Abarim
[Mga Tawiran; Lupaing Hanggahan (Mga Pook sa Kabilang Ibayo)].
Ang pangalang ito ay walang alinlangang tumutukoy sa isang rehiyon sa S ng Ilog Jordan at, lalung-lalo na, sa S ng Dagat na Patay. Sa Jeremias 22:20 ay binabanggit ito kasama ng mga pook ng Lebanon at Basan.
Sa ibang mga paglitaw nito sa ulat ng Bibliya, iniuugnay ito sa isang kabundukan. Maaaring ipinahihiwatig ng terminong “Abarim,” sa pagtukoy sa
“mga pook sa kabilang ibayo,” na ang mga taong pinagmulan ng terminong ito ay nasa kanluraning panig ng Jordan; at posible na ang terminong ito ay unang ginamit ni Abraham at ginamit pa rin ng mga Israelita pagkaalis nila sa Ehipto.Papatapos na ang 40-taóng paglalakbay sa ilang nang marating ng mga Israelita ang teritoryong ito at magkampo sila “sa mga bundok ng Abarim.” (Bil 33:47, 48) Pagkatapos nito, lumusong sila sa Kapatagan ng Moab, na nasa S ng Jordan sa H dulo ng Dagat na Patay. Dito sila nagkampo sa huling pagkakataon bago sila tumawid sa Ilog Jordan. Dito rin naman sinabihan ni Jehova si Moises: “Umahon ka sa bundok na ito ng Abarim, sa Bundok Nebo, na nasa lupain ng Moab, na nakaharap sa Jerico, at tingnan mo ang lupain ng Canaan, na ibinibigay ko sa mga anak ni Israel bilang pag-aari.”—Deu 32:49; Bil 27:12.
Mula sa paglalarawang ito, lumilitaw na ang rehiyon ng Abarim, kasama ang kabundukan nito, ay nasa HK bahagi ng teritoryo ng Moab. Gayunman, posibleng saklaw nito ang buong hanay ng mga dalisdis ng kabundukan na nasa kahabaan ng S panig ng Dagat na Patay mula sa H hanggang sa T. Sa Bilang 21:11 at 33:44 ay may binabanggit na isang dakong hintuan na nasa ruta ng mga Israelita na tinatawag na “Iye-abarim,” at batay sa konteksto ay masusumpungan ito sa dakong T ng Moab at sa T na dulo ng Dagat na Patay. Maaaring ito ang pinakatimugang dako ng rehiyon na tinatawag na Abarim.—Tingnan ang IYE-ABARIM.
Maliwanag na ang Bundok Nebo ang isa sa matataas na bundok ng Abarim.—Tingnan ang NEBO Blg. 3.