Ang Banal na Espiritu—Ang Aktibong Puwersa ng Diyos
Ang Banal na Espiritu—Ang Aktibong Puwersa ng Diyos
AYON sa doktrina ng Trinidad, ang banal na espiritu ay ang ikatlong persona ng pagka-Diyos, kapantay ng Ama at ng Anak. Gaya ng sinasabi ng aklat na Our Orthodox Christian Faith: “Ang Espiritu Santo ay Diyos na totoo.”
Sa mga Hebreong Kasulatan, ang salitang pinakamalimit gamitin para sa “espiritu” ay ang ruʹach, na nangangahulugang “hininga; hangin; espiritu.” Sa mga Kasulatang Griyego, ang salita ay pneuʹma, na gayon din ang kahulugan. Ipinahihiwatig ba ng mga salitang ito na ang banal na espiritu ay bahagi ng isang Trinidad?
Isang Aktibong Puwersa
ANG paggamit ng Bibliya sa “banal na espiritu” ay nagpapahiwatig na ito ay isang kontroladong puwersa na ginagamit ng Diyos na Jehova sa pagsasakatuparan ng kaniyang iba’t-ibang layunin. Sa isang paraan, ito ay maihahalintulad sa elektrisidad, isang puwersa na maiaangkop sa pagganap ng sarisaring gawain.
Sa Genesis 1:2 sinasabi ng Bibliya na “ang aktibong puwersa ng Diyos [“espiritu (Hebreo, ruʹach)] ay nagyayao’t-dito sa ibabaw ng mga tubig.” Dito, ang espiritu ng Diyos ay ang kaniyang aktibong puwersa na kumikilos upang magbigay-anyo sa lupa.
Ginagamit ng Diyos ang kaniyang espiritu upang maliwanagan ang mga lingkod niya. Nanalangin si David: “Turuan mo akong gawin ang iyong kalooban, sapagkat ikaw ay aking Diyos. Ang iyong espiritu [ruʹach] ay mabuti; akayin nawa ako nito sa lupain ng katuwiran.” (Awit 143:10) Nang atasan ang 70 may-kakayahang lalaki upang tumulong kay Moises, sinabi ng Diyos: “Kukunin ko ang isang bahagi ng espiritu [ruʹach] na nasa iyo at aking isasalin sa kanila.”—Bilang 11:17.
Ang hula ng Bibliya ay naisulat nang ang mga tauhan ng Diyos ay ‘maudyukan ng banal na espiritu [Griyego, mula sa pneuʹma].’ (2 Peter 1:20, 21) Kaya ang Bibliya ay “kinasihan ng Diyos,” at ang salitang Griyego para dito ay The·oʹpneu·stos, na nangangahulugang “hiningahan ng Diyos.” (2 Timoteo 3:16) Banal na espiritu rin ang pumatnubay sa ilang tao upang makakita ng mga pangitain at makahulang mga panaginip.—2 Samuel 23:2; Joel 2:28, 29; Lucas 1:67; Gawa 1:16; 2:32, 33.
Banal na espiritu ang nag-udyok kay Jesus na pumaroon sa ilang pagkatapos mabautismuhan. (Marcos 1:12) Ang espiritu ay gaya ng apoy sa katawan ng mga lingkod ng Diyos, kaya sila ay napalalakas ng puwersang ito. At ito ang nag-udyok sa kanila na magsalita nang may kagitingan at tibay-loob.—Mikas 3:8; Gawa 7:55-60; 18:25; Roma 12:11; 1 Tesalonica 5:19.
Sa pamamagitan ng espiritu niya, iginagawad ng Diyos ang kaniyang hatol sa mga tao at mga bansa. (Isaias 30:27, 28; 59:18, 19) Ang espiritu ng Diyos ay nakakarating saanman, at kumikilos nang pabor sa tao o laban sa kanila.—Awit 139:7-12.
‘Kapangyarihan na Higit sa Karaniwan’
ANG espiritu ng Diyos ay naglalaan din ng “kapangyarihan na higit sa karaniwan” para sa mga lingkod niya. (2 Corinto 4:7) Tumutulong ito upang matiis nila ang mga pagsubok sa pananampalataya o upang magawa ang mga bagay na hindi nila karaniwang magagawa.
Halimbawa, sinasabi ng Hukom 14:6 hinggil kay Samson: “Ang espiritu ni Yahweh ay nanaig sa kaniya, at bagaman walang hawak na sandata ay napaglurayluray niya ang leon.” (JB) Aktuwal bang pumasok o nanaig kay Samson ang isang banal na persona, upang pakilusin ang katawan niya na gawin ang kaniyang ginawa? Hindi, talagang “kapangyarihan ng PANGINOON [ang] nagpalakas kay Samson.”—TEV.
