Pumunta sa nilalaman

Pumunta sa talaan ng mga nilalaman

Cronica, Ang mga Aklat ng mga

Cronica, Ang mga Aklat ng mga

Dalawang kinasihang aklat ng Hebreong Kasulatan na maliwanag na iisang tomo sa orihinal na Hebreong kanon. Ang mga ito ay itinuring ng mga Masorete bilang iisang akda lamang, at kinikilala ang mga ito bilang iisang aklat kapag tinutuos na ang Hebreong Kasulatan ay binubuo ng 22 o 24 na aklat, at bilang dalawang aklat naman kapag tinutuos na iyon ay may kabuuang bilang na 39 na aklat. Waring ang mga tagapagsalin ng Griegong Septuagint ang nagpasimula ng paghahati nito sa dalawang aklat. Sa mga manuskritong Hebreo, sinimulan itong hatiin sa dalawa noong ika-15 siglo. Sa tekstong Hebreo, lumilitaw ang Mga Cronica sa katapusan ng seksiyon na tinatawag na Mga Akda. Ang pangalang Hebreo, Div·rehʹ Hai·ya·mimʹ, ay nangangahulugang “Mga Pangyayari Nang Mga Araw.” Si Jerome ang nagmungkahi ng pangalang Khro·ni·konʹ, na pinagkunan ng Cronica sa Bibliyang Tagalog. Ang isang kronika ay isang rekord ng mga pangyayari ayon sa pagkakasunud-sunod ng mga ito. Ang titulong Griego (sa Septuagint) ay Pa·ra·lei·po·meʹnon, nangangahulugang “Mga Bagay na Nilampasan (Hindi Nabanggit; Inalis),” samakatuwid nga, mula sa mga aklat ng Samuel at Mga Hari. Gayunman, mapapansin na ang Mga Cronica ay hindi basta kapupunan lamang ng mga aklat na iyon.

Manunulat, Panahon, at Yugtong Saklaw. Sa maraming kadahilanan, kinikilalang ang saserdoteng Judio na si Ezra ang manunulat nito. Ang ganitong pangmalas ay matagal nang pinanghahawakan ng tradisyong Judio. Sinusuportahan din ito ng kapansin-pansing pagkakatulad ng istilo ng pagkakasulat ng Mga Cronica at ng aklat ng Ezra. Ang mga pananalita sa pagtatapos ng Ikalawang Cronica ay halos salita-por-salitang inulit sa pasimula ng Ezra. Karagdagan pa, ang kapahayagan ng batas ni Ciro na makikita sa katapusan ng Ikalawang Cronica ay inilahad nang kumpleto sa aklat ng Ezra, anupat nagpapahiwatig na tinapos ng manunulat ang aklat ng Mga Cronica taglay ang intensiyong sumulat ng isa pang aklat (Ezra) na lubusang tatalakay sa batas at sa pagpapatupad nito. Natapos ang Mga Cronica noong mga 460 B.C.E. Maliwanag na dalawang aklat lamang ng Hebreong kanon ang natapos pagkaraan ng 460 B.C.E., samakatuwid nga, Nehemias at Malakias.

Bukod sa mga talaan ng angkan na nagsisimula kay Adan, ang Mga Cronica ay sumasaklaw sa yugto mula sa pagkamatay ni Haring Saul hanggang sa pagdadala sa mga tapon patungong Babilonya, lakip ang isang konklusyon na naglalahad ng batas ni Ciro sa pagtatapos ng 70-taóng pagkatapon.

