“Sino ang Karapat-dapat na Magbukas ng Balumbon?”
Kabanata 15
“Sino ang Karapat-dapat na Magbukas ng Balumbon?”
1. Ano ngayon ang nakikita ni Juan sa pangitain?
MARINGAL! KASINDAK-SINDAK! Ganito ang nakapupukaw-damdaming pangitain hinggil sa trono ni Jehova na nasa gitna ng mga lampara ng apoy, ng mga kerubin, ng 24 na matatanda, at ng malasalaming dagat. Subalit ano ang nakikita mo ngayon, Juan? Nakapokus si Juan sa pinakasentro ng makalangit na eksenang ito, at sinasabi niya sa atin: “At nakita ko sa kanang kamay ng Isa na nakaupo sa trono ang isang balumbon na may sulat sa loob at sa kabilang panig, na natatatakang mahigpit ng pitong tatak. At nakita ko ang isang malakas na anghel na naghahayag sa malakas na tinig: ‘Sino ang karapat-dapat na magbukas ng balumbon at magkalag ng mga tatak nito?’ Ngunit maging sa langit man o sa ibabaw ng lupa o sa ilalim ng lupa ay walang isa mang makapagbukas ng balumbon o makatingin sa loob nito. At tumangis ako nang labis sapagkat walang sinumang nasumpungang karapat-dapat na magbukas ng balumbon o tumingin sa loob nito.”—Apocalipsis 5:1-4.
2, 3. (a) Bakit sabik si Juan na may masumpungang makapagbubukas ng balumbon, subalit ano ang lumilitaw na maaasahan hinggil dito? (b) Ano ang pinananabikan ng pinahirang bayan ng Diyos sa ating panahon?
2 Si Jehova mismo, ang Soberanong Panginoon ng buong sangnilalang, ang may hawak ng balumbong iyon. Tiyak na punung-puno ito ng napakahalagang impormasyon, sapagkat may sulat ito sa loob at labas. Napupukaw ang ating pananabik. Ano ang nilalaman ng balumbon? Naaalaala natin ang paanyaya ni Jehova kay Juan: “Umakyat ka rito, at ipakikita ko sa iyo ang mga bagay na dapat maganap.” (Apocalipsis 4:1) Sabik na sabik tayong malaman ang mga bagay tungkol dito. Ngunit nakalulungkot, mahigpit ang pagkakasara sa balumbon at selyado ito ng pitong tatak!
3 Makasusumpong kaya ang malakas na anghel ng sinumang karapat-dapat na magbukas ng balumbon? Ayon sa Kingdom Interlinear, ang balumbon ay “nasa kanang kamay” ni Jehova. Ipinahihiwatig nito na hawak niya ito sa kaniyang nakabukas na palad. Subalit lumilitaw na walang sinuman sa langit o sa lupa ang karapat-dapat na tumanggap at magbukas ng balumbong iyon. Maging sa tapat na mga lingkod ng Diyos na namatay na, yaong mga nasa ilalim ng lupa, wala ni isa man ang karapat-dapat sa malaking karangalang ito. Hindi nga kataka-takang makita ang pagkabalisa ni Juan! Baka talagang hindi na niya matututuhan kung ano “ang mga bagay na dapat maganap.” Sa ating panahon din naman, sabik na hinihintay ng pinahirang bayan ng Diyos ang paghahatid ni Jehova ng kaniyang liwanag at katotohanan hinggil sa Apocalipsis. Unti-unti niyang gagawin ito sa takdang panahon ukol sa katuparan ng hula, upang akayin ang kaniyang bayan sa daang patungo sa “dakilang kaligtasan.”—Awit 43:3, 5.
Ang Isa na Karapat-dapat
4. (a) Sino ang nasumpungang karapat-dapat na magbukas ng balumbon at ng mga tatak nito? (b) Sa anong gantimpala at pribilehiyo nakikibahagi ngayon ang uring Juan at ang kanilang mga kasamahan?
