Dukha
Salat sa mga materyal na pag-aari o sa mga pangangailangan sa buhay; gayundin, pagiging kahabag-habag dahil sa kakulangan sa espirituwal.
Problema na ang karalitaan noon pa mang sinaunang panahon. Sa paglipas ng mga siglo, karaniwan nang mas nakararami ang mga nagdarahop kaysa sa mga mariwasa. Noong pagpakitaan siya ng pagkabukas-palad, kinilala ni Jesus ang mapait na katotohanan na ang karalitaan ay mananatili sa gitna ng mga taong di-sakdal, anupat sinabi niya sa kaniyang mga alagad: “Sapagkat lagi ninyong kasama ang mga dukha, at kailanma’t nais ninyo ay lagi ninyo silang magagawan ng mabuti, ngunit ako ay hindi ninyo laging kasama.” (Mar 14:7) Naghaharap ang Bibliya ng timbang na pangmalas sa suliraning ito, anupat nagpapahayag ito ng pagkahabag sa mga nagdurusa dahil sa mapaniil na mga kalagayan, samantalang sinasaway rin yaong mga, sa diwa, ‘kumakain ng kanilang sariling laman’ dahil sa katamaran. (Ec 4:1, 5; Kaw 6:6-11) Idiniriin nito na mas mahalaga ang espirituwal na kasaganaan kaysa sa materyal na kasaganaan (1Ti 6:17-19); kaya naman sumulat ang apostol: “Sapagkat wala tayong dinalang anuman sa sanlibutan, at wala rin naman tayong anumang mailalabas. Kaya, sa pagkakaroon ng pagkain at pananamit, magiging kontento na tayo sa mga bagay na ito.” (1Ti 6:7, 8) Ngunit hindi rin naman itinatanghal ng Kasulatan ang karalitaan sa materyal bilang isang kagalingan sa ganang sarili nito, at nagbababala ito laban sa pagnanakaw, na maaaring maging tukso dahil sa matinding karalitaan.—Kaw 6:30, 31; 30:8, 9; ihambing ang Efe 4:28.
Ang mga Dukha sa Israel. Hindi layunin ni Jehova na maging maralita ang sinuman sa mga Israelita. Ang bansa ay binigyan ng manang lupain. (Bil 34:2-12) Ang lahat ng pamilyang Israelita, maliban sa mga Levita na tumatanggap ng ikasampung bahagi ng ani ng lupain dahil sa kanilang paglilingkod sa santuwaryo, ay nagkaroon ng bahagi sa manang iyon at samakatuwid ay may mapagkukunan ng pansuporta sa kanilang sarili. (Bil 18:20, 21) Matatag ang pagmamay-ari nila sa kanilang lupain. Tiniyak ng mga kautusan sa pagmamana na ang lupain ay mananatili sa pamilya o tribo na may-ari nito. (Bil 27:7-11; 36:6-9; Deu 21:15-17; tingnan ang MANA.) Hindi ito maaaring ipagbili nang panghabang-panahon. (Lev 25:23) Kapag taon ng Jubileo, ang lahat ng mga manang lupain na naipagbili ay isinasauli sa mga legal na may-ari nito. (Lev 25:13) Kaya naman, kahit nilustay ng isang tao ang kaniyang mga pag-aari, hindi mawawalan ng mana magpakailanman ang kaniyang mga kaapu-apuhan.
