Apokripa
Sa tatlong teksto sa Bibliya, ang salitang Griego na a·poʹkry·phos ay ginagamit sa orihinal na diwa nito upang tumukoy sa mga bagay na “maingat na nakakubli.” (Mar 4:22; Luc 8:17; Col 2:3) Kung ikakapit naman sa mga akda, orihinal itong tumutukoy doon sa mga hindi binabasa sa publiko, sa gayo’y “nakakubli” sa iba. Ngunit nang maglaon, ang salitang ito ay nangahulugang huwad o di-kanonikal, at sa ngayon ay karaniwan nang ginagamit ito upang tumukoy sa karagdagang mga akda na idineklara ng Simbahang Romano Katoliko sa Konsilyo ng Trent (1546) bilang bahagi ng kanon ng Bibliya. Ang mga aklat na ito ay tinutukoy ng mga manunulat na Katoliko bilang deuterocanonical, nangangahulugang “bahagi ng ikalawang (o mas huling) kanon,” anupat naiiba sa protocanonical.
Ang karagdagang mga akdang ito ay Tobit, Judit, Karunungan (ni Solomon), Ecclesiasticus (hindi Eclesiastes), Baruc, 1 at 2 Macabeo, mga dagdag sa Esther, at tatlong dagdag sa Daniel: Ang Awit ng Tatlong Batang Banal, Si Susana at ang Matatanda, at Ang Pagkapuksa ni Bel at ng Dragon. Hindi matiyak ang eksaktong panahon ng pagsulat sa mga ito, ngunit ipinakikita ng katibayan na isinulat ang mga ito pinakamaaga na noong ikalawa o ikatlong siglo B.C.E.
Katibayan na Hindi Kanonikal ang mga Ito. Bagaman sa ilang kaso ay mahalaga ang mga akdang ito bilang ulat ng kasaysayan, walang matibay na pundasyon ang anumang pag-aangkin na kanonikal ang mga ito. Ipinakikita ng katibayan na natapos na ang Hebreong kanon pagkaraang isulat ang mga aklat ng Ezra, Nehemias, at Malakias noong ikalimang siglo B.C.E. Ang Apokripal na mga akda ay hindi kailanman isinama sa Judiong kanon ng
kinasihang Kasulatan at hindi bahagi nito sa ngayon.Ipinakita ng unang-siglong Judiong istoryador na si Josephus ang pagkilala na ibinigay lamang sa iilang aklat (ng Hebreong kanon) na itinuturing na sagrado, sa pagsasabi: “Wala tayong pagkarami-rami at di-magkakasuwatong mga aklat na nagkakasalungatan sa isa’t isa. Ang ating mga aklat, yaong mga may-kawastuang kinikilala, ay dalawampu’t dalawa lamang [ang katumbas ng 39 na aklat ng Hebreong Kasulatan ayon sa makabagong pagkakahati-hati], at naglalaman ng rekord ng lahat ng panahon.” Pagkatapos ay malinaw niyang ipinakita na batid niya na may umiiral na Apokripal na mga aklat at na hindi isinama ang mga ito sa Hebreong kanon nang sabihin pa niya: “Mula kay Artajerjes hanggang sa atin mismong panahon, ang kumpletong kasaysayan ay naisulat na, ngunit hindi itinuring na karapat-dapat maging kapantay ng mas naunang mga rekord, dahil hindi kumpleto ang linya ng mga propeta sa panahong ito.”—Against Apion, I, 38, 41 (8).
Isinama sa “Septuagint.” Karaniwang ikinakatuwiran ng mga nagtatanggol sa Apokripal na mga akda na diumano’y matatagpuan ang mga ito sa maraming sinaunang kopya ng Griegong Septuagint na salin ng Hebreong Kasulatan, na sinimulang isalin sa Ehipto noong mga 280 B.C.E. Gayunman, dahil wala nang umiiral na orihinal na kopya ng Septuagint, hindi masasabi nang tiyakan na ang Apokripal na mga aklat ay orihinal na kasama sa saling iyon. Sabihin pa, ang marami sa Apokripal na mga akda, marahil ang karamihan pa nga, ay isinulat pagkatapos na simulan ang pagsasalin ng Septuagint at sa gayo’y maliwanag na wala sa orihinal na talaan ng mga aklat na piniling isalin ng lupong tagapagsalin nito. Sa gayon, maituturing natin ang mga ito bilang mga dagdag lamang sa akdang iyon.
