Pagsisikap na Maging mga Mananaig
Kabanata 8
Pagsisikap na Maging mga Mananaig
SMIRNA
1. (a) Anong kongregasyon ang sumunod na tumanggap ng mensahe mula sa niluwalhating si Jesus? (b) Sa pagtukoy sa kaniyang sarili bilang “ang Una at ang Huli,” ano ang ipinaaalaala ni Jesus sa mga Kristiyano sa kongregasyong iyon?
PAWANG kagibaan na lamang ngayon ang sinaunang Efeso. Subalit ang lugar na padadalhan ng ikalawang mensahe ni Jesus ay kinaroroonan pa rin sa ngayon ng isang abalang lunsod. Mga 55 kilometro mula sa hilaga ng mga kagibaan ng Efeso ay ang lunsod ng Izmir sa Turkey, kung saan may apat na masigasig na kongregasyon pa rin ng mga Saksi ni Jehova. Nasa lugar na ito ang Smirna noong unang siglo. Pansinin ngayon ang sumusunod na pananalita ni Jesus: “At sa anghel ng kongregasyon sa Smirna ay isulat mo: Ito ang mga bagay na sinasabi niya, ‘ang Una at ang Huli,’ na namatay at muling nabuhay.” (Apocalipsis 2:8) Sa pagsasabi nito sa mga Kristiyano sa Smirna, ipinaaalaala ni Jesus sa kanila na siya ang unang tagapag-ingat ng katapatan na tuwirang binuhay-muli ni Jehova bilang imortal na espiritu at siyang pinakahuling ibinangon sa gayong paraan. Si Jesus mismo ang bubuhay-muli sa lahat ng iba pang pinahirang Kristiyano. Kaya talagang kuwalipikado siyang magpayo sa kaniyang mga kapatid, na umaasang makibahagi na kasama niya sa imortal na buhay sa langit.
2. Bakit nakaaaliw sa lahat ng Kristiyano ang mga salita ng Isa na “namatay at muling nabuhay”?
2 Nagpakita ng halimbawa si Jesus sa pagbabata ng pag-uusig alang-alang sa katuwiran, at tumanggap siya ng kaukulang gantimpala. Ang katapatan niya hanggang kamatayan at ang pagbuhay-muli sa kaniya ang siyang saligan ng pag-asa ng lahat ng Kristiyano. (Gawa 17:31) Ang katotohanang si Jesus ay “namatay at muling nabuhay” ay patotoo na hindi sa walang kabuluhan ang anumang pagbabata alang-alang sa katotohanan. Ang pagkabuhay-muli ni Jesus ay malaking pampatibay-loob sa lahat ng Kristiyano lalo na kapag kailangan silang magdusa alang-alang sa kanilang pananampalataya. Ganito ba ang nararanasan mo? Kung gayon, mapatitibay-loob ka rin ng susunod na pananalita ni Jesus sa kongregasyon ng Smirna:
3. (a) Anong pampatibay-loob ang sinabi ni Jesus sa mga Kristiyano sa Smirna? (b) Bagaman dukha ang mga Kristiyano sa Smirna, bakit sinabi ni Jesus na “mayaman” sila?
3 “Alam ko ang iyong kapighatian at karalitaan—ngunit ikaw ay mayaman—at ang pamumusong niyaong mga nagsasabing sila nga ay mga Judio, at gayunma’y hindi sila gayon kundi isang sinagoga ni Satanas.” (Apocalipsis 2:9) Walang binanggit na pagpuna si Jesus laban sa mga kapatid niya sa Smirna, kundi pawang magiliw na komendasyon. Matinding kapighatian ang tiniis nila dahil sa kanilang pananampalataya. Dukha sila sa materyal, malamang dahil sa kanilang katapatan. (Hebreo 10:34) Gayunman, ang pangunahin sa kanila ay ang espirituwal na mga bagay, at nakapag-imbak sila ng kayamanan sa langit, gaya ng ipinayo ni Jesus. (Mateo 6:19, 20) Kaya “mayaman” sila sa paningin ng Punong Pastol.—Ihambing ang Santiago 2:5.