Sa kalakhang bahagi, mahahadlangan sana ng tapat na panghahawakan sa kautusan ng Diyos ang karalitaan sa gitna ng mga Israelita. (Deu 15:4, 5) Gayunman, kung sila ay magiging masuwayin, hindi sila pagpapalain ni Jehova, at hahantong ito sa paghihikahos dahil sa mga kalamidad gaya ng pagsalakay ng mga hukbo ng kaaway at matinding tagtuyot. (Deu 28:22-25; ihambing ang Huk 6:1-6; 1Ha 17:1; 18:17, 18; San 5:17, 18.) Ang mga indibiduwal, dahil sa pagiging tamad (Kaw 6:10, 11; 10:4; 19:15; 20:13; 24:30-34), lasenggo, matakaw (Kaw 23:21), o mahilig sa kaluguran (Kaw 21:17), ay maaaring magdulot ng karalitaan sa sarili nila at sa kanilang pamilya. Gayundin, maaaring bumangon ang mga di-inaasahang pangyayari na maaaring magsadlak sa mga tao sa karalitaan. Dahil sa kamatayan, ang isang lalaki ay maaaring mag-iwan ng mga anak na naulila at ng asawang nabalo. Ang mga sakuna at pagkakasakit ay maaaring pansamantala o permanenteng makahadlang sa isang tao sa paggawa niya ng mga kinakailangan niyang gawin. Dahil dito, maaaring sabihin ni Jehova sa Israel: “Ang dukha ay hindi maglalaho sa gitna ng lupain.”—Deu 15:11.
Gayunman, malaki ang naitulong ng Kautusan upang maging mas madali para sa mga dukha na harapin ang kanilang situwasyon. Sa panahon ng pag-aani, may karapatan silang maghimalay sa mga bukid, mga taniman, at mga ubasan at, samakatuwid, hindi nila kailangang mamalimos ng tinapay o magnakaw. (Lev 19:9, 10; 23:22; Deu 24:19-21) Ang isang nagdarahop na Israelita ay maaaring manghiram ng salapi nang walang patubo, at dapat siyang pagpakitaan ng espiritu ng pagkabukas-palad. (Exo 22:25; Lev 25:35-37; Deu 15:7-10; tingnan ang UTANG, MAY UTANG.) Para magkaroon siya ng salaping magagamit, maaari niyang ipagbili ang kaniyang lupain o ang kaniyang sarili bilang alipin, na pansamantalang kaayusan lamang. (Lev 25:25-28, 39-54) Upang hindi mapabigatan ang mga dukha, pinahintulutan sila ng Kautusan na magbigay ng di-gaanong mamahaling mga handog sa santuwaryo.—Lev 12:8; 14:21, 22; 27:8.
Pantay na katarungan ang itinakda ng kautusan ng Diyos kapuwa para sa mayaman at sa dukha, anupat hindi pinapaboran ang sinuman sa kanila dahil sa kaniyang posisyon. (Exo 23:3, 6; Lev 19:15) Ngunit habang bumubulusok ang bansang Israel sa kawalang-katapatan, dumaranas naman ng maraming paniniil ang mga dukha.—Isa 10:1, 2; Jer 2:34.
Noong Unang Siglo C.E. Waring laganap ang karalitaan sa gitna ng mga Judio noong unang siglo C.E. Walang alinlangan, ang pamumuno ng mga banyaga mula noong panahon ng pagkatapon sa Babilonya ay nakahadlang sa pagsunod sa Kautusang Mosaiko, na proteksiyon sana para sa mga minanang pag-aari. (Ihambing ang Ne 9:36, 37.) Ang mga lider naman ng relihiyon, lalo na ang mga Pariseo, ay mas nababahala sa tradisyon kaysa sa pagkikintal ng tunay na pag-ibig sa kapuwa at wastong pakikitungo sa mga magulang na matatanda na at nagdarahop. (Mat 15:5, 6; 23:23; ihambing ang Luc 10:29-32.) Walang gaanong interes sa mga dukha ang mga Pariseong maibigin sa salapi.—Luc 16:14.
Gayunman, si Kristo Jesus ay ‘nahabag sa mga pulutong, sapagkat sila ay nabalatan at naipagtabuyan kung saan-saan tulad ng mga tupang walang pastol.’ (Mat 9:36) Ang pagpapahayag niya ng mabuting balita sa mga dukha at nasisiil ay ibang-iba sa saloobin ng relihiyosong mga lider ng Judaismo anupat naging isa ito sa mga patotoo na siya nga ang Mesiyas. (Mat 11:5; Luc 4:18; 7:22) Para sa mga handang tumugon, binuksan din nito ang maluwalhating pribilehiyo na magmana ng makalangit na Kaharian.—Mat 5:3; Luc 6:20.
