Gresya, Mga Griego
Ang mga pangalang ito ay nanggaling sa Grai·koiʹ, ang pangalan ng isang tribo sa HK Gresya. Ikinapit ng mga Italyano ang pangalang ito (sa Lat., Graeci) sa mga naninirahan sa Gresya sa pangkalahatan. Nang bandang huli, maging si Aristotle sa kaniyang mga akda ay gumamit ng terminong ito sa katulad na paraan.
Isa pang mas naunang pangalan, mga Ioniano, ang lumitaw mula noong ikawalong siglo B.C.E. sa mga rekord na cuneiform ng Asirya, at gayundin sa mga ulat ng Persia at Ehipto. Ang pangalang ito ay nanggaling sa pangalan ni Javan (sa Heb., Ya·wanʹ), na anak ni Japet at apo ni Noe. Si Javan ang Japetikong ninuno ng unang mga tao sa Gresya at sa nakapalibot na mga pulo, at maliwanag na pati ng unang mga tao sa Ciprus, mga bahagi ng timugang Italya, Sicilia, at Espanya.—Gen 10:1, 2, 4, 5; 1Cr 1:4, 5, 7; tingnan ang ELISA; JAVAN; KITIM.
Bagaman ang “Ioniano” sa ngayon ay tumutukoy sa dagat na nasa pagitan ng timugang Italya at timugang Gresya, kasama ang kawing ng mga pulo malapit sa K baybayin ng Gresya, ang pangalan ay dating may mas malawak na kahulugan na mas kasuwato ng paggamit ng Hebreong Kasulatan sa “Javan.” Noong ikawalong siglo B.C.E., nagsalita ang propetang si Isaias hinggil sa panahon kapag ang pinabalik na mga tapon ng Juda ay ipadadala sa malalayong bansa, kasama rito ang “Tubal at Javan, ang malalayong pulo.”—Isa 66:19.
Sa Kristiyanong Griegong Kasulatan, ang lupain ay tinatawag na Hel·lasʹ (“Gresya,” Gaw 20:2), at ang mga tao naman ay Helʹle·nes. Sinimulang gamitin ng mga Griego mismo ang mga pangalang ito ilang siglo bago pa ang Karaniwang Panahon. Ang “Hellas” ay maaaring nauugnay kay “Elisa,” na isa sa mga anak na lalaki ni Javan. (Gen 10:4) Ang pangalang Acaya ay ikinapit din sa gitna at timugang Gresya pagkatapos ng pananakop ng Roma noong 146 B.C.E.
Ang Lupain at ang Kaanyuan Nito. Saklaw ng Gresya ang timugang bahagi ng bulubunduking Balkan Peninsula at ang kalapit na mga pulo sa Dagat Ioniano sa K at Dagat Aegeano sa S. Masusumpungan sa dakong T ang Mediteraneo. Hindi matiyak ang hilagang hangganan ng Gresya, lalo na yamang noong mas sinaunang mga panahon ay hindi nabubuklod sa isang partikular na bansa ang mga Javanita ng Gresya. Ngunit nang maglaon, ang terminong “Gresya” ay inuunawa na nakaaabot sa mga rehiyon ng Illyria, na kahangga ng baybayin ng Adriatico, at ng Macedonia. Ang totoo, maaaring iisa ang angkang pinagmulan ng mga taga-Macedonia at ng mga taong tinawag na mga Griego nang bandang huli.
Ezekiel (27:1-3, 13), kabilang ang Javan sa mga nakikipagkalakalan sa Tiro at ang “mga kagamitang tanso” ay isa sa mga produktong ipinangangalakal.
Ang lupain noon, gaya rin ngayon, ay baku-bako at mabato, anupat ang mga tatlong-kapat ng kalupaan ay mga bundok na batong-apog. Makapal ang kagubatan sa mga dalisdis ng kabundukan. Dahil sa kakulangan ng matatabang kapatagan at libis at ang lupa ay mabato, kakaunti ang lupain para sa agrikultura. Gayunman, ang banayad na klima ay angkop sa pagtatanim ng mga olibo at ubas. Ang iba pang mga produkto ay sebada, trigo, mansanas, igos, at granada. Nakapanginginain naman sa mga lugar na di-nabubungkal ang mga kawan ng tupa at kambing. Doon ay may ilang deposito ng mineral—pilak, zinc, tanso, tingga—at maraming de-kalidad na marmol ang makukuha sa mga bundok. Sa hula niMga pakinabang may kaugnayan sa dagat. Ang paglalakbay sa lupa ay mabagal at mahirap dahil sa mga bundok. Ang mga kariton na hila ng mga hayop ay madaling mabalaho kapag taglamig. Dahil dito, ang dagat ang pinakamainam na daanan ng mga Griego para sa transportasyon at komunikasyon. Ang mahaba at paliku-likong baybayin na may mga look at ilug-ilugan ay naglaan ng maraming daungan at silungan para sa mga barko. Dahil sa ilang papasók na gulpo, iilang lugar lamang sa loob ng sinaunang lupain ang mahigit 60 km (40 mi) ang layo mula sa dagat. Ang timugang bahagi ng mismong kontinente ng Gresya, tinatawag na Peloponnesus, ay halos isa nang pulo. Isang makitid na kalupaan lamang sa pagitan ng Gulpong Saronic at Gulpo ng Corinto ang nagdurugtong ng Peloponnesus sa gitnang Gresya. (Sa ngayon, ang Kanal ng Corinto ay bumabagtas sa makitid na ismo nang mga 6 na km [3.5 mi] at walang mga panghalang, kung kaya lubusan nang nahiwalay ang Peloponnesus.)
Noon pa mang sinaunang panahon, ang mga Javanita ng Gresya ay nakapaglalayag na sa dagat. Ang pinakatakong ng “bota” ng Italya ay mga 160 km (100 mi) lamang sa ibayo ng Kipot ng Otranto mula sa HK Gresya. Sa S, ang mga kapuluan (mga kawing ng mga pulo na binubuo ng nakausling mga taluktok ng mga bundok na nakalubog sa dagat) ay nagsilbing dambuhalang mga tuntungang-bato patawid ng Dagat Aegeano patungo sa Asia Minor. Sa HS sulok ng Dagat Aegeano, isang makitid na daanan, ang Hellespont (tinatawag ding Dardanelles), ang patungo sa Dagat ng Marmara at pagkatapos ay sa kipot ng Bosporus patungo sa Dagat na Itim. Gayundin, sa pamamagitan ng paglalayag sa tabi ng timugang baybayin ng Asia Minor, ang mga barkong Griego ay maagang nakapaglakbay patungo sa mga baybayin ng Sirya at Palestina. Maaaring lakbayin ng isang barko ang distansiyang 100 km (60 mi) sa liwanag ng araw. Kaya naman ang paghahatid ng mga liham ni Pablo sa mga taga-Tesalonica sa Macedonia, malamang na isinulat sa Corinto, ay maaaring inabot nang isang linggo o mahigit pa, depende sa lagay ng panahon (at sa dami ng daungang hinintuan ng barko).
