Cusan-risataim
[posible, Cusita (Etiope) ng Dobleng Kabalakyutan].
Isang hari ng Mesopotamia; mula sa kaniyang pamumuno ay pinalaya ni Otniel ang mga Israelita pagkaraan ng walong-taóng pagkaalipin. Tinatawag din siyang “hari ng Sirya.” (Huk 3:7-11) Ipinapalagay ng ilan na ang ikalawang bahagi (“risataim”) ng tambalang pangalang ito ay pangalan ng isang lugar o rehiyon, samantalang isinasalin naman ito ng iba upang mangahulugang “Dobleng Kabalakyutan.” Ang “Cusan” ay ginamit sa Habakuk 3:7 bilang kahalintulad ng Midian; gayunman, binabanggit na si Haring Cusan-risataim ay mula sa Mesopotamia (sa Heb., ʼAramʹ na·haraʹyim; ihambing ang Gen 24:10, kung saan ginamit ang termino ring iyon upang ilarawan ang lokasyon ng lunsod ni Nahor sa Sirya). Binabanggit ng isang talaan ni Paraon Ramses III ang isang distrito sa hilagang Sirya na tinatawag na Qusanaruma, at ito ang iminumungkahi ng ilang iskolar bilang posibleng sentro ng nasasakupan ng haring ito. Si Cusan-risataim ang unang nagsagawa ng malubhang paniniil sa Israel noong kapanahunan ng mga Hukom.