Cornelio
Isang opisyal ng hukbo (senturyon, KJ) na namamahala sa 100 kawal ng pangkat na Italyano. (Tingnan ang OPISYAL NG HUKBO.) Siya ay nakahimpil sa Cesarea at may sariling bahay. Ipinahihiwatig ng kaniyang pangalang Romano na maaaring kabilang siya sa isang maharlikang pamilya sa lunsod ng emperador. Siya ay “isang taong taimtim” na ‘nagbigay ng maraming kaloob ng awa sa mga tao at nagsumamo sa Diyos nang patuluyan,’ “isang lalaking matuwid at natatakot sa Diyos at may mabuting ulat mula sa buong bansa ng mga Judio.” Sa lalaking ito nagpakita ang isang anghel sa isang pangitain noong taglagas ng 36 C.E., na nagsasabi: “Ang iyong mga panalangin at mga kaloob ng awa ay pumailanlang bilang isang pinakaalaala sa harap ng Diyos.” Sinabi rin ng anghel kay Cornelio na magsugo sa Jope upang ipatawag si Pedro.—Gaw 10:1-22.
Nang dumating si Pedro, si Cornelio, sa harap ng “kaniyang mga kamag-anak at matatalik na kaibigan,” ay nagsabi sa apostol: “Naririto kaming lahat sa harap ng Diyos upang pakinggan ang lahat ng bagay na iniutos ni Jehova sa iyo na sabihin.” (Gaw 10:24, 33) “Samantalang nagsasalita pa si Pedro . . . ang banal na espiritu ay bumaba sa lahat niyaong mga nakikinig sa salita.” Kaya ang pangkat na ito na si Cornelio ang binabanggit na pinakabantog ang naging unang di-tuling mga Gentil o mga di-Judio na tumanggap ng “walang-bayad na kaloob ng banal na espiritu.” (Gaw 10:44, 45) Kaagad itong sinundan ng bautismo sa tubig. Wala nang nalalaman pa tungkol sa buhay at gawain ni Cornelio pagkatapos nito.
Bakit ang pagkakumberte ni Cornelio ay isang natatanging pangyayari?
Si Cornelio ay hindi isang proselitang miyembro ng komunidad ng mga Judio gaya ng ipinangangatuwiran ng iba, bagaman siya ay may kabatiran sa mga isinulat ng mga propeta, nagbigay ng mga kaloob ng awa sa mga Judio, nagpamalas ng takot sa Diyos, patuluyang nanalangin, at gumamit ng pangalang Jehova. Matibay na pinatutunayan ng Kasulatan na ang opisyal na ito ng hukbo ay isang di-tuling Gentil sa tunay na diwa. Kung si Cornelio ay proselita, hindi sana sinabi ni Pedro na di-matuwid para sa kaniya, na isang Judio, ang makisama sa ganitong “tao ng ibang lahi,” dahil sa nakasulat sa Kautusan may kinalaman sa naninirahang dayuhan. (Lev 19:33, 34; Gaw 10:28) Kung siya ay proselita, hindi sana “namangha” ang anim na iba pang Judio na kasama ni Pedro sa pagkakita na ibinubuhos ang banal na espiritu “sa mga tao ng mga bansa.” (Gaw 10:45; 11:12) Kung siya ay proselita, bakit nakipagtalo kay Pedro sa bagay na ito ang “mga tagapagtaguyod ng pagtutuli”?—Gaw 11:2.
Sa katunayan, si Cornelio ang unang bunga sa di-tuling mga di-Judio na naging Kristiyano, na nagpapakitang nang panahong iyon ay hindi na kailangang maging mga proselitang Judio tulad ng bating na Etiope ang mga Gentil bago sila tanggapin sa kongregasyong Kristiyano. Ibinulalas ni Pedro noong makasaysayang pangyayaring iyon, “Tunay ngang napag-uunawa ko na ang Diyos ay hindi nagtatangi, kundi sa bawat bansa ang tao na natatakot sa kaniya at gumagawa ng katuwiran ay kaayaaya sa kaniya.” (Gaw 10:34, 35) Kung paanong si Pedro ang unang nagbukas ng Daan para sa mga Judio noong Pentecostes, gayundin sa pagkakataong ito, siya ang unang nagdala ng mabuting balita ng kaligtasan sa di-tuling mga Gentil. Sumang-ayon din si Santiago na iyon ang “unang pagkakataon” na ibinaling ng Diyos ang kaniyang pansin sa “mga bansa.”—Gaw 15:7, 14.