Karagdagan pa, bagaman nang maglaon ay inilakip sa Griegong Septuagint ng mga Judiong taga-Alejandria na nagsasalita ng Griego ang gayong Apokripal na mga akda at lumilitaw na itinuring nila ang mga iyon bilang bahagi ng pinalawak na kanon ng sagradong mga akda, ipinakikita ng siniping mga pananalita ni Josephus na ang mga iyon ay hindi kailanman idinagdag sa kanon ng Jerusalem o Palestina at itinuring lamang bilang pangalawahing mga akda at hindi nagmula sa Diyos. Kaya naman ang lahat ng gayong mga akda ay espesipikong hindi isinama sa Hebreong kanon ng Judiong Konsilyo ng Jamnia (mga 90 C.E.).
Sa Roma 3:1, 2, malinaw na sinabi ng apostol na si Pablo na dapat bigyan ng kaukulang pansin ang pangmalas ng mga Judio sa bagay na ito.
Karagdagang sinaunang patotoo. Ang isa sa mga pangunahing panlabas na katibayan na hindi kanonikal ang Apokripa ay ang hindi pagsipi ng sinuman sa mga Kristiyanong manunulat ng Bibliya mula sa mga aklat na iyon. Bagaman hindi ito sapat na katibayan sa ganang sarili, yamang sa kanilang mga isinulat ay wala ring pagsipi mula sa ilang aklat na kinikilalang kanonikal, gaya ng Esther, Eclesiastes, at Ang Awit ni Solomon, gayunma’y talagang kapuna-puna na wala ni isa mang pagsipi mula sa alinman sa mga akda ng Apokripa.
Hindi rin dapat kaligtaan na noong unang mga siglo ng Karaniwang Panahon, ang Apokripa ay itinuturing ng pangunahing mga iskolar ng Bibliya at ng halos lahat ng “mga ama ng simbahan” bilang nakabababa. Pagkatapos ng maingat na pagsusuri, kinilala ni Origen, na nabuhay noong maagang bahagi ng ikatlong siglo C.E., ang pagkakaiba sa pagitan ng mga akdang iyon at niyaong mga kabilang sa tunay na kanon. Sina Athanasius, Cyril ng Jerusalem, Gregory ng Nazianzus, at Amphilocius, na pawang nabuhay noong ikaapat na siglo C.E., ay gumawa ng mga katalogo na talaan ng sagradong mga akda batay sa Hebreong kanon anupat inalis nila ang dagdag na mga akdang iyon o kaya’y itinala bilang pangalawahing mga akda.
Si Jerome, na inilalarawan bilang “ang pinakamahusay na iskolar sa Hebreo” sa sinaunang simbahan at siyang nagsalin ng Latin na Vulgate noong 405 C.E., ay tiyakang nanindigan laban sa gayong Apokripal na mga aklat at sa katunayan ay siya ang unang gumamit nang tuwiran sa salitang “Apokripa” sa diwa ng pagiging di-kanonikal upang tumukoy sa mga akdang iyon. Kaya nga sa kaniyang prologo sa mga aklat ng Samuel at Mga Hari, itinala ni Jerome ang kinasihang mga aklat ng Hebreong Kasulatan kaayon ng Hebreong kanon (kung saan ang 39 na aklat ay pinangkat-pangkat sa 22) at pagkatapos ay sinabi niya: “Kaya naman may dalawampu’t dalawang aklat . . . Ang prologong ito ng Kasulatan ay maaaring magsilbing isang matibay na saligan para sa lahat ng aklat na isinasalin namin mula sa Hebreo tungo sa Latin; upang malaman namin na ang anumang higit pa sa mga ito ay dapat ilagay sa apokripa.” Nang sumulat siya sa isang ginang na nagngangalang Laeta tungkol sa edukasyon ng anak nitong babae, ipinayo ni Jerome: “Iwasan niya ang lahat ng apokripal na mga aklat, at kung naisin man niyang basahin ang mga iyon, hindi dahil sa pagiging totoo ng mga doktrina ng mga iyon kundi dahil sa kamangha-manghang mga kuwento ng mga iyon, ipabatid mo sa kaniya na ang mga sumulat ng mga iyon ay hindi naman talaga yaong mga itinuturing na may akda, na maraming mali sa mga iyon, at na napakahirap humanap ng ginto sa putik.”—Select Letters, CVII.
