Pumunta sa nilalaman

Pumunta sa talaan ng mga nilalaman

Banyaga

Banyaga

Isang tao na hindi lahing Israelita, isang Gentil; sa Hebreo, nokh·riʹben-ne·kharʹ, sa literal, “anak ng (bansang) banyaga.” (Deu 14:21; Exo 12:43, tlb sa Rbi8) Kabilang sa mga banyagang nasa gitna ng mga Hebreo ang mga upahang trabahador, mga mangangalakal, mga bihag sa digmaan, mga Canaanitang hindi pinatay o pinalayas sa Lupang Pangako, at iba’t ibang uri ng dayuhan.​—Jos 17:12, 13; Huk 1:21; 2Sa 12:29-31; 1Ha 7:13; Ne 13:16.

Bagaman nilimitahan ng tipang Kautusan ang mga karapatan ng mga banyaga, dapat silang pakitunguhan nang makatarungan at walang pagkiling at dapat silang tanggapin nang may kabaitan hangga’t hindi sila tahasang sumusuway sa mga batas ng lupain. Ang banyaga, palibhasa’y wala namang tunay na kaugnayan sa Israel, ay naiiba sa tinuling proselita na naging miyembro ng kongregasyon ng Israel dahil lubusan nitong tinanggap ang mga pananagutan sa tipang Kautusan. Sa katulad na paraan, ang banyaga ay naiiba sa taong nakikipamayan na pansamantalang naninirahan sa Lupang Pangako at dahil dito ay sumasailalim sa ilang legal na restriksiyon ngunit nagtatamasa rin ng ilang karapatan at pribilehiyo.​—Tingnan ang NANINIRAHANG DAYUHAN.

Noong naninirahan ang mga Israelita sa Canaan at sa Ehipto bilang mga dayuhan, maraming di-Israelita ang naging bahagi ng mga sambahayan ng mga anak ni Jacob at ng mga inapo ng mga ito. Nangyari ito dahil ang ilan sa kanila ay kinuha bilang mga upahang lingkod na nanirahang kasama ng pamilya o binili bilang mga alipin, na kinailangang tuliin ayon sa mga kundisyon ng tipan kay Abraham. (Gen 17:9-14) Kabilang naman sa malaking haluang pangkat na sumama sa mga Israelita noong Pag-alis ang mga banyagang naging asawa ng mga Israelita, kasama ang kanilang mga supling.​—Exo 12:38; Lev 24:10; Bil 11:4.

Nang makapamayan na ang Israel sa Lupang Pangako, may mga banyaga na kinailangan nilang pakitunguhan, gaya ng mga Canaanitang hindi napalayas. (Huk 2:2, 3) Mayroon ding mga mangangalakal at mga bihasang manggagawa na pumasok sa lupain ng Israel nang maglaon. (Eze 27:3, 17; 2Sa 5:11; 1Ha 5:6-18) Malamang, dumami ang mga upahang trabahador habang lalong umuunlad ang mga Israelita sa Lupang Pangako. (Ihambing ang Deu 8:11-13; Lev 22:10.) May mga banyaga namang sumama sa mga hukbong Israelita, at natutuhan nilang pahalagahan ang kanilang mga lider na Hebreo at igalang ang relihiyon ng mga Israelita, gaya ng ginawa ng mga Giteo, mga Kereteo, at mga Peleteo.​—2Sa 15:18-21.

Mga Probisyon ng Tipang Kautusan. Sa tipang Kautusan, naglaan si Jehova ng mga tuntunin upang kontrolin ang pakikitungo sa mga banyaga at upang pangalagaan ang bansang Israel at ang kapakanan ng mga mamamayan at ng mga nasa poder nito may kinalaman sa ekonomiya, relihiyon at pulitika. Hindi dapat makipagsamahan ang mga Israelita sa mga banyaga, lalo na kung may kaugnayan sa relihiyon (Exo 23:23-25; Deu 7:16-26; Jos 23:6, 7), at hindi sila dapat makipagtipan sa mga ito o sa mga diyos ng mga ito. (Exo 34:12-15; 23:32; Deu 7:2) Muli’t muli, idiniin ni Jehova na hindi sila dapat yumukod sa mga diyos ng mga banyaga (Exo 20:3-7; 23:31-33; 34:14), ni mag-usisa man o maging interesado sa mga relihiyosong gawain ng mga ito.​—Deu 12:29-31.

