Daan, Ang
Ang pananalitang ito ay maaaring tumukoy sa isang kalsada, lansangan, landas, o daanan; isang paraan ng pagkilos o paggawi; o isang karaniwang landasin o pamamaraan. Sa Kasulatan, kadalasan itong ginagamit may kinalaman sa isang landasin ng paggawi at pagkilos na maaaring sinasang-ayunan o hindi sinasang-ayunan ng Diyos na Jehova. (Huk 2:22; 2Ha 21:22; Aw 27:11; 32:8; 86:11; Isa 30:21; Jer 7:23; 10:23; 21:8) Nang dumating si Jesu-Kristo, ang pagkakaroon ng isang indibiduwal ng kaugnayan sa Diyos at ang pagtanggap sa kaniya kapag siya’y nananalangin ay naging depende sa pagtanggap niya kay Jesu-Kristo. Gaya ng sinabi ng Anak ng Diyos: “Ako ang daan at ang katotohanan at ang buhay. Walang sinumang makaparoroon sa Ama kundi sa pamamagitan ko.” (Ju 14:6; Heb 10:19-22) Yaong mga naging tagasunod ni Jesu-Kristo ay tinukoy na kabilang sa “Ang Daan,” samakatuwid nga, nanghawakan sila sa isang daan o paraan ng pamumuhay na nakasentro sa pananampalataya kay Jesu-Kristo, sa gayo’y sinusunod ang kaniyang halimbawa.—Gaw 9:2; 19:9, 23; 22:4; 24:22.