Araba, Agusang Libis ng
Sa Amos 6:14, binababalaan ng propeta ang mga kaharian ng Juda at Israel na ang lupain ay sisiilin ng isang banyagang kapangyarihan mula sa “Hamat hanggang sa agusang libis ng Araba [Disyertong Kapatagan].” (Ihambing ang 2Ha 14:25.) Bagaman ang terminong “Araba” ay ikinakapit sa buong rehiyon ng Rift Valley mula sa Dagat ng Galilea hanggang sa Dagat na Pula, dito ay partikular na tumutukoy ito sa lugar na mula sa T ng Dagat na Patay hanggang sa Gulpo ng ʽAqaba. Kaya bagaman ang pananalitang “agusang libis ng Araba” ay maaaring tumutukoy sa isang wadi gaya ng agusang libis ng Zered, na bumubuhos sa T na dulo ng Dagat na Patay (“dagat ng Araba,” Deu 3:17), kapansin-pansin na ang pananalitang ginamit ni Amos ay eksaktong katumbas ng pangalang Arabe na ikinakapit sa rehiyong sumasaklaw mula sa T na dulo ng Dagat na Patay hanggang sa Gulpo ng ʽAqaba, samakatuwid ay sa “Wadi el-ʽArabah.” Ipinahihiwatig ng hula ni Amos na lubusang malulupig ang buong lupain na dating kontrolado ng Juda at Israel, mula sa H hanggang sa T. Noong sumunod na siglo, natupad ang hulang ito dahil sa mga pagsalakay ng mga haring Asiryano, kabilang na sina Tiglat-pileser III, Salmaneser V, Sargon II, at Senakerib.