Ipinagbawal ang pakikipag-alyansa sa mga banyaga ukol sa pag-aasawa, pangunahin na upang hindi madungisan ang dalisay na pagsamba. (Exo 34:16; Deu 7:3, 24; Jos 23:12, 13) Dapat lipulin ang lahat ng tumatahan sa mga lunsod ng pitong bansang Canaanita. (Deu 7:1; 20:15-18) Ngunit kapag ang lunsod na nabihag ay hindi kabilang sa pitong bansang Canaanita, ang isang kawal na Israelita ay maaaring kumuha sa lunsod na iyon ng isang birhen bilang asawa pagkatapos sumailalim ang babae sa isang yugto ng pagpapadalisay. Sa gayong mga kaso, walang nagaganap na aktuwal na pakikipag-alyansa sa isang banyagang tribo o pamilya, yamang napatay na ang mga magulang ng babae noong kunin ang lunsod.​—Deu 21:10-14; Bil 31:17, 18; Deu 20:14.

Karagdagan pa, ang di-tuling banyaga ay hindi maaaring kumain ng hain ng Paskuwa. (Exo 12:43) Gayunman, waring ang mga banyaga ay maaaring maghandog ng mga hain sa pamamagitan ng kaayusan ng pagkasaserdote, basta’t ang handog ay kaayon ng mga pamantayan ng Diyos. (Lev 22:25) Sabihin pa, hindi maaaring pumasok sa santuwaryo ang gayong mga tao (Eze 44:9), ngunit maaari silang pumaroon sa Jerusalem at ‘manalangin tungo sa bahay ng Diyos,’ at malamang na hindi nila gagawin iyon nang wala silang dalang haing handog.​—1Ha 8:41-43.

May kinalaman sa pamamahala, ang banyaga ay hindi maaaring magkaroon ng bahagi sa pamamahala at hindi maaaring maging hari. (Deu 17:15) Bagaman ang Israelita, ang naninirahang dayuhan, at ang nakikipamayan sa lupain ay maaaring tumanggap ng proteksiyon sa mga kanlungang lunsod para sa nakapatay nang di-sinasadya, walang binabanggit na gayong probisyon para sa banyaga.​—Bil 35:15; Jos 20:9.

Bagaman ang mga Israelita ay pinagbawalang kumain ng hayop na namatay nang hindi napatulo ang dugo, legal itong maipagbibili sa isang banyaga. (Deu 14:21) Kapag mga taon ng Sabbath, ang Israelita ay hindi maaaring piliting magbayad ng utang, ngunit wala sa ilalim ng kaayusang ito ang banyaga at maaari siyang piliting magbayad. (Deu 15:1-3) Bagaman hindi maaaring singilin ng patubo ang isang kapuwa Israelita, maaari itong singilin sa banyaga.​—Deu 23:20.

Naging Sanhi ng Suliranin. Noong panahon ni Josue at hanggang noong kapanahunan ng mga Hukom, maraming banyaga ang nasa lupain at palagi silang nagiging sanhi ng suliranin. (Jos 23:12, 13) Pagkatapos ng pananakop ng Israel, ang mga banyagang Canaanita na natira ay sumailalim sa mapang-aliping puwersahang pagtatrabaho (Jos 16:10; 17:13; Huk 1:21, 27-35), ngunit dahil hindi sila pinalayas ng mga Israelita mula sa lupain at hindi pinawi ng mga ito ang kanilang pagsamba gaya ng iniutos ni Jehova (Huk 2:1, 2), patuloy na isinagawa ng karamihan sa mga Canaanita ang kanilang idolatroso at buktot na relihiyon. Dahil dito, patuloy na naakay ang mga Israelita sa huwad na pagsamba (Aw 106:34-39), lalo na sa pagsamba sa mga Baal at sa mga imahen ni Astoret. (Huk 2:11-13) Noong panahon ni David at hanggang noong paghahari ni Solomon, masusumpungan pa rin sa Israel ang mga banyagang ito na lahing Canaanita, anupat puwersahan pa rin silang pinagtatrabaho sa templo at sa iba pang mga proyekto ng pagtatayo ni Solomon.​—1Ha 9:20, 21; tingnan ang PUWERSAHANG PAGTATRABAHO.

Bagaman labag sa utos ng Diyos, kumuha si Solomon ng maraming asawang banyaga, na unti-unti namang nagbaling ng kaniyang puso mula sa dalisay na pagsamba kay Jehova tungo sa pagsamba sa mga banyagang diyos. (1Ha 11:1-8) Kapaha-pahamak ang naging resulta ng pagpasok ng huwad na relihiyon sa pinakamataas na antas ng pamahalaan. Nahati ang bansa at naging tapon sa Babilonya ang bayan dahil inakay sila ng sunud-sunod na mga hari, kapuwa ng Juda at ng Israel, tungo sa huwad na pagsamba. Bilang kasukdulan, natupad sa bansa ang mga sumpa na inihulang sasapit sa kanila kapag nilabag nila ang Kautusan.​—1Ha 11:9-11; 2Ha 15:27, 28; 17:1, 2; 23:36, 37; 24:18, 19; Deu 28:15-68.