4 Oo, may isa na makapagbubukas ng balumbon! Isinasalaysay ni Juan: “Ngunit sinabi sa akin ng isa sa matatanda: ‘Huwag ka nang tumangis. Narito! Ang Leon na mula sa tribo ni Juda, ang ugat ni David, ay nanaig upang makapagbukas ng balumbon at ng pitong tatak nito.’” (Apocalipsis 5:5) Kaya huwag ka nang umiyak, Juan! Ang uring Juan at ang kanilang tapat na mga kasamahan sa ngayon ay nakapagbata rin nang maraming taon ng mahihigpit na pagsubok samantalang buong-pagtitiyagang naghihintay ng kaliwanagan. Talagang nakaaaliw na gantimpala na maunawaan natin ngayon ang pangitain, at kaylaki ng pribilehiyo nating makibahagi sa katuparan nito sa pamamagitan ng paghahayag ng mensahe nito sa iba!
5. (a) Anong hula ang binigkas may kinalaman kay Juda, at saan nagpuno ang mga inapo ni Juda? (b) Sino ang Shilo?
5 Ah, “ang Leon na mula sa tribo ni Juda”! Pamilyar si Juan sa hulang binigkas ni Jacob, ninuno ng lahing Judio, may kaugnayan sa ikaapat niyang anak na si Juda: “Isang anak ng leon si Juda. Mula sa panghuhuli, anak ko, ay tiyak na aahon ka. Siya ay yumukod, siya ay humigang tulad ng leon at, tulad ng leon, sino ang mangangahas na gumising sa kaniya? Ang setro ay hindi lilihis mula kay Juda, ni ang baston ng kumandante mula sa pagitan ng kaniyang mga paa, hanggang sa dumating ang Shilo; at sa kaniya mauukol ang pagkamasunurin ng mga bayan.” (Genesis 49:9, 10) Nagmula kay Juda ang maharlikang angkan ng bayan ng Diyos. Mula kay David, ang lahat ng mga hari na nagpuno sa Jerusalem hanggang sa panahong wasakin ng mga Babilonyo ang lunsod na iyon ay pawang mga inapo ni Juda. Ngunit walang isa man sa kanila ang Shilo na inihula ni Jacob. Ang Shilo ay nangangahulugang “Siya na sa Kaniya [ang Karapatang] Iyon.” Sa makahulang paraan, ang pangalang ito ay tumutukoy kay Jesus, ang permanenteng nagmamay-ari ngayon ng Davidikong Kaharian.—Ezekiel 21:25-27; Lucas 1:32, 33; Apocalipsis 19:16.
6. Sa anong paraan si Jesus ang “maliit na sanga” ni Jesse at ang “ugat ni David”?
6 Agad na naunawaan ni Juan ang pagtukoy sa “ugat ni David.” Sa makahulang paraan, ang ipinangakong Mesiyas ay tinutukoy kapuwa bilang “isang maliit na sanga mula sa tuod ni Jesse [ama ni Haring David] . . . isang sibol” at ang “ugat ni Jesse na tatayo bilang isang hudyat para sa mga bayan.” (Isaias 11:1, 10) Si Jesus ay isang maliit na sanga ni Jesse yamang isinilang siya sa maharlikang angkan ni David, anak ni Jesse. Bukod dito, bilang ugat ni Jesse, siya ang Isa na naging dahilan upang muling sumibol ang Davidikong dinastiya, na binibigyang-buhay at tinutustusan ito magpakailanman.—2 Samuel 7:16.
7. Bakit si Jesus ang karapat-dapat na kumuha ng balumbon mula sa kamay ng Isa na nakaupo sa trono?
7 Bilang isang sakdal na tao, namumukod-tangi si Jesus sa tapat na paglilingkod kay Jehova sa ilalim ng napakatinding mga pagsubok. Nailaan niya ang ganap na kasagutan sa hamon ni Satanas. (Kawikaan 27:11) Kaya noong gabi bago ang kaniyang sakripisyong kamatayan, masasabi niya, “Dinaig ko ang sanlibutan.” (Juan 16:33) Dahil dito, ipinagkatiwala ni Jehova sa binuhay-muling si Jesus ang “lahat ng awtoridad . . . sa langit at sa lupa.” Siya lamang sa lahat ng mga lingkod ng Diyos ang karapat-dapat na tumanggap sa balumbon, upang ihayag ang napakahalagang mensahe nito.—Mateo 28:18.
