Ito Ba ay Maliwanag na Turo sa Bibliya?
Ito Ba ay Maliwanag na Turo sa Bibliya?
KUNG totoo ang Trinidad, dapat ito ay maliwanag at paulit-ulit na inihaharap sa Bibliya. Bakit? Sapagkat, gaya ng tiniyak ng mga apostol, ang Bibliya ay kapahayagan ng Diyos sa tao tungkol sa sarili. At yamang dapat makilala ang Diyos upang sambahin siya sa wastong paraan, dapat liwanagin ng Bibliya kung sino talaga siya.
Ang mga Kasulatan ay tinanggap ng unang-siglong mga alagad bilang tunay na kapahayagan ng Diyos. Naging saligan ito ukol sa kanilang paniniwala, bilang pangwakas na autoridad. Halimbawa, nang mangaral si apostol Pablo sa mga taga-Berea, “tinanggap nila ang salita nang buong pananabik, at maingat na sinuri ang mga Kasulatan sa araw-araw kung tunay nga ang mga bagay na ito.”—Gawa 17:10, 11.
Aling autoridad ang ginamit ng pangunahing mga tauhan ng Diyos noong panahong yaon? Sinasabi ng Gawa 17:2, 3: “Ayon sa ugali ni Pablo . . . nakipagkatuwiranan siya sa kanila mula sa mga Kasulatan, na nagpapaliwanag at nagpapatotoo sa tulong ng mga reperensiya [mula sa mga Kasulatan].”
Si Jesus mismo ay nagbigay-halimbawa sa paggamit ng mga Kasulatan bilang saligan ng kaniyang turo, at paulit-ulit niyang sinabi: “Nasusulat.” “Ipinaliwanag niya sa kanila ang mga bagay tungkol sa kaniya sa lahat ng mga Kasulatan.”—Mateo 4:4, 7; Lucas 24:27.
Kaya sina Jesus, Pablo, at ang unang-siglong mga mananampalataya ay gumamit sa Kasulatan bilang saligan ng kanilang turo. Alam nila na “lahat ng Kasulatan ay kinasihan ng Diyos at kapakipakinabang sa pagtuturo, sa pagsaway, sa pagtutuwid, sa pagdidisiplina sa katuwiran, upang ang tao ng Diyos ay maging ganap, lubos na nasasangkapan sa bawat gawang mabuti.”—2 Timoteo 3:16, 17; tingnan din ang 1 Corinto 4:6; 1 Tesalonica 2:13; 2 Pedro 1:20, 21.
Yamang ang Bibliya ay ‘nakapagtutuwid,’ dapat ay buong-linaw itong makapaghayag ng impormasyon hinggil sa Trinidad na di-umano ay isang saligang turo. Ngunit sinasabi ba mismo ng mga teologo at mananalaysay na ito’y maliwanag na itinuturo sa Bibliya?
Nasa Bibliya ba ang “Trinidad”?
ISANG Protestanteng babasahin ang nagsasaad: “Ang salitang Trinidad ay hindi makikita sa Bibliya . . . Hindi ito nagkaroon ng pormal na dako sa teologo ng simbahan kundi noong ika-4 na siglo.” (The Illustrated Bible Dictionary) At isang Katolikong autoridad ang nagsasabi na ang Trinidad “ay hindi . . . tuwirang salita at hindi nahahawig sa salita ng Diyos.”—New Catholic Encyclopedia.
Nagkokomento rin ang The Catholic Encyclopedia: “Sa Kasulatan ay wala pang nag-iisang kataga na nagpapakilala nang samasama sa Tatlong Dibino Persona. Ang salitang τρίας [triʹas] (na isinaling trinitas sa Latin) ay unang masusumpungan kay Teofilo ng Antioquia noong mga A. D. 180. . . . Hindi nagtagal ito ay lumitaw kay Tertullian sa anyong Latin na trinitas.”
Gayunman, hindi ito patotoo na ang Trinidad ay itinuro nga ni Tertullian. Halimbawa, sinasabi ng Katolikong Trinitas—A Theological Encyclopedia of the Holy Trinity na nang maglaon, ang ilang pananalita ni Tertullian ay ginamit ng iba upang ilarawan ang Trinidad. Pagkatapos ay nagbabala
ito: “Ngunit hindi makagagawa ng pabigla-biglang pasiya salig sa paggamit na ito, sapagkat hindi niya ikinakapit ang kaniyang mga salita sa teolohiyang Trinitaryo.”Patotoo ng mga Kasulatang Hebreo
KUNG ang salitang “Trinidad ” ay wala sa Bibliya, hindi kaya nito itinuturo kahit ang ideya man lamang ng Trinidad? Halimbawa, ano ba ang ipinakikita ng mga Kasulatang Hebreo (“Matandang Tipan”)?
