Aram
1. Ang huling nakatala sa limang anak ni Sem. Si Aram at ang apat niyang anak, sina Uz, Hul, Geter, at Mas, ang bumubuo sa 5 sa 70 pamilyang nabuhay pagkaraan ng Baha, at ang kanilang mga inapo ay ang mga Arameano at mga Siryano.—Gen 10:22, 23; 1Cr 1:17.
2. Ang anak ni Kemuel at isang apo ni Nahor na kapatid ni Abraham. Samakatuwid, si Aram ay isang apo ni Abraham sa pamangkin at isang pamangkin ni Isaac sa pinsang buo. Si Rebeka, ang anak ng tiyo ni Aram na si Betuel, ay pinsang buo ni Aram. Hindi sumama kay Abraham ang pamilya ni Nahor nang lisanin nito ang Mesopotamia, ngunit pagkaraan ng ilang taon “ang balita ay nakarating kay Abraham” tungkol sa mga supling ni Nahor, pati na ang tungkol kay Aram.—Gen 22:20-23; 11:27, 31; 24:4, 10.
3. Isa sa apat na “mga anak ni Semer” (Somer) na mula sa tribo ni Aser, at nakatalang kabilang sa “mga ulo ng sambahayan ng mga ninuno, mga pili, magigiting at makapangyarihang mga lalaki, mga ulo ng mga pinuno.” (1Cr 7:31, 32, 34, 40) Si Aram at ang kaniyang ama ay kapuwa ipinanganak sa Ehipto, yamang ang kaniyang lolo at lolo sa tuhod ay kabilang sa mga supling ni Jacob na “pumaroon sa Ehipto.”—Gen 46:8, 17.
Mateo 1:3, 4 at sa Lucas 3:33.—Tingnan ang ARNI; RAM Blg. 1.
4. Sa King James Version, ang Aram ay lumilitaw sa5. Ang salitang Aram ay ginagamit bilang pangalan ng lugar, sa ganang sarili nito o kasama ng ibang mga termino, upang tumukoy sa mga rehiyon kung saan nanirahan ang karamihan ng mga inapo ni Aram (Blg. 1).
Ang Aram, sa ganang sarili nito, ay pangunahin nang tumutukoy sa Sirya at kadalasa’y isinasalin nang gayon. (Huk 10:6; 2Sa 8:6, 12; 15:8; Os 12:12) Kasama rito ang rehiyon mula sa Kabundukan ng Lebanon hanggang sa Mesopotamia at mula sa Kabundukan ng Taurus sa H pababa sa Damasco at sa ibayo pa sa T.—Tingnan ang SIRYA.
Ang Aram-naharaim (Aw 60:Sup) ay karaniwan nang isinasalin sa salitang Griego na “Mesopotamia,” na ipinapalagay na tumutukoy sa “lupain sa pagitan ng mga ilog.” Ang dalawang ilog na iyon ay ang Eufrates at ang Tigris. Inilarawan ni Esteban si Abraham bilang naninirahan sa Mesopotamia noong naroon pa ito sa Ur ng mga Caldeo (Gaw 7:2), at nang isugo ni Abraham ang kaniyang lingkod upang humanap ng asawa para kay Isaac pagkaraan ng maraming taon, sinabihan niya ito na pumaroon sa lunsod ni Nahor sa (Mataas na) Mesopotamia (Aram-naharaim). (Gen 24:2-4, 10) Si Balaam ng Petor ay nagmula rin sa isang bulubunduking rehiyon sa hilagang bahagi ng Mesopotamia.—Deu 23:4; ihambing ang Bil 23:7; tingnan ang MESOPOTAMIA.
Ang Padan-aram ay partikular na ginagamit upang tumukoy sa lugar sa palibot ng lunsod ng Haran sa Mataas na Mesopotamia.—Gen 25:20; 28:2-7, 10; tingnan ang PADAN.
Ang mga Arameano, na mga Semitikong inapo ni Aram, ay masusumpungan noon sa lahat ng mga lugar na ito. Karagdagan pa, ang pangalan ni Uz, isa sa apat na anak ni Aram, ay ikinakapit sa lugar ng Disyerto ng Arabia na nasa silangan ng Lupang Pangako at katabi ng mga hanggahan ng Edom. (Job 1:1; Pan 4:21) Ang Aramaiko, na wika ng mga Arameano, ay malapit sa wikang Hebreo at nang maglaon ay naging isang internasyonal na wika kapuwa para sa kalakalan at diplomasya sa lahat ng mga rehiyon ng Fertile Crescent.—2Ha 18:26; tingnan ang ARAMAIKO.