8. (a) May kaugnayan sa Kaharian, ano ang nagpapakita na karapat-dapat si Jesus? (b) Bakit angkop na isa sa 24 na matatanda ang magsiwalat kay Juan kung sino ang karapat-dapat magbukas ng balumbon?
8 Talagang angkop na si Jesus ang magbukas ng balumbon. Mula noong 1914, iniluklok na siya sa trono bilang Hari ng Mesiyanikong Kaharian ng Diyos, at napakaraming isinisiwalat ang balumbong iyon hinggil sa Kaharian at sa gagawin nito. Buong-katapatang nagpatotoo si Jesus hinggil sa katotohanan ng Kaharian noong narito siya sa lupa. (Juan 18:36, 37) Tinuruan niya ang kaniyang mga tagasunod na ipanalangin ang pagdating ng Kaharian. (Mateo 6:9, 10) Pinasimulan niya ang pangangaral ng mabuting balita ng Kaharian sa maagang bahagi ng panahong Kristiyano at inihula ang pagtatapos ng gawaing pangangaral na ito sa panahon ng kawakasan. (Mateo 4:23; Marcos 13:10) Angkop din na isa sa 24 na matatanda ang magsiwalat kay Juan na si Jesus ang siyang dapat magbukas ng mga tatak. Bakit? Sapagkat ang matatandang ito ay nakaupo sa mga trono at nakokoronahan, bilang mga kasamang tagapagmana ni Kristo sa kaniyang Kaharian.—Roma 8:17; Apocalipsis 4:4.
‘Ang Kordero na Pinatay’
9. Sa halip na isang leon, ano ang nakikita ni Juan na nakatayo sa “gitna ng trono,” at paano niya inilarawan ito?
9 Tumingin si Juan upang makita ang “Leon mula sa tribo ni Juda.” Ngunit nakapagtataka! Lubhang naiibang makasagisag na anyo ang lumilitaw: “At nakita kong nakatayo sa gitna ng trono at ng apat na nilalang na buháy at sa gitna ng matatanda ang isang kordero na para bang pinatay, na may pitong sungay at pitong mata, na ang mga mata ay nangangahulugang pitong espiritu ng Diyos na isinugo sa buong lupa.”—Apocalipsis 5:6.
10. Sino ang “kordero” na nakita ni Juan, at bakit angkop ang terminong ito?
10 Sa gitna mismo, malapit sa trono, kung saan nakapaligid ang apat na nilalang na buháy at ang 24 na matatanda, may isang kordero! Walang-alinlangang naiugnay agad ni Juan ang kordero sa “Leon na mula sa tribo ni Juda” at sa “ugat ni David.” Batid niya na mahigit 60 taon pa bago nito, ipinakilala ni Juan na Tagapagbautismo si Jesus sa nakamasid na mga Judio bilang “ang Kordero ng Diyos na nag-aalis ng kasalanan ng sanlibutan!” (Juan 1:29) Sa buong panahon ng pamumuhay niya sa lupa, si Jesus ay hindi kailanman nabahiran ng sanlibutan—gaya ng isang walang-dungis na kordero—upang maihandog niya ang kaniyang walang-kapintasang buhay bilang hain para sa sangkatauhan.—1 Corinto 5:7; Hebreo 7:26.
11. Bakit hindi kawalang-galang na ilarawan ang niluwalhating si Jesus bilang “isang kordero na para bang pinatay”?
11 Isa bang paghamak o kawalang-galang sa paanuman na ilarawan ang niluwalhating si Jesus bilang “isang kordero na para bang pinatay”? Aba, hindi! Ang pananatiling tapat ni Jesus hanggang sa kamatayan ay malaking kabiguan para kay Satanas at malaking tagumpay naman para sa Diyos na Jehova. Ang ganitong paglalarawan kay Jesus ay maliwanag na nagpapakita ng kaniyang pananaig laban sa sanlibutan ni Satanas at nagsisilbing paalaala sa matimyas na pag-ibig ni Jehova at ni Jesus para sa sangkatauhan. (Juan 3:16; 15:13; ihambing ang Colosas 2:15.) Sa gayo’y natukoy si Jesus bilang ang ipinangakong Binhi, na namumukod-tanging karapat-dapat na magbukas ng balumbon.—Genesis 3:15.
