Augusto, Pangkat ni
Nang ipadala sa Roma ang apostol na si Pablo dahil sa kaniyang pag-apela kay Cesar, inilagay siya sa pangangalaga ni Julio na isang opisyal ng hukbo (senturyon) na nasa “pangkat ni Augusto.” (Gaw 27:1) Nasa Cesarea noon si Pablo at ang iba pang mga bilanggo nang ilipat sila sa pangangalaga ng opisyal na iyon ng hukbo.—Gaw 25:13; 26:30–27:1.
Hindi posibleng matiyak kung ano ang tinutukoy na “pangkat ni Augusto” na kinabibilangan ni Julio. Dahil ang salitang “Augusto” rito ay isinalin mula sa salitang Griego na Se·ba·steʹ, sinikap ng ilan na iugnay ang pangkat na ito sa Samaria, na noong panahong iyon ay tinatawag na Sebaste, sa gayon ay inaangkin nila na isa itong grupo ng mga kawal na kinalap sa mga Samaritano. Totoo na may binanggit si Josephus na “isang hukbo ng mga mangangabayo na tinatawag na ‘mga Sebasteniano.’” (The Jewish War, II, 236 [xii, 5]) Gayunman, waring walang matibay na dahilan upang iugnay sa nabanggit na termino ang pananalitang “pangkat ni Augusto” ayon sa pagkakagamit ng manunulat ng Mga Gawa.
Ang isa pang pangmalas tungkol sa pangkat ni Augusto ay na tumutukoy ito sa frumentarii, isang pantanging imperyal na kalipunan ng mga opisyal na naglingkod bilang isang tagapag-ugnay na ahensiya ng mga sugo sa pagitan ng emperador at ng mga hukbong militar sa mga probinsiya, at na ang mga miyembro ay sinasabing naging tagapaghatid ng mga bilanggo. Ang pangmalas na ito ay bahagyang sinusuportahan ng pagkakasalin ng King James Version sa Gawa 28:16, na may kalakip na kaduda-dudang bahagi na nagsasabing “ibinigay ng senturyon ang mga bilanggo sa kapitan ng bantay.” Ipinapalagay niyaong mga nagtataguyod ng pangmalas na ito na ang “kapitan ng bantay” ay ang pinuno ng frumentarii. Gayunman, hindi lumilitaw ang pariralang ito sa karamihan ng makabagong mga salin ng talatang iyon.
Sa Revised Standard Version, ang pangkat na ito ay tinatawag na “Pulutong ni Augusto,” gaya rin sa maraming iba pang salin. Ang salitang Griego na speiʹra (pangkat), kapag ginagamit may kaugnayan sa militar, ay karaniwang tumutukoy sa isang Romanong manipulus, isang hukbo na katumbas ng dalawang “century.” Gayunman, ginagamit din ang terminong ito para sa isang mas malaking kalipunan ng mga lalaki at, gaya ng pagkakagamit sa Griegong Kasulatan, ipinapalagay na kumakatawan ito sa isang Romanong “cohort” (ang ikasampung bahagi ng isang hukbo, na binubuo ng mga 400 hanggang 600 lalaki). Karagdagan pa sa karaniwang mga hukbong Romano na binubuo ng mga
mamamayang Romano at nahahati sa mga cohort, mayroon ding pangalawahing mga pulutong o auxilia, na binubuo ng mga cohort na kinalap sa mga sakop (hindi mamamayan) ng Roma. Ang mga ito ay mga independiyenteng yunit ng impanterya at karaniwang naglilingkod sa mga hangganan ng imperyo. Bagaman ang mga cohort na kabilang sa karaniwang mga hukbong Romano ay hindi binibigyan ng pantanging mga pangalan, kadalasang pinapangalanan ang pansuportang mga cohort na ito. May natagpuang mga inskripsiyon ng isang Cohors I Augusta (sa Lat.) at Speiʹra Au·gouʹste (sa Gr.), bagaman hindi tiyakang maiuugnay ang mga ito sa pangkat na tinatalakay rito.