Pumunta sa nilalaman

Pumunta sa talaan ng mga nilalaman

Hayop, Makasagisag na mga

Hayop, Makasagisag na mga

Mula pa noong unang panahon, inoobserbahan na ng mga tao ang mga katangian at ugali ng mga hayop at sa makasagisag na paraan ay ikinakapit nila ang mga ito sa mga indibiduwal, mga grupo ng mga tao, mga pamahalaan, at mga organisasyon. Madalas gamitin sa Bibliya ang epektibong paraang ito ng pagsasalarawan. Nakatala sa kalakip na mga tsart ang mga halimbawa ng makasagisag na paggamit ng mga katangian na likas, o kaya’y mababanaag, sa isang hayop.

Mga Hayop Bilang Sagisag ng mga Pamahalaan. Tuwirang binabanggit sa rekord ng Bibliya ang ilang malalaking kapangyarihang pandaigdig sa kasaysayan, at ang lahat ng ito, gayundin ang iba pang mga bansa, ay gumamit ng mga hayop bilang sagisag ng kanilang pamahalaan. Naging prominenteng simbolo sa Ehipto ang serpiyente, anupat makikita sa putong ng mga Paraon ang uraeus, o ang sagradong aspid. Gayunman, gaya ng Asirya, naging sagisag din ng Ehipto ang toro. Ginamit naman ng Medo-Persia ang agila (makikita sa mga kalasag ng mga Medo ang wangis ng golden eagle; nakakabit sa dulo ng sibat ng mga Persiano ang isang sagisag ng agila). Ang Atenas ay inilarawan ng kuwago; ang Roma, ng agila; ang Gran Britanya ay inilalarawan naman ng leon; ang Estados Unidos, ng agila. Ang naging simbolo naman ng Tsina mula pa noong sinaunang panahon ay ang dragon.

Ang Mababangis na Hayop ng Daniel at ng Apocalipsis. Maliwanag na ang mga hayop na inilarawan sa mga aklat na ito ay kumakatawan sa pulitikal na mga kaharian o mga pamahalaan, na humahawak ng pamamahala at awtoridad. (Dan 7:6, 12, 23; 8:20-22; Apo 16:10; 17:3, 9-12) Isinisiwalat ng pagsusuri sa mga talata ng Bibliya na, bagaman ang pulitikal na ‘mababangis na hayop’ ay may iba’t ibang makasagisag na anyo, ang lahat ng ito ay magkakatulad sa ilang katangian. Ang lahat ay ipinakikitang sumasalansang sa pamamahala ng Diyos sa sangkatauhan sa pamamagitan ng Mesiyanikong Kaharian. Inilalarawan din ang mga ito bilang sumasalansang sa “mga banal” ng Diyos, ang kaniyang katipang bayan, una’y ang bansang Judio, nang maglaon ay ang kongregasyong Kristiyano. Ang ‘mababangis na hayop’ na espesipikong tinukoy (Medo-Persia at Gresya) ay malalaking kapangyarihang pandaigdig, at ipinakikita ng paglalarawan sa laki ng iba pang mga hayop o sa mga pagkilos ng mga iyon na hindi rin maliliit na kaharian ang mga iyon. (Mapapansin na sa ilang kaso, ang nakabababang mga kaharian ay isinasagisag ng mga sungay.) Ang lahat ng mga hayop ay inilalarawan bilang napakaagresibo, anupat nagsisikap na pangibabawan ang mga bansa o mga bayan na masasaklaw ng kanilang kapangyarihan.​—Ihambing ang Dan 7:17, 18, 21; 8:9-11, 23, 24; Apo 13:4-7, 15; 17:12-14.

