Pumunta sa nilalaman

Pumunta sa talaan ng mga nilalaman

Behemot

Behemot

Iba-iba ang pangmalas hinggil sa katawagang “Behemot” na lumilitaw sa Job 40:15. Sinasabing ito ay (1) isang paghalaw sa salitang Ehipsiyo para sa “water ox,” (2) isang salita na posibleng nagmula sa wikang Asiryano na nangangahulugang “halimaw,” at (3) isang pinatinding anyong pangmaramihan ng salitang Hebreo na behe·mahʹ (hayop; alagang hayop) na ipinapalagay na nangangahulugang “dambuhalang hayop” o “napakalaking hayop.” Sa Griegong Septuagint, the·riʹa (mababangis na hayop) ang salitang ginamit bilang salin ng Hebreong behe·mohthʹ. Gayunpaman, maliwanag na iisang hayop ang tinutukoy rito, yamang ang paglalarawan ng Kasulatan sa Behemot ay hindi nagpapahiwatig ng maraming hayop kundi ng iisa lamang, na karaniwang ipinapalagay bilang ang hipopotamus (Hippopotamus amphibius). Sa katunayan, maraming salin ng Bibliya (AT, La, Ro, Rbi8, JB, RS) ang gumamit ng salitang “hipopotamus” sa mismong teksto o sa mga talababa upang ipakilala ang nilalang na tinutukoy ng Diyos.

Ang hipopotamus ay isang mamalya na napakalaki, makapal ang balat, at halos walang balahibo. Naglalagi ito sa mga ilog, lawa, at latian. Kilalá ito sa maiikli nitong binti, napakalaking panga, at malaking ulo, na sinasabing tumitimbang nang hanggang isang tonelada. Napakalakas ng panga at mga ngipin nito anupat sa isang kagat ay kaya nitong butasin ang balat ng isang buwaya. Kapag nasa hustong gulang na, ang haba nito ay maaaring 4 hanggang 5 m (12 hanggang 15 piye) at tumitimbang ito nang hanggang 3,600 kg (8,000 lb). Ang hipopotamus ay nabubuhay sa katihan at sa tubig, at sa kabila ng di-pangkaraniwang laki nito ay nakakakilos pa rin ito nang mabilis, nasa katihan man ito o nasa tubig. Kumakain ito ng malalambot na halamang-tubig, damo, tambo, at palumpong. Bawat araw, mahigit 90 kg (200 lb) ng luntiang pananim ang ipinapasok nito sa kaniyang tiyan na makapaglalaman ng 150 hanggang 190 L (40 hanggang 50 gal).

Ang balat ng hipopotamus, lalo na yaong nasa tiyan, ay napakakunat, anupat hindi ito nagagalusan kahit mabunggo o makayod habang nakakaladkad ang mababang katawan nito sa ibabaw ng mga kahoy o bato na nasa pinakasahig ng ilog. Dahil sa magandang puwesto ng mga butas ng ilong nito sa dulo ng nguso, at dahil ang mga mata nito ay nasa pinakaitaas sa harapan ng ulo, ang hipopotamus ay kapuwa nakahihinga at nakakakita habang ito ay halos lubusang nakalubog sa tubig. Ang mga tainga at tulad-balbulang mga butas ng ilong ay nagsasara kapag lumulubog ito. Kahit natutulog, kapag ang carbon dioxide sa dugo nito ay umabot sa isang takdang antas, ang hayop ay kusang lumulutang upang lumanghap ng sariwang hangin at saka lumulubog muli.

Noong una ay may masusumpungang mga hipopotamus sa karamihan ng malalaking lawa at ilog ng Aprika, ngunit dahil sa pangangaso ng tao, naglaho na ito sa maraming rehiyon at sinasabing hindi na ito makikita sa H panig ng talon sa Khartoum, Sudan. Noong sinaunang mga panahon, maaaring may naglalagi pa ngang mga hipopotamus sa Jordan. Sa katunayan, iniuulat na may natagpuang mga pangil at mga buto ng hayop na ito sa iba’t ibang bahagi ng Palestina.

Ang ika-40 kabanata ng aklat ng Job ay nagbibigay ng malinaw na paglalarawan sa napakalaking mamalyang ito na Behemot. Binabanggit doon na halaman ang kinakain nito. (Tal 15) Ang pambihirang lakas at enerhiya nito ay nagmumula sa mga balakang at sa mga gatil ng kaniyang tiyan, samakatuwid nga, sa mga kalamnan ng likod nito at ng tiyan nito. (Tal 16) Ang buntot ng Behemot ay itinulad sa sedro. Ngunit yamang ang buntot ng hipopotamus ay may kaiklian, na nasa mga 46 hanggang 51 sentimetro (18 hanggang 20 pulgada), malamang na nangangahulugan lamang iyon na kayang patayuin o ipaling-paling ng hayop ang makapal na buntot nito na gaya ng isang punungkahoy. “Ang mga litid ng mga hita niya ay magkakasanib,” anupat ang mga litid at mga gatil ng mga kalamnan ng hita nito ay nakapilipit at nakatirintas na tulad ng matitibay na kable. (Tal 17) Ang mga buto ng mga binti nito ay malalakas gaya ng “mga tubong tanso,” anupat kaya nitong buhatin ang napakabigat na katawan nito. Ang mga buto at mga tadyang ay tulad ng mga tungkod na hinubog na bakal. (Tal 18) Ang pagkonsumo ng Behemot ng napakaraming pagkain ay ipinahihiwatig (tal 20), at binabanggit din ang pagpapahingalay nito sa ilalim ng matitinik na punong lotus o pagkukubli nito sa latiang dako, sa lilim ng mga alamo. (Tal 21, 22) Umapaw man ang ilog sa mga pampang nito, ang nilalang na ito ay hindi natatakot, sapagkat mapananatili nito sa ibabaw ng tubig ang kaniyang ulo at makalalangoy ito nang pasalunga sa agos ng delubyo. (Tal 23) Tinanong ni Jehova si Job: ‘Yamang ang Behemot ay napakalakas at lubusang nasasakbatan, mangangahas ba ang isang tao na sagupain ito at tangkaing tuhugin ng pangawit ang ilong nito?’​—Tal 24.