Mga Pinagkunan ng Impormasyon. Ipinagpalagay ni Ezra na ang kaniyang mga mambabasa ay pamilyar sa mga aklat ng Mga Hari kung kaya hindi na niya sinikap saklawin ang kaparehong impormasyon. Ang materyal na ginamit niya, na sa ilang kaso ay katulad na katulad o kahawig ng mga seksiyon sa Mga Hari, ay naglakip lamang niyaong mga bahagi na nauugnay at nagbibigay-kahulugan sa karagdagang impormasyon na nasa Mga Cronica. Maaaring ginamit ni Ezra ang mga aklat ng Samuel at Mga Hari gayundin ang iba pang mga bahagi ng Bibliya bilang mapagkukunan ng impormasyon, ngunit waring sa karamihan kung hindi man sa lahat ng kaso, gumamit siya ng mga akda na hindi na natin taglay sa ngayon. Ang ilan sa mga ito ay maaaring mga dokumento ng estado kapuwa mula sa Israel at Juda, mga rekord ng talaangkanan, at mga akda ng kasaysayan na isinulat ng mga propeta, saka mga dokumento ng mga ulo ng tribo o pamilya. Ang ilang bahagi ng ginamit na mga mapagkukunan ng impormasyon ay walang alinlangang gawa ng propesyonal na mga tagapagtala.​—1Ha 4:3.

Binabanggit o inilalarawan ni Ezra ang ilan sa mga pinagkunan niya ng impormasyon gaya ng sumusunod:

(1) Ang Aklat ng mga Hari ng Juda at ng Israel (2Cr 16:11; 25:26)

(2) Ang Aklat ng mga Hari ng Israel at ng Juda (2Cr 27:7; 35:27)

(3) Ang Aklat ng mga Hari ng Israel (2Cr 20:34) (Ang nabanggit na mga pinagkunan ng impormasyon ay maaaring iisang koleksiyon ng mga dokumento ng estado, na tinawag lamang sa iba’t ibang titulo, o posibleng tumutukoy sa mga aklat ng Mga Hari sa Bibliya.)

(4) Ang Aklat ng mga Hari ng Israel (maliwanag na isang akdang talaangkanan) (1Cr 9:1)

(5) Ang salaysay ng Aklat ng mga Hari (2Cr 24:27) (para sa impormasyon hinggil kay Jehoas ng Juda)

(6) Ang mga pangyayari sa mga hari ng Israel (2Cr 33:18) (para sa impormasyon hinggil kay Manases)

(7) Ang mga salita ni Samuel na tagakita at ni Natan na propeta at ni Gad na tagapangitain (1Cr 29:29) (para sa impormasyon hinggil kay David) (Ito ay maaaring isa, dalawa, o tatlong akda; o maaaring tumutukoy ito sa Mga Hukom at sa mga aklat ng Samuel.)

(8) Ang mga salita ni Natan na propeta (2Cr 9:29) (para sa impormasyon hinggil kay Solomon)

(9) Ang hula ni Ahias na Shilonita (2Cr 9:29) (tungkol kay Solomon)

(10) “Isinulat . . . ni Semaias” (1Cr 24:6) (tungkol kay David), at ang mga salita ni Semaias na propeta at ni Ido na tagapangitain ayon sa pagkakatala sa talaangkanan (2Cr 12:15) (tungkol kay Rehoboam) (marahil ay dalawa o tatlong mapagkukunan ng impormasyon)

(11) Ang mga salita ni Jehu na anak ni Hanani, na inilakip sa Aklat ng mga Hari ng Israel (2Cr 20:34) (tungkol kay Jehosapat)

(12) Ang iba pa sa mga pangyayari kay Uzias, isinulat ni Isaias na anak ni Amoz na propeta (2Cr 26:22)

(13) Ang mga salita ng mga tagapangitain (ni Manases) (2Cr 33:19)

(14) Mga panambitan (ni Jeremias, at posibleng ng mga mang-aawit) (2Cr 35:25) (tungkol kay Josias)

(15) Ang salaysay ng propetang si Ido (2Cr 13:22) (tungkol kay Abias)

(16) Ang ulat ng mga pangyayari nang mga araw ni Haring David (1Cr 27:24)

(17) Ang utos ni David at ni Gad at ni Natan na propeta (2Cr 29:25) (na ipinatupad ni Hezekias)

(18) Ang sulat ni David at ni Solomon na kaniyang anak (2Cr 35:4) (na tinukoy ni Josias)

(19) Ang utos ni David at ni Asap at ni Heman at ni Jedutun na tagapangitain ng hari (2Cr 35:15) (tinukoy may kaugnayan sa mga gawa ni Josias)

(20) Ang sulat ni Elias kay Haring Jehoram ng Juda (2Cr 21:12-15)

(May binabanggit din sa Mga Cronica na mga sulat, partikular na ang mga talaangkanan, na maaaring tumutukoy sa iba pang mga mapagkukunan ng impormasyon na ginamit ni Ezra.)