Sinasabi ng Bibliya na nang bautismuhan si Jesus, nanaog sa kaniya ang banal na espiritu sa anyong kalapati, hindi sa anyong tao. (Marcos 1:10) Dahil sa aktibong puwersang ito ng Diyos si Jesus ay nakapagpagaling ng mga maysakit at bumuhay ng mga patay. Gaya ng sinasabi ng Lucas 5:17: “Ang Kapangyarihan ng Panginoon [Diyos] ang nasa likod ng mga pagpapagaling [ni Jesus].”—JB.
Ang espiritu din ng Diyos ang nagbigay sa mga alagad ni Jesus ng kapangyarihan upang gumawa ng mga himala. Isinasalaysay ng Gawa 2:1-4 na ang mga alagad ay samasamang nagkakatipon noong Pentekostes nang “biglang dumating mula sa langit ang isang ugong na gaya ng humahaginit na hangin, . . . at silang lahat ay napuspos ng banal na espiritu at nagpasimulang magsalita sa iba’t-ibang wika, ayon sa ipinagkaloob sa kanila ng espiritu na kanilang salitain.”
Kaya si Jesus at ang iba pang lingkod ng Diyos ay binigyan ng banal na espiritu ng kapangyarihan upang gawin ang hindi karaniwang magagawa ng tao.
Hindi Isang Persona
GAYUNMAN, hindi ba may mga talata sa Bibliya na tumutukoy sa banal na espiritu sa mga katagang nauukol sa tao? Oo, ngunit pansinin ang sinasabi tungkol dito ng Katolikong teologo na si Edmund Fortman sa The Triune God: “Bagaman ang espiritu ay malimit ilarawan ng mga katagang nauukol sa tao, ang espiritung ito ay maliwanag na hindi inakala o iniharap ng sagradong mga manunulat [ng mga Kasulatang Hebreo] bilang persona.”
Sa mga Kasulatan hindi kakatwa na ang isang bagay ay ilarawan bilang tao. Ang karunungan ay sinasabing may mga anak. (Lucas 7:35) Ang kasalanan at kamatayan ay tinatawag na mga hari. (Roma 5:14, 21) Sa Genesis 4:7 sinasabi ng The New English Bible (NE): “Ang kasalanan ay isang demonyo na nag-aabang sa pintuan,” kaya ang kasalanan ay inilalarawan bilang balakyot na espiritu na nag-aabang sa pintuan ni Cain. Subalit, ang kasalanan ay hindi talagang isang espiritung persona; at ang paghahalintulad ng banal na espiritu sa tao ay hindi gumagawa rito na isang espiritung persona.
Kahawig nito, sa 1 Juan 5:6-8 (NE) hindi lamang ang espiritu kundi maging “ang tubig, at ang dugo” ay tinutukoy bilang “mga saksi.” Ngunit ang tubig at dugo ay maliwanag na hindi mga persona, kung papaanong ang banal na espiritu ay hindi rin persona.
Kasuwato nito ay ang karaniwang gamit sa Bibliya ng “banal na espiritu” sa paraang di kahalintulad ng tao, gaya ng paghahambing nito sa tubig at apoy. (Mateo 3:11; Marcos 1:8) Ang mga tao ay hinihimok na mapuspos ng banal na espiritu sa halip na ng alak. (Efeso 5:18) Sila ay napupuspos ng banal na espiritu kung papaanong sila ay napupuspos din ng mga katangiang gaya ng karunungan, pananampalataya, at kagalakan. (Gawa 6:3; 11:24; 13:52) At sa 2 Corinto 6:6 ang banal na espiritu ay isinama sa maraming katangian. Hindi madalas gagamitin ang mga pangungusap na ito kung ang banal na espiritu ay talagang isang persona.
At bagaman may mga teksto sa Bibliya na nagsasabing ang espiritu ay nagsasalita, ipinakikita ng ibang teksto na ito ay ginagawa sa pamamagitan ng tao o ng anghel. (Mateo 10:19, 20; Gawa 4:24, 25; 28:25; Hebreo 2:2) Ang pagkilos ng espiritu sa mga kalagayang ito ay gaya ng mga sinag ng radyo na naghahatid ng mensahe mula sa isang tao patungo sa ibang tao na nasa malayo.
Sa Mateo 28:19 ay binabanggit ang “pangalan . . . ng banal na espiritu.” Subalit, sa Griyego man o sa Ingles, ang “pangalan” ay hindi laging nangangahulugan ng personal na pangalan. Kapag sinabing “sa pangalan ng batas,” hindi natin tinutukoy ang isang persona. Ang tinutukoy natin ay yaong kinakatawanan ng batas, ang autoridad nito. Sinasabi ng Word Pictures in the New Testament ni Robertson: “Ang paggamit dito ng pangalan (onoma) ay karaniwan sa Septuagint at sa mga papiro bilang katumbas ng kapangyarihan o autoridad.” Kaya ang pagbautismo ‘sa pangalan ng banal na espiritu’ ay ang pagkilala sa kapangyarihan ng espiritu, na ito’y mula sa Diyos at kumikilos ayon sa banal na kalooban.