Tiyak na dahil sa paninirahan ni Jacob sa Aram sa loob ng 20 taon kasama ng kaniyang Arameanong biyenan na si Laban, tinutukoy siya sa Deuteronomio 26:5 bilang isang “Siryano” (sa literal, isang “Arameano”). Bukod diyan, ang ina ni Jacob na si Rebeka ay isang Arameano, gaya ng kaniyang mga asawang sina Lea at Raquel. Samakatuwid, ang mga Israelita ay talagang malapit na kamag-anak ng mga Arameano.
Mga Kahariang Arameano. Sinimulang banggitin sa rekord ng Bibliya ang mga kahariang Arameano noong panahong mabuo na ang bansang Israel. Sinupil ni Cusan-risataim, isang hari mula sa Aram-naharaim (Mesopotamia), ang Israel sa loob ng walong taon hanggang noong mapalaya ito ni Hukom Otniel.—Huk 3:8-10.
Ang Aram-Zoba ay isang kahariang Arameano na tinukoy bilang isang kaaway ng pamamahala ni Saul (1117-1078 B.C.E.). (1Sa 14:47) Lumilitaw na ito ay nasa dakong H ng Damasco at namuno sa H hanggang sa Hamat at sa S hanggang sa Eufrates. Noong nakikipaglaban si David sa mga kaaway ng Israel, nakasagupa niya si Hadadezer, ang makapangyarihang hari ng Aram-Zoba, at natalo niya ito. (2Sa 8:3, 4; 1Cr 18:3; ihambing ang Aw 60:Sup.) Nang maglaon, ang Arameanong mandarambong na si Rezon ang namahala sa Damasco, at di-nagtagal ang lunsod na ito ang naging pinakaprominenteng lunsod na Arameano (1Ha 11:23-25) at “ulo ng Sirya.” (Isa 7:8) Sa gayong posisyon, tahasan itong nakipaglaban sa Israel sa buong kasaysayan ng hilagang kaharian.—Tingnan ang DAMASCO.
Ang Aram-maaca ay binanggit kasama ng Zoba, Rehob, at Istob na mga kahariang Arameano anupat mula sa mga ito ay umupa ang mga Ammonita ng mga karo at mga mangangabayo upang makipagdigma kay David. Umanib ang hari ng Aram-maaca sa mersenaryong mga hukbong ito, na kaagad namang natalo ng hukbo ni David. (1Cr 19:6-15; 2Sa 10:6-14) Malamang na ang kaharian ng Maaca ay nasa S ng Jordan, at ang Bundok Hermon ay nasa H nito.—Jos 12:5; 13:11.
Ang Gesur ay isang maliit na kahariang Arameano sa dakong S ng Jordan at maliwanag na nasa ibaba lamang ng Maaca, anupat ang T na mga hangganan nito ay sumasaklaw sa buong S panig ng Dagat ng Galilea. Tulad ng Maaca, ito ay nasa loob ng teritoryong nakaatas sa tribo ni Manases.—Deu 3:14; Jos 13:11; tingnan ang GESUR Blg. 1.
Sa pamamagitan ng panlulupig ni David sa mga kahariang Arameano, pinalawak niya ang mga hangganan ng kaniyang kaharian sa malayong H hanggang sa Ilog Eufrates, di-kalayuan sa Haran ng Padan-aram. Sa gayon ay natupad niya ang pangako ni Jehova may kinalaman sa lawak ng mana ng Israel sa Lupang Pangako.—Deu 1:7; 11:24; Jos 1:4.
Para sa higit pang impormasyon tungkol sa pakikipag-ugnayan ng Israel sa Aram, tingnan ang SIRYA.
[Mapa sa pahina 171]
(Para sa aktuwal na format, tingnan ang publikasyon)
ARAM
Malaking Dagat
Kbdk. ng Taurus
Hamat
Kbdk. ng Lebanon
ARAM-ZOBA
Damasco
ARAM-MAACA
GESUR
Haran
PADAN-ARAM
Ilog Tigris
ARAM-NAHARAIM (MESOPOTAMIA)
Ilog Eufrates