Ang impluwensiya at mga pamayanan ng mga Griego ay hindi lamang limitado sa pinakakontinente ng Gresya. Ang maraming pulo sa mga dagat ng Ioniano at Aegeano ay itinuring ding bahagi ng Gresya. Ang timugang Italya at Sicilia ay kasama noon sa tinatawag na Kalakhang Hellas o, sa Latin, Graecia Magna. Ipinakikita ng katibayan ng kasaysayan na ang mga Javanita ng Gresya ay nakipag-ugnayan at nakipagkalakalan sa mga Javanita ng Tarsis (Espanya), anupat nahigitan pa ang mga taga-Fenicia sa bagay na ito. Nagkaroon din ng gayong kaugnayan ang mga Griego sa mga Javanita ng Ciprus.
Pinagmulan ng mga Tribong Griego. Iba’t ibang ideya ang iminumungkahi ng makabagong mga istoryador hinggil sa pinagmulan ng mga tribong Griego at sa pagdating nila sa lugar na iyon. Ang pangmalas ng nakararami na nagkaroon ng sunud-sunod na “mga pagsalakay” ng mga tribo mula sa hilaga ay pangunahing nakasalig sa mga mito ng mga Griego at pala-palagay ng mga arkeologo. Ang totoo, ang sekular na kasaysayan may kinalaman sa Gresya ay nagsimula lamang noong mga ikawalong siglo B.C.E. (anupat ang unang Olimpiyada ay ipinagdiwang noong 776 B.C.E.), at ang rekord na posibleng iugnay dito ay mula lamang noong ikalimang siglo B.C.E. Ito ay maraming siglo pagkaraan ng Baha at samakatuwid ay matagal na panahon na pagkaraang mangalat ang mga pamilya dahil sa paggulo sa wika ng mga tao sa Babel. (Gen 11:1-9) Sa loob ng maraming siglong iyon, maaaring nahaluan ng ibang mga grupo ang orihinal na angkan ni Javan at ng kaniyang mga anak, ngunit para sa yugto bago ang unang milenyo B.C.E. ay puro kaduda-dudang teoriya lamang ang inihaharap.
Pangunahing mga tribong Griego. Kabilang sa pangunahing mga tribo sa Gresya ang mga Acheano ng Thessaly, gitnang Peloponnesus, at Boeotia; ang mga Aeoliano sa S gitnang Gresya at sa HK bahagi ng Asia Minor na tinatawag na Aeolia, at sa kalapit na mga pulo; ang mga Dorian ng silangang Peloponnesus, timugang mga pulo ng Dagat Aegeano, at TK bahagi ng Asia Minor; at ang mga Ioniano ng Attica, pulo ng Euboea, mga pulo ng gitnang bahagi ng Dagat Aegeano, at K mga baybayin ng Asia Minor. Gayunman, hindi matiyak ang kaugnayan sa pagitan ng mga tribong ito at ng mas sinaunang mga taga-Macedonia.
Tradisyon ng mga Patriyarka at ang mga Estadong-Lunsod. Ang mga tribong nagsasalita ng Griego ay independiyente, at maging sa loob ng mga tribo, ang nabuong mga estadong-lunsod ay independiyente rin. Ang isang dahilan nito ay ang heograpikong kaanyuan ng Gresya. Maraming Griego ang naninirahan sa mga pulo, ngunit sa pinakakontinente, ang karamihan ay naninirahan sa maliliit na libis na napalilibutan ng mga bundok. Tungkol sa sinaunang kayarian ng kanilang lipunan, iminumungkahi ng The Encyclopedia Americana ang pangmalas na ito: “Ang pangunahing yunit ng lipunan ay ang sambahayan ng patriyarka. . . . Ang tradisyon ng mga patriyarka ay matibay na nakatatag sa kulturang Griego: ang aktibong mga mamamayan ng isang estadong-lunsod (polis) ay adultong mga lalaki lamang. Ang pamilya ng patriyarka ay nakapaloob sa sunud-sunod na mga pangkat na may iisang sentro—ang lipi (genos), ang ‘phratry’ [o grupo ng mga pamilya], ang tribo.” (1956, Tomo XIII, p. 377) Katulad na katulad ito ng patriyarkal na kaayusan pagkaraan ng Baha na inilarawan sa aklat ng Genesis sa Bibliya.
Ang kaayusan sa Gresya ay waring katulad niyaong sa Canaan, kung saan ang iba’t ibang tribo (na nagmula kay Canaan) ay bumubuo ng maliliit na kaharian, kadalasa’y nakapalibot sa isang partikular na lunsod. Ang Griegong estadong-lunsod ay tinatawag na poʹlis. Waring ang terminong ito ay orihinal na ikinapit sa isang akropolis, o nakukutaang mataas na dako, na sa palibot niyaon ay nagkaroon ng mga pamayanan. Nang maglaon, tumukoy ito sa buong lugar at sa mga mamamayan ng estadong-lunsod. Maliliit lamang ang karamihan sa mga Griegong estadong-lunsod, karaniwan ay wala pang 10,000 mamamayan (bukod pa sa mga babae, mga alipin, at mga bata). Sa karurukan nito, noong ikalimang siglo B.C.E., sinasabing ang Atenas ay mayroon lamang mga 43,000 mamamayang lalaki. Ang Sparta ay mayroon lamang mga 5,000. Tulad ng maliliit na kaharian sa Canaan, kung minsan ay nagkakaisa ang mga Griegong estadong-lunsod at kung minsan naman ay naglalabanan. Ang bansa ay nanatiling nababahagi sa pulitika hanggang noong panahon ni Felipe (II) ng Macedon.
Pag-eeksperimento sa Demokrasya. Bagaman hindi gaanong nababatid ang paraan ng pamamahala ng karamihan sa mga Griegong estadong-lunsod, anupat yaon lamang sa Atenas at Sparta ang lubusang nalalaman, maliwanag na malaki ang kaibahan ng kanilang mga pamahalaan sa mga pamahalaan ng Canaan, Mesopotamia, o Ehipto. Noong panahong tinatawag na makasaysayang yugto, ang mga Griegong estadong-lunsod ay nagkaroon ng mga mahistrado, mga sanggunian, at isang kapulungan (ek·kle·siʹa) ng mga mamamayan, bilang kahalili ng mga hari. Ang Atenas ay nag-eksperimento sa tuwirang demokratikong pamamahala (ang salitang “demokrasya” ay nagmula sa Griegong deʹmos, nangangahulugang “mga tao,” at kraʹtos, nangangahulugang “pamamahala”). Sa kaayusang ito, ang buong kalipunan ng mga mamamayan ang bumubuo sa lehislatura, anupat nagsasalita at bumoboto sa kapulungan. Gayunman, ang “mga mamamayan” ay isa lamang minorya, yamang ang mga babae, mga residenteng banyaga, at mga alipin ay walang mga karapatan ng pagkamamamayan. Ipinapalagay na mga alipin ang bumubuo sa halos isang katlo ng populasyon ng maraming estadong-lunsod, at tiyak na dahil sa kanilang pagtatrabaho bilang mga alipin kung kaya nagkaroon ng libreng panahon ang “mga mamamayan” upang makibahagi sa pulitikal na kapulungan. Mapapansin na ang pinakamaagang pagtukoy sa Gresya sa Hebreong Kasulatan, noong mga ikasiyam na siglo B.C.E., ay bumabanggit sa mga Judeano na ipinagbili ng Tiro, Sidon, at Filistia bilang mga alipin sa “mga anak ng mga Griego [sa literal, “mga Javanita” o “mga Ioniano”].”—Joe 3:4-6.