4. Sino ang matinding sumalansang sa mga Kristiyano sa Smirna, at paano itinuring ni Jesus ang mga mananalansang na iyon?
4 Partikular na itinawag-pansin ni Jesus ang pagbabata ng mga Kristiyano sa Smirna sa harap ng matinding pagsalansang ng mga Judio sa laman. Noong araw, maraming kabilang sa relihiyong ito ang mahigpit na sumalansang sa paglago ng Kristiyanismo. (Gawa 13:44, 45; 14:19) Ngayon, ilang dekada pa lamang mula nang bumagsak ang Jerusalem, gayunding satanikong espiritu ang ipinakikita ng mga Judiong iyon sa Smirna. Hindi kataka-taka na ituring sila ni Jesus na “sinagoga ni Satanas”! a
5. Anu-anong pagsubok ang naghihintay sa mga Kristiyano sa Smirna?
5 Palibhasa’y napapaharap sa gayong pagkapoot, inaliw ni Jesus ang mga Kristiyano sa Smirna: “Huwag kang matakot sa mga bagay na malapit mo nang pagdusahan. Narito! Patuloy na itatapon ng Diyablo ang ilan sa INYO sa bilangguan upang lubos KAYONG mailagay sa pagsubok, at upang magkaroon KAYO ng kapighatiang sampung araw. Patunayan mong tapat ka maging hanggang sa kamatayan, at ibibigay ko sa iyo ang korona ng buhay.” (Apocalipsis 2:10) Tatlong ulit na ginamit dito ni Jesus ang anyong pangmaramihan ng salitang Griego na “iyo,” na nagpapakitang ang mga salita niya ay sumasaklaw sa kongregasyon sa kabuuan. Hindi puwedeng ipangako ni Jesus na malapit nang magwakas ang mga pagsubok ng mga Kristiyano sa Smirna. Patuloy pa ring pag-uusigin at ibibilanggo ang ilan sa kanila. “Sampung araw” silang daranas ng kapighatian. Ang bilang na sampu ay sumasagisag sa pagiging ganap o buo may kinalaman sa mga bagay sa lupa. Kahit ang mga tagapag-ingat ng katapatan na mayaman sa espirituwal ay daranas ng matinding pagsubok samantalang nasa laman pa sila.
6. (a) Bakit hindi dapat matakot ang mga Kristiyano sa Smirna? (b) Paano winakasan ni Jesus ang kaniyang mensahe sa kongregasyon ng Smirna?
6 Sa kabila nito, hindi dapat matakot o makipagkompromiso ang mga Kristiyano sa Smirna. Kung mananatili silang tapat hanggang sa wakas, nakalaan sa kanila bilang gantimpala ang “korona ng buhay,” na sa kanilang kalagayan ay imortal na buhay sa mga langit. (1 Corinto 9:25; 2 Timoteo 4:6-8) Itinuring ni apostol Pablo na sulit isakripisyo ang anumang bagay, maging ang kaniyang buhay sa lupa, makamit lamang ang mahalagang gantimpalang ito. (Filipos 3:8) Maliwanag na ganito rin ang nadarama ng mga tapat na iyon sa Smirna. Winawakasan ni Jesus ang kaniyang mensahe sa pagsasabing: “Ang may tainga ay makinig sa sinasabi ng espiritu sa mga kongregasyon: Siya na nananaig ay hindi sa anumang paraan mapipinsala ng ikalawang kamatayan.” (Apocalipsis 2:11) Ang mga mananaig ay may tiyak na pag-asang imortal na buhay sa langit, anupat hindi na mamamatay pa.—1 Corinto 15:53, 54.
“Kapighatiang Sampung Araw”
7, 8. Gaya ng kongregasyon sa Smirna, paano ‘lubos na nailagay sa pagsubok’ ang kongregasyong Kristiyano noong 1918?
