Pumunta sa nilalaman

Pumunta sa talaan ng mga nilalaman

Ayudante

Ayudante

Ang salitang Hebreo na sha·lishʹ (ikatlong lalaki, tumutukoy sa ikatlong mandirigma sa isang karong pandigma) ay isinalin sa iba’t ibang bersiyon ng Bibliya bilang “kapitan,” “lider ng karo,” “panginoon,” “mandirigma,” “ayudante.”

Sa ilang inskripsiyon sa bantayog na naglalarawan ng mga karong pandigma ng mga “Hiteo” at mga Asiryano, tatlong lalaki ang makikita: una, ang tagapagpatakbo; ikalawa, ang mandirigma na may tabak, sibat, o busog; at ikatlo, ang tagapagdala ng kalasag. Bagaman kadalasang hindi makikita sa mga bantayog ng Ehipto na tatlo ang sakay ng mga karo, ang terminong ito ay ginagamit sa Exodo 14:7 may kinalaman sa mga tagapagpatakbo ng karo ni Paraon. Ang ikatlong mandirigma sa karo, kadalasan ang may dala ng kalasag, ay isang katulong na kumandante sa karong pandigma, isang ayudante. Ang salitang Tagalog na “ayudante” ay literal na nangangahulugang “isa na tumutulong; katulong.”

Matapos banggitin na walang sinuman sa mga anak ni Israel ang ginawang mga alipin ni Solomon, sinabi ng 1 Hari 9:22: “Sapagkat sila ang mga mandirigma at mga lingkod niya at mga prinsipe niya at mga ayudante niya at mga pinuno ng kaniyang mga tagapagpatakbo ng karo at ng kaniyang mga mangangabayo.” Bilang komento sa tekstong ito, sinabi ni C. F. Keil na ang terminong sha·li·shimʹ (pangmaramihan), na ginamit sa talatang ito, ay maaaring unawain bilang “mga ayudante ng hari.”​—Commentary on the Old Testament, 1973, Tomo III, 1 Kings, p. 146.

Noong mga araw ni Haring Jehoram ng Israel, kinubkob ng mga Siryano ang Samaria, na nang maglaon ay naging dahilan ng taggutom sa lunsod. Nang humula si Eliseo na magkakaroon ng saganang pagkain, tinuya ng pantanging ayudante ni Jehoram ang hula. Gaya ng patiunang sinabi ni Eliseo, nakita ng ayudante ang katuparan ng hula ngunit hindi siya nakabahagi sa anumang pagkain dahil nayurakan siya ng mga tao sa pintuang-daan hanggang sa mamatay siya.​—2Ha 7:2, 16-20.

Sa utos ni Jehu, nilipol ng kaniyang mga mananakbo at mga ayudante, malamang na kabilang dito si Bidkar, ang mga mananamba ni Baal. (2Ha 9:25; 10:25) Ang isa pang ayudante na binanggit sa Kasulatan ay si Peka, na pumaslang kay Pekahias na hari ng Israel at humalili sa kaniya sa trono.​—2Ha 15:25; tingnan ang Eze 23:15, tlb sa Rbi8.

[Larawan sa pahina 263]

Tatlong lalaki sa isang karong pandigma ng mga Asiryano