Mga Produkto at Hanapbuhay. Bukod sa agrikultura na kanilang pangunahing gawain, ang mga Griego ay gumawa at nagluwas ng maraming produkto. Ang mga plorerang Griego ay napabantog sa buong rehiyon ng Mediteraneo; mahalagang produkto rin ang mga kagamitang pilak at ginto at mga kayong lana. Maraming maliliit at independiyenteng pagawaan ang pag-aari ng mga bihasang manggagawa, na may katulong na ilang trabahador, alipin o taong laya. Sa Griegong lunsod ng Corinto, sumama ang apostol na si Pablo kina Aquila at Priscila sa hanapbuhay nilang paggawa ng tolda, malamang ay gamit ang kayo na yari sa balahibo ng kambing, na sagana sa Gresya. (Gaw 18:1-4) Ang Corinto ay naging isang pangunahing sentro ng komersiyo dahil sa estratehikong posisyon nito malapit sa Gulpo ng Corinto at Gulpong Saronic. Ang iba pang mga pangunahing lunsod ng komersiyo ay ang Atenas at Aegina.
Kultura at Sining ng mga Griego. Mga lalaki lamang ang binibigyan ng edukasyon sa Gresya, at ang pangunahing tunguhin nito ay gawin silang “mabubuting mamamayan.” Ngunit ang bawat estadong-lunsod ay may kani-kaniyang ideya kung ano ang mabuting mamamayan. Sa Sparta, ang edukasyon ay halos puro pisikal (ihambing ang payo ni Pablo kay Timoteo sa 1Ti 4:8), anupat ang mga batang lalaki ay kinukuha sa kanilang mga magulang sa edad na 7 at itinitira sa mga baraks hanggang sa edad na 30. Sa Atenas, nang maglaon ay mas itinampok ang panitikan, matematika, at sining. Isang pinagkakatiwalaang alipin, tinatawag na pai·da·go·gosʹ, ang naghahatid sa bata sa paaralan, kung saan ang pagsasanay ay nagsisimula sa edad na anim. (Pansinin na sa Gal 3:23-25, inihambing ni Pablo ang Kautusang Mosaiko sa isang pai·da·go·gosʹ; tingnan ang TAGAPAGTURO.) Popular na popular sa Atenas ang pagkatha ng mga tula, at ang mga mag-aarál ay kailangang magsaulo ng maraming tula. Bagaman ang edukasyon ni Pablo ay natamo niya sa Tarso ng Cilicia, gumamit siya ng maikling pagsipi sa isang tula upang maitawid ang kaniyang mensahe sa Atenas. (Gaw 17:22, 28) Naging popular ang mga dula, kapuwa ang mga trahedya at mga komedya.
Ang pilosopiya ay binigyan ng malaking importansiya sa Atenas, at nang maglaon ay sa buong Gresya. Kabilang sa mga pangunahing grupo ng mga pilosopo ang mga Sophist, na nagsasabing ang katotohanan ay depende lamang sa opinyon ng indibiduwal; ang pangmalas na ito (na katulad niyaong sa mga Hindu) ay tinutulan ng bantog na mga pilosopong Griego gaya ni Socrates, ng kaniyang mag-aarál na si Plato, at ng mag-aarál ni Plato na si Aristotle. Ang ibang mga pilosopiya ay may kinalaman sa sukdulang pinagmumulan ng kaligayahan. Itinuro ng mga Estoico na ang kaligayahan ay matatamo sa pamumuhay kaayon ng makatuwirang pag-iisip at na ito lamang ang mahalaga. Naniwala naman ang mga Epicureo na ang kaluguran ang tunay na pinagmumulan ng kaligayahan. (Ihambing ang pananalita ni Pablo sa mga taga-Corinto sa 1Co 15:32.) Ang mga pilosopo ng huling nabanggit na dalawang grupo ay kabilang sa mga nakipag-usap kay Pablo sa Atenas, na humantong sa pagdadala sa kaniya sa Areopago para mapakinggan siya roon. (Gaw 17:18, 19) Ang isa pang grupo ay ang mga Skeptic, na nagturo na diumano’y walang anumang bagay sa buhay ang may kabuluhan.
Noong mas huling mga yugto, ang mga Griego ay naging mapag-usisa at nahilig sa talakayan at pakikipag-usap tungkol sa mga bagay na bago. (Gaw 17:21) Sinikap nilang lutasin ang ilan sa mga pangunahing katanungan sa buhay at sa uniberso sa pamamagitan ng lohika ng tao (at espekulasyon). Kaya naman itinuring ng mga Griego na sila ang mga intelihenteng tao ng sinaunang daigdig. Sa unang liham ni Pablo sa mga taga-Corinto, inilagay niya ang gayong karunungan at intelektuwalismo ng tao sa wastong dako nito nang sabihin niya: “Kung iniisip ng sinuman sa inyo na siya ay marunong sa sistemang ito ng mga bagay, magpakamangmang siya, upang siya ay maging marunong. . . . ‘Alam ni Jehova na ang mga pangangatuwiran ng mga taong marurunong ay walang saysay.’” (1Co 1:17-31; 2:4-13; 3:18-20) Sa kabila ng lahat ng kanilang mga debate at pagsusuri sa pilosopiya, ipinakikita ng kanilang mga akda na wala silang natagpuang tunay na saligan ng pag-asa. Gaya ng itinawag-pansin ng mga propesor na sina J. R. S. Sterrett at Samuel Angus: “Wala nang ibang panitikan ang naglalaman ng mas maraming kahabag-habag na panaghoy tungkol sa mga kalungkutan ng buhay, paglalaho ng pag-ibig, pagiging mapandaya ng pag-asa, at kalupitan ng kamatayan.”—Funk and Wagnalls New Standard Bible Dictionary, 1936, p. 313.
