Pumunta sa nilalaman

Pumunta sa talaan ng mga nilalaman

Embahador

Embahador

Ayon sa pagkakagamit sa Bibliya, isang opisyal na kinatawan na isinusugo ng isang tagapamahala para sa isang pantanging okasyon at para sa isang espesipikong layunin. Kadalasan, matatanda at may-gulang na mga lalaki ang naglilingkod sa katungkulang ito. Kaya naman ang mga salitang Griego na pre·sbeuʹo (‘gumanap bilang isang embahador’ [Efe 6:20]; ‘maging isang embahador’ [2Co 5:20]) at pre·sbeiʹa (“lupon ng mga embahador” [Luc 14:32]) ay parehong nauugnay sa salitang pre·sbyʹte·ros, nangangahulugang “matandang lalaki; matanda.”​—Gaw 11:30; Apo 4:4.

Si Jesu-Kristo ay dumating bilang “apostol,” o “isa na isinugo,” ng Diyos na Jehova. Siya ang “nagpasikat ng liwanag sa buhay at kawalang-kasiraan sa pamamagitan ng mabuting balita.”​—Heb 3:1; 2Ti 1:10.

Pagkatapos ng pagkabuhay-muli ni Kristo sa langit, yamang wala na siya sa lupa bilang tao, ang kaniyang tapat na mga tagasunod ay inatasan bilang mga kapalit niya, anupat “humahalili para kay Kristo” bilang mga embahador ng Diyos. Espesipikong binanggit ni Pablo ang kaniyang katungkulan bilang embahador. (2Co 5:18-20) Tulad ng lahat ng mga pinahirang tagasunod ni Jesu-Kristo, isinugo siya sa mga bansa at bayan na hiwalay sa Diyos na Jehova na Kataas-taasang Soberano​—mga embahador sa isang sanlibutan na walang pakikipagpayapaan sa Diyos. (Ju 14:30; 15:18, 19; San 4:4) Bilang isang embahador, dinala ni Pablo ang isang mensahe ng pakikipagkasundo sa Diyos sa pamamagitan ni Kristo kung kaya noong nakabilanggo siya ay tinukoy niya ang kaniyang sarili bilang “isang embahador na nakatanikala.” (Efe 6:20) Ang kaniyang mga tanikala ay isang katunayan ng pakikipag-alit ng sanlibutang ito sa Diyos, kay Kristo, at sa pamahalaan ng Mesiyanikong Kaharian, sapagkat mula’t sapol, ang mga embahador ay itinuturing na hindi dapat saktan o galawin. Isang palatandaan ng pinakamatinding pakikipag-alit at ng pinakamasakit na pang-iinsulto ang kawalang-galang ng mga bansa sa mga embahador na isinugo bilang mga kinatawan ng Kaharian ng Diyos sa ilalim ni Kristo.

Sa pagganap ni Pablo sa kaniyang papel bilang embahador, iginalang niya ang mga batas ng lupain ngunit mahigpit siyang nanatiling neutral sa pulitikal at militar na mga gawain ng sanlibutan. Kasuwato ito ng simulain na ang mga embahador ng mga pamahalaan ng sanlibutan ay dapat na sumunod sa batas ng bansang pinagsuguan sa kanila ngunit hindi sila hinihilingang itaguyod ang bansang iyon.

Gaya ng apostol na si Pablo, ang lahat ng tapat, pinahiran, at inianak-sa-espiritung mga tagasunod ni Kristo, na may makalangit na pagkamamamayan, ay “mga embahador na humahalili para kay Kristo.”​—2Co 5:20; Fil 3:20.

Pakikitunguhan ng Diyos ang isang tao batay sa pagtanggap nito sa mga embahador ng Diyos. Inilatag ni Jesu-Kristo ang simulaing ito sa kaniyang ilustrasyon tungkol sa isang taong may ubasan na nagsugo ng kaniyang mga alipin, at nang maglaon ay ng kaniyang anak, bilang kaniyang mga kinatawan. Pinagmalupitan nang husto ng mga tagapagsaka ng ubasan ang mga alipin at pinatay nila ang anak ng may-ari. Dahil dito, pinuksa ng may-ari ng ubasan ang napopoot na mga tagapagsakang iyon. (Mat 21:33-41) Nagbigay si Jesus ng isa pang ilustrasyon, tungkol naman sa isang hari na ang mga alipin ay pinatay habang gumaganap bilang mga mensahero na nag-aanyaya ng mga panauhin para sa isang piging ng kasalan. Yaong mga nakitungo sa kaniyang mga kinatawan sa gayong paraan ay itinuring na mga kaaway ng hari. (Mat 22:2-7) Malinaw na ipinahayag ni Jesus ang simulaing ito nang sabihin niya: “Siya na tumatanggap sa sinumang aking isinusugo ay tumatanggap din sa akin. Siya naman na tumatanggap sa akin ay tumatanggap din sa kaniya na nagsugo sa akin.”​—Ju 13:20; tingnan din ang Mat 23:34, 35; 25:34-46.