7 Gaya ng mga Kristiyano sa Smirna, ang uring Juan at ang kanilang mga kasamahan sa ngayon ay nasubok at ‘lubos pa ring inilalagay sa pagsubok.’ Ang katapatan nila sa ilalim ng pagsubok ay patunay na bayan sila ng Diyos. (Marcos 13:9, 10) Di-nagtagal matapos magsimula ang araw ng Panginoon, ang mga salita ni Jesus sa mga Kristiyano sa Smirna ay talagang nagdulot ng kaaliwan sa maliit na internasyonal na grupo ng bayan ni Jehova. (Apocalipsis 1:10) Magmula noong 1879, patuloy silang naghuhukay ng espirituwal na mga kayamanan mula sa Salita ng Diyos at malaya nila itong ipinamamahagi sa iba. Subalit noong Digmaang Pandaigdig I, napaharap sila sa matinding pagkapoot at pagsalansang, dahil hindi sila sumuporta sa mga digmaan at dahil din sa walang-takot nilang paglalantad ng mga kamalian ng Sangkakristiyanuhan. Ang naranasan nilang pag-uusig dahil sa panunulsol ng ilan sa mga lider ng Sangkakristiyanuhan ay sumapit sa sukdulan noong 1918 at katulad ito ng naranasan ng mga Kristiyano sa Smirna sa kamay ng Judiong komunidad doon.
8 Isang daluyong ng pag-uusig sa Estados Unidos ng Amerika ang sumapit sa sukdulan nang ibilanggo noong Hunyo 22, 1918 ang bagong pangulo ng Samahang Watch Tower, si Joseph F. Rutherford, at ang pitong kasamahan niya, na karamihan sa kanila ay sinentensiyahang makulong nang 20 taon. Siyam na buwan pagkaraan nito, pinalaya sila matapos magpiyansa. Noong Mayo 14, 1919, binaligtad ng korte ng mga apelasyon ang maling hatol laban sa kanila; ipinakita na nagkaroon ng 130 pagkakamali sa paglilitis. Ang Romano Katolikong hukom na si Manton, isang kabalyero sa orden ng St. Gregory the Great, na tumutol na makapagpiyansa ang mga Kristiyanong ito noong 1918, ay nasentensiyahan noong 1939 ng dalawang-taóng pagkabilanggo at multang $10,000 batay sa anim na habla ng pangingilak at pagtanggap ng suhol.
9. Paano pinakitunguhan ni Hitler ang mga Saksi ni Jehova sa Alemanya sa ilalim ng mga Nazi, at ano ang naging reaksiyon ng klero?
9 Noong nagpupuno ang mga Nazi sa Alemanya, lubusang ipinagbawal ni Hitler ang gawaing pangangaral ng mga Saksi ni Jehova. Sa loob ng maraming taon, libu-libong Saksi ang pinagmalupitan sa mga kampong piitan at ibinilanggo, kung saan marami ang namatay, samantalang mga 200 kabataang lalaki na tumangging magsundalo sa hukbo ni Hitler ang pinatay. Ang pagsuporta ng klero sa lahat ng ito ay pinatutunayan ng mga salita ng isang paring Katoliko, na inilathala sa pahayagang The German Way noong Mayo 29, 1938. Ganito ang bahagi ng sinabi niya: “May isang bansa ngayon sa lupa kung saan ipinagbabawal ang diumano’y . . . mga Estudyante ng Bibliya [mga Saksi ni Jehova]. At iyan ay ang Alemanya! . . . Nang maluklok sa kapangyarihan si Adolph Hitler, at nang ulitin sa kaniya ng Katolikong Episkopado sa Alemanya ang kanilang kahilingan, sinabi ni Hitler: ‘Ang diumano’y Masisigasig na Estudyante ng Bibliya [mga Saksi ni Jehova] ay mga manggugulo; . . . Mga impostor ang turing ko sa kanila; hindi ako makapapayag na madungisan nang gayon na lamang ng Amerikanong hukom na si Rutherford ang mga Katolikong Aleman; binubuwag ko [ang mga Saksi ni Jehova] sa Alemanya.’” Dito’y idinagdag ng pari: “Magaling!”