Relihiyong Griego. Ang pinakamaagang impormasyon tungkol sa relihiyong Griego ay masusumpungan sa epikong tula ni Homer. Dalawang epikong tula, ang Iliad at ang Odyssey, ang ipinapalagay ng mga istoryador na isinulat ni Homer. Ang pinakamatatandang pirasong papiro ng mga tulang ito ay pinaniniwalaang mula pa noong 150 B.C.E. Gaya ng sabi ni George G. A. Murray, isang propesor ng Griego, tungkol sa nabanggit na mga teksto, ang mga ito ay “lubhang naiiba sa ating vulgate,” samakatuwid nga, mula sa tekstong tinanggap na ng karamihan nitong nakalipas na mga siglo. (Encyclopædia Britannica, 1942, Tomo 11, p. 689) Sa gayon, di-tulad ng Bibliya, hindi naingatan ang integridad ng mga teksto ni Homer, kundi ang mga ito’y lubhang nagpabagu-bago, gaya ng ipinakikita ni Propesor Murray. Ang mga tula ni Homer ay tumatalakay sa mga bayaning mandirigma at mga diyos na katulad na katulad ng mga tao.
Ipinakikita ng katibayan na naimpluwensiyahan ng Babilonya ang relihiyong Griego. Ang isang sinaunang pabulang Griego ay halos literal na salin ng isang orihinal na pabulang Akkadiano.
Isa pang makata, si Hesiod, malamang na nabuhay noong ikawalong siglo B.C.E., ang kinikilalang nagsaayos ng maraming mito at alamat ng mga Griego. Ang Theogony ni Hesiod, kasama ng mga tula ni Homer, ang bumubuo sa pangunahing sagradong mga akda, o teolohiya, ng mga Griego.
Kapag isinasaalang-alang ang mga mito ng mga Griego, kawili-wiling malaman kung paano binibigyang-linaw ng Bibliya ang posible o malamang na pinagmulan ng mga ito. Gaya ng ipinakikita ng Genesis 6:1-13, bago ang Baha, ang anghelikong mga anak ng Diyos ay bumaba sa lupa, nagkatawang-tao, at sumiping sa magagandang babae. Nagkaroon sila ng mga supling na tinawag na mga Nefilim, o mga Tagapagbuwal, samakatuwid nga, “yaong mga nagpapangyari na mabuwal ang iba.” Dahil sa di-likas na pagsasamang ito ng mga espiritung nilalang at mga tao, at dahil sa mestisong lahi na kanilang iniluwal, ang lupa ay napuno ng imoralidad at karahasan. (Ihambing ang Jud 6; 1Pe 3:19, 20; 2Pe 2:4, 5; tingnan ang NEFILIM.) Tulad ng iba na nabuhay noong panahon pagkaraan ng Baha, tiyak na narinig ni Javan, na pinagmulan ng mga Griego, ang ulat hinggil sa mga panahon at kalagayan bago ang Baha, malamang na mula sa kaniyang amang si Japet na nakaligtas sa Baha. Ngayon, pansinin kung ano ang isinisiwalat ng mga akda na kinikilalang isinulat nina Homer at Hesiod.
Ang maraming diyos at diyosa na kanilang inilarawan ay may anyong tao at pambihirang kagandahan, bagaman madalas ay malahigante at nakahihigit sa tao. Sila ay kumakain, umiinom, natutulog, nagkakaroon ng seksuwal na pakikipagtalik sa isa’t isa at maging sa mga tao, namumuhay bilang mga pamilya, nag-aaway at naglalabanan, nang-aakit at nanggagahasa. Bagaman diumano’y banal at imortal, nakagagawa rin sila ng iba’t ibang uri ng panlilinlang at krimen. Maaari silang makihalubilo sa mga tao nang nakikita o di-nakikita. Nang dakong huli, sinikap ng mga Griegong manunulat at pilosopo na alisin sa mga ulat nina Homer at Hesiod ang ilan sa pinakabuktot na mga gawa na iniuugnay sa mga diyos na ito.
Maaaring ipinakikita ng mga ulat na ito, bagaman sa isang higit na pinalawak, pinaganda, at pinilipit na anyo, ang tunay na ulat ng mga kalagayan bago ang Baha na inilalahad sa Genesis. Ang isa pang katangi-tanging pagkakatulad, bukod sa mga pangunahing diyos, ay ang paglalarawan ng mga alamat na Griego sa mga mestisong diyos o mga bayani na supling kapuwa ng mga diyos at mga tao. Ang mga mestisong diyos na ito ay may lakas na nakahihigit sa tao subalit mga mortal (tanging si Hercules ang nagkapribilehiyong magtamo ng imortalidad). Kaya naman kapansin-pansin na ang mga mestisong diyos ay katulad ng mga Nefilim sa ulat ng Genesis.
Bilang komento sa maliwanag na pagkakatulad na ito, sinabi ng Orientalistang si E. A. Speiser na ang tema ng mga Griegong mito ay matatalunton pabalik sa Mesopotamia. (The World History of the Jewish People, 1964, Tomo 1, p. 260) Ang Mesopotamia ang lokasyon ng Babilonya at ang sentro na mula roon ay nangalat ang mga tao pagkatapos guluhin ang kanilang wika.—Gen 11:1-9.
Ang mga pangunahing diyos ng mga Griego ay sinasabing nakatira sa Bundok Olympus (2,917 m [9,570 piye] ang taas), na nasa T ng bayan ng Berea. (Malapit sa mga dalisdis ng Olympus ang kinaroroonan ni Pablo noong magministeryo siya sa mga taga-Berea sa kaniyang ikalawang paglalakbay bilang misyonero; Gaw 17:10.) Kabilang sa mga diyos na ito sa Olympus si Zeus (tinatawag ng mga Romano na Jupiter; Gaw 28:11), ang diyos ng kalangitan; si Hera (Juno ng Roma), asawa ni Zeus; si Ge o Gaea, ang diyosa ng lupa, tinatawag ding Dakilang Ina; si Apolo, isang diyos ng araw, isang diyos ng biglang kamatayan, anupat ipinapana niya ang kaniyang nakamamatay na mga palaso mula sa malayo; si Artemis (Diana ng Roma), ang diyosa ng pangangaso; ang pagsamba sa isa pang Artemis na diyosa ng pag-aanak ay prominente sa Efeso (Gaw 19:23-28, 34, 35); si Ares (Mars ng Roma), ang diyos ng digmaan; si Hermes (Mercury ng Roma), ang diyos ng mga manlalakbay, ng komersiyo, at ng kahusayan sa pagsasalita, ang mensahero ng mga diyos (sa Listra, Asia Minor, “tinawag [ng mga tao na] Zeus si Bernabe, ngunit Hermes naman si Pablo, yamang siya ang nangunguna sa pagsasalita”; Gaw 14:12); si Aphrodite (Venus ng Roma), ang diyosa ng pag-aanak at pag-ibig, itinuturing na “kapatid ni Ishtar ng Asirya at Babilonya at ni Astarte ng Sirya at Fenicia” (Greek Mythology, ni P. Hamlyn, London, 1963, p. 63); at ang maraming iba pang diyos at diyosa. Sa katunayan, waring ang bawat estadong-lunsod ay may sariling mga nakabababang diyos na sinasamba ayon sa lokal na kaugalian.
