Pumunta sa nilalaman

Pumunta sa talaan ng mga nilalaman

Barbaro

Barbaro

Ang pag-uulit na “bar bar” sa Griegong barʹba·ros ay nagpapahiwatig ng ideya ng pagkautal, pagngawa, o pagsasalitang di-maintindihan; kaya naman ang terminong “barbaro” ay orihinal na ikinapit ng mga Griego sa isang banyaga, partikular na sa isa na nagsasalita ng ibang wika. Noong panahong iyon, hindi ito nagpapahiwatig ng pagiging di-sibilisado, kagaspangan, o kawalan ng kagandahang-asal, ni nagbabadya man ito ng pagkamuhi. Ang “barbaro” ay isa lamang termino na ginagamit upang tukuyin ang mga di-Griego bilang naiiba sa mga Griego, kung paanong ibinubukod ng terminong “Gentil” ang mga di-Judio mula sa mga Judio. Hindi naman tumututol o naiinsulto ang mga di-Griegong ito kapag tinatawag silang mga barbaro. Ginagamit ng ilang Judiong manunulat, kabilang na si Josephus, ang terminong ito upang tumukoy sa kanilang sarili (Jewish Antiquities, XIV, 187 [x, 1]; Against Apion, I, 58 [11]); tinawag din ng mga Romano ang kanilang sarili na mga barbaro hanggang noong tanggapin nila ang kulturang Griego. Kaya sa liham ni Pablo sa mga taga-Roma, ang di-mapanghamak na kahulugang ito ang nasa isip niya nang gamitin niya ang panlahatang pananalita na, “Kapuwa sa mga Griego at sa mga Barbaro.”​—Ro 1:14.

Ang wika ng mga Griego ang pangunahing salik na nagbubukod sa kanila mula sa mga barbaro; kaya naman ang terminong ito ay partikular nang tumukoy sa mga taong hindi nagsasalita ng Griego, gaya halimbawa niyaong mga naninirahan sa Malta na nagsasalita ng ibang wika. Sa kasong ito, isinalin ng Bagong Sanlibutang Salin ang kahulugan ng barʹba·roi bilang “mga taong may wikang banyaga.” (Gaw 28:1, 2, 4) Noong sumusulat siya hinggil sa kaloob na mga wika, makalawang ulit na tinawag ni Pablo na barʹba·ros (“banyaga”) yaong isa na nagsasalita ng di-maintindihang wika. (1Co 14:11; tingnan din ang Col 3:11.) Sa gayunding paraan ginamit ng Griegong Septuagint ang barʹba·ros sa Awit 113:1 (114:1 sa mga bersiyong Hebreo at Ingles) at sa Ezekiel 21:36 (21:31 sa Ingles).

Dahil itinuring ng mga Griego na mas nakahihigit ang kanilang wika at kultura kaysa sa lahat ng iba pa, at dahil pinakitunguhan sila ng kanilang mga kaaway nang walang pakundangan, ang terminong “barbaro” ay unti-unting nagkaroon ng mapanghamak na kahulugan.