Hungko, Halamang
[sa Heb., ʼagh·mohnʹ; sa Ingles, rush].
Anumang uri ng mga halamang tulad-damo na karaniwang tumutubo sa mga latian. Ang mga tunay na hungko ay may mga tangkay na bilog, kadalasan ay hungkag anupat may tatlong hilera ng mga dahong tulad-damo, at mga bulaklak na maliit at kayumanggi o maberde-berde. Maaaring kabilang sa katawagang ʼagh·mohnʹ ang iba’t ibang uri ng mga tunay na hungko pati na ang mga halamang tulad-hungko na mula sa pamilya ng mga sedge.
Noong sinauna, ang mga hungko ay ginagamit sa pagpapaliyab ng apoy sa pugon. (Job 41:20) Sa Job 41:2, maaaring ang “halamang hungko” ay tumutukoy sa isang panaling yari sa pinilipit na mga hungko o inikid na mga hibla nito.
Ang ibang mga pagtukoy ng Kasulatan sa ʼagh·mohnʹ ay makatalinghaga. Hindi nalugod si Jehova sa pag-aayuno ng suwail na Israel, na nilakipan ng pagyuyukod ng kanilang mga ulo sa seremonyal na paraan gaya ng halamang hungko. (Isa 58:5) Sa Isaias 9:14, waring ang “halamang hungko” ay tumutukoy sa mga bulaang propeta (ang “buntot”) na nagsasalita lamang ng nais marinig ng mga lider ng bansang Israel (ang “ulo,” o “supang”).—Isa 9:15; tingnan din ang 19:15, kung saan ang “hungko” ay waring tumutukoy sa mga Ehipsiyo sa pangkalahatan.