Nais palitawin ng maraming komentarista na ang katuparan ng mga pangitain sa aklat ng Daniel tungkol sa mga hayop ay hindi lalampas sa panahong naririto pa si Jesu-Kristo sa lupa, noong ang Imperyo ng Roma ang nangingibabaw na kapangyarihan. Gayunman, nililinaw ng mismong mga hula na ang katuparan ng mga ito ay lampas pa sa panahong iyon. Ang panghuling mga anyo ng mga hayop ay ipinakikitang magpapatuloy hanggang sa ‘pagsapit ng tiyak na panahon upang ariin ng mga banal ng Diyos ang kaharian’ sa “takdang panahon ng kawakasan.” Pagkatapos nito ay permanenteng susugpuin ng Mesiyas ang gayong makahayop na pagsalansang. (Dan 7:21-27; 8:19-25; ihambing din ang Apo 17:13, 14; 19:19, 20.) Mapapansin na tuwirang inihula ni Kristo Jesus na ang pagsalansang sa Mesiyanikong Kaharian ay magpapatuloy hanggang sa panahon ng kawakasan, anupat ang kaniyang mga alagad na nangangaral sa panahong iyon tungkol sa Kaharian ay magiging “mga tudlaan ng pagkapoot ng lahat ng mga bansa.” (Mat 24:3, 9-14) Kung gayon, maliwanag na ang alinmang bansa, partikular na ang mga kapangyarihang pandaigdig, ay posibleng katawanin ng panghuling mga anyo ng makasagisag na mababangis na hayop.

Ang pangitain ni Daniel tungkol sa mga hayop na mula sa dagat. Nang matapos na ng Ehipto at Asirya ang kani-kanilang yugto ng pangingibabaw, at noong malapit nang magwakas ang Imperyo ng Babilonya, binigyan ng Diyos na Jehova si Daniel ng isang pangitain tungkol sa “apat na ubod-laking hayop” na umaahon mula sa malawak na dagat. (Dan 7:1-3) Sa Isaias 57:20, inihalintulad sa dagat ang mga taong hiwalay sa Diyos, anupat sinabi: “Ngunit ang mga balakyot ay gaya ng dagat na umaalimbukay, kapag hindi ito humuhupa, na ang tubig nito ay patuloy na nag-aalimbukay ng damong-dagat at lusak.”​—Tingnan din ang Apo 17:15.

Ang pangitaing ito ay karaniwang iniuugnay ng mga komentarista sa Bibliya sa pagkalaki-laking imahen na nasa ikalawang kabanata ng Daniel. Makakakita tayo ng malinaw na mga pagkakatulad kung paghahambingin natin ang mga kabanata 2 at 7. Ang pagkalaki-laking imahen ay may apat na pangunahing bahagi o seksiyon, na katugma naman ng apat na hayop. Ang una sa mga metal na bumubuo sa imahen ay ang pinakamahalaga, ang ginto, na sinundan ng mas mabababang uri ng metal, samantalang ang mga hayop ay nagsimula sa maringal na leon. Sa dalawang pangitain, ang ikaapat na bahagi, o “kaharian,” ay pinagtuunan ng pantanging pansin, kinakitaan ng pinakamasalimuot na anyo at bagong mga sangkap o bahagi, at patuloy na umiral hanggang sa panahong lapatan ito ng kahatulan ng Diyos dahil sa pagsalansang sa Kaniyang pamamahala.

Sa maikli, ang apat na hayop ay: ang leon, na sa simula’y may mga pakpak ng agila, ngunit nawala ang mga iyon at nagkaroon ito ng mga katangian ng tao; ang oso (isang hayop na di-gaanong maringal at maliksi kung ihahambing sa leon), na lumalamon ng maraming laman; ang leopardo na may apat na pakpak (na lalo pang nagpapabilis dito) at apat na ulo; at ang pang-apat na mabangis na hayop na walang kawangis na tunay na hayop, anupat di-pangkaraniwan ang lakas nito at mayroon itong malalaking ngiping bakal, sampung sungay, at isa pang sungay na may mga mata at isang “bibig na nagsasalita ng mararangyang bagay.” Ang kalakhang bahagi ng kabanata ay tungkol sa ikaapat na hayop at sa di-pangkaraniwang sungay nito. Bagaman “kakaiba” ang bawat hayop, ang ikaapat na hayop ang pinakakakaiba sa lahat.​—Dan 7:3-8, 11, 12, 15-26.

