Asawang Lalaki
Sa Hebreo, ang lalaking may asawa ay tinutukoy ng terminong ʼish (lalaki) at sa Griego naman ay ng terminong a·nerʹ (taong lalaki). (Os 2:16, tlb sa Rbi8; Ro 7:2, Int) Ang iba pang terminong Hebreo na ginagamit may kinalaman sa asawang lalaki ay ʼa·dhohnʹ (panginoon), baʹʽal (may-ari; panginoon), at reʹaʽ (kasamahan; kaibigan). (Gen 18:12; 20:3; Jer 3:20) Sa Israel, ang isang lalaki na ipinakipagtipan, o ikakasal na, ay tinukoy rin bilang “asawa” (husband) at ang babae bilang “asawa” (wife).—Deu 22:23, 24; Mat 1:18-20.
Ang isang lalaki ay maaaring makipagkasundo na pakasalan ang isang babae sa hinaharap sa pamamagitan ng pagbabayad sa ama nito o sa mga tagapag-alaga nito ng dote, o salaping pambili. (Exo 22:16, 17) Pagkatapos ay nagiging pag-aari niya ang babae. (Exo 20:17) Ang salitang baʹʽal, nangangahulugang “may-ari, panginoon,” ay ikinakapit sa lalaki, at ang babae ay tinatawag namang beʽu·lahʹ, nangangahulugang “inaari bilang asawang babae.” (Gen 20:3; Deu 22:22; Isa 62:4) Sinabi ni Jehova sa sinaunang bansang Israel: “Ako ang naging inyong asawang nagmamay-ari [isang anyo ng baʹʽal].”—Jer 3:14; Isa 62:4, 5; tingnan ang MANA (Yugto ng Kautusan).
Noong panahon ng mga patriyarka, ang asawang lalaki ang nagsilbing saserdote at hukom sa loob ng pamilya, at sa buong Kasulatan, ang asawang lalaki at ama ay halos laging pinag-uukulan ng matinding paggalang.—Gen 31:31, 32; Job 1:5; 1Pe 3:5, 6; ihambing ang Deu 21:18-21; Es 1:10-21.
Pagkaulo. Kapag pinakasalan ng lalaki ang isang babae, isinasailalim niya ito sa isang bagong kautusan, ang ‘kautusan ng asawang lalaki,’ at sa gayon ay maaaring gumawa ang asawang lalaki ng mga alituntunin at mga regulasyon para sa kaniyang pamilya. (Ro 7:2, 3) Siya ang nagiging ulo ng babae at dapat itong magpasakop sa kaniya. (Efe 5:21-24, 33) Isa itong relatibong pagkaulo dahil sa nakatataas na pagkaulo ng Diyos at ni Kristo.—1Co 11:3.
Bagaman ang asawang lalaki ang ulo ng sambahayan, hinihilingan siyang ibigay sa kaniyang asawa ang kaukulang pangmag-asawa, ang seksuwal na pakikipagtalik, sapagkat “ang asawang lalaki ay walang awtoridad sa kaniyang sariling katawan, kundi ang kaniyang asawa.” (1Co 7:3-5) Siya rin ang may pananagutan sa espirituwal at materyal na kapakanan ng kaniyang pamilya.—Efe 6:4; 1Ti 5:8.
Mabigat ang pananagutan ng asawang lalaki dahil sa kaniyang pagkaulo. Bagaman siya ang ulo ng kaniyang asawa, kailangan niyang kilalanin na mahalaga ang asawang babae sa paningin ng Diyos, lalo na kung ito ay isang Kristiyano. Dapat niya siyang ibigin gaya ng pag-ibig niya sa kaniyang sarili, sapagkat silang dalawa ay “isang laman.”—Gen 2:24; Mat 19:4-6; Efe 5:28, 33.
