Pumunta sa nilalaman

Pumunta sa talaan ng mga nilalaman

Alamot

Alamot

[Mga Dalaga; Mga Kabataang Babae].

Maliwanag na isang termino hinggil sa paraan ng pagtugtog o pag-awit. Malamang na tumutukoy ito sa boses na soprano ng mga kabataang babae o sa falsetto ng mga batang lalaki. Sa 1 Cronica 15:20, inilalarawan ang mga panugtog na de-kuwerdas bilang “nakatono sa Alamot” anupat doon ay tinumbasan ng transliterasyon ang terminong ito. Gayunman, sa superskripsiyon ng Awit 46, ang ʽala·mohthʹ ay isinalin bilang “Mga Dalaga.”

Sa 1 Cronica 15:21, na kasunod ng nabanggit na teksto, ay may isa pang pananalitang pangmusika na tinumbasan ng transliterasyon, ang shemi·nithʹ, na tumutukoy sa “mga alpa na nakatono sa Seminit.” Sa mga superskripsiyon naman ng Awit 6 at 12, isinalin ang salitang ito bilang “mababang oktaba.” Bagaman hindi talaga magkasalungat ang kahulugan ng dalawang terminong ito, ang Alamot at ang Seminit, naniniwala ang ilang iskolar na magkaibang-magkaiba ang mga ito. Waring ipinahihiwatig din ito ng nilalaman ng nabanggit na mga awit: Ang Awit 6 at 12, na kapuwa may shemi·nithʹ sa kani-kanilang superskripsiyon, ay waring mapanglaw at sa gayon ay dapat saliwan ng mas malungkot at mas mababang tono, samantalang ang Awit 46 naman, na may ʽala·mohthʹ sa superskripsiyon nito, ay masaya at angkop na saliwan ng, o awitin sa, mas mataas na tono.​—Tingnan ang ALPA; MUSIKA.