Ang “Katulong”
TINUKOY ni Jesus ang banal na espiritu bilang isang “katulong,” at sinabi niya na ito ay magtuturo, papatnubay, at magsasalita. (Juan 14:16, 26; 16:13) Ang salitang Griyego para sa katulong (pa·raʹkle·tos) ay nasa kasariang panlalaki. Kaya nang tukuyin ni Jesus kung ano ang gagawin ng katulong, gumamit siya ng panghalip panao na panlalaki. (Juan 16:7, 8) Sa kabilang dako, kapag ang ginamit ay pambalaking salitang Griyego para sa espiritu (pneuʹma), ang pambalaking panghalip na “ito” ay wastong ginagamit.
Ito ay inililihim ng karamihan sa mga trinitaryong tagapagsalin, gaya ng inaamin ng Katolikong New American Bible hinggil sa Juan 14:17: “Ang salitang Griyego para sa ‘Espiritu’ ay pambalaki, at bagaman gumagamit tayo ng mga panghalip panao sa Ingles (‘siya,’ ‘kaniya,’ ‘niya’), karamihan ng mga Griyegong MSS [manuskrito] ay gumagamit ng ‘ito.’”
Kaya kapag ang Bibliya ay gumagamit ng mga panlalaking panghalip panao kaugnay ng pa·raʹkle·tos sa Juan 16:7, 8, ito ay pag-ayon sa mga tuntunin ng balarila, at hindi pagpapahayag ng isang doktrina.
Hindi Bahagi ng Isang Trinidad
KINIKILALA ng iba’t-ibang reperensiya na ang Bibliya ay hindi umaalalay sa paniwala na ang banal na espiritu ay ang ikatlong persona ng Trinidad. Halimbawa:
The Catholic Encyclopedia: “Saanman sa Matandang Tipan ay hindi makakasumpong ng malinaw na pahiwatig hinggil sa Ikatlong Persona.”
Ang Katolikong teologo na si Fortman: “Ang espiritu ay hindi kailanman itinuring ng mga Judio bilang persona; wala ring matatag na ebidensiya na ganito ang paniwala ng alinmang manunulat sa Matandang Tipan. . . . Ang Espiritu Santo ay inihaharap sa mga Sinoptiko [mga Ebanghelyo] at sa Mga Gawa bilang isang banal na puwersa o kapangyarihan.”
Ang New Catholic Encyclopedia: “Maliwanag na ang M[atandang] T[ipan] ay hindi naglalarawan sa espiritu ng Diyos bilang persona . . . Ang espiritu ng Diyos ay kapangyarihan lamang ng Diyos. Kung inihaharap ito paminsanminsan nang hiwalay sa Diyos, yao’y sapagkat ang hininga ni Yahweh ay kumikilos nang papalabas.” Sinasabi din nito: “Ang espiritu ng Diyos ay ipinakikilala ng karamihan ng mga talata sa B[agong] T[ipan] bilang isang bagay, hindi bilang isang persona; makikita ito lalung-lalo na sa pagkakahawig ng espiritu at ng kapangyarihan ng Diyos.”—Amin ang italiko.
A Catholic Dictionary: “Sa kabuuan, ang Bagong Tipan, gaya ng Matanda, ay bumabanggit sa espiritu bilang banal na lakas o puwersa.”
Kaya, hindi itinuring ng mga Judio o ng sinaunang mga Kristiyano ang banal na espiritu bilang bahagi ng Trinidad. Ang turong ito ay lumitaw pagkaraan lamang ng maraming dantaon. Gaya ng sinasabi ng A Catholic Dictionary: “Ang ikatlong Persona ay pinagtibay ng Konsilyo ng Aleksandriya noong 362 . . . at sa wakas ay sa Konsilyo ng Constantinople noong 381”—mga tatlo at kalahating siglo pagkatapos na ang mga alagad ay mapuspos ng banal na espiritu noong Pentekostes!
Oo, ang banal na espiritu ay hindi isang persona at hindi ito bahagi ng isang Trinidad. Ang banal na espiritu ay ang aktibong puwersa ng Diyos na ginagamit niya sa pagsasakatuparan ng kaniyang kalooban. Hindi ito kapantay ng Diyos kundi laging nasa ilalim ng kapangyarihan niya at nasasakop niya.
[Blurb sa pahina 22]
“Sa kabuuan, ang Bagong Tipan, gaya ng Matanda, ay bumabanggit sa espiritu bilang banal na lakas o puwersa.”—A Catholic Dictionary
[Mga larawan sa pahina 21]
Sa isang okasyon ang banal na espiritu ay nakita bilang kalapati. Sa iba namang okasyon ito ay nakita bilang mga dila ng apoy—hindi kailanman bilang isang persona