Maliwanag na si Ezra ay lubhang nagpakaingat, anupat nagsagawa ng metikulosong pananaliksik, nagbasa ng lahat ng dokumentong mapagkukunan ng impormasyon na magagamit niya, at maliwanag na nagsuri ng bawat dokumento na magbibigay-linaw sa paksa. Sinuhayan niya ng mga dokumento ang kaniyang mga akda hindi lamang bilang patotoo na tumpak ang kaniyang isinulat kundi upang akayin din ang mambabasa noong panahong iyon sa iba pang mga mapagkukunan ng impormasyon para sa higit pang detalye. Ang pagiging napakaingat ni Ezra ay nagrerekomenda sa Mga Cronica bilang karapat-dapat sa ating lubos na pagtitiwala sa pagiging tumpak at makasaysayan ng mga ito. Ngunit, higit sa lahat, ang pagkaalam na sumulat si Ezra sa ilalim ng pagkasi (2Ti 3:16) at ang pagkakalakip ng Mga Cronica sa Hebreong kanon, anupat lubusang tinanggap ni Jesus at ng mga apostol (Luc 24:27, 44), ay nagbibigay-katiyakan na mapananaligan ang mga ito. Karagdagan pa, ang Mga Cronica ay bahagi ng kumpletong nasusulat na Salita ng Diyos, na ang kadalisayan ay iningatan niya para sa mga tagasunod ng kaniyang Anak, si Jesu-Kristo. Lubusang inirerekomenda ng mga bagay na ito ang Mga Cronica bilang isang saligan ng pananampalataya.

Layunin. Ang akda ni Ezra ay hindi nilayon na magdagdag lamang niyaong nilaktawan ng mga aklat ng Samuel at Mga Hari; sa halip, napag-unawa niya na kailangan ng pinabalik na mga tapon ang gayong sumaryo ng kanilang pambansang kasaysayan. Walang alinlangang inihanda ang akda para sa mga kababalik lamang mula sa pagkatapon, yamang wala silang gaanong alam sa kanilang sagradong kasaysayan at mga kaugalian. Kailangan nilang malaman ang tungkol sa pagsamba sa templo at sa mga tungkulin ng mga Levita, at inilaan ni Ezra ang impormasyong ito. At tiyak na lubhang interesado ang pinabalik na mga tapon sa mga talaangkanan ng kanilang mga ninuno, na pinagtuunan naman ni Ezra ng pansin. Muling gumagana noon ang Israel bilang isang bansa, anupat nasa kanilang lupain, may templo, pagkasaserdote, at gobernador, bagaman walang hari. Mananatili silang isang bansa hanggang sa pagdating ng Mesiyas. Kailangan nila ang impormasyong inilalaan ng Mga Cronica para sa pagkakaisa at tunay na pagsamba.

Kapuwa sina Samuel at Jeremias ay mga manunulat ng kasaysayan, ngunit mga Levita rin sila. Si Jeremias ay propeta at saserdote. Si Ezra ay saserdote. Ngunit maling sabihin na si Jeremias ay magiging pantanging interesado sa katuparan ng mga hula at hindi gaanong interesado sa mga bagay na may kaugnayan sa pagsamba sa templo at na si Ezra ay magiging pantanging interesado sa Levitikong gawain at hindi gaanong interesado sa mga hula. Kapuwa sila mga lingkod ng Diyos at nagpapahalaga sa kaniyang mga salita, sa mga pakikitungo niya sa kaniyang bayan, at sa bawat aspekto ng pagsamba sa kaniya. Ang totoo niyan, kinasihan ni Jehova si Ezra na isulat ang mga aklat ng Mga Cronica at Ezra para sa isang pantanging layunin.