Magkakaibang pangmalas ng mga Katoliko. Si Augustine (354-430 C.E.) ang nagpasimula sa kausuhang isama ang karagdagang mga akdang ito bilang kanonikal, bagaman kinilala niya mismo sa kaniyang mas huling mga isinulat na may maliwanag na pagkakaiba sa pagitan ng mga aklat ng Hebreong kanon at ng gayong “mga aklat sa labas.” Subalit bilang pagsunod sa pangunguna ni Augustine, isinama ng Simbahang Katoliko ang gayong karagdagang mga akda sa kanon ng sagradong mga aklat na itinakda ng Konsilyo ng Cartago noong 397 C.E. Gayunman, noon lamang 1546 C.E., sa Konsilyo ng Trent, tiyakang pinagtibay ng Simbahang Romano Katoliko na tinatanggap nito ang mga dagdag na iyon sa katalogo nito ng mga aklat ng Bibliya, at ang gayong pagkilos ay inakalang kailangan sapagkat maging sa loob ng simbahan ay iba-iba pa rin ang opinyon hinggil sa mga akdang iyon. Nang gawin ng Romano Katolikong pari at iskolar na si John Wycliffe ang unang salin ng Bibliya tungo sa Ingles noong ika-14 na siglo (sa tulong ni Nicholas ng Hereford nang maglaon), isinama niya ang Apokripa sa kaniyang akda, ngunit sa paunang salita ng saling iyon ay sinabi niya na ang gayong mga akda ay “walang awtoridad may kinalaman sa pananampalataya.” Ipinakita rin ng Dominikong si Cardinal Cajetan, nangungunang teologong Katoliko noong kaniyang panahon (1469-1534 C.E.) at tinawag ni Clement VII na “lampara ng Simbahan,” na magkaiba ang mga aklat ng tunay na Hebreong kanon at ang Apokripal na mga akda, anupat binanggit niya ang mga isinulat ni Jerome bilang awtoridad.
Mapapansin din na hindi tinanggap ng Konsilyo ng Trent ang lahat ng akda na sinang-ayunan ng mas naunang Konsilyo ng Cartago anupat tatlo sa mga iyon ang inalis nito: ang Panalangin ni Manases at ang 1 at 2 Esdras (hindi ang 1 at 2 Esdras na katumbas ng Ezra at Nehemias sa Katolikong Bibliyang Douay). Sa gayon, ang tatlong akdang ito na mahigit 1,100 taon nang kasama sa sinang-ayunang Latin na Vulgate ay inalis noong panahong iyon.
Panloob na katibayan. Bukod sa panlabas na katibayan, ang panloob na katibayan mula sa mismong Apokripal na mga akdang ito ang higit pang nagpapatunay na hindi kanonikal ang mga ito. Ang mga ito ay wala ni bahagya mang makahulang elemento. Ang mga nilalaman at mga turo ng mga ito ay kasalungat kung minsan niyaong sa kanonikal na mga aklat at may mga pagkakasalungatan din sa isa’t isa. Maraming mali ang mga ito may kaugnayan sa kasaysayan, heograpiya, at kronolohiya. Sa ilang kaso, hindi naging matapat ang mga manunulat dahil may-kabulaanan nilang inangkin na ang kanilang mga akda ay isinulat ng mas nauna at kinasihang mga manunulat. Kapansin-pansin sa kanilang mga akda ang impluwensiya ng paganong Gresya, at kung minsan ay gumagamit sila ng mararangyang pananalita at istilo ng pagsulat na ibang-iba sa kinasihang Kasulatan. Dalawa sa mga manunulat ang nagpahiwatig na hindi sila kinasihan ng Diyos. (Tingnan ang Prologue to Ecclesiasticus; 2 Macabeo 2:24-32; 15:38-40, Dy.) Kaya naman masasabing ang pinakamatibay na ebidensiya na hindi kanonikal ang Apokripa ay ang Apokripa mismo. Narito ang isang pagsusuri sa indibiduwal na mga aklat:
Tobit (Tobias). Ang ulat tungkol sa isang relihiyosong Judio mula sa tribo ni Neptali na ipinatapon sa Nineve at nabulag nang mahulugan ng dumi ng ibon ang kaniyang dalawang mata. Inutusan niya ang kaniyang anak na si Tobias na pumunta sa Media upang maningil ng pautang, at si Tobias ay inakay ng isang anghel, na nagkunwaring isang tao, patungong Ecbatana (sa Rages, ayon sa ilang bersiyon). Samantalang papunta roon, nakuha niya ang puso, atay, at apdo ng isang isda. Nakasalubong niya ang isang biyuda na birhen pa rin bagaman pitong beses na itong nag-asawa, sapagkat sa gabi ng kasal ay pinapatay ng masamang espiritung si Asmodeus ang mga lalaki. Dahil sa panghihimok ng anghel, pinakasalan ni Tobias ang biyudang birhen, at napalayas niya ang demonyo nang sunugin niya ang puso at atay ng isda. Pagbalik sa kanilang tahanan, pinanauli niya ang paningin ng kaniyang ama sa pamamagitan ng apdo ng isda.