Efe 5:25, 28-30, 33) Dapat nilang kilalanin na ang asawang babae ay “isang mas mahinang sisidlan,” anupat pinag-uukulan ito ng karangalan at isinasaalang-alang ang kaniyang pisikal at emosyonal na kayarian at ang kaniyang nagbabagong kalagayan. Lalo na itong mahalaga kung ang mag-asawa ay mga Kristiyano, yamang pareho silang tagapagmana ng “di-sana-nararapat na biyaya ng buhay,” upang hindi mahadlangan ang mga panalangin ng asawang lalaki. (1Pe 3:7) Kahit na ang asawang babae ay hindi mananampalataya, hindi ito dahilan upang diborsiyuhin o hiwalayan siya ng asawang lalaki. Sa halip, ang asawang lalaki ay dapat tumahang kasama nito kung sumasang-ayon ito at dapat niyang isaisip na maaari niya itong matulungan na maging isang mananampalataya at dapat din niyang sikaping mailigtas ang kanilang mga anak.—1Co 7:12, 14, 16; tingnan ang AMA; PAG-AASAWA; PAMILYA.
Dapat ipakita ng mga asawang lalaki sa kani-kanilang asawa ang maibiging pangangalaga na gaya ng ginagawa ni Kristo sa kongregasyon. (Diborsiyo. Sa ilalim ng Kautusang Mosaiko, maaaring diborsiyuhin ng lalaki ang kaniyang asawa, ngunit hindi maaaring diborsiyuhin ng babae ang lalaki. Kailangang bigyan ng lalaki ang babae ng isang nasusulat na kasulatan ng diborsiyo. (Deu 24:1-4) Ipinakita ni Jesu-Kristo na ang gayong kaayusan para sa diborsiyo sa Israel ay ginawa bilang pagbibigay-laya dahil sa katigasan ng kanilang ulo. (Mat 19:8) Gayunman, kung dayain ng isang lalaki ang isang dalaga na hindi pa naipakikipagtipan upang masipingan ito, ito ay magiging kaniyang asawa (malibang tumanggi ang ama nito na ibigay ito sa kaniya), at hindi siya pinahihintulutang diborsiyuhin ito sa lahat ng kaniyang mga araw.—Deu 22:28, 29.
Idiniriin kapuwa ng Hebreong Kasulatan at ng Kristiyanong Griegong Kasulatan na sa kaniyang asawa lamang dapat makipagtalik ang asawang lalaki (Kaw 5:15-20) at na ang pag-aasawa ay dapat panatilihing marangal, sapagkat hahatulan ng Diyos ang mga mapakiapid at mga mangangalunya. (Heb 13:4) Noong panahon ng mga patriyarka at sa ilalim ng Kautusan, ang poligamya at ang pagkakaroon ng mga kinakasamang babae ay pinahintulutan ni Jehova, ngunit sa kaayusang Kristiyano, ang isang lalaki ay maaari lamang magkaroon ng isang buháy na asawa. (Gen 25:5, 6; 29:18-28; Deu 21:15-17; Mat 19:5; Ro 7:2, 3; 1Ti 3:2) Ang tanging maka-Kristiyanong saligan para sa diborsiyo at muling pag-aasawa ay “pakikiapid.”—Mat 19:9; tingnan ang PAKIKIAPID.
Makatalinghagang Paggamit. Yamang ang sinaunang bansang Israel ay nakabuklod kay Jehova sa pamamagitan ng tipang Kautusan, ang Diyos ang kanilang “asawang nagmamay-ari.” (Jer 3:14) Tinutukoy ng apostol na si Pablo si Jehova bilang ang Ama ng mga pinahirang Kristiyano, na kaniyang espirituwal na mga anak, at ang “Jerusalem sa itaas” bilang ang kanilang ina, anupat ipinahihiwatig na itinuturing ni Jehova ang kaniyang sarili na asawang lalaki ng Jerusalem na ito.—Gal 4:6, 7, 26; ihambing ang Isa 54:5.
Si Jesu-Kristo ay itinuturing na Asawang Lalaki ng kongregasyong Kristiyano. (Efe 5:22, 23; Apo 19:7; 21:2) Idiniriin ng paghahambing na ito ang kaniyang pagkaulo at maibiging pangangalaga sa kongregasyon. Ibinigay niya ang kaniyang sariling buhay alang-alang sa kaniyang kasintahang babae, at patuloy niya itong pinakakain at inaaruga.