Askelon
[posible, Dako ng Pagtitimbang (Pagbabayad)].
Isang daungang-dagat sa Mediteraneo at isa sa limang pangunahing lunsod ng mga Filisteo. (Jos 13:3) Ipinapalagay na ito ang ʽAsqalan (Tel Ashqelon) na mga 19 na km (12 mi) sa HHS ng Gaza. Ang lunsod ay nasa isang mabatong lugar na hugis-ampiteatro, na ang papaloob na bahagi ay nakaharap sa Mediteraneo. Ang mga karatig na lupain ay matataba at nagbubunga ng mansanas, igos, at ng maliliit na sibuyas na tinatawag na scallion, na ang pangalan ay lumilitaw na hinalaw sa pangalan ng Filisteong lunsod na ito.
Ang Askelon ay iniatas sa tribo ni Juda at nabihag nila, ngunit lumilitaw na hindi nila ito nasakop nang matagal. (Huk 1:18, 19) Ito ay isang Filisteong lunsod noong panahon ni Samson at ni Samuel. (Huk 14:19; 1Sa 6:17) Binanggit ito ni David sa kaniyang panaghoy para sa kamatayan nina Saul at Jonatan. (2Sa 1:20) Hindi ito kasama sa talaan ng mga Filisteong lunsod na nasakop ni Haring Uzias.—2Cr 26:6.
Binanggit sa hula ni Amos (mga 804 B.C.E.) ang pagkatalo ng tagapamahala ng Askelon. (Am 1:8) Ipinakikita ng sekular na kasaysayan na noong sumunod na siglo, ang Asqaluna (Askelon) ay ginawang basalyong lunsod ni Tiglat-pileser III ng Asirya. Bumigkas si Jeremias (pagkatapos ng 647 B.C.E.) ng dalawang hula may kaugnayan sa Askelon. Ang Jeremias 47:2-7 ay maaaring nagkaroon ng bahagyang katuparan nang samsaman ni Nabucodonosor ang lunsod noong maagang bahagi ng kaniyang paghahari (mga 624 B.C.E.), at ang hula naman sa Jeremias 25:17-20, 28, 29 ay malinaw na natupad pagkatapos bumagsak ang Jerusalem noong 607 B.C.E. Binanggit din sa hula ni Zefanias (isinulat bago ang 648 B.C.E.) na ititiwangwang ang Askelon, kasama ng iba pang mga Filisteong lunsod, anupat sa dakong huli ay tatahanan ng nalabi ng Juda ang “mga bahay sa Askelon.” (Zef 2:4-7) Bilang panghuli, noong mga 518 B.C.E., nagpahayag si Zacarias ng kapahamakan para sa Askelon may kaugnayan sa panahon ng pagtitiwangwang sa Tiro (332 B.C.E.).—Zac 9:3-5.