Mga kapistahan at palaro. Ang mga kapistahan ay nagkaroon ng mahalagang papel sa relihiyong Griego. Ang mga paligsahan ng mga atleta kasama ang mga dula, paghahain, at mga panalangin ay umakit ng mga tao sa malalayong lugar, at sa gayon ay pinagkaisa ng mga kapistahang ito ang mga estadong-lunsod na nababahagi ng pulitika. Ang pinakaprominente sa mga kapistahang ito ay LARO AT PALARO, MGA.
ang Palarong Olympic (sa Olympia), ang Palarong Isthmian (idinaos malapit sa Corinto), ang Palarong Pythian (sa Delphi), at ang Palarong Nemean (malapit sa Nemea). Ang pagdiriwang ng Palarong Olympic tuwing ikaapat na taon ang naging saligan ng pagbilang ng Griegong Era, anupat ang bawat apat-na-taóng yugto ay tinawag na isang Olimpiyada.—Tingnan angMga orakulo, astrolohiya, at mga dambana. Ang mga orakulo, mga espiritista na sa pamamagitan nila ay isinisiwalat diumano ng mga diyos ang natatagong kaalaman, ay nagkaroon ng maraming deboto. Ang pinakatanyag na mga orakulo ay may mga templo sa Delos, Delphi, at Dodona. Dito, kapalit ng isang halaga, sinasagot ang mga tanong ng mga indibiduwal na inihaharap sa orakulo. Ang mga sagot ay karaniwan nang malabo, anupat kailangan pa ng interpretasyon ng mga saserdote. Sa Filipos sa Macedonia, ang batang babae na nagsagawa ng sining ng panghuhula (at mula sa kaniya ay pinalayas ni Pablo ang isang demonyo) ay gumaganap bilang orakulo at ‘naglalaan sa kaniyang mga panginoon ng maraming pakinabang.’ (Gaw 16:16-19) Sinasabi ni Propesor G. Ernest Wright na ang makabagong astrolohiya ay matatalunton sa mga Griego pabalik sa mga manghuhula ng Babilonya. (Biblical Archaeology, 1962, p. 37) Naging popular din ang mga dambanang para sa pagpapagaling.
Pilosopikong turo ng imortalidad. Palibhasa’y pinagkaabalahan ng mga pilosopong Griego ang mga pangunahing katanungan sa buhay, ang kanilang mga pangmalas din ang humubog sa relihiyosong mga paniniwala ng mga tao. Itinuro ni Socrates, noong ikalimang siglo B.C.E., na ang kaluluwa ng tao ay imortal. Sa Phaedo (64C, 105E), sinipi ni Plato ang pakikipag-usap ni Socrates sa dalawang kasamahan nito: “‘Sa palagay ba natin ay may kamatayan? . . . Naniniwala tayo, hindi ba, na ang kamatayan ay ang paghiwalay ng kaluluwa mula sa katawan, at na ang pagiging patay ay ang kalagayan kung saan ang katawan ay hiwalay sa kaluluwa at umiiral nang mag-isa at ang kaluluwa ay hiwalay sa katawan at umiiral nang mag-isa? Naiiba pa ba ang kamatayan kaysa rito?’ ‘Hindi, kundi ganito nga,’ sabi niya. ‘At ang kaluluwa ay hindi maaaring mamatay?’ ‘Hindi.’” Nagpatuloy pa si Socrates, “‘Kung gayon, ang kaluluwa ay imortal.’ ‘Oo.’” Ihambing ito sa Ezekiel 18:4 at Eclesiastes 9:5, 10.
Mga templo at mga idolo. Bilang parangal sa mga diyos, nagtayo sila ng mariringal na templo, at upang isalarawan ang kanilang mga diyos, gumawa sila ng magagandang estatuwa na yari sa marmol at bronse. Ang mga guho ng ilan sa pinakabantog na mga templo ay matatagpuan sa Akropolis ng Atenas na kinaroroonan ng Parthenon at Erechtheum, gayundin ng Propylaea. Sa mismong lunsod ng Atenas nagsalita si Pablo sa isang grupo ng tagapakinig, anupat nagkomento siya hinggil sa kapansin-pansing pagkatakot sa mga bathala na maoobserbahan sa Atenas, at tuwiran niyang sinabi sa mga tagapakinig na ang Maylalang ng langit at lupa “ay hindi tumatahan sa mga templong gawa ng kamay” at na, bilang mga supling ng Diyos, hindi nila dapat akalain na ang Maylalang ay “tulad ng ginto o ng pilak o ng bato, tulad ng isang bagay na nililok ng sining at katha ng tao.”—Gaw 17:22-29.
Panahon ng mga Digmaang Persiano. Ang pagbangon ng Imperyo ng Medo-Persia sa ilalim ni Ciro (na lumupig sa Babilonya noong 539 B.C.E.) ay naging banta sa Gresya. Nalupig na ni Ciro ang Asia Minor, pati na ang mga kolonyang Griego roon. Noong ikatlong taon ni Ciro (maliwanag na bilang tagapamahala ng Babilonya), ipinagbigay-alam kay Daniel ng anghelikong mensahero ni Jehova na “pupukawin [ng ikaapat na hari ng Persia] ang lahat ng bagay laban sa kaharian ng Gresya.” (Dan 10:1; 11:1, 2) Sinugpo ng ikatlong Persianong hari (si Dario Hystaspis) ang isang paghihimagsik ng mga kolonyang Griego noong 499 B.C.E. at naghanda siyang sumalakay sa Gresya. Ang sumasalakay na plotang Persiano ay winasak ng bagyo noong 492 B.C.E. Pagkatapos, noong 490, isang malaking hukbong Persiano ang dumaluhong sa Gresya subalit natalo ito ng isang maliit na hukbo ng mga taga-Atenas sa Kapatagan ng Marathon, sa HS ng Atenas. Ipinasiya ng anak ni Dario na si Jerjes na ipaghiganti ang pagkatalong ito. Bilang ang inihulang ‘ikaapat na hari,’ pinukaw niya ang buong imperyo upang bumuo ng pagkalaki-laking hukbong militar at noong 480 B.C.E. ay tinawid nila ang Hellespont.
Bagaman nagkaisa noon ang ilang estadong-lunsod ng Gresya upang labanan at pahintuin ang pagsalakay, ang mga hukbong Persiano ay humayo patungong hilaga at gitnang Gresya, nakarating sa Atenas, at sinunog ang tanggulan nito, ang Akropolis. Ngunit sa karagatan, natalo ng mga taga-Atenas at ng sumusuportang mga Griego ang plotang Persiano (pati ang mga kaalyado nito na mga taga-Fenicia at iba pa) sa Salamis. Sinundan nila ito ng paglupig sa mga Persiano sa katihan sa Plataea at gayundin sa Mycale, na nasa K baybayin ng Asia Minor, anupat pagkatapos nito ay iniwan na ng mga hukbong Persiano ang Gresya.