Inaamin ng The Encyclopedia of Religion: “Ang mga teologo ngayon ay nagkakaisa sa paniwala na ang Bibliyang Hebreo ay hindi naglalaman ng isang doktrina ng Trinidad.” Sinasabi din ng New Catholic Encyclopedia: “Ang doktrina ng Santisima Trinidad ay hindi itinuturo sa M[atandang] T[ipan].”
Kahawig nito, inamin ng Jesuitang si Edmund Fortman sa kaniyang aklat na The Triune God: “Ang Matandang Tipan . . . ay walang maliwanag na sinasabi o ipinahihiwatig tungkol sa Diyos na Tatlo-sa-isa na kapuwa Ama, Anak at Espiritu Santo . . . Walang ebidensiya na isa man sa mga sagradong manunulat ay nanghinuha hinggil sa pag-iral ng isang [Trinidad] sa pagka-Diyos. . . . At ang pagpapakahulugan ng isang trinidad ng mga diyos salig sa mga paliwanag o anino o ‘mga tandang nalambungan’ [sa “Matandang Tipan”], ay isa nang pagpilipit sa mga salita at intensiyon ng mga sagradong manunulat.”—Amin ang italiko.
Ang pagsusuri sa mismong mga Kasulatang Hebreo ay magpapatunay sa mga komentong ito. Kaya, walang maliwanag na turo ng Trinidad sa unang 39 na aklat ng Bibliya na bumubuo sa tunay na kanon ng kinasihang mga Kasulatang Hebreo.
Patotoo ng mga Kasulatang Griyego
NGAYON, ang mga Kristiyanong Kasulatang Griyego (“Bagong Tipan”) kaya ay maliwanag na bumabanggit ng isang Trinidad?
Sinasabi ng The Encyclopedia of Religion: “Sumasang-ayon ang mga teologo na ang Bagong Tipan ay hindi rin naglalaman ng maliwanag na doktrina ng Trinidad.”
Sinabi ng Jesuitang si Fortman: “Ang mga sumulat ng Bagong Tipan . . . ay hindi naghaharap ng pormal o binalangkas na doktrina ng Trinidad, walang maliwanag na turo na sa isang Diyos ay may tatlong pantay-pantay na dibino persona. . . . Wala roong masusumpungang doktrina na sa iisang pagka-Diyos ay may tatlong magkakaibang tauhan ng maka-diyos na buhay at gawain.”
Nagpapaliwanag ang The New Encyclopædia Britannica: “Hindi lumilitaw sa Bagong Tipan ang salitang Trinidad ni ang maliwanag na doktrina nito.”
Sinasabi ni Bernhard Lohse sa A Short History of Christian Doctrine: “Kung pag-uusapan ang Bagong Tipan, hindi masusumpungan doon ang aktuwal na doktrina ng Trinidad.”
Kahawig nito ang sinasabi ng The New International Dictionary of New Testament Theology: “Ang B[agong] T[ipan] ay hindi naglalaman ng binuong doktrina ng Trinidad. ‘Sa Bibliya ay walang maliwanag na kapahayagan na ang Ama, ang Anak, at ang Espiritu Santo ay may iisang kahulugan’ [sabi ng Protestanteng teologo na si Karl Barth].”
Tiniyak ng propesor ng Yale University na si E. Washburn Hopkins: “Maliwanag na hindi nakilala nina Jesus at Pablo ang doktrina ng Trinidad; . . . wala silang sinasabi hinggil dito.”—Origin and Evolution of Religion.
Nagkomento ang mananalaysay na si Arthur Weigall: “Kailanma’y hindi binanggit ni Jesu-Kristo ang guniguning ito, at saanman sa Bagong Tipan ay hindi lumilitaw ang salitang ‘Trinidad.’ Ang ideya ay pinagtibay lamang ng Simbahan tatlong daang taon pagkamatay ng ating Panginoon.”—The Paganism in Our Christianity.
Kaya, sa 39 na aklat ng mga Kasulatang Hebreo ni sa kanon ng 27 kinasihang aklat ng mga Kristiyanong Kasulatang Griyego ay hindi inihaharap ang alinmang turo hinggil sa Trinidad.
Itinuro ng mga Sinaunang Kristiyano?
ITINURO ba ng sinaunang mga Kristiyano ang Trinidad? Pansinin ang sumusunod na komento ng mga mananalaysay at teologo:
“Ang sinaunang Kristiyanismo ay walang malinaw na doktrina ng Trinidad sa anyo na pinalawak ng mga kredo nang maglaon.”—The New International Dictionary of New Testament Theology.
“Sa pasimula’y hindi inisip ng sinaunang mga Kristiyano na ilakip ang ideya ng [Trinidad] sa kanilang pananampalataya. Iniukol nila ang kanilang debosyon sa Diyos Ama at kay Jesu-Kristo, ang Anak ng Diyos, at kinilala nila ang . . . Banal na Espiritu; subalit hindi sila naniwala na ang tatlo ay isang Trinidad, pantay-pantay at samasama sa Isa.”—The Paganism in Our Christianity.
