga magdaragat at ang lahat niyaong mga naghahanapbuhay sa dagat, ay tumayo sa malayo at sumigaw habang nakatingin sila sa usok mula sa pagsunog sa kaniya at nagsabi, ‘Anong lunsod ang tulad ng dakilang lunsod?’ At nagsaboy sila ng alabok sa kanilang mga ulo at sumigaw, na tumatangis at nagdadalamhati, at nagsabi, ‘Sa aba, sa aba—ang dakilang lunsod, na sa kaniya ay yumaman ang lahat ng mga may barko sa dagat dahil sa kaniyang pagiging maluho, sapagkat sa isang oras ay nawasak siya!’” (Apocalipsis 18:17b-19) Isang komersiyal na lunsod ang sinaunang Babilonya at may malaki itong pangkat ng mga barko. Sa katulad na paraan, nakapangangalakal nang husto ang Babilonyang Dakila dahil sa “maraming tubig” na nasasakupan niya. Naglalaan ito ng hanapbuhay para sa marami niyang relihiyosong sakop. Napakalaking dagok sa kabuhayan ng mga ito ang pagkapuksa ng Babilonyang Dakila! Wala na silang mapagkukunan ng ikabubuhay na katulad niya.
Pagsasaya sa Kaniyang Pagkalipol
7, 8. Paano tinatapos ng tinig mula sa langit ang kaniyang mensahe hinggil sa Babilonyang Dakila, at sinu-sino ang tutugon sa mga salitang iyon?
7 Nang pabagsakin ng mga Medo at Persiano ang sinaunang Babilonya, makahulang sinabi ni Jeremias: “At dahil sa Babilonya ay tiyak na hihiyaw nang may kagalakan ang langit at ang lupa at ang lahat ng naroroon sa kanila.” (Jeremias 51:48) Sa pagkawasak ng Babilonyang Dakila, tinatapos ng tinig mula sa langit ang mensahe nito sa pagsasabi hinggil sa Babilonyang Dakila: “Matuwa ka dahil sa kaniya, O langit, gayundin kayong mga banal at kayong mga apostol at kayong mga propeta, sapagkat ang Diyos ay may-kahatulang naglapat ng kaparusahan sa kaniya para sa inyo!” (Apocalipsis 18:20) Magagalak si Jehova at ang mga anghel na makita ang pagkalipol ng matagal nang kaaway ng Diyos, at makikigalak din ang mga apostol at ang sinaunang mga propetang Kristiyano, na binuhay na ngayong muli at nasa kani-kanila nang dako sa kaayusan para sa 24 na matatanda.—Ihambing ang Awit 97:8-12.
8 Ang lahat ng “mga banal”—sila man ay binuhay nang muli sa langit o naririto pa sa lupa—ay sisigaw sa kagalakan, pati na rin ang mga kasamahan nilang malaking pulutong ng ibang mga tupa. Sa takdang panahon, ang lahat ng tapat noong sinaunang panahon ay bubuhaying muli tungo sa bagong sistema ng mga bagay, at makikipagsaya rin sila. Hindi sinisikap ng bayan ng Diyos na maghiganti sa kanilang huwad na relihiyosong mga mang-uusig. Tinatandaan nila ang mga salita ni Jehova: “Akin ang paghihiganti; ako ang gaganti, sabi ni Jehova.” (Roma 12:19; Deuteronomio 32:35, 41-43) Buweno, nakaganti na ngayon si Jehova. Maipaghihiganti na rin ang lahat ng dugong ibinubo ng Babilonyang Dakila.
Paghahagis ng Malaking Gilingang-Bato
9, 10. (a) Ano ngayon ang ginagawa at sinasabi ng malakas na anghel? (b) Anong pagkilos na katulad ng ginawa ng malakas na anghel sa Apocalipsis 18:21 ang naganap noong panahon ni Jeremias, at garantiya ito ng ano? (c) Garantiya ng ano ang ginawa ng malakas na anghel na nakita ni Juan?