Pangingibabaw ng Atenas. Natamo noon ng Atenas ang pangunguna sa Gresya dahil sa malakas na hukbong-dagat nito. Ang yugtong kasunod nito, hanggang noong mga 431 B.C.E., ang tinatawag na
“Ginintuang Panahon” ng Atenas, kung kailan ginawa ang pinakatanyag na mga likhang-sining at arkitektura. Pinangunahan ng Atenas ang ligang Deliano na binubuo ng ilang lunsod at pulo sa Gresya. Palibhasa’y tutol sa pangingibabaw ng Atenas ang Ligang Peloponnesiano, na pinangungunahan naman ng Sparta, sumiklab ang Digmaang Peloponnesiano. Tumagal ito mula 431 hanggang 404 B.C.E., anupat nang dakong huli ay lubusang natalo ng mga taga-Sparta ang mga taga-Atenas. Ang mahigpit na pamamahala ng Sparta ay tumagal hanggang noong mga 371 B.C.E., at pagkatapos ay nangibabaw naman ang Thebes. Pumasok ang Gresya sa isang yugto ng paghina sa pulitika, bagaman ang Atenas ay nanatiling sentro ng kultura at pilosopiya sa Mediteraneo. Nang dakong huli, noong 338 B.C.E., ang Gresya ay nilupig ng bumabangong kapangyarihan ng Macedonia sa ilalim ni Felipe II, at pinagkaisa ito sa ilalim ng kontrol ng Macedonia.Ang Gresya sa Ilalim ni Alejandrong Dakila. Noon pa mang ikaanim na siglo B.C.E., tumanggap na si Daniel ng isang pangitain na humuhula ng pagbagsak ng Imperyo ng Medo-Persia sa pamamagitan ng Gresya. Ang anak ni Felipe na si Alejandro ay naging mag-aarál ni Aristotle at, pagkatapos na mapaslang si Felipe, siya ang naging kampeon ng mga taong nagsasalita ng Griego. Noong 334 B.C.E., humayo si Alejandro upang ipaghiganti ang pagsalakay ng mga Persiano sa mga Griegong lunsod sa K baybayin ng Asia Minor. Ang kaniyang mabilisang pananakop hindi lamang sa buong Asia Minor kundi pati sa Sirya, Palestina, Ehipto, at sa buong Imperyo ng Medo-Persia hanggang sa India ay tumupad sa makahulang larawan na nasa Daniel 8:5-7, 20, 21. (Ihambing ang Dan 7:6.) Sa pamamagitan ng pagsakop sa Juda noong 332 B.C.E., ang Gresya ang naging ikalimang kapangyarihang pandaigdig kung ang bansang Israel ang pag-uusapan—anupat ang Ehipto, Asirya, Babilonya, at Medo-Persia ang unang apat. Pagsapit ng 328 B.C.E., nalubos na ang pananakop ni Alejandro, pagkatapos ay natupad ang natitirang bahagi ng pangitain ni Daniel. Namatay si Alejandro sa Babilonya noong 323 B.C.E., at gaya ng inihula, ang kaniyang imperyo ay nahati sa apat na bahagi, ngunit wala sa mga ito ang nakapantay sa lakas ng orihinal na imperyo.—Dan 8:8, 21, 22; 11:3, 4; tingnan ang MGA MAPA, Tomo 2, p. 334; ALEJANDRO Blg. 1.
Gayunman, bago siya namatay, naipalaganap ni Alejandro ang kultura at wika ng mga Griego sa kaniyang buong nasasakupan. Nagtayo ng mga kolonyang Griego sa maraming nalupig na lupain. Ang lunsod ng Alejandria ay itinayo sa Ehipto at naging karibal ng Atenas bilang sentro ng kaalaman. Sa gayong paraan nagsimula ang Helenisasyon ng (o paggawang-Griego sa) maraming rehiyon sa Mediteraneo at Gitnang Silangan. Ang karaniwang Griego, o Koine, ang naging lingua franca, anupat sinalita ng mga tao ng maraming nasyonalidad. Ito ang wikang ginamit ng mga Judiong iskolar sa Alejandria sa kanilang salin ng Hebreong Kasulatan, ang Septuagint. Nang maglaon, ang Kristiyanong Griegong Kasulatan ay isinulat sa Koine, at yamang popular ang wikang ito sa maraming bansa, nakatulong ito upang mabilis na maipalaganap ng mga Kristiyano ang mabuting balita sa buong rehiyon ng Mediteraneo.—Tingnan ang GRIEGO.
Epekto ng Helenisasyon sa mga Judio. Nang mahati-hati ang Gresya sa mga heneral ni Alejandro, ang Juda ay naging hangganang estado sa pagitan ng Ptolemaikong rehimen ng Ehipto at ng Seleucidong dinastiya ng Sirya. Bagaman sa pasimula ay hawak ito ng Ehipto, ang lupain ay naagaw ng mga Seleucido noong 198 B.C.E. Sa pagsisikap na isanib ang Juda sa Sirya sa isang kulturang Heleniko, pinalaganap sa Juda ang Griegong relihiyon, wika, panitikan, at kasuutan.
May mga kolonyang Griego na itinatag sa buong teritoryo ng mga Judio, kasama na yaong nasa Samaria (nang maglaon ay tinawag na Sebaste), Aco (Tolemaida), at Bet-sean (Scythopolis), gayundin ang ilan na itinayo sa di-pa-natatahanang mga lugar sa S ng Ilog Jordan. (Tingnan ang DECAPOLIS.) Isang himnasyo ang itinayo sa Jerusalem na nakaakit sa mga kabataang Judio. Yamang ang mga palarong Griego ay kaugnay ng relihiyong Griego, pinahina ng himnasyo ang panghahawakan ng mga Judio sa mga simulain ng Kasulatan. Maging ang pagkasaserdote ay lubhang naapektuhan ng Helenismo noong yugtong iyon. Dahil dito, nagsimulang mag-ugat sa mga Judio ang mga paniniwala na dati’y hindi pamilyar sa kanila; kabilang sa mga ito ang paganong turo ng imortalidad ng kaluluwa ng tao at ang ideya ng isang dako ng pagpapahirap pagkatapos ng kamatayan.
Umabot sa kasukdulan ang Helenisasyon ng mga Judio nang ipasok ni Antiochus Epiphanes sa templo sa Jerusalem ang pagsamba kay Zeus bilang paglapastangan sa templo (168 B.C.E.), na humantong naman sa mga Digmaang Macabeo.
Malakas din ang impluwensiya ng Helenisasyon sa Alejandria, Ehipto, kung saan malaking bahagi ng lunsod ang okupado ng mga Judio. (Tingnan ang ALEJANDRIA.) Pinahintulutan ng ilang Judiong Alejandrino na maimpluwensiyahan sila ng pilosopiyang Griego. Nadama ng ilang Judiong manunulat na kailangan nilang iayon ang mga paniniwalang Judio sa “makabagong kausuhan.” Sinikap nilang ipakita na ang lumalaganap na mga ideya ng pilosopiyang Griego ay may kahawig na mga ideya sa Hebreong Kasulatan o na doon pa nga hinalaw ang mga iyon.
Gaw 19:21; Ro 15:26; tingnan ang ACAYA.