Noong pagtatapos ng ikapitong siglo B.C.E., ang Babilonya ang kapangyarihang nangibabaw sa Gitnang Silangan. Mabilis na sinakop ng kaharian ng Babilonya ang Sirya at Palestina, at pinabagsak nito ang kaharian ng Juda kasama ang linya ng Davidikong mga tagapamahala niyaon na nakaupo sa maluwalhating trono ni Jehova sa Jerusalem. (1Cr 29:23) Mapapansin na nang babalaan ng propetang si Jeremias ang Juda tungkol sa nalalapit na pagbagsak nito sa kamay ng Babilonya, inihalintulad niya ang manlulupig nito sa ‘isang leon na umaahon mula sa palumpungan.’ (Jer 4:5-7; ihambing ang 50:17.) Matapos bumagsak ang Jerusalem, sinabi ni Jeremias na ang mga hukbo ng Babilonya ay “mas matulin pa kaysa sa mga agila” sa pagtugis sa mga Judeano. (Pan 4:19) Ipinakikita ng kasaysayan na ang pagpapalawak ng Babilonya, na may panahon pa nga na umabot sa Ehipto, ay nahinto sa di-kalaunan, at noong huling yugto ng imperyo, ang mga tagapamahala ng Babilonya ay hindi na gaanong agresibo na gaya ng dati.

Bumagsak ang Babilonya sa kamay ng kaharian ng Medo-Persia, na nakasentro sa mga burol sa dakong silangan ng kapatagan ng Mesopotamia. Ibang-iba ang Imperyo ng Medo-Persia sa Semitikong Imperyo ng Babilonya, yamang ito ang unang kapangyarihang Japetiko (o Aryano) na nangibabaw sa Gitnang Silangan. Bagaman ang mga Judio ay pinahintulutang bumalik sa Juda, nanatili silang isang sakop na bayan sa ilalim ng pamatok ng Medo-Persia. (Ne 9:36, 37) Palibhasa’y mas sakim sa teritoryo kaysa sa Babilonya, pinalawak ng imperyong ito ang kaniyang nasasakupan mula sa “India hanggang sa Etiopia.”​—Es 1:1.

Ang pangingibabaw ng Medo-Persia ay winakasan ng mabilis na pananakop ng mga hukbong Griego sa pangunguna ni Alejandrong Dakila. Sa loob lamang ng ilang taon, nakapagtayo siya ng isang imperyo na sumaklaw sa mga bahagi ng Europa, Asia, at Aprika. Ito ang unang kapangyarihang nakasentro sa Europa na humawak ng gayong posisyon. Pagkamatay ni Alejandro, pinag-agawan ng kaniyang mga heneral ang pamumuno sa imperyo, hanggang nang bandang huli ay nakuha ng apat sa kanila ang pamamahala sa iba’t ibang seksiyon. Ang Palestina ay pinag-agawan ng magkaribal na kahariang Seleucido at Ptolemaiko.

Nang maglaon, ang Imperyo ng Gresya ay lubusang nasakop ng Roma. Nahigitan ng Imperyo ng Roma ang lahat ng naunang mga imperyo hindi lamang sa lawak ng nasasakupan nito (na sumaklaw sa buong lugar ng Mediteraneo at nang dakong huli ay umabot sa British Isles) kundi pati sa kahusayan ng puwersang militar nito at sa kahigpitan nito sa pagpapatupad ng batas Romano sa mga probinsiya ng malawak na imperyo nito. Sabihin pa, ang Roma ang pulitikal na instrumentong ginamit sa pagpatay sa Mesiyas, si Kristo Jesus, at gayundin sa pag-uusig sa sinaunang kongregasyong Kristiyano. Pagkatapos, tumagal pa ang imperyo nang halos isang libong taon sa iba’t ibang anyo ngunit nang maglaon ay nahati-hati ito sa maraming bansa, hanggang nang dakong huli ay nangibabaw ang Britanya.