9 Tinitiyak ng susunod na makikita ni Juan na hindi na mababago ang hatol ni Jehova sa Babilonyang Dakila: “At binuhat ng isang malakas na anghel ang isang bato na tulad ng isang malaking gilingang-bato at inihagis iyon sa dagat, na sinasabi: ‘Gayon ibubulid sa isang mabilis na paghahagis ang Babilonya na dakilang lunsod, at hindi na siya masusumpungan pang muli.’” (Apocalipsis 18:21) Noong panahon ni Jeremias, isang nakakatulad na pangyayari na may mapuwersa at makahulang kahulugan ang naganap. Kinasihan si Jeremias na sumulat ng isang aklat hinggil sa “lahat ng kapahamakan na darating sa Babilonya.” Ibinigay niya ang aklat kay Seraias at inutusan itong maglakbay tungo sa Babilonya. Sinunod ni Seraias ang mga tagubilin ni Jeremias at pagdating doon, binasa niya ang kapahayagan laban sa lunsod: “O Jehova, ikaw ang nagsalita laban sa dakong ito, upang lipulin anupat hindi na magkakaroon ng tatahan dito, tao man o kahit alagang hayop, kundi siya ay magiging mga tiwangwang na kaguhuan hanggang sa panahong walang takda.” Pagkatapos nito ay itinali ni Seraias ang aklat sa isang bato at inihagis ito sa ilog ng Eufrates, na sinasabi: “Ganito lulubog ang Babilonya at hindi na muling lilitaw dahil sa kapahamakan na pasasapitin ko sa kaniya.”—Jeremias 51:59-64.
10 Ang paghahagis sa ilog ng isang aklat na nakatali sa bato ay garantiya na ibabaon sa limot ang Babilonya, anupat hindi na makaaahon pang muli. Nang makita ni apostol Juan na ginagawa rin iyon ng isang malakas na anghel, nakakukumbinsing garantiya iyon na matutupad ang layunin ni Jehova laban sa Babilonyang Dakila. Ang ganap na kagibaan ng sinaunang Babilonya sa ngayon ay isang matibay na patotoo hinggil sa sasapitin ng huwad na relihiyon sa malapit na hinaharap.
11, 12. (a) Ano ang sinasabi ng malakas na anghel sa Babilonyang Dakila? (b) Paano humula si Jeremias hinggil sa apostatang Jerusalem, at ano ang kahulugan nito para sa ating panahon?
11 Sinasabi ngayon ng malakas na anghel sa Babilonyang Dakila: “At ang tinig ng mga mang-aawit na sinasaliwan ang kanilang sarili ng alpa at ng mga manunugtog at ng mga plawtista at ng mga manunugtog ng trumpeta ay hindi na maririnig pang muli sa iyo, at wala nang bihasang manggagawa ng anumang hanapbuhay ang masusumpungan pang muli sa iyo, at wala nang tunog ng gilingang-bato ang maririnig pang muli sa iyo, at wala nang liwanag ng lampara ang sisinag pang muli sa iyo, at wala nang tinig ng kasintahang lalaki at ng kasintahang babae ang maririnig pang muli sa iyo; sapagkat ang iyong mga naglalakbay na mangangalakal ay ang mga taong matataas ang katungkulan sa lupa, sapagkat sa pamamagitan ng iyong mga espiritistikong gawain ay nailigaw ang lahat ng mga bansa.”—Apocalipsis 18:22, 23.
12 Sa nakakatulad na mga pananalita, humula si Jeremias hinggil sa apostatang Jerusalem: “Papawiin ko mula sa kanila ang ingay ng pagbubunyi at ang ingay ng pagsasaya, ang tinig ng kasintahang lalaki at ang tinig ng kasintahang babae, ang ingay ng gilingang pangkamay at ang liwanag ng lampara. At ang buong lupaing ito ay magiging isang wasak na dako, isang bagay na panggigilalasan.” (Jeremias 25:10, 11) Bilang pangunahing bahagi ng Babilonyang Dakila, ang Sangkakristiyanuhan ay magiging isang walang-buhay na kagibaan, gaya ng matingkad na inilalarawan ng tiwangwang na kalagayan ng Jerusalem pagkaraan ng 607 B.C.E. Ang Sangkakristiyanuhan na dati’y nagsasayang mainam at abalang-abala sa araw-araw ay malulupig at pababayaan.
13. Anong biglang pagbabago ang mangyayari sa Babilonyang Dakila, at ano ang epekto nito sa kaniyang “mga naglalakbay na mangangalakal”?
13 Oo, gaya ng sinasabi rito ng anghel kay Juan, ang buong Babilonyang Dakila na dating makapangyarihan at internasyonal na imperyo ay magiging tigang at tulad-disyertong ilang. Ang kaniyang “mga naglalakbay na mangangalakal,” kabilang na ang tinitingalang mga milyunaryo, ay nagsamantala sa kaniyang relihiyon para sa sarili nilang kapakanan o para pagtakpan ang kanilang gawain, at natuklasan ng mga klero na kapaki-pakinabang din namang makisalo sa kanilang katanyagan. Subalit hindi na kailanman magiging kasapakat ng mga mangangalakal na ito ang Babilonyang Dakila. Hindi na niya malilinlang pa ang mga bansa sa lupa sa pamamagitan ng kaniyang mahiwagang relihiyosong mga gawain.
Kakila-kilabot na Pagkakasala sa Dugo
14. Anong dahilan ang ibinibigay ng malakas na anghel kung bakit gayon na lamang katindi ang hatol ni Jehova, at ano ang sinabi ni Jesus na katulad din nito noong naririto siya sa lupa?