“Sa pasimula ang pananampalatayang Kristiyano ay hindi Trinitaryo . . . At hindi rin noong panahong apostoliko at hindi pa natatagalan pagkatapos nito, gaya ng ipinaaaninaw sa B[agong] T[ipan] at iba pang mga sinaunang kasulatang
Kristiyano.”—Encyclopædia of Religion and Ethics.“Ang pormulang ‘isang Diyos sa tatlong Persona’ ay hindi matatag na pinagtibay, at tiyak na hindi lubusang tinanggap sa Kristiyanong pamumuhay at pagpapahayag ng pananampalataya, bago natapos ang ika-4 na siglo. . . . Sa gitna ng mga Apostolikong Ama, ni bahagya ay walang anomang nakakahawig ng ganitong paniwala o pangmalas.”—New Catholic Encyclopedia.
Kung Ano ang Itinuro ng mga Ama Bago ang Nicaea
ANG mga Ama bago ang Nicaea ay kinilala bilang nangungunang mga guro ng relihiyon noong unang mga siglo matapos isilang si Kristo. Kawiliwiling malaman ang kanilang itinuro.
Si Justin Martyr, na namatay noong mga 165 C.E., ay tumukoy kay Jesus, bago naging tao, bilang nilikhang anghel na “naiiba sa Diyos na lumalang sa lahat ng bagay.” Ipinakita niya na si Jesus ay mas mababa sa Diyos at “kailanma’y hindi gumawa nang anoman kundi yaong . . . nilayon ng Maylikha na kaniyang gawin at sabihin.”
Si Ireneo, na namatay noong mga 200 C.E., ay nagsabi na si Jesus, bago naging tao, ay umiral nang hiwalay at mas mababa sa Diyos. Ipinakita niya na si Jesus ay hindi kapantay ng “Isang tunay at tanging Diyos,” na “kataastaasan sa lahat, at bukod sa kaniya ay wala nang iba.”
Si Clemente ng Aleksandriya, na namatay noong mga 215 C.E., ay tumukoy sa Diyos bilang “ang hindi nilikha at hindi namamatay at tanging tunay na Diyos.” Sinabi niya na ang Anak “ay pangalawa sa Amang makapangyarihan-sa-lahat” subalit hindi kapantay nito.
Si Tertullian, na namatay noong mga 230 C.E., ay nagturo hinggil sa pagiging-kataastaasan ng Diyos. Sinabi niya: “Ang Ama ay naiiba sa Anak (natatangi), pagkat siya’y mas dakila; yamang ang may-anak ay naiiba sa inianak; ang nagsusugo ay naiiba sa isinugo.” Sinabi din niya: “May panahon na ang Anak ay hindi umiiral . . . Bago ang lahat ng bagay, ang Diyos ay nag-iisa.”
Si Hipolito, na namatay noong mga 235 C.E., ay nagsabi na ang Diyos ay “isang Diyos, una at tanging Isa, Maygawa at Panginoon ng lahat,” na “walang kasingtanda . . . Ngunit siya ay Iisa, natatangi sa ganang sarili; at, ayon sa kalooban niya, ay nagpairal sa hindi dating umiiral,” gaya ni Jesus na nalikha bago pa naging tao.
Si Origen, na namatay noong mga 250 C.E., ay nagsabi na “ang Ama at ang Anak ay dalawang sangkap . . . dalawang bagay ayon sa kanilang kahulugan,” at na “kung ihahambing sa Ama, [ang Anak] ay isang napakaliit na liwanag.”
Bilang pagsuma sa makasaysayang ebidensiya, sinasabi ni Alvan Lamson sa The Church of the First Three Centuries: “Ang makabagong popular na doktrina ng Trinidad . . . ay hindi sinusuhayan ng mga salita ni Justin [Martyr]: at sumasaklaw din ang obserbasyong ito sa lahat ng mga Ama bago ang Nicaea; alalaong baga’y, sa lahat ng Kristiyanong manunulat sa loob ng tatlong siglo makaraang isilang si Kristo. Oo, nagsasalita nga sila hinggil sa Ama, Anak, at . . . banal na Espiritu, ngunit hindi pantay-pantay, hindi iisa sa bilang, hindi Tatlo sa Isa, gaya ng paliwanag ng mga Trinitaryo ngayon. Ang totoo ay ang mismong kabaligtaran.”
Kaya, nililiwanag ng patotoo ng Bibliya at ng kasaysayan na ang Trinidad ay hindi nakilala sa buong panahon ng Bibliya at sa maraming mga dantaon pagkaraan nito.
[Blurb sa pahina 7]
“Walang ebidensiya na isa man sa mga sagradong manunulat ay nanghinuha hinggil sa pag-iral ng isang [Trinidad] sa pagka-Diyos.”—The Triune God