Pumunta sa nilalaman

Pumunta sa talaan ng mga nilalaman

Capadocia

Capadocia

Noong mga araw ng mga apostol, ang Capadocia ay isang malaking rehiyon sa gitna ng silanganing bahagi ng Asia Minor. Karaniwa’y malamig ang klima rito at madalang ang kakahuyan. Ito’y nasa isang talampas na ang kalakhang bahagi ay may taas na 900 m (3,000 piye). Ang mga hangganan nito ay nagbagu-bago sa buong kasaysayan, ngunit sa pangkalahatan, ang mga ito ay ang Ponto sa H, ang Galacia at ang Licaonia sa K, ang Cilicia at ang Kabundukan ng Taurus sa T, at ang Armenia at ang itaas na bahagi ng Ilog Eufrates sa S. Karaniwan dito ang malawakang pagpapastol ng mga tupa, at marami ring baka at maiinam na kabayo. Trigo ang pangunahing produktong butil.

Sa ilalim ni Ciro, ang Capadocia ay ginawang bahagi ng Imperyo ng Persia at ang orihinal na rehiyon ay pinaghatian ng mga satrapa ng Ponto at ng Capadocia. Noong panahon ng Seleucidong dinastiya ng Sirya, pinahintulutang mamahala rito ang mga sakop na hari. Winakasan ito ni Emperador Tiberio ng Roma noong 17 C.E., at ang Capadocia ay naging isang Romanong probinsiya na nasa ilalim ng pangangasiwa ng isang prokurador. Pinalaki ni Vespasian ang probinsiya noong 70 C.E. at isinama ito sa Armenia, sa gayo’y naging isang pangunahing probinsiya sa hanggahan sa Silangan. Naging mahalaga ang lokasyon ng Capadocia dahil sa mga daang bumabagtas sa rehiyong ito, anupat ang isa ay mula sa Tarso sa Mediteraneo at dumaraan sa puwang sa Kabundukan ng Taurus na kilalá bilang Cilician Gates, pagkatapos ay tumatawid ng Capadocia patungo sa probinsiya ng Ponto, at hanggang sa mga daungan sa Dagat na Itim.

Maliwanag na ang mga katutubo ng Capadocia ay mga Aryanong nagmula sa angkang Japetiko, ngunit pagsapit ng ikalawang siglo B.C.E. ay nagkaroon na ng mga pamayanang Judio roon. Kabilang sa mga presente sa Jerusalem noong Pentecostes ng 33 C.E. ang mga Judiong nagmula sa Capadocia. (Gaw 2:9) Malamang na dahil dito kung kaya maagang lumaganap sa Capadocia ang Kristiyanismo, at kabilang ang mga Kristiyanong taga-Capadocia sa mga pinatungkulan ni Pedro ng kaniyang unang liham.​—1Pe 1:1.