Pamamahala ng Roma sa mga Estadong Griego. Ang Macedonia at Gresya (isa sa apat na bahagi ng nahati-hating imperyo ni Alejandro) ay bumagsak sa mga Romano noong 197 B.C.E. Nang sumunod na taon, ipinroklama ng Romanong heneral ang “kalayaan” ng lahat ng mga Griegong lunsod. Nangahulugan ito na hindi sila papatawan ng tributo, ngunit inaasahan ng Roma na lubusan silang makikipagtulungan sa mga kagustuhan nito. Unti-unting lumaganap ang sentimyento laban sa Roma. Nakipagdigma ang Macedonia laban sa mga Romano ngunit muli itong natalo noong 168 B.C.E. at pagkaraan ng mga 20 taon ay naging probinsiya ng Roma. Sa pangunguna ng Corinto, naghimagsik ang Ligang Acheano noong 146 B.C.E., anupat nilusob ng mga hukbo ng Roma ang timugang Gresya at winasak ang Corinto. Nabuo ang probinsiya ng “Acaya” at pagsapit ng 27 B.C.E. ay saklaw na nito ang buong timugan at gitnang Gresya.—Ang yugto ng pamamahala ng Roma ay naging panahon ng paghina ng Gresya sa pulitika at ekonomiya. Tanging ang kulturang Griego ang nanatiling malakas at malawakang tinanggap ng nananakop na mga Romano. May-pananabik silang nag-angkat ng mga estatuwa at panitikang Griego. Buu-buong mga templo ang binaklas at ipinadala sa Italya. Marami sa mga kabataang lalaki ng Roma ang nag-aral sa Atenas at sa iba pang mga sentro ng kaalamang Griego. Sa kabilang dako, ang Gresya ay nagtuon ng pansin sa sarili nito at sa kaniyang nakalipas na kasaysayan, anupat naging mapagpahalaga sa sinaunang mga bagay.
Ang “Hellenes” Noong Unang Siglo C.E. Noong panahon ng ministeryo ni Jesu-Kristo at ng kaniyang mga apostol, ang mga katutubo ng Gresya o yaong mga may lahing Griego ay tinatawag pa ring Helʹle·nes (pang-isahan, Helʹlen). Tinawag ng mga Griego ang mga di-Griego na “mga barbaro,” nangangahulugan lamang na mga banyaga o mga nagsasalita ng wikang banyaga. Pinaghambing din ng apostol na si Pablo ang “mga Griego” at ang “mga Barbaro” sa Roma 1:14.—Tingnan ang BARBARO.
Gayunman, sa ilang kaso ay ginamit din ni Pablo ang terminong Helʹle·nes sa mas malawak na diwa. Partikular na kapag inihahambing sa mga Judio, tinukoy niya ang Helʹle·nes, o mga Griego, bilang kumakatawan sa lahat ng mga bayang di-Judio. (Ro 1:16; 2:6, 9, 10; 3:9; 10:12; 1Co 10:32; 12:13) Kaya naman sa 1 Corinto kabanata 1, maliwanag na ginamit ni Pablo ang “mga Griego” (tal 22) bilang pagtukoy sa “mga bansa” (tal 23). Tiyak na ito ay dahil sa pagiging prominente at sa pangingibabaw ng wika at kultura ng mga Griego sa buong Imperyo ng Roma. Sa diwa, ang mga Griego ang ‘nangunguna sa talaan’ ng mga bayang di-Judio. Hindi naman ito nangangahulugan na ginamit ni Pablo o ng ibang mga manunulat ng Kristiyanong Griegong Kasulatan ang Helʹle·nes sa isang napakaluwag na diwa anupat ang Helʹlen ay ginamit nila upang tumukoy lamang sa isang Gentil, gaya ng ipinahihiwatig ng ilang komentarista. Bilang katibayan na ang Helʹle·nes ay ginamit para sa isang partikular na bayan, sa Colosas 3:11 ay tinukoy ni Pablo ang “Griego” bilang naiiba sa “banyaga [barʹba·ros]” at sa “Scita.”
Kasuwato ng nabanggit, ang iskolar sa Griego na si Hans Windisch ay nagsabi: “Ang diwa ng ‘Gentil’ [para sa salitang Helʹlen] ay hindi mapatutunayan, . . . mula man sa Helenistikong Judaismo o sa B[agong] T[ipan].” (Theological Dictionary of the New Testament, inedit ni G. Kittel; tagapagsalin at patnugot, G. Bromiley, 1971, Tomo II, p. 516) Gayunman, naghaharap siya ng ilang katibayan na kung minsan ay ginagamit ng mga Griegong manunulat ang terminong Helʹlen para sa mga tao ng ibang lahi na tumanggap sa wika at kultura ng mga Griego—mga taong “Helenisado.” Sa gayon, kapag isinasaalang-alang ang mga pagtukoy ng Bibliya sa Helʹle·nes, o mga Griego, sa maraming kaso ay dapat isaisip na may posibilidad na hindi sila ipinanganak na Griego o lahing Griego.
Ang babaing “Griega” na Sirofenisa ang nasyonalidad at may anak na babae na pinagaling ni Jesus (Mar 7:26-30) ay malamang na lahing Griego. Ang ‘mga Griego na kasama ng mga umahon upang sumamba’ sa panahon ng Paskuwa at humiling na makausap si Jesus ay maliwanag na mga Griegong proselita sa relihiyong Judio. (Ju 12:20; pansinin ang makahulang pananalita ni Jesus sa talata 32 hinggil sa ‘paglalapit ng lahat ng uri ng tao sa kaniyang sarili.’) Ang ama ni Timoteo at si Tito ay kapuwa tinawag na Helʹlen. (Gaw 16:1, 3; Gal 2:3) Maaaring nangangahulugan ito na sila ay lahing Griego. Gayunman, dahilan sa diumano’y hilig ng ilang Griegong manunulat na gamitin ang Helʹle·nes upang tumukoy sa mga di-Griego na nagsasalita ng Griego at may kulturang Griego, at dahilan sa paggamit ni Pablo sa terminong iyon sa diwa ng pagiging kinatawan, may posibilidad din na ang mga taong ito ay mga Griego sa huling nabanggit na diwa. Gayunpaman, ang bagay na ang babaing Griega ay nasa Sirofenicia, o na ang ama ni Timoteo ay naninirahan sa Listra ng Asia Minor, o na waring nanirahan si Tito sa Antioquia ng Sirya, ay hindi nagpapatunay na hindi sila mga etnikong Griego o mga inapo ng mga Griego—yamang may mga dayuhang Griego na matatagpuan sa lahat ng rehiyong ito.
Nang sabihan ni Jesus ang isang pangkat na siya ay ‘paroroon sa kaniya na nagsugo sa kaniya’ at na Ju 7:32-36) Sa pananalitang “mga Judio na nakapangalat sa gitna ng mga Griego” ay maliwanag na gayon nga ang ibig nilang sabihin—hindi ang mga Judio na namamayan sa Babilonya kundi yaong mga nakapangalat sa malalayong Griegong lunsod at lupain sa gawing kanluran. Isinisiwalat ng mga ulat ng mga paglalakbay ni Pablo bilang misyonero na napakaraming dayuhang Judio sa gayong mga rehiyong Griego.