14 Bilang konklusyon, sinasabi ng malakas na anghel kung bakit gayon na lamang katindi ang hatol ni Jehova laban sa Babilonyang Dakila. “Oo,” sabi ng anghel, “sa kaniya nasumpungan ang dugo ng mga propeta at ng mga banal at ng lahat niyaong mga pinatay sa lupa.” (Apocalipsis 18:24) Nang siya’y nasa lupa, sinabi ni Jesus sa mga lider ng relihiyon sa Jerusalem na mananagot sila sa “lahat ng dugong matuwid na ibinubo sa lupa, mula sa dugo ng matuwid na si Abel.” Kasuwato nito, pinuksa ang likong salinlahing iyon noong 70 C.E. (Mateo 23:35-38) Sa ngayon, isa na namang salinlahi ng mga relihiyonista ang nagkasala sa dugo dahil sa pag-usig nito sa mga lingkod ng Diyos.
15. Sa anong dalawang paraan nagkasala sa dugo ang Simbahang Katoliko sa Alemanya sa ilalim ng Nazi?
15 Sa kaniyang aklat na The Catholic Church and Nazi Germany, ganito ang isinulat ni Guenter Lewy: “Nang ipagbawal ang mga Saksi ni Jehova sa Bavaria noong Abril 13 [1933], tinanggap pa man din ng Simbahan ang atas na ibinigay rito ng Ministri ng Edukasyon at Relihiyon na isuplong ang sinumang kaanib sa sekta na nakikibahagi pa rin sa ipinagbabawal na relihiyon.” Kaya may pananagutan ang Simbahang Katoliko sa pagkakakulong ng libu-libong Saksi sa mga kampong piitan; ang kaniyang mga kamay ay nababahiran ng dugo ng daan-daang Saksi na pinatay. Nang ipakita ng mga kabataang Saksi tulad ni Wilhelm Kusserow, na hindi sila takót mamatay sa firing squad, naisip ni Hitler na masyadong magaan ang firing squad para sa mga tumututol na ito udyok ng budhi; kaya sa edad na 20, ang kapatid na lalaki ni Wilhelm na si Wolfgang ay pinatay sa pamamagitan ng gilotina. Kasabay nito, hinimok ng Simbahang Katoliko ang mga kabataang Katoliko sa Alemanya na sumali sa hukbo at mamatay alang-alang sa bayang-tinubuan. Kitang-kita ang pagkakasala sa dugo ng simbahan!
16, 17. (a) Anong pagkakasala sa dugo ang dapat singilin sa Babilonyang Dakila, at paano nagkasala sa dugo ang Vatican kaugnay ng mga Judio na minasaker ng mga Nazi? (b) Ano ang isang dahilan kung bakit dapat sisihin ang huwad na relihiyon sa pagpatay sa milyun-milyon katao sa daan-daang digmaan sa makabagong panahon?
16 Gayunman, sinasabi ng hula na ang dugo ng “lahat niyaong mga pinatay sa lupa” ay dapat singilin sa Babilonyang Dakila. Totoo nga ito sa makabagong panahon. Halimbawa, yamang nakatulong ang mga pakana ng Katoliko sa pagbangon ni Hitler sa kapangyarihan sa Alemanya, sangkot ang Vatican sa nakapangingilabot na pagkakasala sa dugo kaugnay ng anim na milyong Judio na minasaker ng mga Nazi. Karagdagan pa, sa ating panahon, mahigit isang daang milyon katao ang namatay sa daan-daang digmaan. Dapat bang sisihin ang huwad na relihiyon sa bagay na ito? Oo, sa dalawang dahilan.
17 Una, maraming digmaan ang nauugnay sa hidwaan ng relihiyon. Halimbawa, relihiyon ang dahilan ng karahasan sa pagitan ng mga Muslim at Hindu sa India noong 1946-48. Daan-daang libo ang nasawi. Ang alitan sa pagitan ng Iraq at Iran noong dekada ng 1980 ay may kaugnayan din sa hidwaan ng mga sekta, kung saan daan-daang libo ang namatay. Libu-libo rin ang nasawi dahil sa karahasan sa pagitan ng mga Katoliko at Protestante sa Hilagang Ireland. Sa pagsusuri sa bagay na ito, sinabi ng kolumnistang si C. L. Sulzberger noong 1976: “Isang malagim na katotohanan na posibleng kalahati o higit pa sa kalahati ng mga digmaan na ipinaglalaban ngayon sa palibot ng daigdig ay hayagang relihiyosong mga alitan o kaya ay nauugnay sa relihiyosong mga hidwaan.” Tunay ngang ganito ang kalagayan sa buong maligalig na kasaysayan ng Babilonyang Dakila.