Ganito ang kapansin-pansing obserbasyon ng istoryador na si H. G. Wells tungkol sa kung bakit natatangi ang Imperyo ng Roma: “Ang bagong Romanong kapangyarihang ito na bumangon upang mangibabaw sa kanluraning daigdig noong ikalawa at unang siglo B.C. ay naiiba sa ilang kaparaanan mula sa mga nagdaang malalaking imperyo na nanaig sa sibilisadong daigdig. Sa pasimula ay hindi ito monarkiya, at hindi ito itinatag ng iisang dakilang manlulupig. . . . Ito ang unang republikanong imperyo na hindi naglaho kundi nagpabagu-bago ng anyo. . . . Kaunti lamang ang populasyon nitong Hamita at Semita kung ihahambing sa mga naunang imperyo. . . . Noong panahong iyon ay isa itong bagong kalakaran sa kasaysayan, isa itong pinalawak na republikang Aryano. . . . Palagi itong nagbabago. Hindi ito kailanman naging permanente. Masasabing nabigo ang eksperimento [sa pamamahala]. Masasabi ring hindi pa tapos ang eksperimento, at hanggang sa ngayon ay sinisikap pa ring lutasin ng Europa at Amerika ang mga suliranin ng pandaigdig na pamamahala na unang napaharap sa mga Romano.”​—The Pocket History of the World, 1943, p. 149-151.

Ang barakong tupa at ang lalaking kambing. Sa pangitaing ibinigay kay Daniel pagkaraan ng dalawang taon (Dan 8:1), malinaw na tinukoy ang mga kapangyarihang kinatawanan ng dalawang makasagisag na hayop. Inilarawan doon ang kaharian ng Medo-Persia bilang isang lalaking tupa (barakong tupa) na may dalawang sungay, anupat ang mas mataas na sungay ang huling tumubo. Ipinakikita ng kasaysayan na sa pasimula ay mas malakas ang mga Medo, at nang maglaon ay nangibabaw ang mga Persiano, bagaman nanatiling nagkakaisa ang dalawang bayang ito bilang tambalang kapangyarihan. Isang kambing na lalaki naman, na humahayo nang napakabilis sa ibabaw ng lupa, ang sumagisag sa kapangyarihang pandaigdig ng Gresya. (Dan 8:3-8, 20, 21) Ipinakikita ng makahulang pangitain na ang “malaking sungay” ng kambing sa pagitan ng mga mata nito, kumakatawan sa unang hari, ay nabali “nang lumakas ito,” at apat na kaharian ang humalili, bagaman hindi kasinlakas ng nauna. (Dan 8:5, 8, 21, 22) Natalakay na natin na mabilis na nasakop ni Alejandro ang Imperyo ng Medo-Persia at na pinaghati-hatian ng apat sa kaniyang mga heneral ang kaharian niya.

Mapapansin na sa iba’t ibang hula, ang isang bansa o ang mga tagapamahala nito ay maaaring katawanin ng iba’t ibang sagisag na hayop. Halimbawa, sa Jeremias 50:17 ay kinatawanan ng mga leon ang mga hari ng Asirya at Babilonya, samantalang sa Ezekiel 17:3-17 ay isinagisag ng malalaking agila ang mga tagapamahala ng Babilonya at Ehipto. Sa ibang mga talata, inihalintulad ni Ezekiel ang Paraon ng Ehipto sa isang “malaking dambuhalang hayop-dagat” na nakahiga sa mga kanal ng Nilo. (Eze 29:3) Samakatuwid, bagaman gumamit ang Daniel kabanata 8 ng partikular na mga sagisag upang lumarawan sa Medo-Persia at Gresya, hindi ito nangangahulugan na hindi na maaaring katawanin ang mga iyon ng iba pang mga sagisag sa mas naunang pangitain (Dan 7) at sa kasunod pang mga hula.

