Insenso
Isang substansiyang binubuo ng mga aromatikong sahing at mga balsamo na dahan-dahang nasusunog at naglalabas ng mabangong amoy. Ang mga salitang Hebreo na qetoʹreth at qetoh·rahʹ ay nagmula sa salitang-ugat na qa·tarʹ na nangangahulugang “gumawa ng haing usok.” Ang katumbas nito sa Kristiyanong Griegong Kasulatan ay thy·miʹa·ma.
Ang sagradong insenso na iniutos na gamitin sa tabernakulo sa ilang ay gawa sa mamahaling materyales na iniabuloy ng kongregasyon. (Exo 25:1, 2, 6; 35:4, 5, 8, 27-29) Nang ibigay ni Jehova ang banal na pormula para sa timpladang ito na binubuo ng apat na sangkap, sinabi niya kay Moises: “Kumuha ka ng mga pabango: mga patak na estacte at onica at mabangong galbano at dalisay na olibano. Dapat na magkaroon ng pare-parehong dami ng bawat isa. At iyon ay gagawin mong insenso, na pinaghalu-halong mga espesya, na gawa ng isang manggagawa ng ungguento, inasnan, dalisay, banal. At didikdikin mo ang iba niyaon hanggang sa maging pinong pulbos at ilalagay mo ang iba niyaon sa harap ng Patotoo sa tolda ng kapisanan, kung saan ako makikipagtagpo sa iyo. Iyon ay magiging kabanal-banalan sa inyo.” Pagkatapos, upang idiin sa kanila na eksklusibo at banal ang insensong ito, sinabi pa ni Jehova: “Ang sinumang gagawa ng anumang tulad nito upang langhapin ang amoy nito ay lilipulin mula sa kaniyang bayan.”—Exo 30:34-38; 37:29.
Nang maglaon, ang rabinikong mga Judio ay nagdagdag ng ibang mga sangkap sa insenso ng templo, anupat sinabi ni Josephus na binubuo iyon ng 13 mababangong espesya. (The Jewish War, V, 218 [v, 5]) Ayon kay Maimonides, ang ilan sa dagdag na mga sangkap na ito ay ang amber, kasia, kanela, mira, safron, at nardo.
Ang “altar ng insenso” ay nasa K dulo ng Banal na silid ng tabernakulo, katabi ng kurtinang partisyon sa pagitan ng Banal at ng Kabanal-banalan. (Exo 30:1; 37:25; 40:5, 26, 27) Mayroon ding altar ng insenso na katulad nito sa templo ni Solomon. (1Cr 28:18; 2Cr 2:4) Sa ibabaw ng mga altar na ito ay may sinusunog na sagradong insenso tuwing umaga at gabi. (Exo 30:7, 8; 2Cr 13:11) Minsan sa isang taon, tuwing Araw ng Pagbabayad-Sala, ang mataas na saserdote ay kumukuha ng nagniningas na mga baga mula sa altar sa pamamagitan ng isang insensaryo, o lalagyan ng apoy, at ipinapasok niya ito, kasama ng dalawang dakot na insenso, sa Kabanal-banalan, kung saan pinauusok ang insenso sa harap ng luklukan ng awa ng kaban ng patotoo.—Lev 16:12, 13.
Noong una, ang mataas na saserdoteng si Aaron ang naghahandog ng insenso sa ibabaw ng altar. (Exo 30:7) Gayunman, sa anak niyang si Eleazar ibinigay ang pangangasiwa sa insenso at sa iba pang mga bagay sa tabernakulo. (Bil 4:16) Lumilitaw na hindi lamang ang mataas na saserdote ang maaaring magsunog ng insenso, maliban kung Araw ng Pagbabayad-Sala, yamang binabanggit na nagsagawa rin ng paglilingkod na ito ang katulong na saserdoteng si Zacarias (ama ni Juan na Tagapagbautismo). (Luc 1:8-11) Di-nagtagal pagkaraang magsimula ang paglilingkod sa tabernakulo, pinatay ni Jehova ang dalawang anak ni Aaron na sina Nadab at Abihu dahil sa pagtatangkang maghandog ng insenso at ng “kakaibang apoy.” (Lev 10:1, 2; ihambing ang Exo 30:9; tingnan ang ABIHU.) Nang maglaon, si Kora at ang 250 iba pa, na pawang mga Levita ngunit hindi mula sa makasaserdoteng linya, ay naghimagsik laban sa Aaronikong pagkasaserdote. Bilang pagsubok, inutusan sila ni Moises na kumuha ng mga lalagyan ng apoy at magsunog ng insenso sa pasukan ng tabernakulo upang maipakita ni Jehova kung tinatanggap niya sila bilang kaniyang mga saserdote. Namatay ang pangkat habang ginagawa nila ito, samantalang hawak pa nila ang kanilang mga lalagyan ng apoy. (Bil 16:6, 7, 16-18, 35-40) Si Haring Uzias naman ay kinapitan ng ketong nang may-kapangahasan niyang tangkaing magsunog ng insenso sa templo.—2Cr 26:16-21.