Malamang na ang kuwentong ito ay orihinal na isinulat sa Aramaiko, tinatayang noong mga ikatlong siglo B.C.E. Maliwanag na hindi ito kinasihan ng Diyos dahil sa pamahiin at pagkakamaling masusumpungan sa salaysay. Kabilang sa di-tumpak na mga detalye na nakapaloob dito ay ang sumusunod: Sinasabi ng ulat na nasaksihan ni Tobit noong kaniyang kabataan ang paghihimagsik ng mga hilagang tribo, na naganap noong 997 B.C.E. pagkamatay ni Solomon (Tobit 1:4, 5, JB), at na nang maglaon ay ipinatapon siya sa Nineve kasama ng tribo ni Neptali, noong 740 B.C.E. (Tobias 1:11-13, Dy) Mangangahulugan iyan na nabuhay siya nang mahigit sa 257 taon. Ngunit sinasabi sa Tobias 14:1-3 (Dy) na namatay siya sa edad na 102 taon.
Judit. Ito ang ulat tungkol sa isang magandang biyudang Judio mula sa lunsod ng “Bethulia.” Isinugo ni Nabucodonosor ang kaniyang opisyal na si Holofernes sa isang kampanya sa dakong K upang wasakin ang lahat ng pagsamba maliban sa pagsamba kay Nabucodonosor mismo. Kinubkob ang mga Judio sa Bethulia, ngunit si Judit ay nagkunwaring traidor sa mga Judio at tinanggap sa
kampo ni Holofernes, kung saan binibigyan niya ito ng di-tumpak na ulat tungkol sa mga kalagayan sa lunsod. Nang malasing si Holofernes sa isang piging, pinugutan ito ni Judit ng ulo sa pamamagitan ng sarili nitong tabak at pagkatapos ay bumalik siya sa Bethulia dala ang ulo ni Holofernes. Kinaumagahan, nagkaroon ng malaking kalituhan sa kampo ng kaaway at lubusang nagtagumpay ang mga Judio.Sa introduksiyon nito sa Mga Aklat ng Tobit, Judit at Esther, ang saling Katoliko na The Jerusalem Bible ay nagkomento: “Ang aklat ng Judit, partikular na, ay kakikitaan ng tahasang pagwawalang-bahala sa kasaysayan at heograpiya.” Ang isa sa mga pagkakamaling binanggit sa introduksiyong iyon ay ito: Ang mga pangyayari ay sinasabing naganap noong panahon ng paghahari ni Nabucodonosor, na tinatawag na hari “na naghari sa mga Asiryano sa dakilang lunsod ng Nineve.” (Judit 1:1, 7 [1:5, 10, Dy]) Itinawag-pansin ng introduksiyon at mga talababa ng saling iyon na si Nabucodonosor ay hari ng Babilonia at hindi kailanman naghari sa Nineve, yamang bago pa nito ay winasak na ng ama ni Nabucodonosor na si Nabopolassar ang Nineve.
May kinalaman sa ruta ng paglalakbay ng hukbo ni Holofernes, sinasabi ng Introduksiyong iyon na ito’y “imposible kung heograpiya ang pag-uusapan.” Ang The Illustrated Bible Dictionary (Tomo 1, p. 76) ay nagkomento: “Ang kuwento ay talagang kathang-isip—kung hindi gayon, napakahirap tanggapin ang mga kamalian nito.”—Inedit ni J. D. Douglas, 1980.
Ipinapalagay na ang aklat ay isinulat sa Palestina noong panahong Griego sa pagtatapos ng ikalawang siglo o sa pasimula ng unang siglo B.C.E. Naniniwala ang iba na orihinal itong isinulat sa Hebreo.
Mga Dagdag sa Aklat ng Esther. Ang mga ito ay binubuo ng anim na karagdagang seksiyon. Ang unang seksiyon ay matatagpuan sa ilang sinaunang tekstong Griego at Latin bago ang unang kabanata (ngunit sa Dy ay sa Es 11:2–12:6). Ito’y binubuo ng 17 talata at nagsasalaysay ng isang panaginip ni Mardokeo at ng paglalantad niya sa isang sabuwatan laban sa hari. Ang ikalawang dagdag ay kasunod ng 3:13 (ngunit sa Dy ay nasa 13:1-7) at nagsasaad ng utos ng hari laban sa mga Judio. Ang ikatlong dagdag ay nasa pagtatapos ng kabanata 4 (ngunit sa Dy ay nasa 13:8–14:19) at naglalahad ng mga panalangin ni Mardokeo at ni Esther. Ang ikaapat ay kasunod ng 5:2 (ngunit sa Dy ay nasa 15:1-19) at nag-uulat sa pakikipag-usap ni Esther sa hari. Ang ikalima ay kasunod ng 8:12 (ngunit sa Dy ay nasa 16:1-24) at naglalaman ng utos ng hari na nagpapahintulot sa mga Judio na ipagtanggol ang kanilang sarili. Sa pagtatapos ng aklat (ngunit sa Dy ay nasa 10:4–11:1) ay ibinibigay ang pakahulugan sa panaginip na inilahad sa Apokripal na introduksiyon.