Ang mabangis na hayop na may pitong ulo na mula sa dagat. Sa pangitain ng apostol na si Juan na nakatala sa Apocalipsis 13, isang mabangis na hayop na may pitong ulo at sampung sungay ang umahon mula sa dagat; ito ay tulad ng leopardo, ngunit may mga paa ng oso at bibig ng leon. Sa gayon ay pinagsama-sama sa anyo nito ang ilan sa mga sagisag na lumitaw sa pangitain ni Daniel tungkol sa apat na hayop. Ang dragon, na ipinakikilala sa Apocalipsis 12:9 bilang si Satanas na Diyablo, ang nagbigay sa hayop ng awtoridad at kapangyarihan. (Apo 13:1, 2) Yamang ang hayop na ito ay may pitong ulo (na may sampung sungay), naiiba ito sa mga hayop na may tig-iisang ulo sa pangitain ni Daniel. Ang pito (at sampu) ay karaniwang kinikilala bilang mga sagisag sa Bibliya para sa pagiging ganap. (Tingnan ang BILANG, NUMERO.) Pinatutunayan ito ng lawak ng nasasakupan ng hayop, sapagkat may awtoridad ito, hindi lamang sa isang bansa o isang grupo ng mga bansa, kundi “sa bawat tribo at bayan at wika at bansa.” (Apo 13:7, 8; ihambing ang 16:13, 14.) Hinggil sa mga salik na ito, ang The Interpreter’s Dictionary of the Bible ay nagkomento: “Ang una sa mga hayop na ito [ng Apo 13] ay kombinasyon ng mga katangian ng apat na hayop sa pangitain ni Daniel . . . Kaya nga, ang unang hayop na ito ay kumakatawan sa pinagsama-samang mga puwersa ng lahat ng pulitikal na pamamahala sa daigdig na salansang sa Diyos.”​—Inedit ni G. Buttrick, 1962, Tomo 1, p. 369.

Hayop na may dalawang sungay. Pagkatapos ay nakakita si Juan ng isang hayop na umahon mula sa lupa at may dalawang sungay na tulad ng sa maamong kordero, gayunma’y nagsasalita itong gaya ng dragon at ginagamit nito ang lahat ng awtoridad ng unang mabangis na hayop, na inilarawan bago nito. Iniutos nito ang paggawa ng isang larawan ng hayop na may pitong ulo at may kapamahalaan sa buong daigdig, anupat pinipilit ang lahat ng tao na tanggapin ang “marka” niyaon.​—Apo 13:11-17.

Maaalaala natin na ang barakong tupa na may dalawang sungay sa Daniel kabanata 8 ay kumatawan sa isang tambalang kapangyarihan, ang Medo-Persia. Sabihin pa, matagal nang naglaho ang kapangyarihang iyon noong mga araw ng apostol na si Juan, at ang pangitain niya ay tungkol sa mga bagay na sa hinaharap pa lamang magaganap. (Apo 1:1) May iba pang mga tambalang kapangyarihan na umiral mula noong mga araw ni Juan, ngunit sa lahat ng mga ito ay partikular na natatangi at nagtatagal ang ugnayan ng Britanya at Estados Unidos.

Ang isa pang kapansin-pansing katangian ng hayop na may dalawang sungay, ang pagsasalita nitong gaya ng isang dragon, ay nagpapaalaala tungkol sa “bibig na nagsasalita ng mararangyang bagay” na taglay ng kakaibang sungay ng ikaapat na hayop ng Daniel 7 (tal 8, 20-26); samantalang ang ‘pagliligaw’ naman nito sa mga tumatahan sa lupa ay katulad ng panlilinlang ng ‘mabangis na hari’ na inilarawan sa Daniel 8:23-25.​—Apo 13:11, 14.