Ang mga Judiong bumalik mula sa Babilonya noong 537 B.C.E. ay nagbalik, hindi upang magtatag ng pulitikal na kasarinlan, kundi upang isauli ang tunay na pagsamba, anupat ang una nilang ginawa ay ang itayo ang altar at pagkatapos ay muling itayo ang templo. Samakatuwid, angkop lamang na maraming sasabihin si Ezra may kinalaman sa pagsamba at sa mga paglilingkod ng mga saserdote at ng mga Levita. Gayundin, mahalaga ang mga talaangkanan. Ipinakikita ng Ezra 2:59-63 na hindi masumpungan ng iba, kabilang na ang ilang anak ng mga saserdote, ang kanilang pagkakarehistro upang mapatunayan sa madla ang kanilang talaangkanan. Bagaman maaaring hindi gaanong mahalaga ang mga talaangkanang ito noong nasa Babilonya sila, ang mga ito ngayon ang paraan upang mapasakanilang muli ang pamana ng kanilang mga ama. Ito ang isa sa mga dahilan kung bakit tinipon ni Ezra ang mga talaan ng mga talaangkanan, na napakahalaga rin sa mga estudyante ng Bibliya sa ngayon.

Kaya naman makikita natin na sa pagsulat ni Ezra ng Mga Cronica, ninais niyang patibayin ang kaniyang mga kapanahon na maging matapat kay Jehova. Sa pamamagitan ng pagtutuon ng pansin sa nakalipas na kasaysayan ng Israel, pinasigla niya silang tuparin ang kanilang mga tungkulin sa tipan, at partikular na sa pamamagitan ng paggamit ng aktuwal na mga halimbawa sa kasaysayan, idiniin niya ang mga resulta ng tapat na pagtataguyod sa tunay na pagsamba at, gayundin, ang kapahamakang dulot ng pag-iwan sa pagsamba sa Diyos na Jehova.

Kahalagahan ng mga Aklat. Kapaki-pakinabang sa ating pananampalataya at pagkaunawa sa Bibliya ang mga aklat ng Mga Cronica. Maraming impormasyong idinagdag si Ezra may kinalaman sa pagsamba sa templo at sa mga kaayusan ng mga saserdote, mga Levita, mga bantay-pinto, mga mang-aawit, at mga manunugtog. Nagbigay siya sa atin ng maraming detalye na nauugnay sa tunay na pagsamba: ang isinagawa ni David na pagdadala ng Kaban sa Jerusalem (1Cr kab 15, 16); ang mga paghahanda ni David para sa templo at sa paglilingkod dito (1Cr kab 22–29); ang pananatili ng mga saserdote sa panig ni Rehoboam noong humiwalay ang sampung tribo (2Cr 11:13-17); ang digmaan sa pagitan ni Abias at ni Jeroboam (2Cr 13); ang mga reporma ukol sa tunay na relihiyon sa ilalim nina Asa (2Cr kab 14, 15), Jehosapat (2Cr kab 17, 19, 20), Hezekias (2Cr kab 29–31), at Josias (2Cr kab 34, 35); ang pagkakaroon ni Uzias ng ketong dahil sa kaniyang kapangahasan (2Cr 26:16-21); at ang pagsisisi ni Manases (2Cr 33:10-20).

Ipinakita ni Ezra na interesado siya hindi lamang sa mga gawain ng mga saserdote kundi pati rin sa mga propeta. (2Cr 20:20; 36:12, 16) Ginamit niya ang mga salitang “propeta,” “tagakita,” o “tagapangitain” nang mga 45 beses at nagbigay siya ng karagdagang impormasyon tungkol sa maraming mga propeta at mga tao na ang pangalan ay hindi binabanggit sa ibang bahagi ng Kasulatan. Ang ilan ay si Ido, si Eliezer na anak ni Dodavahu, si Jahaziel na anak ni Zacarias, ang maraming indibiduwal na nagngangalang Zacarias, at si Oded na mula noong panahon ni Haring Ahaz ng Juda.

