Pumunta sa nilalaman

Pumunta sa talaan ng mga nilalaman

Enos

Enos

[Taong Mortal].

Ang anak ni Set, ipinanganak sa kaniya sa edad na 105. Si Enos ay 90 taóng gulang nang maging anak niya si Kenan, at nabuhay siya nang 905 taon. (Gen 5:6-11) Nakatala rin ang kaniyang pangalan sa mga talaangkanan sa 1 Cronica 1:1 at Lucas 3:38. Noong panahon niya ay “pinasimulan ang pagtawag sa pangalan ni Jehova.” (Gen 4:26) Maliwanag na hindi ito pagtawag sa pangalan ni Jehova taglay ang pananampalataya at kaayon ng dalisay na pagsamba gaya ng ginawa ni Abel mahigit 105 taon bago ang kapanganakan ni Enos. Sinasabi ng ilang iskolar sa Hebreo na ang teksto ay dapat kabasahan ng “nagsimula nang may paglapastangan,” o “nang magkagayo’y nagsimula ang paglapastangan.” Hinggil sa panahon ni Enos, ang Jerusalem Targum ay nagsabi: “Iyon ang salinlahi na sa kanilang kapanahunan ay nagsimula silang magkasala, at gawing idolo ang kanilang sarili, at binansagan ang kanilang mga idolo ayon sa pangalan ng Salita ng Panginoon.” Marahil ay ikinapit ng mga tao ang pangalan ni Jehova sa kanilang sarili o sa ibang mga tao na sa pamamagitan ng mga iyon ay nagkunwari silang sumasamba sa Diyos; o marahil ay ikinapit nila ang kaniyang pangalan sa mga bagay na iniidolo.