Pumunta sa nilalaman

Pumunta sa talaan ng mga nilalaman

Alpa

Alpa

Ang pangalan ng unang panugtog na binanggit sa Kasulatan. (Gen 4:21, AS, Fn, Kx, NW, Yg, Da) Ang salitang Hebreo na kin·nohrʹ (alpa) ay isinasalin din bilang “lira” sa maraming salin ng Bibliya. (JB, Mo, Ro, RS) Halos kalahati ng 42 paglitaw ng kin·nohrʹ sa Bibliya ay isinalin naman ng mga tagapagsalin ng Septuagint sa pamamagitan ng Griegong ki·thaʹra. Noon, ang ki·thaʹra ay isang panugtog na kahawig ng lira (sa Gr., lyʹra), ngunit mas mababaw ang sound board nito. Karaniwang isinasalin ng makabagong mga salin ang ki·thaʹra sa Kristiyanong Griegong Kasulatan bilang “alpa.” (1Co 14:7; Apo 5:8) Ipinakikita ng mga pagsasalarawan sa mga bantayog sa Ehipto na iba’t iba ang istilo at hugis ng sinaunang mga alpa, anupat nagkakaiba-iba rin ang bilang ng mga kuwerdas ng mga ito. Dahil sa mga nabanggit, iminumungkahi ng ilan na maaaring ang kin·nohrʹ ay isang pangkalahatang termino na tumutukoy sa anumang panugtog na may pangunahing mga katangian ng sinaunang alpa.

Ang tanging tiyak na ipinahihiwatig ng Hebreong Kasulatan hinggil sa kin·nohrʹ ay na ito’y nabibitbit at magaan, yamang maaari itong tugtugin sa isang prusisyon o maging ng isang patutot samantalang umaawit at naglalakad sa isang lunsod. (1Sa 10:5; 2Sa 6:5; Isa 23:15, 16) Ang ilan sa mga ito ay gawa sa kahoy ng “algum.” (1Ha 10:12) Ang mga kuwerdas ng mga ito ay maaaring gawa mula sa maliliit na bituka ng tupa, bagaman marahil ay ginagamit din noon ang inikid na mga hibla ng halaman.

Binigyan ni David, na dalubhasa sa pagtugtog ng kin·nohrʹ “sa pamamagitan ng kaniyang kamay” (1Sa 16:16, 23), ng prominenteng dako ang panugtog na ito kasama ng “panugtog na de-kuwerdas” (neʹvel) sa orkestra na tumugtog sa templo ni Solomon nang maglaon. (1Cr 25:1; 2Cr 29:25) Noong pasinayaan ni Nehemias ang pader ng Jerusalem, nakaragdag sa kasayahan ng okasyon ang kin·nohrʹ. (Ne 12:27) Yamang ang kin·nohrʹ ay pangunahin nang isang “kaiga-igayang” panugtog para sa “pagbubunyi,” ang tunog nito ay matitigil sa mga panahon ng kahatulan o kaparusahan. (Aw 81:2; Eze 26:13; Isa 24:8, 9) Palibhasa’y nalulungkot dahil sa pagiging tapon nila sa Babilonya, nawalan ng pagnanais ang mga Israelita na tumugtog ng kanilang mga alpa, sa halip ay isinabit nila ang mga ito sa mga punong alamo.​—Aw 137:1, 2.

Dahilan sa kawalang-katiyakan hinggil sa eksaktong pagkakakilanlan ng kin·nohrʹ, at lalo na ng neʹvel (panugtog na de-kuwerdas), ang anumang pagsisikap na paghambingin ang dalawang panugtog na ito ay batay lamang sa espekulasyon. Ang 1 Cronica 15:20, 21 ay bumabanggit ng “mga panugtog na de-kuwerdas [neva·limʹ (pangmaramihan)] na nakatono sa Alamot, . . . mga alpa [kin·no·rohthʹ (pangmaramihan)] na nakatono sa Seminit.” Kung ang “Alamot” ay tumutukoy sa isang mas mataas na tono sa musika at ang “Seminit” ay sa isang mas mababang tono, maaaring ipahiwatig nito na ang kin·nohrʹ ay panugtog na mas malaki, at mas mababa ang tono. Sa kabilang dako, maaaring ang kabaligtaran naman ang totoo (na siyang sinasang-ayunan ng marami) kung, ang Alamot at ang Seminit nga ay espesipikong binabanggit dito bilang pantanging mga pagtotono ng mga panugtog na ito. Anuman ang kalagayan, ang mga panugtog na ito ay kapuwa nabibitbit.

Sa Daniel 3:5, 7, 10, 15, ang salitang Aramaiko na sab·bekhaʼʹ ay waring tumutukoy sa isang “alpang tatsulok” (NW), isinalin din ito bilang “trigon” (AT, JB, RS) at “sambuca.” (Da) Inilalarawan ng ilan ang sab·bekhaʼʹ bilang isang alpa na maliit, matinis, tatsulok, at apat ang kuwerdas, anupat ang paglalarawang ito ay tumutugma sa mga saling nabanggit sa itaas.​—Tingnan ang PANUGTOG NA DE-KUWERDAS.