Palibhasa’y may pakikipagtipan sa Diyos ang mga Judio, pananagutan nilang tulungan ang kanilang mga kapuwa Israelita na nagdarahop. (Kaw 14:21; 28:27; Isa 58:6, 7; Eze 18:7-9) Kinilala ito ni Zaqueo anupat, matapos niyang tanggapin si Jesus bilang Mesiyas, bumulalas siya: “Narito! Ang kalahati ng aking mga pag-aari, Panginoon, ay ibibigay ko sa mga dukha.” (Luc 19:8) Sa dahilan ding ito, maaaring sabihin ni Kristo Jesus: “Kapag naghanda ka ng piging, anyayahan mo ang mga taong dukha, ang mga lumpo, ang mga pilay, ang mga bulag; at magiging maligaya ka, sapagkat wala silang maigaganti sa iyo.” (Luc 14:13, 14) Noong isang pagkakataon naman, hinimok niya ang isang mayaman at kabataang tagapamahala: “Ipagbili mo ang lahat ng mga bagay na taglay mo at ipamahagi mo sa mga taong dukha, at magkakaroon ka ng kayamanan sa langit; at halika maging tagasunod kita.” (Luc 18:22) Yamang hindi handa ang lalaking ito na ipagbili ang kaniyang mga pag-aari upang makatulong sa iba, ipinakita nito na wala siyang tunay na pagkabahala sa mga nasisiil at sa gayo’y wala sa kaniya ang mga katangiang hinihiling sa isang alagad ni Jesus.—Luc 18:23.
Ang paghimok ni Jesus na tulungan ang mga dukha ay kasuwato ng ginawa niya mismo. Bilang Anak ng Diyos sa langit, taglay niya noon ang lahat ng bagay. Ngunit “bagaman siya ay mayaman, nagpakadukha siya.” Bilang isang taong dukha sa lupa, nagawa niyang tubusin ang lahi ng tao, anupat pinaging-posible na matamo ng kaniyang mga tagasunod ang pinakamalaking kayamanan, samakatuwid nga, ang pag-asa na maging mga anak ng Diyos. (2Co 8:9) Karagdagan pa, naging posible para sa kanila na magtamo ng iba pang malalaking espirituwal na kayamanan.—Ihambing ang 2Co 6:10; Apo 2:9; 3:17, 18.
Gayundin, noong naririto siya sa lupa, personal na binigyang-pansin ni Jesus ang mga dukha sa materyal. Siya at ang kaniyang mga apostol ay nagkaroon ng pondo para sa lahat at mula roon ay nagbigay sila ng tulong sa nagdarahop na mga Israelita. (Mat 26:9-11; Mar 14:5-7; Ju 12:5-8; 13:29) Nang maglaon, nagpakita rin ang mga Kristiyano ng gayunding maibiging pagkabahala sa mga dukha habang naglalaan sila ng materyal na tulong sa kanilang mga dukhang kapatid. (Ro 15:26; Gal 2:10) Ngunit may ilan na nakalimot, anupat kinailangan silang sawayin ng alagad na si Santiago dahil pinagpapakitaan nila ng paboritismo ang mayayaman at hinahamak ang mga dukha.—San 2:2-9.
Sabihin pa, yaon lamang mga karapat-dapat ang tumatanggap noon ng materyal na tulong. Kailanman ay hindi kinunsinti ang katamaran. Gaya ng isinulat ng apostol na si Pablo sa mga taga-Tesalonica: “Kung ang sinuman ay ayaw magtrabaho, huwag din naman siyang pakainin.”—2Te 3:10; tingnan ang KALOOB NG AWA, MGA; PULUBI, PAMAMALIMOS.