Iba-iba ang kinalalagyan ng mga dagdag na ito sa iba’t ibang salin, anupat inilagay ng ilan ang lahat ng mga ito sa katapusan ng aklat (gaya ng ginawa ni Jerome sa kaniyang salin) at isiningit naman ng iba sa iba’t ibang bahagi ng kanonikal na teksto.
Sa una sa Apokripal na mga seksiyong ito, iniuulat na si Mardokeo ay kasama sa mga bihag na kinuha ni Nabucodonosor, noong 617 B.C.E., at naging isang importanteng tao sa korte ng hari noong ikalawang taon ni Ahasuero (sa Gr. ay sinasabing si Artajerjes) pagkaraan ng mahigit sa isang siglo. Ang pananalitang iyon na nagsasabing humawak si Mardokeo ng napakaimportanteng posisyon sa gayon kaagang bahagi ng panunungkulan ng hari ay salungat sa kanonikal na bahagi ng Esther. Pinaniniwalaang ang mga dagdag na Apokripal ay akda ng isang Judiong Ehipsiyo at isinulat noong ikalawang siglo B.C.E.
Karunungan (ni Solomon). Ito ay isang akda na pumupuri sa mga kapakinabangang dulot ng karunungan ng Diyos sa mga humahanap nito. Inihahalintulad ng aklat ang karunungan sa isang makalangit na babae, at kasama sa teksto ng akda ang panalangin ni Solomon ukol sa karunungan. Nirerepaso sa huling bahagi ng aklat ang kasaysayan mula kay Adan hanggang sa pananakop sa Canaan, anupat humahalaw rito ng mga halimbawa ng mga pagpapala dahil sa pagtatamo ng karunungan at ng mga kapahamakan dahil sa kawalan nito. Tinatalakay rin ang kahibangan ng pagsamba sa imahen.
Bagaman hindi tuwirang binabanggit ng aklat ang pangalan ni Solomon, ipinahihiwatig sa ilang teksto na siya ang awtor nito. (Karunungan 9:7, 8, 12) Ngunit ang aklat ay sumisipi ng mga talata mula sa mga aklat ng Bibliya na isinulat maraming siglo pagkamatay ni Solomon (mga 998 B.C.E.) at ang mga pagsiping iyon ay mula sa Griegong Septuagint, na sinimulang isalin noong mga 280 B.C.E. Pinaniniwalaang ang manunulat nito ay isang Judio sa Alejandria, Ehipto, na sumulat noong mga kalagitnaan ng unang siglo B.C.E.
Mapupunang malaki ang impluwensiya ng pilosopiyang Griego sa manunulat. Gumamit siya ng mga terminong Platoniko sa pagtataguyod sa doktrina ng imortalidad ng kaluluwa ng tao. (Karunungan 2:23; 3:2, 4) Ang iba pang mga konseptong pagano na tinatalakay ay ang diumano’y dati nang pag-iral ng kaluluwa ng mga tao at ang pangmalas na ang katawan ay balakid o hadlang sa kaluluwa. (8:19, 20; 9:15) Ang paglalahad ng makasaysayang mga pangyayari mula kay Adan hanggang kay Moises ay dinagdagan ng maraming kathang-isip na detalye,
na kadalasa’y hindi kaayon ng kanonikal na rekord.Bagaman sinisikap ng ilang reperensiyang akda na ipakitang may mga pagkakatugma sa pagitan ng mga talata ng Apokripal na akdang ito at ng mas huling mga isinulat sa Kristiyanong Griegong Kasulatan, ang pagkakatulad ay kadalasan nang malabo at kahit pa sa mga bahagi na medyo malinaw ang pagkakatulad, hindi iyon nagpapahiwatig na humalaw sa Apokripal na akdang ito ang mga manunulat na Kristiyano, kundi sa halip ay humalaw sila mula sa kanonikal na Hebreong Kasulatan, na siya ring ginawa ng Apokripal na manunulat.