Ang kulay-iskarlatang mabangis na hayop. Sa Apocalipsis 17, itinala ng apostol ang kaniyang pangitain tungkol sa isang kulay-iskarlatang hayop na may pitong ulo at sampung sungay, kung saan nakasakay ang makasagisag na babaing “Babilonyang Dakila.” Sa gayon, ang hayop na ito ay kahawig, o nagsilbing larawan, ng unang hayop ng Apocalipsis 13 ngunit naiiba dahil ito’y kulay-iskarlata at walang mga korona sa sampung sungay nito. Nang makita ni Juan ang hayop, sinabi sa kaniya na ang lima sa pitong hari na kinakatawanan ng pitong ulo ay bumagsak na, samantalang ang isa ay umiiral noong panahong iyon, at ang ikapito ay hindi pa dumarating. Ang kulay-iskarlatang hayop mismo ay ikawalong hari ngunit nagmula sa pitong nauna. Ang “sampung hari” na kinakatawanan ng sampung sungay ay iiral at hahawak ng awtoridad kasama ng hayop na iskarlata sa sandaling panahon. Makikipagdigma sila sa Kordero, si Jesu-Kristo, at sa kaniyang mga kasama, ngunit matatalo sila.​—Apo 17:3-5, 9-14.

Ikinakapit ng ilang iskolar ang pangitaing ito sa paganong Roma, at ang pitong ulo naman sa pitong emperador ng Roma, na sinundan ng ikawalong emperador. Gayunman, hindi sila magkasundo kung sinu-sinong emperador ang dapat isama. Sa Bibliya, tatlong Romanong emperador lamang ang tinukoy sa kanilang pangalan, anupat ang ikaapat (si Nero) ay binanggit sa titulong “Cesar.” Ipinapalagay naman ng ibang mga iskolar na ang “mga ulo” o “mga hari” ay kumakatawan sa mga kapangyarihang pandaigdig, gaya sa aklat ng Daniel. Kapansin-pansin na bumanggit ang Bibliya ng limang kapangyarihang pandaigdig sa Hebreong Kasulatan, samakatuwid nga, ang Ehipto, Asirya, Babilonya, Medo-Persia, at Gresya, samantalang binanggit naman sa Griegong Kasulatan ang ikaanim, ang Roma, na namamahala noong mga araw ni Juan. Ang ikapitong ‘hari’ ay hindi pinangalanan, at makatuwiran lamang iyon sapagkat hindi pa ito lumilitaw noong panahong isulat ni Juan ang Apocalipsis. Ang ikawalong hari, ang makasagisag na hayop na iskarlata, ay waring kombinasyon ng pitong ulong iyon at nagmula rin sa mga iyon.

[Tsart sa pahina 920]

MGA SAGISAG NG MGA BAGAY NA KANAIS-NAIS

HAYOP

UGALI O KATANGIAN

ISINASAGISAG

Agila

Malayong pananaw

Karunungan, katangian ng “nilalang na buháy” na malapit sa trono ni Jehova (Apo 4:7)

Kaunawaan, malayong espirituwal na pananaw ng mga lingkod ng Diyos (Mat 24:28; Luc 17:37)

Agila, mga pakpak ng

Kakayahang lumipad

Nananariwang sigla, pagbabata (Aw 103:5; Isa 40:31)

Pangangalaga, proteksiyon

Pangangalaga ni Jehova sa Israel (Exo 19:4) at sa kaniyang “babae” (Apo 12:14)

Asno

Nakagagawa ng mabigat na trabaho

Tribo ni Isacar na handang magpagal (Gen 49:​14, 15)

Gasela (at mga kauri nito)