12. Ano ang inilalarawan ng pitong sungay ng Kordero?
12 Ano pa ang mapahahalagahan natin tungkol sa “kordero” na ito? Mayroon siyang pitong sungay. Ang mga sungay na binabanggit sa Bibliya ay malimit sumagisag sa kapangyarihan o awtoridad, at ang pito ay nagpapahiwatig ng pagiging ganap. (Ihambing ang 1 Samuel 2:1, 10; Awit 112:9; 148:14.) Kaya ang pitong sungay ng Kordero ay sumasagisag sa ganap na kapangyarihang ipinagkatiwala ni Jehova kay Jesus. Siya ay “lubhang mataas pa sa bawat pamahalaan at awtoridad at kapangyarihan at pagkapanginoon at bawat pangalang ipinangalan, hindi lamang sa sistemang ito ng mga bagay, kundi doon din sa darating.” (Efeso 1:20-23; 1 Pedro 3:22) Ginamit ni Jesus ang kapangyarihan—kapangyarihang mamahala—partikular na mula noong 1914 nang iluklok siya ni Jehova bilang makalangit na Hari.—Awit 2:6.
13. (a) Ano ang inilalarawan ng pitong mata ng Kordero? (b) Ano ngayon ang ginawa ng Kordero?
13 Bukod dito, puspos si Jesus ng banal na espiritu, gaya ng inilalarawan ng pitong mata ng Kordero, na “nangangahulugan ng pitong espiritu ng Diyos.” Si Jesus ang ginagamit na alulod upang saganang maibuhos ang aktibong puwersa ni Jehova sa Kaniyang mga lingkod sa lupa. (Tito 3:6) Maliwanag na sa pamamagitan din ng espiritung ito, nakikita niya mula sa langit ang mga nagaganap dito sa lupa. Gaya ng kaniyang Ama, may sakdal na kaunawaan si Jesus. Walang anumang nalilingid sa kaniyang pansin. (Ihambing ang Awit 11:4; Zacarias 4:10.) Maliwanag na ang Anak na ito—ang tagapag-ingat ng katapatan na dumaig sa sanlibutan; ang Leon mula sa tribo ni Juda; ang ugat ni David; ang isa na naghandog ng kaniyang buhay para sa sangkatauhan; may ganap na awtoridad, puspos ng banal na espiritu, at may sakdal na kaunawaan mula sa Diyos na Jehova—oo, ang isang ito ang namumukod-tanging karapat-dapat na kumuha ng balumbon mula sa kamay ni Jehova. Atubili ba siyang tanggapin ang atas na ito ng paglilingkod sa maringal na organisasyon ni Jehova? Hindi! Sa halip, “pumaroon siya at kaagad na kinuha iyon [ang balumbon] mula sa kanang kamay ng Isa na nakaupo sa trono.” (Apocalipsis 5:7) Kay-inam na halimbawa nga ng pagiging handang sumunod!
Mga Awit ng Papuri
14. (a) Paano tumugon ang apat na nilalang na buháy at ang 24 na matatanda nang kunin ni Jesus ang balumbon? (b) Paano nakatulong ang impormasyong tinanggap ni Juan hinggil sa 24 na matatanda upang matiyak kung sino sila at kung ano ang kanilang tungkulin?