Pagkatapos na maisauli ang tapat na nalabing mga Israelita mula sa pagkatapon sa Babilonya, maraming Israelita ang nag-asawa ng mga banyaga. (Ezr 9:1, 2; Ne 13:23-25) Dahil sa maling landasing ito, kinailangan ang puspusang pagpapalayas sa mga asawang banyaga at sa mga anak ng mga ito sa pangunguna nina Ezra at Nehemias. (Ezr 10:2-4, 10-19, 44; Ne 13:1-3, 27-30) Inaksiyunan din ang mga katiwaliang ginagawa ng iba pang mga banyaga.​—Ne 13:7, 8, 16-21.

Napakalupit ng pakikitungo ng mga Babilonyo sa mga Judio noong panahong wasakin nila ang Jerusalem. (Pan 2:5-12, 19-22) Nang lumaya na ang mga Judio, palagi silang may pakikipag-alitan sa mga banyagang nakapalibot sa kanila sa Lupang Pangako, at partikular silang niligalig ng mga Griegong tagapamahala ng Sirya. Sa pagsisikap ng mga Judio na maingatan ang kanilang isinauling pagsamba, kinailangan nilang labanan ang mabangis na pag-uusig mula kay Antiochus IV Epiphanes habang sinisikap niyang gawing Helenisado ang mga Judio. Sa loob ng maraming siglo pagkaraan ng pagkatapon, ang mga Israelita ay laging nakikipagpunyagi ukol sa kanilang kasarinlan, na pumukaw ng sigasig para sa Judaismo at, sa ilan, ng matinding espiritu ng pagkamakabayan. Malamang na ang mga salik na ito, pati na ang pangamba na mahaluan sila ng ibang mga lahi kapag nag-asawa sila ng mga banyaga, ang naging dahilan kung bakit naglaho ang liberal na saloobin sa mga banyaga na maliwanag na itinaguyod ng Hebreong Kasulatan.​—Ihambing ang 1Ha 8:41-43; 2Cr 6:32, 33; Isa 56:6, 7.

Noong Unang Siglo C.E. Noong unang siglo C.E., partikular na dahil sa impluwensiya ng kanilang mga lider ng relihiyon, pinakaiwas-iwasan ng mga Judio ang pakikihalubilo sa mga banyaga. Makikita ang saloobing ito sa paghamak nila sa mga Samaritano, isang grupo ng mga tao na may dugong Israelita at dugong banyaga. Karaniwan na, ang mga Judio ay “walang pakikipag-ugnayan sa mga Samaritano,” anupat kahit tubig na maiinom ay hindi sila hihingi sa mga ito. (Ju 4:9) Gayunman, nilinaw ni Jesus na mali ang gayong mapagmalabis na pangmalas.​—Luc 10:29-37.

Nagwakas ang legal na pagkakabukod ng Judio at ng Gentil nang itatag ang bagong tipan salig sa haing pantubos ni Kristo. (Efe 2:11-16) Ngunit kahit pagkaraan ng Pentecostes ng 33 C.E., hindi pa rin ito lubusang nauunawaan ng unang mga alagad. Ipinahayag ni Pedro sa Gentil na si Cornelio ang karaniwang pangmalas ng mga Judio noon: “Nalalaman ninyong lubos kung paanong di-matuwid na ang isang Judio ay makisama o lumapit sa isang tao ng ibang lahi.” (Gaw 10:28) Ipinakikita ng Juan 18:28 na sa pangmalas ng mga Judio, ang pagpasok sa tahanan ng isang Gentil ay nakapagpaparungis sa seremonyal na paraan. Bagaman ang Kautusang ibinigay sa pamamagitan ni Moises ay walang espesipikong utos laban sa gayong limitadong pakikipagsamahan, naging karaniwan ang pangmalas na ito sa gitna ng mga Judio at lalo na sa kanilang mga lider ng relihiyon. Mahaba-habang panahon pa ang lumipas bago nakalaya ang unang mga Judiong Kristiyano sa mga restriksiyong dulot ng gayong saloobin at bago nila tinanggap ang tuntuning idiniin ng apostol na si Pablo na, para roon sa mga may ‘bagong Kristiyanong personalidad,’ “walang Griego ni Judio, pagtutuli ni di-pagtutuli, banyaga, Scita, alipin, taong laya, kundi si Kristo ang lahat ng bagay at nasa lahat.”​—Gal 2:11-14; Col 3:10, 11.

Ang salitang Griego para sa “banyaga” ay barʹba·ros, pangunahin nang tumutukoy sa isa na hindi nagsasalita ng Griego.​—Tingnan ang BARBARO.