Maganda, kaibig-ibig

Pastol na mangingibig ng Shulamita (Sol 2:9)

Mabilis

Bilis ng mga Gaditang mandirigma (1Cr 12:8)

Isda

Malinis ang ilang isda ayon sa Kautusan (Lev 11:9)

Mga taong mabuti, matuwid, karapat-dapat sa Kaharian (Mat 13:47-50)

Kabayo (puti)

Sasakyan sa digmaan

Matuwid na pakikidigma (Apo 19:​11, 16)

Kalapati (batu-bato)

Kaibig-ibig, maganda, walang-muwang

Babaing Shulamita (Sol 1:15; 5:2)

Mga lingkod ng Diyos na walang-muwang, hindi manlalabag-batas (Mat 10:16)

Nakauuwi sa bahay nito

Pagtitipon sa bayan ni Jehova (Isa 60:8)

Kambing

Haing hayop

Si Jesu-Kristo bilang hain (Heb 9:​11-14)

Leon

Karingalan, lakas ng loob, pagiging mapamuksa sa mga kaaway

Katarungan, katangian ng “nilalang na buháy” na malapit sa trono ni Jehova (Apo 4:7)

Si Jesus bilang maringal na Hari, tagapaglapat ng katarungan (Gen 49:9; Apo 5:5)

Si Jehova (Isa 31:4; Os 11:10)

Bayan ni Jehova (Mik 5:8)

Lobo

Lumalaban

Tribo ni Benjamin, nakipaglaban sa mga kaaway ng Diyos (Gen 49:27)

Manok (inahin)

Nagsasanggalang sa sisiw nito

Magiliw na pangangalaga ni Jesus (Mat 23:37; Luc 13:34)

May-sungay na ahas (serpiyente)

Mapanganib

Tribo ni Dan, may-kakayahang bantay ng Israel sa likuran (Gen 49:17)

Serpiyente

Maingat (Gen 3:1)

Mga lingkod ng Diyos ay maingat (Mat 10:16)

Toro

Lakas, kapangyarihan (Job 39:9-11)

Kapangyarihan, katangian ng “nilalang na buháy” na malapit sa trono ni Jehova (Apo 4:7)

Toro (guya)

Haing hayop

Bunga ng mga labi, mga hain ng papuri (Os 14:2; Heb 13:15)

Si Jesu-Kristo bilang hain (Heb 9:​11-14)

Tupa

Haing hayop; maamo, masunurin, laging magkakasama

Si Jesu-Kristo, “ang Kordero ng Diyos” (Ju 1:29; Apo 5:6; 14:1; 22:3)

Kawan ng bayan ni Jehova (Aw 79:13; Ju 10:7; Heb 13:20)

Mga taong gumagawa ng mabuti sa espirituwal na mga kapatid ni Kristo, at magtatamo ng mga pagpapala ng Kaharian (Mat 25:32-34)

Usa (babae)

Matulin

Tribo ni Neptali na matulin sa pagbabaka (Gen 49:21)

Matatag na mga paa

Pagpapatatag at pagpatnubay ni Jehova sa mga hakbang ng isa (2Sa 22:34; Aw 18:33)

Kaibig-ibig

Asawang babae (Kaw 5:19)

[Tsart sa pahina 921, 922]

MGA SAGISAG NG MGA BAGAY NA MASAMA AT DI-KANAIS-NAIS

HAYOP

UGALI O KATANGIAN

ISINASAGISAG

Mga hayop sa pangkalahatan

Walang kakayahang mangatuwiran

Mga taong balakyot (2Pe 2:12; Jud 10)

Agila

Ganid, naninila

Mga hari ng Babilonya at Ehipto (Eze 17:​3, 7, 12, 15)

Asno

Malakas na seksuwal na pagnanasa

Walang-pananampalatayang Juda na bumaling sa Asirya at Ehipto (Eze 23:20)

