Pumunta sa nilalaman

Pumunta sa talaan ng mga nilalaman

Arauna

Arauna

Isang Jebusita kung kanino binili ni Haring David ang giikang pinagtayuan niya ng isang altar para kay Jehova. Isinagawa niya ito bilang pagsunod sa tagubilin ng Diyos para mapahinto ang salot na Kaniyang pinasapit dahil sa pagbilang ni David sa bayan.​—2Sa 24:16-25; 1Cr 21:15-28.

Lumilitaw na inialok ni Arauna nang walang bayad ang lugar na iyon, kasama ang mga baka at mga kagamitang kahoy para sa paghahain, ngunit nagpumilit si David na magbayad. Ipinakikita ng ulat sa 2 Samuel 24:24 na binili ni David ang giikan at ang mga baka sa halagang 50 siklong pilak ($110). Gayunman, sinasabi ng ulat sa 1 Cronica 21:25 na nagbayad si David ng 600 siklong ginto (humigit-kumulang $77,000) para sa lugar na iyon. Ang binanggit lamang ng manunulat ng Ikalawang Samuel ay ang pagbili sa mismong dako na pagtatayuan ng altar at sa mga materyales na ginamit sa paghahain noong pagkakataong iyon, sa gayo’y lumilitaw na ang tinukoy niyang halaga ay para lamang sa mga bagay na ito. Sa kabilang dako naman, tinalakay ng manunulat ng Unang Cronica ang mga bagay-bagay na may kinalaman sa templo na itinayo sa dakong iyon nang maglaon at iniugnay niya sa pagtatayong iyon ang isinagawang bilihan noon. (1Cr 22:1-6; 2Cr 3:1) Yamang napakalaki ng kabuuang lugar ng templo, lumilitaw na ang halagang 600 siklong ginto ay kabayaran para sa malawak na lugar na iyon sa halip na sa maliit na loteng kinailangan para sa altar na unang itinayo ni David.

Isang likas na bato ang matatagpuan hanggang sa ngayon sa ilalim ng Dome of the Rock ng mga Muslim na itinayo sa isang bahagi ng orihinal na lugar ng templo, at maaaring ang batong ito ang sinaunang giikan ni Arauna.

Sa ulat ng Mga Cronica, si Arauna ay tinatawag na Ornan.​—1Cr 21:18-28; 2Cr 3:1.