18. Sa anong ikalawang dahilan nagkasala sa dugo ang mga relihiyon ng sanlibutan?
18 Ano naman ang ikalawang dahilan? Sa pangmalas ni Jehova, ang mga relihiyon ng sanlibutan ay nagkasala sa dugo sapagkat hindi nila itinuro sa nakakukumbinsing paraan sa kanilang mga tagasunod ang katotohanan hinggil sa mga kahilingan ni Jehova sa kaniyang mga lingkod. Hindi nila tinuruan ang mga tao sa nakakukumbinsing paraan na ang mga tunay na mananamba ng Diyos ay dapat tumulad kay Jesu-Kristo at magpamalas ng pag-ibig sa iba anuman ang kanilang bansang pinagmulan. (Mikas 4:3, 5; Juan 13:34, 35; Gawa 10:34, 35; 1 Juan 3:10-12) Palibhasa’y hindi itinuro ng mga relihiyon na bumubuo sa Babilonyang Dakila ang mga bagay na ito, ang kanilang mga tagasunod ay nahigop sa alimpuyo ng pandaigdig na digmaan. Kitang-kita ito sa dalawang digmaang pandaigdig sa unang kalahatian ng ika-20 siglo, na parehong nagsimula sa mga bansang sakop ng Sangkakristiyanuhan at umakay sa pagpapatayan sa isa’t isa ng mga magkakarelihiyon! Kung nanghawakan lamang sana sa mga simulain ng Bibliya ang lahat ng nag-aangking Kristiyano, hindi mangyayari ang mga digmaang ito.
19. Ano ang kakila-kilabot na pagkakasala ng Babilonyang Dakila sa dugo?
19 Isinisisi ni Jehova sa Babilonyang Dakila ang lahat ng pagbububong ito ng dugo. Kung tinuruan lamang ng mga lider ng relihiyon, partikular na ng mga lider sa Sangkakristiyanuhan, ang kanilang mga nasasakupan hinggil sa katotohanan ng Bibliya, hindi sana naganap ang gayong napakalubhang pagdanak ng dugo. Kaya nga sa tuwiran o di-tuwirang paraan, dapat managot kay Jehova ang Babilonyang Dakila—ang dakilang patutot at pandaigdig na imperyo ng huwad na relihiyon—hindi lamang dahil sa “dugo ng mga propeta at ng mga banal” na kaniyang pinag-usig at pinatay kundi dahil sa dugo ng “lahat niyaong mga pinatay sa lupa.” Tunay ngang kakila-kilabot ang pagkakasala ng Babilonyang Dakila sa dugo. Anong laking pasasalamat natin kapag lubusan na siyang napuksa!
[Mga Tanong sa Aralin]
[Kahon sa pahina 270]
Ang Kabayaran ng Pakikipagkompromiso
Ganito ang isinulat ni Guenter Lewy sa kaniyang aklat na The Catholic Church and Nazi Germany: “Kung sa simula pa lamang ay matatag nang sinalansang ng Katolisismong Aleman ang rehimeng Nazi, malamang na iba ang naging takbo ng kasaysayan ng daigdig. Mabigo man sa dakong huli ang pagsisikap na ito na daigin si Hitler at hadlangan ang lahat ng maraming krimeng ginawa niya, napakaganda naman ng magiging reputasyon ng Simbahan. Tiyak na napakaraming buhay ang kailangang ibuwis sa gayong laban, subalit ang mga sakripisyong ito ay maiuukol naman sa pinakadakilang layunin. Kung hindi siya sinuportahan ng kaniyang sariling bayan, hindi marahil mangangahas si Hitler na humayo sa digmaan at milyun-milyong buhay sana ang nailigtas. . . . Nang pahirapan hanggang sa mamatay sa mga kampong piitan ni Hitler ang libu-libong Aleman na tutol sa mga Nazi, nang pagpapatayin ang mga edukadong Polako, nang daan-daang libong Ruso ang mamatay dahil sa pagtrato sa kanila bilang mga Slavo na Untermenschen [hindi karapat-dapat ituring na mga tao], at nang 6,000,000 katao ang paslangin dahil sa pagiging ‘di-Aryano,’ sinuportahan ng mga opisyal ng Simbahang Katoliko sa Alemanya ang rehimeng nasa likod ng mga krimeng ito. Ang Papa sa Roma, ang espirituwal na ulo at kataas-taasang guro ng moralidad ng Simbahang Romano Katoliko, ay nagsawalang-kibo lamang.”—Pahina 320, 341.
[Larawan sa pahina 268]
“Sa aba, sa aba,” sabi ng mga tagapamahala
[Larawan sa pahina 268]
“Sa aba, sa aba,” sabi ng mga mangangalakal