Maraming impormasyon sa Mga Cronica ang nakatutulong upang malubos ang kaalaman natin sa kasaysayan ng Juda, gaya halimbawa ng rekord ng pagkakasakit at libing ni Asa at ng masamang paggawi ni Jehoas pagkamatay ni Jehoiada na mataas na saserdote. Nariyan din ang mga talaangkanan na mahalaga upang maitatag ang angkang pinagmulan ni Kristo. Nakatutulong din ang mga aklat sa pagtatatag ng isang tumpak na kronolohiya. Dito natin makikita ang karunungan ni Jehova, ang Awtor ng Bibliya, sa pag-aatas niya sa kaniyang lingkod na si Ezra na isulat ang mga bagay na ito upang maidagdag yaong kailangan sa layuning ang mga naniniwala sa Bibliya ay magkaroon ng lubos na kumpleto at nagkakasuwatong rekord ng kasaysayan ng tao.

[Kahon sa pahina 511]

MGA TAMPOK NA BAHAGI NG UNANG CRONICA

Talaangkanan at mga detalye tungkol sa tunay na pagsamba sa templo ni Jehova, na partikular na kinailangan pagkatapos ng pagkatapon sa Babilonya

Isinulat marahil 55 taon pagkatapos na muling maitayo ni Zerubabel ang templo, at bago makumpuni ang mga pader ng Jerusalem

Mga talaangkanan mula kay Adan at patuloy (1:1–9:44)

Ang mga kaapu-apuhan ni Juda sa pamamagitan ni David at ni Solomon (mahalaga upang makilala ang Mesiyas)

Ang mga kaapu-apuhan ni Levi (kailangan upang makilala yaong mga karapat-dapat maglingkod sa templo) at ang kanilang iba’t ibang tungkulin sa templo

Ang kawalang-katapatan ni Saul ay nagbunga ng kaniyang kamatayan (10:1-14)

Mga aspekto ng pamamahala ni David bilang hari (11:1–29:30)

Muling pinahiran bilang hari samantalang nasa Hebron; binihag niya ang Sion; nang maglaon ay ginawa siyang hari sa buong Israel

Inilipat ang kaban ng tipan sa di-wastong paraan, sakay ng karwahe; namatay si Uzah dahil sa paghipo sa Kaban; nang dakong huli, ang Kaban ay dinala sa Lunsod ni David nang may pagsasaya

Nagpahayag si David ng pagnanais na magtayo ng templo para kay Jehova; sa halip, nakipagtipan si Jehova kay David ukol sa isang maharlikang sambahayan na hanggang sa panahong walang takda

Natalo ang mga kaaway ng Israel sa buong palibot

Inudyukan ni Satanas si David na kumuha ng sensus ng Israel; 70,000 ang namatay

Maraming paghahanda ang ginawa para sa pagtatayo ng templo; inorganisa ni David ang mga Levita, nagsaayos siya ng 24 na pangkat ng mga saserdote, nag-atas din ng mga mang-aawit, mga bantay ng pintuang-daan; ibinigay niya kay Solomon ang kinasihang mga arkitektural na plano; bukas-palad na nag-abuloy si David at ang bayan

Namatay si David noong magsimula nang umupo si Solomon sa “trono ni Jehova”

[Kahon sa pahina 512]

MGA TAMPOK NA BAHAGI NG IKALAWANG CRONICA

Isang malinaw na sumaryo ng kasaysayan sa ilalim ng mga hari ng maharlikang sambahayan ni David, na nagtatampok sa mga bunga ng pagsunod at ng pagsuway sa Diyos

Orihinal na kasama ng Unang Cronica sa iisang balumbon

Ang paghahari ni Solomon (1:1–9:31)