Ecclesiasticus. Ang aklat na ito, na tinatawag ding Ang Karunungan ni Jesus na Anak ni Sirach, ay natatangi sa pagiging ang pinakamahabang Apokripal na aklat at ang kaisa-isang akda na kilala kung sino ang sumulat, si Jesus ben-Sirach ng Jerusalem. Tinalakay ng manunulat ang katangian ng karunungan at ang pagkakapit niyaon para sa isang matagumpay na buhay. Ipinakadiin niya ang pagtupad sa Kautusan. Nagbigay siya ng payo hinggil sa iba’t ibang aspekto ng pakikitungo sa iba at ng pang-araw-araw na pamumuhay, lakip ang mga komento tungkol sa tamang asal sa hapag-kainan, mga panaginip, at paglalakbay. Bilang pangwakas, nirepaso niya ang mahahalagang tauhan sa Israel, anupat nagtapos siya sa mataas na saserdoteng si Simon II.
Salungat sa pananalita ni Pablo sa Roma 5:12-19, na nagsasabing si Adan ang pinagmulan ng kasalanan, ang Ecclesiasticus ay nagsasabi: “Sa babae nagsimula ang kasalanan, at dahil sa kaniya ay namamatay tayong lahat.” (25:33, Dy) Mas pinipili rin ng manunulat ang “anumang kabalakyutan, huwag lamang ang kabalakyutan ng isang babae.”—25:19, Dy.
Ang aklat na ito ay orihinal na isinulat sa Hebreo noong maagang bahagi ng ikalawang siglo B.C.E. Masusumpungan sa Judiong Talmud ang mga pagsipi mula sa Ecclesiasticus.
Baruc (Kasama ang Liham ni Jeremias). Ang unang limang kabanata ng aklat na ito ay pinalilitaw na isinulat ng kaibigan at eskriba ni Jeremias na si Baruc; ang ikaanim na kabanata naman ay inihaharap bilang isang liham na isinulat ni Jeremias mismo. Ang aklat ay naglalahad ng mga kapahayagan ng pagsisisi at mga panalangin ukol sa kaginhawahan na binigkas ng mga Judiong itinapon sa Babilonya, mga payo na sumunod sa karunungan, pampatibay-loob na umasa sa pangako ng katubusan, at pagtuligsa sa maka-Babilonyang idolatriya.
Ipinahihiwatig ng aklat na si Baruc ay nasa Babilonya noon (Baruc 1:1, 2), gayong ipinakikita ng rekord ng Bibliya na nagpunta siya sa Ehipto, gaya rin ni Jeremias, at walang katibayan na nakarating si Baruc sa Babilonya. (Jer 43:5-7) Salungat sa hula ni Jeremias na matitiwangwang nang 70 taon ang Juda sa panahon ng pagkatapon sa Babilonya (Jer 25:11, 12; 29:10), sinasabi ng Baruc 6:2 sa mga Judio na sila’y mananatili sa Babilonya nang pitong salinlahi at pagkatapos ay palalayain.
Sa paunang salita ni Jerome sa aklat ng Jeremias, sinabi niya: “Hindi ko inaakalang kapaki-pakinabang na isalin ang aklat ng Baruc.” Sa The Jerusalem Bible, ipinahihiwatig ng introduksiyon sa aklat na ito (p. 1128) na ang ilang seksiyon ng komposisyon ay maaaring isinulat noon lamang ikalawa o unang siglo B.C.E.; samakatuwid ay ng isang awtor (o mga awtor) maliban pa kay Baruc. Malamang na orihinal itong isinulat sa Hebreo.
Ang Awit ng Tatlong Batang Banal. Ang dagdag na ito sa Daniel ay kasunod ng Daniel 3:23. Binubuo ito ng 67 talata na naglalahad ng isang panalangin na diumano’y binigkas ni Azarias sa loob ng maapoy na hurno, na sinundan ng isang ulat hinggil sa pagpatay ng anghel sa naglalagablab na apoy at pagkatapos ay ng awit na inawit ng tatlong Hebreo sa loob ng hurno. Ang awit ay kahawig na kahawig ng Awit 148. Gayunman, ang mga pagtukoy nito sa templo, mga saserdote, at mga kerubin ay hindi tumutugma sa panahon na diumano’y kaalinsabay nito. Maaaring orihinal itong isinulat sa Hebreo, ipinapalagay na noong unang siglo B.C.E.
Si Susana at ang Matatanda. Ang maikling kuwentong ito ay naglalahad ng isang pangyayari sa buhay ng magandang asawa ni Joakim, isang mayamang Judio sa Babilonya. Samantalang naliligo si Susana, nilapitan siya ng dalawang matatandang Judio na yumaya sa kaniya na mangalunya sa kanila at nang tumanggi siya, nagharap sila ng isang bulaang paratang laban sa kaniya. Sa paglilitis, sinentensiyahan siyang mamatay, ngunit buong-kahusayang nailantad ng kabataang si Daniel ang pakana ng dalawang matatanda, at napawalang-sala si Susana. Hindi matiyak kung ano ang orihinal na wika ng akdang ito. Ipinapalagay na isinulat ito noong unang siglo B.C.E. Sa Griegong Septuagint ay inilagay ito bago ang kanonikal na aklat ng Daniel, at sa Latin na Vulgate ay inilagay ito pagkatapos niyaon. Inilalakip naman ito sa ilang bersiyon bilang ang ika-13 kabanata ng Daniel.
