Demonyo
Isang di-nakikitang balakyot na espiritung nilalang na may kapangyarihang nakahihigit sa tao. Ang karaniwang salitang Griego para sa demonyo (daiʹmon) ay minsan lamang lumilitaw sa Kristiyanong Griegong Kasulatan, sa Mateo 8:31; sa ibang mga talata ay dai·moʹni·on ang makikita. Ang pneuʹma, na salitang Griego para sa “espiritu,” ay ikinakapit kung minsan sa mga balakyot na espiritu, o mga demonyo. (Mat 8:16) Lumilitaw rin ito kasama ang mga terminong naglalarawan dito gaya ng “balakyot,” “marumi,” “pipi,” at “bingi.”—Luc 7:21; Mat 10:1; Mar 9:17, 25; tingnan ang ESPIRITU (Mga Espiritung Persona).
Ang mga demonyo ay hindi nilalang na gayon ng Diyos. Ang kauna-unahang gumawang demonyo sa kaniyang sarili ay si Satanas na Diyablo (tingnan ang SATANAS), na naging tagapamahala ng iba pang anghelikong mga anak ng Diyos na gumawa ring demonyo sa kanilang sarili. (Mat 12:24, 26) Noong mga araw ni Noe, ang masuwaying mga anghel ay nagkatawang-tao, nag-asawa ng mga babae, nagkaanak ng mga mestiso na tinawag na mga Nefilim (tingnan ang NEFILIM), at pagkatapos ay hinubad nila ang kanilang katawang-tao nang dumating ang Baha. (Gen 6:1-4) Gayunman, nang bumalik sila sa dako ng mga espiritu, hindi na nila muling natamo ang kanilang matayog na orihinal na kalagayan, sapagkat ayon sa Judas 6: “Ang mga anghel na hindi nag-ingat ng kanilang orihinal na kalagayan kundi nag-iwan ng kanilang sariling wastong tahanang dako ay kaniyang itinaan sa mga gapos na walang hanggan sa ilalim ng pusikit na kadiliman ukol sa paghuhukom sa dakilang araw.” (1Pe 3:19, 20) Kaya malilimitahan ng gayong kalagayan ng pusikit na espirituwal na kadiliman ang kanilang mga gawain. (2Pe 2:4) Bagaman maliwanag na hindi na sila pinahintulutang magkatawang-tao, mayroon pa rin silang malaking kapangyarihan at impluwensiya sa pag-iisip at buhay ng mga tao, anupat may kakayahan pa nga silang pumasok sa mga tao at mga hayop at alihan ang mga ito, at ipinakikita ng mga ulat na gumagamit din sila ng walang-buhay na mga bagay na gaya ng mga bahay at mga anting-anting.—Mat 12:43-45; Luc 8:27-33; tingnan ang PAG-ALI NG DEMONYO.
Ang layunin ng lahat ng gayong gawain ng mga demonyo ay italikod ang mga tao kay Jehova at sa dalisay na pagsamba sa Diyos. Dahil dito, mahigpit na ipinagbawal ng kautusan ni Jehova ang anumang anyo ng demonismo. (Deu 18:10-12) Gayunman, lubusang naligaw ng landas ang suwail na Israel anupat inihain nila sa mga demonyo ang kanilang mga anak na lalaki at mga anak na babae. (Aw 106:37; Deu 32:17; 2Cr 11:15) Noong naririto si Jesus sa lupa, napakalaganap ng impluwensiya ng mga demonyo, at kabilang sa kaniyang pinakadakilang mga himala ang pagpapalayas ng mga balakyot na espiritu mula sa mga taong inaalihan ng mga ito. (Mat 8:31, 32; 9:33, 34; Mar 1:39; 7:26-30; Luc 8:2; 13:32) Binigyan din ni Jesus ng ganitong kapangyarihan ang kaniyang 12 apostol at ang 70 na isinugo niya, upang makapagpalayas din sila ng mga demonyo sa pangalan ni Jesus.—Mat 10:8; Mar 3:14, 15; 6:13; Luc 9:1; 10:17.
Kitang-kita rin ang impluwensiya ng mga demonyo sa mga gawain ng mga tao sa ngayon. Totoo pa rin na “ang mga bagay na inihahain ng mga bansa ay inihahain nila sa mga demonyo.” (1Co 10:20) Sa huling aklat ng Bibliya, ang “pagsisiwalat [o, apocalipsis] ni Jesu-Kristo, na ibinigay ng Diyos sa kaniya, upang ipakita sa kaniyang mga alipin ang mga bagay na kailangang maganap sa di-kalaunan,” ibinibigay ang makahulang babala na sa hinaharap ay magiging mas aktibo ang mga demonyo sa lupa. (Apo 1:1) “Inihagis ang malaking dragon, ang orihinal na serpiyente, ang tinatawag na Diyablo at Satanas, na siyang nagliligaw sa buong tinatahanang lupa; siya ay inihagis sa lupa, at ang kaniyang mga anghel [mga demonyo] ay inihagis na kasama niya. Dahil dito . . . sa aba ng lupa at ng dagat, sapagkat ang Diyablo ay bumaba na sa inyo, na may malaking galit, sa pagkaalam na mayroon na lamang siyang maikling yugto ng panahon.” (Apo 12:9, 12) Ang marurumi at tulad-palakang mga kapahayagan “sa katunayan, . . . ay mga kapahayagang kinasihan ng mga demonyo at nagsasagawa ng mga tanda, at pumaparoon sila sa mga hari ng buong tinatahanang lupa, upang tipunin sila sa digmaan ng dakilang araw ng Diyos na Makapangyarihan-sa-lahat.”—Apo 16:13, 14.