Sa paglipas ng panahon, lubhang nagpabaya ang bansang Israel sa itinakdang paraan ng pagsamba kay Jehova anupat isinara nila ang templo at nagsunog sila ng insenso sa ibang mga altar. (2Cr 29:7; 30:14) Mas masahol pa riyan, nagsunog sila ng insenso sa ibang mga diyos na sa mga ito’y nagpatutot sila, at sa iba pang mga paraan ay nilapastangan nila ang banal na insenso, anupat lahat ng ito ay karima-rimarim sa paningin ni Jehova.—Eze 8:10, 11; 16:17, 18; 23:36, 41; Isa 1:13.
Kahulugan. Ang tipang Kautusan ay may anino ng mas mabubuting bagay na darating (Heb 10:1), at waring ang pagsusunog ng insenso sa ilalim ng kaayusang iyon ay kumakatawan sa katanggap-tanggap na mga panalangin ng tapat na mga lingkod ng Diyos. Ipinahayag ng salmista, “Maihanda nawa ang aking panalangin sa harap mo [Jehova] na gaya ng insenso.” (Aw 141:2) Sa katulad na paraan, inilalarawan ng lubhang makasagisag na aklat ng Apocalipsis yaong mga nasa palibot ng makalangit na trono ng Diyos bilang may “mga ginintuang mangkok na punô ng insenso, at ang insenso ay nangangahulugan ng mga panalangin ng mga banal.” “Binigyan siya [isang anghel] ng maraming insenso upang ihandog iyon kasama ng mga panalangin ng lahat ng mga banal sa ibabaw ng ginintuang altar na nasa harap ng trono.” (Apo 5:8; 8:3, 4) Sa maraming aspekto, ang pagsusunog ng insenso ay nagsilbing angkop na sagisag ng mga panalangin ng mga banal na ‘inihahandog’ nila (Heb 5:7) gabi at araw (1Te 3:10), anupat ang mga ito’y kalugud-lugod kay Jehova.—Kaw 15:8.
Sabihin pa, hindi magiging katanggap-tanggap sa Diyos ang mga panalangin ng mga huwad na mananamba kahit magsunog pa sila ng insenso. (Kaw 28:9; Mar 12:40) Sa kabilang dako, ang mga panalangin ng taong matuwid ay mabisa. (San 5:16) Kaya naman, nang lumitaw ang isang salot mula sa Diyos, kaagad na ‘inilagay ni Aaron ang insenso at nagsimula siyang magbayad-sala para sa bayan.’—Bil 16:46-48.
Hindi Nagsusunog Nito ang mga Kristiyano. Sa ngayon, bagaman may mga relihiyon ng Sangkakristiyanuhan na nagsusunog ng insenso, gaya rin ng ginagawa sa mga templong Budista, wala tayong makikitang maka-Kasulatang saligan na ginawa ito ng mga Kristiyano. Ang mga insensaryo ay hindi nakatalang kabilang sa mga sisidlang ginagamit sa simbahan noong unang apat na siglo ng Col 2:14), at lalo na nang lubusang wasakin ang templo at alisin ang Aaronikong pagkasaserdote nito. Walang ibinigay na awtorisasyon upang gamitin ito sa kongregasyong Kristiyano, at bilang mga indibiduwal, ang unang mga Kristiyano, tulad ng mga Judio, ay hindi kailanman nagsunog ng insenso para sa relihiyosong layunin.
Karaniwang Panahon, at noon lamang panahon ni Gregory the Great (huling bahagi ng ikaanim na siglo) nagkaroon ng malinaw na katibayan ng paggamit ng insenso sa mga serbisyo ng simbahan. Maliwanag na ito’y sapagkat ang pagsusunog ng insenso bilang pagsamba sa Diyos ay nagwakas na nang dumating si Kristo at ipako niya sa pahirapang tulos ang tipang Kautusan at ang mga tuntunin nito (Ang unang mga Kristiyano ay tumanggi ring magsunog ng insenso na nagpaparangal sa emperador, mangahulugan man ito ng kanilang buhay. Ganito ang komento ni Daniel P. Mannix: “Iilan lamang sa mga Kristiyano ang tumalikod, bagaman isang altar na may nagniningas na apoy ang laging naroroon sa arena para magamit nila. Ang kailangan lamang gawin ng isang bilanggo ay magsaboy ng kaunting insenso sa nagniningas na apoy at bibigyan na siya ng isang Sertipiko ng Paghahain at mapalalaya na siya. Maingat ding ipinaliliwanag sa kaniya na hindi naman iyon pagsamba sa emperador; iyon ay pagkilala lamang sa pagkadiyos ng emperador bilang ulo ng estadong Romano. Gayunman, halos walang Kristiyano ang nagsamantala sa tsansang iyon na makaalpas.”—Those About to Die, 1958, p. 137.
Sinasabi ni Tertullian (na nabuhay noong ikalawa at ikatlong siglo C.E.) na ayaw man lamang makibahagi ng mga Kristiyano sa pangangalakal ng insenso. (On Idolatry, kab. XI) Gayunman, hindi ganiyan ang saloobin ng mga mangangalakal ng insenso na nakikipagnegosyo sa makasagisag na Babilonyang Dakila.—Apo 18:11, 13.