14 Paano tumutugon ang ibang nasa harap ng trono ni Jehova? “At nang kunin niya ang balumbon, ang apat na nilalang na buháy at ang dalawampu’t apat na matatanda ay sumubsob sa harap ng Kordero, na ang bawat isa ay may alpa at mga ginintuang mangkok na punô ng insenso, at ang insenso ay nangangahulugan ng mga panalangin ng mga banal.” (Apocalipsis 5:8) Gaya ng apat na kerubing nilalang na buháy sa harap ng trono ng Diyos, nagsiyukod kay Jesus ang 24 na matatanda bilang pagkilala sa kaniyang awtoridad. Subalit ang matatandang ito lamang ang may mga alpa at mga mangkok ng insenso. a At sila lamang ang umaawit ngayon ng bagong awit. (Apocalipsis 5:9) Kaya katulad sila ng 144,000 ng banal na “Israel ng Diyos,” na may dala ring mga alpa at umaawit ng isang bagong awit. (Galacia 6:16; Colosas 1:12; Apocalipsis 7:3-8; 14:1-4) Karagdagan pa, ang 24 na matatanda ay ipinakikitang tumutupad sa isang makalangit at maka-saserdoteng tungkulin, na inilarawan ng mga saserdote sa sinaunang Israel na nagsusunog ng insenso sa tabernakulo para kay Jehova—isang tungkuling nagwakas sa lupa nang pawiin ng Diyos ang Kautusang Mosaiko sa pamamagitan ng pagpapako nito sa pahirapang tulos ni Jesus. (Colosas 2:14) Sa anong konklusyon tayo inaakay ng lahat ng ito? Na dito’y inilalarawan ang mga pinahirang mananagumpay sa kanilang pinakamataas na tungkulin bilang ‘mga saserdote ng Diyos at ng Kristo, na mamamahala bilang mga hari na kasama niya sa loob ng isang libong taon.’—Apocalipsis 20:6.
15. (a) Sa Israel, sino lamang ang may pribilehiyong pumasok sa Kabanal-banalan ng tabernakulo? (b) Para sa mataas na saserdote, bakit buhay o kamatayan ang nasasangkot sa pagsusunog ng insenso bago pumasok sa Kabanal-banalan?
15 Sa sinaunang Israel, ang mataas na saserdote lamang ang pinahihintulutang makapasok sa Kabanal-banalan sa mismong makasagisag na presensiya ni Jehova. Para sa kaniya, buhay o kamatayan ang nasasangkot sa pagdadala ng insenso. Sinabi ng kautusan ni Jehova: “Kukunin [ni Aaron] ang lalagyan ng apoy na punô ng nagniningas na baga ng apoy mula sa altar sa harap ni Jehova, at ang mga palad ng kaniyang dalawang kamay na punô ng pinong mabangong insenso, at dadalhin niya ang mga iyon sa loob ng kurtina. Ilalagay rin niya ang insenso sa ibabaw ng apoy sa harap ni Jehova, at ang usok ng insenso ay kakalat sa ibabaw ng takip ng Kaban, na nasa ibabaw ng Patotoo, upang hindi siya mamatay.” (Levitico 16:12, 13) Imposibleng matagumpay na makapasok ang mataas na saserdote sa Kabanal-banalan malibang magsunog siya ng insenso.
16. (a) Sa Kristiyanong sistema ng mga bagay, sino ang makapapasok sa antitipikong Kabanal-banalan? (b) Bakit kailangang ‘magsunog ng insenso’ ang mga pinahirang Kristiyano?
16 Sa Kristiyanong sistema ng mga bagay, hindi lamang ang antitipikong Mataas na Saserdote, si Jesu-Kristo, kundi ang bawat isa rin naman sa 144,000 katulong na saserdote, ang makapapasok sa antitipikong Kabanal-banalan, ang mismong presensiya ni Jehova sa langit. (Hebreo 10:19-23) Imposibleng makapasok sa Kabanal-banalan ang mga saserdoteng ito, na isinasagisag dito ng 24 na matatanda, malibang ‘magsunog sila ng insenso,’ samakatuwid nga, palaging maghandog ng panalangin at pagsusumamo kay Jehova.—Hebreo 5:7; Judas 20, 21; ihambing ang Awit 141:2.
Isang Bagong Awit
17. (a) Anong bagong awit ang inaawit ng 24 na matatanda? (b) Paano karaniwang ginagamit sa Bibliya ang pananalitang “bagong awit”?
