Amon
[1-3: Mapagkakatiwalaan; Tapat; Namamalagi].
1. Isang pinuno ng lunsod ng Samaria noong si Ahab na hari ng Israel ang namamahala (mga 940-920 B.C.E.). Inilagay sa ilalim ng kaniyang pag-iingat ang propetang si Micaias habang nakikipagdigma si Ahab laban sa Ramot-gilead.—1Ha 22:10, 26; 2Cr 18:25.
2. Isang hari ng Juda (661-660 B.C.E.) at anak ng balakyot na si Haring Manases. Nagsimula siyang mamahala sa edad na 22 at sinundan niya ang idolatrosong landasin ng kaniyang ama noong mga unang taon nito. Walang alinlangang nagsisimula na noong panahong iyon ang masasamang kalagayan na inilarawan sa Zefanias 1:4; 3:2-4. Pagkaraan ng dalawang-taóng paghahari, pinaslang siya ng kaniya mismong mga lingkod. Pinatay ng “bayan ng lupain [ʽam ha·ʼaʹrets]” ang mga nagsabuwatang iyon, ginawa nilang hari ang kaniyang anak na si Josias, at inilibing nila si Amon sa “hardin ni Uza.” (2Ha 21:19-26; 2Cr 33:20-25) Ang kaniyang pangalan ay kabilang sa talaangkanan ni Jesus.—Mat 1:10.
3. Ang ulo ng pamilya ng ilang pinabalik na tapon na kabilang sa “mga anak ng mga lingkod ni Solomon.” (Ne 7:57-59) Tinutukoy siya sa Ezra 2:57 bilang si “Ami.”
4. Isang lokal na diyos ng Thebes, o No-Amon. Nang iangat siya sa posisyong “hari ng mga diyos,” nakilala siya sa pangalang Amon-Ra at ang kaniyang mataas na saserdote ang naging pinuno ng lahat ng saserdoteng Ehipsiyo. Karaniwan nang ipinakikita si Amon bilang isang lalaking may suot na korona na may dalawang mahahaba at magkahilerang pakpak ng ibon, pero ipinakikita rin siya bilang isang lalaki na ang ulo ay ulo ng barakong tupa o bilang isang barakong tupa. Tulad ng maraming iba pang bathala ng Ehipto, malimit siyang ipinakikitang may hawak na crux ansata, ang “sagisag ng buhay.” Si Amon, ang asawa niyang si Mut, at si Khonsu (ang kaniyang inampong anak) ang bumubuo sa tatluhang diyos ng Thebes.
Malaking bahagi ng mga samsam ng Ehipto sa digmaan ang napupunta noon sa kabang-yaman ni Amon, anupat ang kaniyang mga saserdote ay naging lubhang makapangyarihan at mayaman. Sa akdang A History of Egypt (1902, Tomo V, p. 205-217), ipinahihiwatig ni E. A. W. Budge na maaaring aktuwal na pinasigla ng mga saserdote ang pakikipagdigma para sa sarili nilang kapakinabangan. Nang maglaon, ang mga mataas na saserdote ni Amon, na ang katungkulan ay maaari nang ipamana, ay naging mas makapangyarihan pa kaysa sa mga paraon. Ang isa sa kanila, si Herihor, ay humalili sa kahuli-hulihang Ramses sa trono. Ayon sa History of Egypt ni J. H. Breasted, sa ilalim ni Hrihor (Herihor), “anuman ang nais na legal na ipatupad ng Mataas na Saserdote ay maaaring pahintulutan sa pamamagitan ng pantanging orakulo ng diyos [na si Amon] sa anumang panahon, at, sa pamamagitan ng patiunang pagsasaayos, ang imahen ng kulto, na sa harap nito’y ipinababatid ng Mataas na Saserdote ang mga kagustuhan niya, ay laging tumutugon nang may pagsang-ayon . . . Kaya sa pamamagitan ng pagmamanipula ng Mataas na Saserdote, na namamahala nang may tahasang pagwawalang-bahala sa batas at katarungan kung kinakailangan, napalilitaw niya na pinahihintulutan ng diyos ang lahat ng nais niyang ipatupad.”—1937, p. 523.
Maraming kapighatian ang sumapit sa Thebes at sa kaniyang diyos na si Amon. Binanggit sa Kasulatan ang dalawa sa mga ito. Noong ikapitong siglo B.C.E., ang Thebes ay lubusang winasak ng nanlulupig na mga Asiryano sa ilalim ng pangunguna ni Ashurbanipal at ang lunsod ay sinamsaman ng lahat ng kayamanan nito. Binanggit ng propetang si Nahum ang pangyayaring iyon, anupat ginamit niya iyon upang ilarawan ang dumarating na pagkawasak ng Nineve. (Na 3:8) Waring nakabawi ang Thebes mula sa dagok na pinasapit sa kaniya ng Asirya at medyo umunlad itong muli, ngunit hindi rin iyon nagtagal. Sinabi ni Jeremias na ang kahatulan ni Jehova ay laban sa Ehipto at sa mga diyos nito, kasama na ang Thebes at ang diyos nito na si Amon. Ibibigay sa kamay ni Nabucodonosor ang Ehipto, anupat magdudulot iyon ng kahihiyan sa Ehipto at sa mga diyos nito, lalo na kay Amon ng No (Thebes).—Jer 46:25, 26; tingnan ang NO, NO-AMON.