Ang Pagkapuksa ni Bel at ng Dragon. Ito ang ikatlong dagdag sa Daniel, anupat inilalagay ito sa ilang bersiyon bilang ang ika-14 na kabanata. Ayon sa salaysay, inutusan ni Haring Ciro si Daniel na sambahin ang isang idolo ng diyos na si Bel. Sa pamamagitan ng pagsasabog ng abo sa sahig ng templo upang makita ang mga bakas ng paa,
pinatunayan ni Daniel na ang talagang umuubos sa pagkain na diumano’y kinakain ng idolo ay ang paganong mga saserdote at ang kanilang mga pamilya. Pinatay ang mga saserdote, at dinurog ni Daniel ang idolo. Inutusan naman ng hari si Daniel na sambahin ang isang buháy na dragon. Pinatay ni Daniel ang dragon ngunit inihagis siya ng nagngangalit na taong-bayan sa lungga ng mga leon. Sa panahon ng pitong araw na siya’y nakakulong, binuhat ng isang anghel si Habakuk sa buhok at dinala si Habakuk at ang isang mangkok ng nilaga mula sa Judea patungo sa Babilonya upang maglaan ng pagkain kay Daniel. Pagkatapos ay ibinalik si Habakuk sa Judea, pinalaya si Daniel mula sa lungga, at ang kaniyang mga kalaban ay inihagis sa lungga at nilapa ng mga leon. Ang dagdag na ito ay itinuturing din na isinulat noong unang siglo B.C.E. Ang nabanggit na mga dagdag sa Daniel ay tinutukoy sa The Illustrated Bible Dictionary (Tomo 1, p. 76) bilang “relihiyoso at maalamat na kathang-isip.”Unang Macabeo. Isang makasaysayang ulat ng pakikipaglaban ng mga Judio para sa kasarinlan noong ikalawang siglo B.C.E., mula sa pasimula ng paghahari ni Antiochus Epiphanes (175 B.C.E.) hanggang sa pagkamatay ni Simon Maccabaeus (mga 134 B.C.E.). Partikular na inilalahad nito ang mga kabayanihan ng saserdoteng si Matatias at ng kaniyang mga anak, sina Judas, Jonathan, at Simon, sa mga pakikipagbaka nila sa mga Siryano.
Ito ang pinakamahalaga sa Apokripal na mga akda dahil sa impormasyong inilalaan nito tungkol sa kasaysayan para sa yugtong iyon. Gayunman, gaya ng komento ng The Jewish Encyclopedia (1976, Tomo VIII, p. 243), dito’y “isinulat ang kasaysayan mula sa pangmalas ng tao.” Tulad ng iba pang Apokripal na mga akda, hindi ito bahagi ng kinasihang Hebreong kanon. Maliwanag na isinulat ito sa Hebreo humigit-kumulang noong huling bahagi ng ikalawang siglo B.C.E.
Ikalawang Macabeo. Bagaman kasunod ng Unang Macabeo, ang ulat na ito ay tungkol sa isang bahagi ng gayunding yugto ng panahon (mga 180 B.C.E. hanggang 160 B.C.E.) ngunit hindi ito isinulat ng awtor ng Unang Macabeo. Inihaharap ng manunulat ang aklat na ito bilang sumaryo ng mas unang mga akda ng isang nagngangalang Jason ng Cirene. Inilalarawan sa ulat ang pag-uusig sa mga Judio sa ilalim ni Antiochus Epiphanes, ang pananamsam sa templo, at ang muling pag-aalay nito nang dakong huli.
Binabanggit sa ulat na noong wasakin ang Jerusalem, dinala ni Jeremias ang tabernakulo at ang kaban ng tipan sa isang yungib sa bundok na mula roon tinanaw ni Moises ang lupain ng Canaan. (2 Macabeo 2:1-16) Sabihin pa, ang tabernakulo ay mga 420 taon nang nahalinhan ng templo noong panahong iyon.
Maraming teksto sa aklat ang ginagamit sa turong Katoliko bilang suporta sa mga doktrinang gaya ng pagpaparusa pagkatapos ng kamatayan (2 Macabeo 6:26), pamamagitan ng mga santo (15:12-16), at kawastuan ng mga panalangin para sa mga patay (12:41-46, Dy).