17 Isang magandang awit ang naririnig ngayon. Inaawit ito ng mga kasamang saserdote, ang 24 na matatanda, para sa Kordero: “At umaawit sila ng isang bagong awit, na nagsasabi: ‘Ikaw ang karapat-dapat na kumuha sa balumbon at magbukas ng mga tatak nito, sapagkat ikaw ay pinatay at sa pamamagitan ng iyong dugo ay bumili ka ng mga tao para sa Diyos mula sa bawat tribo at wika at bayan at bansa.’” (Apocalipsis 5:9) Lumilitaw nang ilang ulit sa Bibliya ang pananalitang “bagong awit” at karaniwan nang tumutukoy sa pagpuri kay Jehova para sa isang makapangyarihang pagliligtas. (Awit 96:1; 98:1; 144:9) Kaya ang awit ay bago sapagkat maaaring ipahayag ngayon ng mang-aawit ang karagdagang kagila-gilalas na mga gawa ni Jehova at muling maipadama ang pagpapahalaga sa Kaniyang maluwalhating pangalan.
18. Bakit pinupuri ng 24 na matatanda si Jesus sa pamamagitan ng kanilang bagong awit?
18 Subalit dito, umaawit ang 24 na matatanda ng isang bagong awit sa harap ni Jesus sa halip na sa harap ni Jehova. Ngunit pareho rin ang simulain. Pinupuri nila si Jesus para sa mga bagong bagay na nagawa niya, bilang Anak ng Diyos, sa kanilang kapakanan. Sa pamamagitan ng kaniyang dugo, naging tagapamagitan siya ng bagong tipan at sa gayo’y nailuwal ang isang bagong bansa bilang pantanging pag-aari ni Jehova. (Roma 2:28, 29; 1 Corinto 11:25; Hebreo 7:18-25) Ang mga miyembro ng bagong espirituwal na bansang ito ay literal na nagmula sa maraming bansa, subalit pinagkaisa sila ni Jesus sa isang kongregasyon bilang iisang bansa.—Isaias 26:2; 1 Pedro 2:9, 10.
19. (a) Anong pagpapala ang hindi naranasan ng Israel sa laman dahil sa kanilang kawalang-katapatan? (b) Anong pagpapala ang tatamasahin ng bagong bansa ni Jehova?
19 Nang itatag ni Jehova ang mga Israelita bilang isang bansa noong panahon ni Moises, nakipagtipan siya sa kanila at ipinangako na kung mananatili silang tapat sa tipang iyon, magiging kaharian sila ng mga saserdote sa harap niya. (Exodo 19:5, 6) Hindi naging tapat ang mga Israelita, kaya hindi nila kailanman naranasan ang katuparan ng pangakong iyon. Sa kabilang dako, nanatiling tapat ang bagong bansa na itinatag sa bisa ng bagong tipan na si Jesus ang tagapamagitan. Kaya ang mga miyembro nito ay makapamamahala sa ibabaw ng lupa bilang mga hari at makapaglilingkod din bilang mga saserdote, na tumutulong sa tapat-pusong mga tao na makipagkasundong-muli kay Jehova. (Colosas 1:20) Ganitung-ganito ang ipinahahayag ng bagong awit: “At ginawa mo silang isang kaharian at mga saserdote sa ating Diyos, at mamamahala sila bilang mga hari sa ibabaw ng lupa.” (Apocalipsis 5:10) Kaylaking kagalakan para sa 24 na matatandang iyon na awitin ang bagong awit na ito ng papuri sa niluwalhating si Jesus!
