Dura, II
Laway na pinatalsik mula sa bibig. Ang pagdura sa katawan o sa mukha ng isang tao ay nagpapakita ng sukdulang paghamak, pakikipag-alit, o pagkagalit, anupat hinihiya ang biktima. (Bil 12:14) Samantalang napipighati, si Job ay pinagpakitaan ng gayong pagtatanghal ng pagkasuklam. (Job 17:6; 30:10) Sa ilalim ng Kautusang Mosaiko, upang hiyain sa madla ang isang lalaki sa Israel na tumangging tumupad ng pag-aasawa bilang bayaw, huhubarin ng tinanggihang babaing balo ang sandalyas ng lalaki mula sa paa nito at duduraan niya ito sa mukha sa harap ng matatandang lalaki ng lunsod nito.—Deu 25:7-10.
Dinuraan si Jesu-Kristo noong nasa harap siya ng Sanedrin (Mat 26:59-68; Mar 14:65) at maging ng mga kawal na Romano matapos siyang litisin ni Pilato. (Mat 27:27-30; Mar 15:19) Inihula ni Jesus na daranasin niya ang gayong mapanghamak na pakikitungo (Mar 10:32-34; Luc 18:31, 32), at tinupad nito ang makahulang mga salita: “Ang aking mukha ay hindi ko ikinubli sa kahiya-hiyang mga bagay at sa dura.”—Isa 50:6.
Kabaligtaran nito, sa tatlong pagkakataon sa rekord ng Bibliya, ginamit ni Jesu-Kristo ang kaniyang laway nang makahimala siyang magpagaling ng mga tao. (Mar 7:31-37; 8:22-26; Ju 9:1-7) Yamang ang mga resultang napangyari ni Jesus ay makahimala at ang mga himala ni Jesus ay isinagawa sa kapangyarihan ng espiritu ng Diyos, ang paggamit ni Kristo ng kaniyang laway sa mga kasong ito ay hindi dahil sa isa itong likas na pampagaling.