Ginamit din ni Jesus ang gawain ng embahador bilang tagapagtaguyod ng kapayapaan upang ilarawan ang pangangailangan ng bawat isa sa atin na makipagpayapaan sa Diyos na Jehova at iwan ang lahat ng bagay upang makasunod sa mga yapak ng kaniyang Anak at sa gayon ay matamo ang lingap ng Diyos at ang buhay na walang hanggan. (Luc 14:31-33) Kabaligtaran naman nito, inilarawan niya ang kahibangan ng pakikisama sa mga nagsusugo ng mga embahador upang magsalita laban sa isa na pinagkalooban ng Diyos ng makaharing kapangyarihan. (Luc 19:12-14, 27) Ang mga Gibeonita ay mabuting halimbawa ng mataktika at matagumpay na pamamanhik ukol sa kapayapaan.​—Jos 9:3-15, 22-27.

Mga Sugo Bago ang Panahong Kristiyano. Noong yugto bago ang panahong Kristiyano, walang opisyal na katungkulan sa pamahalaan ang eksaktong katumbas ng makabagong-panahong embahador. Walang residenteng opisyal noon ang kumakatawan sa isang pamahalaang banyaga. Dahil dito, ang mga terminong “mensahero” (sa Heb., mal·ʼakhʹ) at “sugo” (sa Heb., tsir) ay mas tumpak na naglalarawan sa kanilang mga tungkulin noong panahon ng Bibliya. Gayunman, sa maraming aspekto, ang kanilang ranggo at katayuan ay katulad niyaong sa mga embahador, at tatalakayin dito ang ilan sa mga aspektong iyon. Ang gayong mga tao ay opisyal na mga kinatawan na naghahatid ng mga mensahe sa pagitan ng mga pamahalaan at ng mga indibiduwal na tagapamahala.

Di-gaya ng makabagong-panahong mga embahador, ang sinaunang mga sugo, o mga mensahero, ay hindi nakatira sa kabisera ng mga bansang banyaga kundi isinusugo lamang sila sa pantanging mga okasyon ukol sa espesipikong mga layunin. Kadalasan, sila ay mga taong may ranggo (2Ha 18:17, 18), at ang kanilang katungkulan ay lubhang iginagalang. Dahil dito, hindi sila dapat saktan o galawin kapag dumadalaw sila sa ibang mga tagapamahala.

Ang pakikitungo sa mga mensahero, o mga sugo, ng isang tagapamahala ay itinuturing na siya ring pakikitungo sa tagapamahala at sa kaniyang pamahalaan. Kaya naman nang pakitunguhan ni Rahab nang mahusay ang mga mensaherong isinugo ni Josue upang maniktik sa Jerico, kumilos siya nang gayon dahil kinikilala niya na si Jehova ang Diyos at Hari ng Israel. Dahil dito, pinagpakitaan siya ni Jehova ng lingap sa pamamagitan ni Josue. (Jos 6:17; Heb 11:31) Sa kabilang dako, nang isugo ni Haring David kay Hanun na hari ng Ammon ang ilang lingkod niya bilang tanda ng pakikipagkaibigan, tahasang nilabag ni Hanun ang di-nasusulat na internasyonal na kaugalian na pagbibigay-galang sa mga sugo. Nakinig ang hari ng Ammon sa kaniyang mga prinsipe nang may-kabulaanang paratangan ng mga ito ng paniniktik ang mga mensahero, at hiniya niya sa madla ang mga mensahero, anupat nagpakita siya ng kawalang-galang kay David at sa pamahalaan nito. Ang mapanghamak na pagkilos na ito ay humantong sa digmaan.​—2Sa 10:2–11:1; 12:26-31.

Sa halip na pauwiin ang isang embahador, na ginagawa ng makabagong-panahong mga bansa kapag nasira ang kanilang mga relasyong diplomatiko, ang mga tao noong sinaunang panahon ay nagpapadala ng mga mensahero, o mga sugo, bilang kanilang mga tagapagsalita upang maipanumbalik ang mapayapang kaugnayan. May binanggit si Isaias na gayong “mga mensahero ng kapayapaan.” (Isa 33:7) Nagsugo si Hezekias kay Senakerib na hari ng Asirya upang makipagpayapaan dito. Bagaman pinagbabantaang sakupin ni Senakerib noon ang mga nakukutaang lunsod ng Juda, pinaraan ng mga Asiryano ang mga mensahero dahil gumaganap ang mga ito bilang mga sugo ni Hezekias. (2Ha 18:13-15) Ang isa pang halimbawa nito ay makikita sa ulat tungkol kay Jepte na isang hukom sa Israel. Sa pamamagitan ng mga mensahero, nagpadala si Jepte ng isang liham sa hari ng mga Ammonita upang ireklamo ang isang maling pagkilos nito at ayusin ang isang di-pagkakasundo may kinalaman sa mga karapatan sa teritoryo. Kung posible, nais sanang makipagkasundo ni Jepte sa pamamagitan ng kaniyang mga sugo nang hindi nakikipagdigma. Pinahintulutan ang mga mensaherong iyon na malayang magparoo’t parito sa pagitan ng magkabilang hukbo.​—Huk 11:12-28; tingnan ang MENSAHERO.