10. (a) Sa pagpapatuloy ng araw ng Panginoon, paano pinag-usig ang mga Saksi ni Jehova? (b) Ano ang kadalasang nagiging resulta kapag ipinaglalaban ng mga Kristiyano sa hukuman ang kanilang kalayaan sa relihiyon?
10 Habang nagpapatuloy ang araw ng Panginoon, walang-lubay na nilabanan ng Serpiyente at ng kaniyang binhi ang pinahirang mga Kristiyano at ang kanilang mga kasamahan. Marami sa kanila ang nabilanggo at malupit na pinag-usig. (Apocalipsis 12:17) Ang mga kaaway na ito ay patuloy na ‘nagpapanukala ng kaguluhan sa pamamagitan ng batas,’ subalit buong-tatag na ipinahahayag ng bayan ni Jehova: “Dapat naming sundin ang Diyos bilang tagapamahala sa halip na mga tao.” (Awit 94:20; Gawa 5:29) Iniulat ng magasing Bantayan noong 1954: “Sa iba’t ibang panahon sa nakalipas na apatnapung taon, mahigit pitumpung bansa ang gumawa ng mapaniil na mga batas at umusig sa mga saksi ni Jehova.” Sa mga dako na posibleng ipaglaban sa mga hukuman ang kalayaan sa pagsamba, sinamantala ito ng mga Kristiyano at umani sila ng malaking tagumpay sa maraming bansa. Sa Korte Suprema ng Estados Unidos pa lamang, nagwagi sa 50 kaso ang mga Saksi ni Jehova.
11. Anong hula ni Jesus hinggil sa tanda ng kaniyang pagkanaririto ang natupad sa mga Saksi ni Jehova sa panahon ng araw ng Panginoon?
11 Walang ibang grupo ang naging gayon katapat sa pagsunod sa utos ni Jesus na ibigay kay Cesar ang mga bagay na kay Cesar. (Lucas 20:25; Roma 13:1, 7) Sa kabila nito, walang ibang grupo ang may mga miyembrong nabilanggo sa napakaraming lupain sa ilalim ng napakaraming iba’t ibang uri ng pamahalaan, at nagpapatuloy ito hanggang sa ngayon sa mga lupain sa Amerika, Europa, Aprika, at Asia. Kasali sa dakilang hula ni Jesus hinggil sa tanda ng kaniyang pagkanaririto ang mga pananalitang ito: “Kung magkagayon ay ibibigay kayo ng mga tao sa kapighatian at papatayin kayo, at kayo ay magiging mga tudlaan ng pagkapoot ng lahat ng mga bansa dahil sa aking pangalan.” (Mateo 24:3, 9) Talagang natupad ito sa mga Kristiyanong Saksi ni Jehova sa araw ng Panginoon.
12. Paano pinatibay ng uring Juan ang bayan ng Diyos sa harap ng pag-uusig?
12 Upang patibayin ang bayan ng Diyos sa harap ng kapighatian, patuloy na ipinaaalaala sa kanila ng uring Juan ang diwa ng mga salita ni Jesus sa mga Kristiyano sa Smirna. Halimbawa, nang magsimula ang pag-uusig ng mga Nazi, ang The Watchtower noong 1933 at 1934 ay nagtampok ng mga artikulong gaya ng “Huwag Ninyo Silang Katakutan,” na tumalakay sa Mateo 10:26-33; “Ang Hurno,” salig sa Daniel 3:17, 18; at “Mga Bibig ng mga Leon,” na ang pinakasusing teksto ay ang Daniel 6:22. Noong dekada ng 1980, kung kailan unang nailathala ang aklat na ito at dumanas ng matinding pag-uusig ang mga Saksi ni Jehova sa mahigit 40 lupain, pinatibay ng Ang Bantayan ang bayan ng Diyos sa pamamagitan ng mga artikulo na gaya ng “Maligaya Bagaman Pinag-uusig!” at “Pinagtitiisan ng mga Kristiyano ang Pag-uusig.” b