Sa Introduksiyon nito sa Mga Aklat ng mga Macabeo, ang The Jerusalem Bible ay nagsabi tungkol sa Ikalawang Macabeo: “Ang istilo nito ay yaong sa mga manunulat na helenistiko, bagaman hindi yaong pinakamahuhusay: kung minsan ay nakababagot ito, kalimita’y mapagparangya.” Ang manunulat ng Ikalawang Macabeo ay hindi nag-angkin na sumulat siya sa ilalim ng pagkasi ng Diyos at iniukol niya ang isang bahagi ng ikalawang kabanata upang ipagmatuwid ang partikular na paraan na pinili niyang gamitin sa pagtalakay sa paksa. (2 Macabeo 2:24-32, JB) Tinapos niya ang kaniyang akda sa pagsasabi: “Dito ko na tatapusin ang pagsulat; kung mahusay ang pagkakasulat nito, at ayon sa paraan ng mananalaysay, ako ang natutuwa higit kaninuman; kung hindi ito gaanong makabuluhan, dapat pa rin akong pagbigyan.”—2 Macabeo 15:38, 39, Kx.
Maliwanag na ang aklat ay isinulat sa Griego sa pagitan ng 134 B.C.E. at ng pagbagsak ng Jerusalem noong 70 C.E.
Mas Huling Apokripal na mga Akda. Partikular na mula noong ikalawang siglo C.E., dumagsa ang napakaraming akda na nag-aangking kinasihan ng Diyos at kanonikal at diumano’y nauugnay sa pananampalatayang Kristiyano. Ang mga akdang ito, na malimit tawaging “Apokripal na Bagong Tipan,” ay nagsikap na gayahin ang mga Ebanghelyo, Mga Gawa, mga liham, at ang mga pagsisiwalat na nasa kanonikal na mga aklat ng Kristiyanong Griegong Kasulatan. Marami sa mga ito ang kilala na lamang ngayon dahil sa umiiral na mga pira-pirasong labí o sa mga pagsipi o mga pagtukoy sa mga iyon ng ibang mga manunulat.
Mapapansin na ang mga akdang ito ay nagtangkang maglaan ng impormasyon na sinadyang hindi ilakip sa kinasihang mga akda, gaya ng mga gawain at mga pangyayari sa buhay ni Jesus mula sa kaniyang pagkabata hanggang sa panahon ng kaniyang bautismo, o kumatha ng suporta para sa mga doktrina o mga tradisyon na walang saligan sa Bibliya o salungat dito. Kaya naman ang tinatawag na Ebanghelyo ni Tomas Tungkol sa Batang si Jesus at ang Protevangelium ni Santiago ay punô ng kathang-isip na mga ulat tungkol sa mga himala na diumano’y ginawa ni Jesus noong kaniyang kabataan. Ngunit bilang resulta ng paglalarawan nila kay Jesus, siya’y nagtinging isang kapritsoso at bugnuting Luc 2:51, 52.) Ang Apokripal na “Mga Gawa,” gaya ng “Mga Gawa ni Pablo” at “Mga Gawa ni Pedro,” ay lubhang nagdiriin sa lubusang pag-iwas sa pakikipagtalik at inilalarawan pa nga ng mga ito ang mga apostol bilang humihimok sa mga babae na hiwalayan ang kani-kanilang asawa, sa gayo’y sinasalungat ang mapananaligang payo ni Pablo sa 1 Corinto 7.
bata na may kahanga-hangang mga kapangyarihan. (Ihambing ang tunay na ulat saBilang komento sa gayong Apokripal na mga akda na isinulat pagkaraan ng panahong apostoliko, ang The Interpreter’s Dictionary of the Bible (Tomo 1, p. 166) ay nagsabi: “Ang marami sa mga iyon ay walang kabuluhan, ang ilan ay parang pantasya, ang ilan ay nakasusuklam, anupat nakamumuhi pa nga.” (Inedit ni G. A. Buttrick, 1962) Ang Funk and Wagnalls New Standard Bible Dictionary (1936, p. 56) naman ay nagkomento: “Ang mga iyon ang pinagkunan ng napakaraming sagradong mga alamat at eklesyastikal na mga tradisyon. Sa mga aklat na ito natin dapat hanapin ang pinagmulan ng ilan sa mga turo ng Simbahang Romano Katoliko.”
Kung paanong ang mas naunang Apokripal na mga akda ay hindi isinama sa tinatanggap na Hebreong Kasulatan bago ang panahong Kristiyano, ang mas huling Apokripal na mga akdang ito ay hindi rin tinanggap bilang kinasihan ni isinama man bilang kanonikal sa kauna-unahang mga koleksiyon o mga katalogo ng Kristiyanong Griegong Kasulatan.—Tingnan ang KANON.