Dahil dito, ang mga Kristiyano ay dapat na puspusang makipaglaban sa di-nakikitang mga balakyot na espiritung ito. Nang mangatuwiran si Santiago na hindi sapat ang basta paniniwala, sinabi niya: “Ikaw ay naniniwalang may isang Diyos, hindi ba? Mahusay ang iyong ginagawa. Ngunit ang mga demonyo man ay naniniwala at nangangatog.” (San 2:19) Nagbabala si Pablo: “Sa mga huling yugto ng panahon ang ilan ay hihiwalay mula sa pananampalataya, na nagbibigay-pansin sa nagliligaw na kinasihang mga pananalita at mga turo ng mga demonyo.” (1Ti 4:1) Ang isa ay hindi maaaring kumain mula sa mesa ni Jehova at kumain din mula sa mesa ng mga demonyo. (1Co 10:21) Kaya naman ang mga tapat ay dapat na puspusang makipaglaban sa Diyablo at sa kaniyang mga demonyo, “laban sa mga tagapamahala ng sanlibutan ng kadilimang ito, laban sa balakyot na mga puwersang espiritu sa makalangit na mga dako.”—Efe 6:12.
Ano ang mga demonyo sa pagkaunawa ng mga Griegong pinangaralan ni Pablo?
Ang paggamit na ito sa salitang “demonyo” ay limitado at espesipiko kung ihahambing sa paniniwala ng sinaunang mga pilosopo at sa pagkakagamit ng salitang ito sa klasikal na Griego. May kinalaman dito, ang Theological Dictionary of the New Testament, inedit ni G. Kittel (Tomo II, p. 8), ay nagsabi: “Buong-linaw na itinatampok ng kahulugan ng pang-uri [na dai·moʹni·os] ang natatanging mga aspekto ng pagkaunawa ng mga Griego hinggil sa mga demonyo, sapagkat tinutukoy nito yaong lampas sa kakayahan ng tao at sa gayo’y maiuukol sa pakikialam ng nakatataas na mga kapangyarihan, sa ikabubuti man o ikasasama. Para sa mga manunulat bago ang panahong Kristiyano, ang [to dai·moʹni·on] ay maaaring gamitin sa diwa ng ‘tulad-diyos.’” (Isinalin at inedit ni G. Bromiley, 1971) Nang Gaw 17:18.
makipagtalo kay Pablo ang ilang pilosopong Epicureo at Estoico, naisip nila: “Siya ay waring isang tagapaghayag ng mga bathalang [sa Gr., dai·mo·niʹon] banyaga.”—Nang magsalita si Pablo sa mga taga-Atenas, ginamit niya ang isang tambalang anyo ng salitang Griego na daiʹmon nang sabihin niya: “Waring higit kayong matatakutin sa mga bathala [sa Gr., dei·si·dai·mo·ne·steʹrous; Latin na Vulgate, ‘mas mapamahiin’] kaysa sa iba.” (Gaw 17:22) Bilang komento sa tambalang salitang ito, si F. F. Bruce ay nagsabi: “Konteksto ang dapat pagbatayan kung ang salitang ito ay ginagamit sa mabuti o sa masamang diwa nito. Sa katunayan, kasinlabo ito ng salitang ‘religious’ sa Ing[les], at dito ay makabubuti sigurong isalin natin ito bilang ‘very religious’. Subalit hindi rin naman maling-mali ang ‘mapamahiin’ ng AV; para kay Pablo, ang kanilang relihiyon ay halos puro pamahiin, at gayundin ito, bagaman sa ibang mga saligan, sa pangmalas ng mga Epicureo.”—The Acts of the Apostles, 1970, p. 335.
Nang makipag-usap si Festo kay Haring Herodes Agripa II, sinabi niya na ang mga Judio ay may ilang pakikipagtalo kay Pablo may kinalaman sa kanilang “pagsamba sa bathala [sa Gr., dei·si·dai·mo·niʹas; Latin na Vulgate, ‘pamahiin’].” (Gaw 25:19) Sinabi ni F. F. Bruce na ang salitang Griegong ito ay “maaaring deretsahang isalin bilang ‘pamahiin’ (gaya sa AV). Ang katumbas na pang-uri ay lumilitaw nang gayundin kalabo sa [Gawa] 17:22.”—Commentary on the Book of the Acts, 1971, p. 483.
Tingnan ang HUGIS-KAMBING NA DEMONYO.