13. Gaya ng mga Kristiyano sa Smirna, bakit hindi natatakot sa pag-uusig ang mga Kristiyanong Saksi ni Jehova?
13 Totoo, ang mga Kristiyanong Saksi ni Jehova ay nagtitiis ng pisikal na pag-uusig at iba pang mga pagsubok sa loob ng makasagisag na sampung araw. Gaya ng mga Kristiyano noon sa Smirna, hindi sila natatakot; ni dapat mang matakot ang sinuman sa atin habang lumalala ang mga kahirapan sa ibabaw ng lupa. Handa nating batahin ang mga pagdurusa at tanggapin nang may kagalakan maging ang ‘pandarambong sa ating mga ari-arian.’ (Hebreo 10:32-34) Sa pamamagitan ng pag-aaral ng Salita ng Diyos at pamumuhay ayon dito, masasangkapan tayo upang makapanindigang matatag sa pananampalataya. Matitiyak mong matutulungan ka ni Jehova, at talagang tutulungan ka niya, na makapanatiling tapat. ‘Ihagis mo sa kaniya ang lahat ng iyong kabalisahan, sapagkat siya ay nagmamalasakit sa iyo.’—1 Pedro 5:6-11.
[Mga talababa]
a Sa Smirna, mga 60 taon pagkamatay ni Juan, sinunog hanggang sa mamatay ang 86-anyos na si Polycarp dahil ayaw niyang talikuran ang kaniyang pananampalataya kay Jesus. Isinasaad sa The Martyrdom of Polycarp, isang akda na sinasabing isinulat nang panahong iyon, na noong tinitipon ang kahoy na gagamitin sa pagsunog, “sabik na sabik na tumulong ang mga Judio sa gawaing ito, gaya ng nakaugalian nila”—bagaman ang pagpatay ay naganap sa panahon ng “isang dakilang araw ng Sabbath.”
b Tingnan ang The Watchtower ng Nobyembre 1, 1933; Oktubre 1 at 15, Disyembre 1 at 15, 1934; Ang Bantayan ng Nobyembre 1, 1983.
[Mga Tanong sa Aralin]
[Kahon/Larawan sa pahina 39]
Sa loob ng maraming taon, nagpapatotoo ang mga mananalaysay hinggil sa katapatan ng mga Alemang Saksi ni Jehova noong panahon ng rehimeng Nazi. Ganito ang sinabi ng aklat na Mothers in the Fatherland, na isinulat ng mananalaysay na si Claudia Koonz at inilathala noong 1986: “Ang kalakhang bahagi ng lahat ng Aleman na walang kaugnayan sa mga Nazi ay nakahanap ng mga paraan upang makapanatiling-buháy sa ilalim ng rehimeng kinamumuhian nila. . . . Sa kabilang dako naman, batay sa estadistika at ideolohiya, nariyan ang 20,000 Saksi ni Jehova na halos bawat isa ay tahasang tumangging sundin ang estadong Nazi sa anumang paraan. . . . Ang pinakanabubuklod na grupo ng mga tumututol ay pinalakas ng relihiyon. Buhat pa sa simula, hindi nakisangkot ang mga Saksi ni Jehova sa alinmang bahagi ng estadong Nazi. Kahit sinira na ng Gestapo ang pambansang punong-tanggapan [ng mga Saksi ni Jehova] noong 1933 at ipinagbawal ang sekta noong 1935, tinanggihan nila kahit ang pagsasabi lamang ng ‘Heil Hitler.’ Ipinatapon ang halos kalahati ng lahat ng Saksi ni Jehova (karamiha’y mga lalaki) sa mga kampong piitan, isang libo sa kanila ang pinatay, at isang libo pa ang namatay mula 1933 hanggang 1945. . . . Hinimok ng mga klero ang mga Katoliko at Protestante na makipagtulungan kay Hitler. Kapag tumanggi sila, kinakalaban nila ang utos ng simbahan at estado.”