Pumunta sa nilalaman

Pumunta sa talaan ng mga nilalaman

Gobernador

Gobernador

Ang mga gobernador noong panahon ng Bibliya ay karaniwan nang may mga kapangyarihang militar at hudisyal at may pananagutang tiyakin na nababayaran ng mga nasasakupang distrito o mga probinsiya na pinamamahalaan ng mga gobernador ang tributo, buwis, o ganansiya na para sa hari o nakatataas na tagapamahala. (Luc 2:1, 2) Marami sa kanila ang nagpataw ng mabigat na pasan sa bayan upang matustusan ang pagkain nila at ng kanilang malaking lupon ng mga tagapaglingkod.​—Ne 5:15-18.

Nag-atas si Haring Solomon ng mga gobernador sa mga distrito ng Israel. Binabanggit ang mga ito sa 1 Hari 10:15 at maaaring sila rin ang 12 kinatawan sa 1 Hari 4:7-19, na may tungkuling maglaan ng pagkain para sa hari at sa kaniyang sambahayan, anupat bawat isa ay inatasan ng isang buwan sa bawat taon.

Halos lahat ng malalaking kapangyarihan noong panahon ng Bibliya ay binabanggit na may mga tagapamahala na mga gobernador, alinman bilang lokal na mga katutubong tagapamahala o bilang mga gobernador na kumokontrol sa nasakop na mga teritoryo. (Siryano, 1Ha 20:24; Asiryano, Eze 23:5, 6, 12, 23; Babilonyo, Jer 51:57; Persiano, Ezr 8:36, Ne 2:7, 9; Arabe, 2Co 11:32; Romano, Luc 3:1) Si Jose ay naging gobernador sa isang malawak na diwa, sa buong Ehipto, at tanging ang hari ang mas mataas kaysa sa kaniya. (Gen 41:40, 41; Gaw 7:9, 10) Tinuya ni Rabsases, isang opisyal ni Haring Senakerib ng Asirya, si Hezekias dahil sa kahinaan ng Jerusalem, anupat sinabi niyang hindi nito maitatalikod kahit isa man lamang sa mabababang gobernador ni Senakerib. Ngunit hindi naisaalang-alang ni Rabsases ang napakalakas na puwersa ni Jehova na nasa panig ni Hezekias.​—Isa 36:4, 9; 37:36.

Inatasan ni Nabucodonosor si Gedalias na mamahala sa nalalabing mga Israelita na naiwan sa lupain ng Juda pagkatapos na dalhin sa pagkatapon ang marami sa mga taong-bayan noong 607 B.C.E. Pinaslang naman si Gedalias pagkaraan ng mga dalawang buwan. (2Ha 25:8-12, 22, 25) Noong malapit nang matapos ang 70-taóng yugto ng pagkatapon, inatasan ni Haring Ciro ng Persia si Sesbazar (malamang na si Zerubabel) bilang gobernador ng mga Judiong bumalik sa Jerusalem noong 537 B.C.E. (Ezr 5:14; Hag 1:1, 14; 2:2, 21) Sa ilalim naman ni Haring Artajerjes ng Persia, si Nehemias ay ginawang gobernador nang bumalik siya upang muling itayo ang pader ng Jerusalem noong 455 B.C.E.​—Ne 5:14; tingnan ang TIRSATA.

Sa ilalim ng pamamahala ng Roma, ang Judea ay naging isang probinsiya ng imperyo; ang mga gobernador doon ay tuwirang nanagot sa emperador sa kanilang mga ginagawa. Si Pilato ang ikalima sa linya ng mga gobernador ng Judea. (Mat 27:2; Luc 3:1) Si Felix at si Festo naman ang ika-11 at ika-12 gobernador (kung hindi natin ibibilang si Publio Petronio at ang humalili sa kaniya na si Marsus, na inatasan bilang mga gobernador ng Sirya ngunit kasabay nito ay nangasiwa rin sa mga Judio). (Gaw 23:24-26; 24:27) May kapangyarihang maglapat ng kaparusahang kamatayan ang mga Romanong gobernador na ito, gaya ng makikita natin sa kaso ni Jesus, na hinatulan ni Pilato.​—Mat 27:11-14; Ju 19:10.

Ang mga gobernador ng mga bansa sa pangkalahatan ang tinutukoy ni Jesus nang sabihin niya sa kaniyang mga tagasunod na dadalhin sila sa harap ng gayong mga tao upang magbigay ng patotoo. Bagaman makapangyarihan ang gayong mga tagapamahala, hindi dapat katakutan ng mga Kristiyano ang mga ito ni dapat man silang mabahala sa kung ano ang kanilang sasabihin kapag nagbibigay sila ng patotoo sa harap ng mga ito. (Mat 10:18-20, 26) Ang lahat ng gayong mga gobernador ay bahagi ng nakatataas na mga awtoridad na dapat pag-ukulan ng mga Kristiyano ng relatibong pagpapasakop, hindi ganap. (Ro 13:1-7; Tit 3:1; 1Pe 2:13, 14; Gaw 4:19, 20; 5:29; Mat 22:21) Nang kausapin ni Pablo si Festo, na sa harap nito ay nililitis siya, nagpakita siya ng paggalang na nauukol sa katungkulan ng gobernador sa pagsasabing: “Inyong Kamahalang Festo.” (Gaw 26:25) Gayunman, kabaligtaran ng mga apostol na kay Jehova muna nag-ukol ng paggalang at karangalan yamang siya ang namamahala sa lahat, ang bansang Israel ay sumamâ hanggang sa punto na mas iginalang nila ang makalupang mga gobernador kaysa kay Jehova. Ginamit ni Jehova ang situwasyong ito nang sawayin niya nang may kahigpitan ang bansa sa pamamagitan ng kaniyang propetang si Malakias.​—Mal 1:6-8; tingnan ang NAKATATAAS NA MGA AWTORIDAD.

Nang sumipi si Mateo mula sa Mikas 5:2, ipinakita niya na ang Betlehem, bagaman napakawalang-halaga may kinalaman sa kapangyarihang mamahala sa Juda, ay magiging mahalaga sapagkat magmumula sa lunsod na ito ang pinakadakila sa mga gobernador na magpapastol sa Israel na bayan ni Jehova. Natupad ang hulang ito kay Kristo Jesus na Dakilang Gobernador sa ilalim ng kaniyang Ama, ang Diyos na Jehova.​—Mat 2:6.