Aso

Mabangis, marumi, naninila nang pangkat-pangkat, walang-kasiyahang seksuwal na pagnanasa

Balakyot na mga kaaway ni David (Aw 22:16; 59:​6, 14)

Manggagawa ng kalisyaan sa sekso (Deu 23:18; Fil 3:2; Apo 22:15)

Walang-kabuluhang tao (2Sa 16:9)

Balakyot na mga pastol ng Israel (Isa 56:​10, 11)

Pangmalas ng sinaunang mga Judio sa di-tuling Gentil (Mat 15:​26, 27)

Mga apostata (2Pe 2:22)

Baboy (babae)

Karumihan

Mga apostata (2Pe 2:22)

Dragon

Nanlalamon, nandudurog, nanlululon

Satanas na Diyablo (Apo 12:9)

Hari ng Babilonya (Jer 51:34, tlb sa Rbi8 )

Isda

Marumi ang ilang isda ayon sa Kautusan (Lev 11:10-12)

Mga taong balakyot, di-karapat-dapat sa Kaharian (Mat 13:47-50)

Kabayo

Kapaki-pakinabang sa pagbabaka (Job 39:19-25)

Pakikidigma, hayop na pandigma (Aw 33:17; 147:10; Isa 31:1; Jer 4:13)

Malakas na seksuwal na pagnanasa

Mga Israelitang haling sa sekso noong panahon ni Jeremias (Jer 5:8)

Kalapati

Madaling magambala, di-matatag, mangmang

Sampung-tribong kaharian ng Israel (Os 7:11)

Kambing

Sutil, mapagsarili, may tendensiyang manuwag

Mga taong hindi naging mabuti sa espirituwal na mga kapatid ni Kristo, mga “isinumpa” para sa pagkapuksa (Mat 25:​32, 41, 46)

Kapangyarihang Pandaigdig ng Gresya (Dan 8:​5, 21)

Kamelyo (babae)

Walang-patutunguhang paghahanap ng kasiyahan sa sekso

Di-tapat na Israel na sumunod sa mga bansang pagano at sa mga diyos ng mga ito (Jer 2:23)

Leon

Mabangis, ganid, naninila

Balakyot na mga kaaway ni David (Aw 22:13)

Kapangyarihang Pandaigdig ng Babilonya (Dan 7:4)

Mga hari ng Asirya at Babilonya (Jer 50:17)

Diyablo (1Pe 5:8)

Leopardo

Bilis

Bilis ng pananakop ng mga Caldeo (Hab 1:8)

Kapangyarihang Pandaigdig ng Gresya (Dan 7:6)

Lobo

Mabangis, ganid, mabalasik, tuso

Mga bulaang propeta (Mat 7:15)

Balakyot, bulaang mga Kristiyano; mga bulaang guro (Gaw 20:29)

Balakyot na mga tao sa sanlibutan (Mat 10:16)

Oso

Mabangis

Balakyot na mga tagapamahala (Kaw 28:15)

Kapangyarihang Pandaigdig ng Medo-Persia (Dan 7:5)

Sebra (babae)

Naghahangad ng kasiyahan sa sekso kahit kanino

Ang di-tapat na Israel na sumunod sa mga bansang pagano at sa mga diyos ng mga ito (Jer 2:24)

Serpiyente

Tuso, mapanlinlang (2Co 11:3)

Satanas na Diyablo (Apo 12:9)

Sorra

Katusuhan

Mapanlinlang na si Haring Herodes Antipas (Luc 13:32)

Toro

Mabangis

Balakyot na mga kaaway ni David (Aw 22:12)

Tupa (lalaki)

Nanunuwag

Kapangyarihang Pandaigdig ng Medo-Persia (Dan 8:​3, 4, 20)

Uod

Hamak, mahina, walang-halaga

Israel (Jacob) na bansa ng Diyos, mahina sa ganang sarili, malakas dahil sa kapangyarihan ni Jehova (Isa 41:13-15)