FEATURE
Ang Baha Noong mga Araw ni Noe
MAHIGIT 4,370 taon na ang nakararaan, ayon sa ulat ng kasaysayan sa Bibliya, nabuksan ang mga pintuan ng tubig ng langit at isang delubyo ang umapaw sa buong lupa. Napuksa ang mga taong di-makadiyos at mararahas at lahat niyaong nagwalang-bahala anupat hindi nagbigay-pansin sa babala ng Diyos. Ang nakaligtas lamang sa Baha ay ang matuwid na si Noe at ang kaniyang pamilya, walo katao, kasama ang limitadong bilang ng bawat uri ng buhay-hayop, sa pamamagitan ng isang pagkalaki-laking arka na ginawa ayon sa tagubilin ng Diyos.—Gen 7:1-24.
Pinatutunayan ng maraming manunulat ng Bibliya na talagang naganap ang Baha. (Isa 54:9; 2Pe 3:5, 6; Heb 11:7) Gayunman, ang pinakamatibay na ebidensiya ay ang patotoo ni Jesu-Kristo mismo, na nakasaksi sa mga pangyayari mula sa langit. (Ihambing ang Ju 8:58.) Tuwiran niyang sinabi: “Noong mga araw ni Noe, . . . dumating ang baha at pinuksa silang lahat.”—Luc 17:26, 27.
Ang ulat tungkol sa Baha ay hindi isang kuwento lamang. Ipinakita ni Jesu-Kristo na mayroon itong makahulang kahulugan. Sa kaniyang hula hinggil sa “katapusan ng sistema ng mga bagay,” espesipiko niyang tinukoy ang “mga araw ni Noe.” Tinukoy niya ang Baha bilang babalang halimbawa ng isang mas malaking pagkapuksa na sasapit sa panahon ng “pagkanaririto ng Anak ng tao.”—Mat 24:3, 37-39.