Isang Makalangit na Koro
20. Anong awit ng papuri sa Kordero ang naririnig ngayon?
20 Paano tumutugon sa bagong awit na ito ang iba pa sa napakalaking hukbo ng makalangit na organisasyon ni Jehova? Tuwang-tuwa si Juan nang makita niya ang kanilang taos-pusong pakikiisa: “At nakita ko, at narinig ko ang isang tinig ng maraming anghel sa palibot ng trono at ng mga nilalang na buháy at ng matatanda, at ang bilang nila ay laksa-laksang mga laksa at libu-libong mga libo, na nagsasabi sa malakas na tinig: ‘Ang Kordero na pinatay ay karapat-dapat na tumanggap ng kapangyarihan at kayamanan at karunungan at lakas at karangalan at kaluwalhatian at pagpapala.’” (Apocalipsis 5:11, 12) Tunay na kahanga-hangang awit ng papuri!
21. Ang pagpuri ba sa Kordero ay nakababawas sa pagkasoberano o posisyon ni Jehova? Ipaliwanag.
21 Nangangahulugan ba ito na sa paanuman ay hinalinhan na ngayon ni Jesus ang Diyos na Jehova at na ang buong sangnilalang ay sa kaniya na pumupuri sa halip na sa kaniyang Ama? Malayong mangyari! Sa halip, ang awit na ito ng papuri ay kasuwato ng isinulat ni apostol Pablo: ‘Dinakila ng Diyos si Jesus sa isang nakatataas na posisyon at may-kabaitang ibinigay sa kaniya ang pangalang nakahihigit sa lahat ng iba pang pangalan, upang sa pangalan ni Jesus ay lumuhod ang bawat tuhod niyaong mga nasa langit at niyaong mga nasa lupa at niyaong mga nasa ilalim ng lupa, at ang bawat dila ay hayagang kumilala na si Jesu-Kristo ay Panginoon sa ikaluluwalhati ng Diyos na Ama.’ (Filipos 2:9-11) Pinapupurihan dito si Jesus dahil sa kaniyang papel sa paglutas sa pangunahing isyu sa harap ng buong sangnilalang—ang pagbabangong-puri sa matuwid na pagkasoberano ni Jehova. Kaylaking kaluwalhatian nga ang naidulot nito sa kaniyang Ama!
Isang Lumalakas na Awit
22. Sa anong awit nakikisabay ang mga tinig mula sa lupa?
22 Sa eksenang inilalarawan ni Juan, nag-uukol ng magandang awit ng papuri kay Jesus ang mga makalangit na hukbo bilang pagkilala sa kaniyang katapatan at sa kaniyang makalangit na awtoridad. Sinasabayan sila ng mga tinig mula rito sa lupa sapagkat nakikibahagi rin naman ang mga ito sa pagpuri kapuwa sa Ama at sa Anak. Kung paanong nakapagdudulot ng malaking karangalan sa mga magulang ang mga nagawa ng isang anak, ang tapat na landasin ni Jesus ay nagdulot din ‘ng kaluwalhatian sa Diyos na Ama,’ sa harap ng buong sangnilalang. Kaya patuloy na nag-uulat si Juan: “At ang bawat nilalang na nasa langit at nasa lupa at nasa ilalim ng lupa at nasa dagat, at ang lahat ng bagay na nasa kanila, ay narinig kong nagsasabi: ‘Sa Isa na nakaupo sa trono at sa Kordero, sumakanila nawa ang pagpapala at ang karangalan at ang kaluwalhatian at ang kalakasan magpakailan-kailanman.’”—Apocalipsis 5:13.
23, 24. (a) Ano ang nagpapahiwatig kung kailan ang pagsisimula ng awit sa langit, at kailan naman sa lupa? (b) Paano lumalakas ang tunog ng awit sa paglipas ng mga taon?
23 Kailan narinig ang dakilang awit na ito? Nagpasimula ito sa maagang bahagi ng araw ng Panginoon. Matapos palayasin si Satanas at ang kaniyang mga demonyo mula sa langit, “bawat nilalang na nasa langit” ay maaaring makiisa sa awit na ito ng papuri. At gaya ng ipinakikita ng ulat, mula noong 1919, ang tinig ng dumaraming pulutong sa lupa ay nakiisa sa pagpuri kay Jehova, na ilang libo lamang noon subalit umabot na nang mahigit anim na milyon sa taóng 2005. b Matapos mawasak ang makalupang sistema ni Satanas, “bawat nilalang na . . . nasa lupa” ay aawit din ng mga papuri kay Jehova at sa kaniyang Anak. Sa takdang panahon ni Jehova, bubuhaying-muli ang di-mabilang na milyun-milyong patay, kaya “bawat nilalang na . . . nasa ilalim ng lupa” at nasa alaala ng Diyos ay mabibigyan din ng pagkakataon na makisabay sa pag-awit.