‘kung saan ako paroroon ay hindi kayo makaparoroon,’ sinabi ng mga Judio sa kani-kanilang sarili: “Saan ba binabalak ng taong ito na pumaroon, anupat hindi natin siya masusumpungan? Hindi niya binabalak na pumaroon sa mga Judio na nakapangalat sa gitna ng mga Griego at turuan ang mga Griego, hindi ba?” (Tiyak na mga taong lahing Griego ang tinutukoy sa Gawa 17:12 at 18:4, kung saan tinatalakay ang mga pangyayari sa mga Griegong lunsod ng Berea at Corinto. Maaaring totoo rin ito sa binanggit na “mga Griego” sa Tesalonica ng Macedonia (Gaw 17:4); sa Efeso sa kanluraning baybayin ng Asia Minor, na matagal nang kolonya ng mga Griego at dating kabisera ng Ionia (Gaw 19:10, 17; 20:21); at maging sa Iconio na nasa gitnang Asia Minor (Gaw 14:1). Bagaman ang kombinasyong “mga Judio at mga Griego” na lumilitaw sa ilan sa mga tekstong ito ay maaaring magpahiwatig na ginamit dito ni Lucas, tulad ni Pablo, ang terminong “mga Griego” upang kumatawan sa mga taong di-Judio sa pangkalahatan, ang totoo, batay sa heograpiya, Iconio lamang ang nasa labas ng nasasakupan ng mga Griego.
Mga Helenista. Sa aklat ng Mga Gawa, may isa pang termino na lumilitaw: Hel·le·ni·staiʹ (pang-isahan, Hel·le·ni·stesʹ). Ang terminong ito ay hindi matatagpuan sa panitikang Griego o sa Helenistikong panitikan ng mga Judio; kaya naman hindi lubusang matiyak ang kahulugan nito. Gayunman, naniniwala ang karamihan sa mga leksikograpo na tumutukoy ito sa “mga Judiong nagsasalita ng Griego” sa Gawa 6:1 at 9:29. Sa nauna sa dalawang teksto, ang Hel·le·ni·staiʹ ay ipinakikitang naiiba sa “mga Judiong nagsasalita ng Hebreo” (E·braiʹoi [tekstong Griego nina Westcott at Hort]). Noong araw ng Pentecostes, 33 C.E., naroroon ang mga Judio at mga proselita mula sa maraming lupain. Ang pagparoon sa lunsod ng marami sa gayong mga tao na nagsasalita ng Griego ay pinatutunayan ng “Theodotus Inscription” na natagpuan sa burol ng Opel sa Jerusalem. Iyon ay nakasulat sa Griego at nagsasabi: “Itinayo ni Theodotus na anak ni Vettenus, saserdote at pangulo ng sinagoga, anak ng isang pangulo ng sinagoga at apo ng isang pangulo ng sinagoga, ang sinagoga para sa pagbabasa ng Kautusan at pagtuturo ng mga Utos, at (itinayo niya) ang bahay-tuluyan at ang mga silid at ang mga imbakan ng tubig upang maglaan ng mga tuluyan para sa mga nanggagaling sa ibang bansa na nangangailangan ng mga iyon—(ang sinagoga) na itinatag ng kaniyang mga ninuno at ng matatanda at ni Simonides.” (Biblical Archaeology, ni G. Ernest Wright, 1962, p. 240) Iniuugnay ng ilan ang inskripsiyong ito sa “Sinagoga ng mga Pinalaya,” na ang mga miyembro ay kabilang sa mga may pananagutan sa pagkamatay ni Esteban bilang martir.—Gaw 6:9; tingnan ang TAONG PINALAYA, TAONG LAYA.
Gayunman, ang anyo ng Hel·le·ni·staiʹ na lumilitaw sa Gawa 11:20 may kaugnayan sa ilang residente ng Antioquia, Sirya, ay maaaring tumutukoy sa “mga taong nagsasalita ng Griego” sa pangkalahatan, sa halip na sa mga Judiong nagsasalita ng Griego. Ipinahihiwatig ito ng pagkabanggit na, bago dumating ang mga Kristiyano ng Cirene at Ciprus, ang pangangaral ng salita sa Antioquia ay nilimitahan “lamang sa mga Judio.” (Gaw 11:19) Kaya ang Hel·le·ni·staiʹ na binanggit doon ay maaaring tumutukoy sa mga tao ng iba’t ibang nasyonalidad na naging Helenisado, anupat gumagamit ng wikang Griego (at marahil ay namumuhay ayon sa kaugaliang Griego).—Tingnan ang ANTIOQUIA Blg. 1; CIRENE, TAGA-CIRENE.
Dumalaw ang apostol na si Pablo sa Macedonia at Gresya noong kaniyang ikalawa at ikatlong paglalakbay bilang misyonero. (Gaw 16:11–18:11; 20:1-6) Gumugol siya ng panahon sa pagmiministeryo sa mahahalagang Macedoniong lunsod ng Filipos, Tesalonica, at Berea at sa mga pangunahing lunsod ng Acaya na Atenas at Corinto. (Gaw 16:11, 12; 17:1-4, 10-12, 15; 18:1, 8) Gumugol siya ng isang taon at kalahati sa pagmiministeryo sa Corinto noong kaniyang ikalawang paglalakbay (Gaw 18:11), anupat noong panahong iyon ay isinulat niya ang dalawang liham sa mga taga-Tesalonica at posibleng ang liham sa mga taga-Galacia. Sa kaniyang ikatlong paglalakbay ay isinulat niya mula sa Corinto ang kaniyang liham sa mga taga-Roma. Pagkatapos ng kaniyang unang pagkabilanggo sa Roma, maliwanag na muling dumalaw si Pablo sa Macedonia, sa pagitan ng 61 at 64 C.E., at malamang na doon niya isinulat ang kaniyang unang liham kay Timoteo at posibleng ang kaniyang liham kay Tito.
Sa unang mga siglo ng Karaniwang Panahon, ang kulturang Griego ay patuloy na nakaimpluwensiya sa Imperyo ng Roma, at napanatili ng Gresya ang intelektuwal na mga tagumpay nito, anupat nasa Atenas ang isa sa mga pangunahing unibersidad sa Imperyo ng Roma. Sinikap ni Constantino na ihalo sa Kristiyanismo ang ilang paganong gawain at turo, at dahil sa kaniya, ang gayong pinaghalong relihiyon ang naging opisyal na relihiyon ng imperyo.
Kaya naman ang Gresya ay naging bahagi ng Sangkakristiyanuhan.Sa ngayon, ang Gresya ay may lupain na mga 131,957 km kuwadrado (50,949 na mi kuwadrado) at populasyon na 10,750,000 (noong 2000).
[Larawan sa pahina 850]
Si Zeus. Ang mga diyos ng mga Griego ay anyong tao at kadalasa’y inilalarawan na napakaimoral