Apio, Pamilihan ng
Isang pamilihan sa TS ng Roma na may layong 64 na km (40 mi) mula rito. Ito ay isang kilaláng dakong
hintuan sa bantog na Romanong lansangang-bayan ng Via Appia, na bumabagtas mula sa Roma hanggang sa Brundisium (tinatawag ngayon na Brindisi) at dumaraan sa Capua. Ang pangalan ng daan at ng pamilihan ay parehong hinango sa pangalan ng tagapagtatag nito, si Appius Claudius Caecus, na nabuhay noong ikaapat na siglo B.C.E.Bilang himpilan na karaniwang hinihintuan ng mga manlalakbay sa pagtatapos ng kanilang unang araw ng paglalakbay mula sa Roma, ang pamilihan ay naging isang abaláng sentro ng kalakalan. Nakaragdag pa sa importansiya nito ang lokasyon nito sa hilagang dulo ng isang kanal na kahilera ng daan, anupat binabagtas nito ang Pontine Marshes. Iniuulat na ang mga manlalakbay ay idinaraan sa kanal na ito sa gabi sakay ng mga gabara o kasko na hinihila ng mga mula. Inilarawan ng Romanong makata na si Horace ang hirap ng paglalakbay, anupat inireklamo niya ang mga palaka at mga niknik at sinabing ang Pamilihan ng Apio ay nagsisikip sa “mga bangkero at kuripot na mga may-ari ng taberna.”—Satires, I, V, 1-6.
Sa paglalakbay ng apostol na si Pablo mula sa Puteoli hanggang sa Roma bilang isang bilanggo, sa abaláng salubungang ito una niyang nakita ang delegasyon ng mga kapatid na Kristiyano na naglakbay mula sa Roma upang salubungin siya nang mabalitaan nila na darating siya. Ang isang bahagi ng delegasyon ay naghintay sa Tatlong Taberna (mas malapit sa Roma nang 15 km [9.5 mi]) samantalang ang iba naman ay naglakbay pa hanggang sa Pamilihan ng Apio.—Gaw 28:15.
Sa ngayon ay may isang lugar na tinatawag pa ring Foro Appio, o Appian Forum, sa Appian Way. Ipinakikita ng isang posteng pananda ang lugar na dating kinaroroonan ng Pamilihan ng Apio. Mayroon itong katapat na isang maliit na nayon na tinatawag na Faiti sa kabila ng Appian Way.
[Mapa sa pahina 147]
(Para sa aktuwal na format, tingnan ang publikasyon)
ITALYA
Roma
Tatlong Taberna
Pamilihan ng Apio
Appian Way
Puteoli
Brundisium