Pumunta sa nilalaman

Pumunta sa talaan ng mga nilalaman

Augusto

Augusto

[Isa na Augusto].

Ang titulong ito ay ibinigay kay Gayo Octavio. Nang maglaon, ginamit din ng iba pang mga Romanong emperador ang titulong ito (Gaw 25:21, 25), ngunit kapag mag-isang ginagamit bilang pangalan, tumutukoy ito kay Octavio, ang unang emperador ng Imperyo ng Roma.

Noong Setyembre, 31 B.C.E., 13 taon pagkatapos na mapaslang ang kaniyang tiyo sa tuhod na si Julio Cesar, si Octavio ang naging lehitimong tagapamahala ng Imperyo ng Roma. Tinanggihan niya ang mga titulong “hari” at “diktador” ngunit tinanggap niya ang pantanging titulong “Augusto” na iginawad sa kaniya ng Senado noong Enero 16, 27 B.C.E. Pagkamatay ni Lepidus noong 12 B.C.E., ginamit ni Augusto ang titulong “Pontifex Maximus.” Kasabay ng pagbangon niya sa kapangyarihan, gumawa siya ng mga reporma sa pamahalaan, nireorganisa niya ang hukbo, itinatag ang Tanod ng Pretorio (Fil 1:13), at nagtayo siya at nagkumpuni ng maraming templo.

Noong 2 B.C.E., “lumabas ang isang batas mula kay Cesar Augusto na ang buong tinatahanang lupa ay magparehistro; at ang lahat ng mga tao ay naglakbay upang magparehistro, bawat isa sa kaniyang sariling lunsod.” (Luc 2:1, 3) Dahil sa batas na ito, naipanganak si Jesus sa Betlehem bilang katuparan ng hula sa Bibliya. (Dan 11:20; Mik 5:2) Maliban sa pagpaparehistrong ito ng mga tao para sa pagbubuwis at paglilingkod sa hukbo, paghirang ng mga gobernador sa ilang probinsiya, at pagpapatupad ng parusang kamatayan, hindi gaanong nakialam si Augusto sa lokal na pamahalaan. Ang kaniyang patakaran, na ipinagpatuloy pagkamatay niya, ay nagbigay ng malaking kapangyarihan sa Judiong Sanedrin. (Ju 18:31) Dahil sa maluwag na pamamalakad na ito ng imperyo, walang gaanong naging dahilan ang mga sakop upang maghimagsik.

Halos walang napagpilian si Augusto ng magiging kahalili niya. Ang kaniyang pamangking lalaki, dalawang apong lalaki, isang manugang na lalaki, at isang anak-anakang lalaki ay pawang namatay, at ang kaniyang natitirang apong lalaki na si Postumus ay inalisan ng mana at opisyal na ipinatapon, anupat ang naiwan na lamang ay ang kaniyang anak-anakang si Tiberio. Namatay si Augusto noong Agosto 17, 14 C.E. (Agosto 19, kalendaryong Julian), sa buwan na isinunod niya sa kaniyang pangalan.