Diyos ang Diyos ni Israel
Ang pangalang ibinigay ni Jacob sa unang altar na itinayo niya pagkabalik niya mula sa Haran.
Dahil sa pakikipagbuno ni Jacob sa anghel ni Jehova sa Peniel, ibinigay sa kaniya ang pangalang Israel, at pagkatapos ng mapayapang pagtatagpo nila ng kaniyang kapatid na si Esau, nanahanan siya sa Sucot at pagkatapos ay sa Sikem. Dito’y bumili siya ng isang lupain mula sa mga anak ni Hamor at nagtayo ng kaniyang tolda roon. (Gen 32:24-30; 33:1-4, 17-19) “Pagkatapos ay nagtayo siya roon ng isang altar at tinawag iyon na Diyos ang Diyos ni Israel,” o “Ang Diyos ay Ang Diyos ni Israel.” (Gen 33:20) Dahil ginamit ni Jacob ang kaniyang bagong pangalang Israel at ipinangalan din niya ito sa altar, ipinakita niya na tinatanggap at pinahahalagahan niya ang pangalang iyon at ang ligtas na pag-aakay sa kaniya ng Diyos pabalik sa Lupang Pangako. Minsan lamang lumitaw sa Kasulatan ang pananalitang ito.