Demetrio
[Ni (Kay) Demeter [Griegong diyosa ng agrikultura]].
1. Isang panday-pilak na tagalunsod ng Efeso sa Asia Minor na nagsulsol ng kaguluhan laban sa apostol na si Pablo at sa mga kasamahan nito. Naganap ito nang magtatapos na ang pananatili ni Pablo sa Efeso na tumagal nang dalawa hanggang tatlong taon (mga 53-55 C.E.), noong panahon ng kaniyang ikatlong paglalakbay bilang misyonero. Naging matagumpay ang pangangaral ni Pablo anupat tinalikuran ng marami ang mahika at sinunog ang kanilang mga aklat. Dahil sa tagumpay ni Pablo sa paggawa ng mga alagad ni Kristo, nangamba si Demetrio na malugi ang maunlad niyang negosyo, ang paggawa ng mga pilak na dambana ng diyosang si Artemis, kung kaya sinulsulan niya ang mga bihasang manggagawa at ang iba pa. Nang ipangatuwiran niya na baka bumagsak ang kanilang negosyo at baka masira ang reputasyon ng templo ni Artemis, nagtagumpay siya na pagkaguluhin ang buong lunsod.
Pagkatapos ng mga dalawang oras ay napahupa ng tagapagtala ng lunsod ang kaguluhan. Sinabi niya na kung si Demetrio at ang mga bihasang manggagawa ay may paratang laban kay Pablo at sa mga kasamahan nito, may mga hukuman na mag-aasikaso roon sa legal na paraan, ngunit dahil sa magulong demonstrasyong iyon ay nanganganib ang lunsod na maparatangan ng sedisyon laban sa pamahalaang Romano. Nang magkagayon ay tumahimik ang pulutong, pinalaya nila ang mga kamanggagawa ni Pablo at nilisan ang dulaan, kung saan naganap ang kahiya-hiyang kaguluhang iyon. Di-nagtagal ay yumaon na si Pablo patungong Macedonia.—Gaw 19:18, 19, 23-41; 20:1.
2. Isang Kristiyano na pinapurihan ng apostol na si Juan sa isang liham kay Gayo, noong mga 98 C.E. Posibleng si Demetrio ang naghatid ng liham kay Gayo. Maaaring pinapurihan ni Juan si Demetrio upang mapasigla si Gayo na maging mapagpatuloy, yamang waring kaugalian ng mga kongregasyon noon na tumulong sa paglalaan ng pagkain at tuluyan para sa tapat na mga kapatid na naglalakbay alang-alang sa mabuting balita.—3Ju 1, 12.