Ang kaniyang karunungan, kasaganaan; gayunman ay may-kamangmangan siyang bumili ng maraming kabayo mula sa Ehipto at kinuha niya ang anak na babae ni Paraon bilang asawa

Pagtatayo ng templo; panalangin ni Solomon para sa pag-aalay

Dumalaw ang reyna ng Sheba

Mga pangyayaring nauugnay sa paghahari ng iba pang mga hari ng maharlikang sambahayan ni David, at ang kinalabasan ng mga ito (10:1–36:23)

Kasunod ng mabagsik na tugon ni Rehoboam, sampung tribo ang humiwalay sa pangunguna ni Jeroboam at bumaling sa pagsamba sa guya; iniwan din ni Rehoboam ang kautusan ng Diyos, kaya pinabayaan siya kay Sisak ng Ehipto

Dahil sumandig si Abias kay Jehova, nagtagumpay ang Juda laban sa hukbo ng Israel na nanalig sa kanilang nakahihigit na bilang at sa pagsamba sa mga ginintuang guya; 500,000 ang napatay

Nang manalig si Asa kay Jehova, isang milyong sumasalakay na Etiope ang natalo; may-kamangmangang nakipag-alyansa si Asa sa Sirya at ikinagalit niya ang pagsaway ng propeta ni Jehova

Pinasimulan ni Jehosapat ang isang programa ng edukasyon sa kautusan ng Diyos; may-kamangmangan siyang nakipag-alyansa kay Ahab ukol sa pag-aasawa

Sinalakay ng Moab, Ammon, at Seir ang Juda; si Jehosapat ay humingi ng tulong kay Jehova; pinaalalahanan siya, ‘Ang pagbabaka ay sa Diyos!’

Si Jehoram (na ang asawa ay anak nina Ahab at Jezebel) ay gumawi nang may kabalakyutan, gayundin ang kaniyang anak na si Ahazias; pagkatapos, ang trono ay inagaw ng mapamaslang na si Athalia, balo ni Jehoram

Mabuti ang pasimula ni Jehoas dahil sa impluwensiya ng mataas na saserdoteng si Jehoiada; nang maglaon, nag-apostata siya at ipinag-utos niyang batuhin ang tapat na si Zacarias

Mabuti ang pasimula ni Amazias, pagkatapos ay sumamba siya sa mga idolo ng Seir; natalo ng Israel, pinaslang

Mabuti rin ang pasimula ni Uzias; nang maglaon, may-kapalaluan niyang tinangka na maghandog ng insenso sa templo, pinasapitan siya ng ketong

Ginawa ni Jotam ang tama, ngunit ang bayan ay gumawi nang kapaha-pahamak

Si Ahaz ay bumaling sa pagsamba kay Baal; lubhang nagdusa ang bansa

Nilinis ni Hezekias ang templo; sinalakay ni Senakerib ang Juda, tinuya niya si Jehova; nanalig si Hezekias kay Jehova; 185,000 Asiryano ang pinatay ng anghel

Si Manases ay nagpakatalamak sa idolatriya at nagbubo ng napakaraming dugong walang-sala; nabihag ng mga Asiryano; nagsisi, isinauli ni Jehova sa kaniyang trono

Si Amon ay sumunod sa masamang halimbawa ng kaniyang amang si Manases; hindi nagpakumbaba

Si Josias ay puspusang nagsagawa ng reporma sa relihiyon, kinumpuni ang templo; nagpumilit na makipaglaban kay Paraon Neco at napatay

Si Jehoahaz ay namahala nang sandaling panahon, pagkatapos ay dinalang bihag sa Ehipto

Si Jehoiakim ay gumawi nang karima-rimarim; ang kaniyang anak at kahalili na si Jehoiakin ay dinalang bihag sa Babilonya

Si Zedekias ay naghimagsik laban sa pamatok ng Babilonya; ang mga Judio ay dinala sa pagkatapon; natiwangwang ang lupain nang 70 taon

Nagpalabas si Ciro ng Persia ng batas na nagpapalaya sa mga Judio upang makabalik sa Jerusalem para muling itayo ang templo