24 Ngayon pa lamang, “mula sa dulo ng lupa . . . sa dagat at . . . mga pulo,” milyun-milyon katao na ang umaawit ng isang bagong awit kasama ng pangglobong organisasyon ni Jehova. (Isaias 42:10; Awit 150:1-6) Lalo pang lalakas ang masayang papuring ito sa katapusan ng Milenyo, kapag ang sangkatauhan ay naibalik na sa kasakdalan. Pagkatapos nito, ang matandang serpiyente, ang pusakal na mandaraya, si Satanas mismo, ay pupuksain bilang ganap na katuparan ng Genesis 3:15, at sa isang matagumpay na kasukdulan, ang lahat ng nabubuhay na nilalang, espiritu at tao, ay may-pagkakaisang aawit: “Sa Isa na nakaupo sa trono at sa Kordero, sumakanila nawa ang pagpapala at ang karangalan at ang kaluwalhatian at ang kalakasan magpakailan-kailanman.” Walang isa mang tinig sa buong sansinukob ang tututol.
25. (a) Ang pagbasa ng ulat ni Juan tungkol sa pansansinukob na awit ay nagpapakilos sa atin na gawin ang ano? (b) Anong napakahusay na halimbawa ang inilalaan para sa atin ng apat na nilalang na buháy at ng 24 na matatanda habang nagtatapos ang pangitain?
25 Pagkaliga-ligayang panahon nga iyon! Tiyak na nag-uumapaw sa kagalakan ang ating puso sa inilalarawan dito ni Juan at napasisigla tayong makiisa sa makalangit na hukbo sa pag-awit ng taos-pusong mga papuri sa Diyos na Jehova at kay Jesu-Kristo. Hindi ba tayo lalong nagiging determinado na magbata sa mabubuting gawa? Kung gagawin natin ito, makaaasa tayo na sa tulong ni Jehova, naroroon tayo bilang mga indibiduwal sa maligayang kasukdulang iyon, anupat nakikisabay sa pansansinukob na koro ng papuri. Walang-alinlangang lubos na nagkakaisa ang apat na kerubing nilalang na buháy at ang binuhay-muling mga pinahirang Kristiyano, sapagkat nagwawakas ang pangitain sa ganitong mga salita: “At ang apat na nilalang na buháy ay nagsabi: ‘Amen!’ at ang matatanda ay sumubsob at sumamba.”—Apocalipsis 5:14.
26. Sa ano tayo dapat manampalataya, at ano ang inihahandang gawin ng Kordero?
26 Mahal na mambabasa, manampalataya ka nawa sa hain ng Kordero—ang isa na “karapat-dapat”—at pagpalain sa iyong mapagpakumbabang pagsisikap na sumamba at maglingkod kay Jehova—ang “Isa na nakaupo sa trono.” Hayaan mong tulungan ka ng uring Juan ngayon samantalang inilalaan nito ang kinakailangang “takdang [espirituwal na] pagkain sa tamang panahon.” (Lucas 12:42) Subalit masdan! Naghahanda na ang Kordero na buksan ang pitong tatak. Ano kayang kapana-panabik na pagsisiwalat ang naghihintay ngayon sa atin?
[Mga talababa]
a Batay sa gramatika, ang pariralang “bawat isa ay may alpa at mga ginintuang mangkok na punô ng insenso” ay maaaring tumukoy kapuwa sa matatanda at sa apat na nilalang na buháy. Gayunman, nililiwanag ng konteksto na ang pangungusap ay tumutukoy lamang sa 24 na matatanda.
b Tingnan ang tsart sa pahina 64.
[Mga Tanong sa Aralin]
[Buong-pahinang larawan sa pahina 86]