Pumunta sa nilalaman

Pumunta sa talaan ng mga nilalaman

Isopo

Isopo

[sa Heb., ʼe·zohvʹ; sa Gr., hysʹso·pos].

Hindi matiyak ang eksaktong pagkakakilanlan ng isopo. Sa katunayan, ang mga terminong Hebreo at Griego ay maaaring sumasaklaw sa iba’t ibang uri ng halaman.

Sinasabi ng ilang makabagong iskolar na malamang na ang isopo sa Hebreong Kasulatan ay ang marjoram (Origanum maru). Ang halamang ito na kabilang sa pamilya ng mga yerbabuena ay pangkaraniwan sa Palestina. Sa ilalim ng kaayaayang mga kalagayan ay umaabot ito sa taas na 0.5 hanggang 0.9 m (1.5 hanggang 3 piye). Ang mga sanga at makakapal na dahon nito ay mabalahibo, at gaya ng ipinahihiwatig sa 1 Hari 4:33, makikita itong tumutubo sa mga awang sa batuhan at sa mga pader.

Ang isopo ay ginamit ng mga Israelita sa Ehipto na pansaboy ng dugo ng hayop na pampaskuwa sa dalawang poste ng pinto at sa itaas na bahagi ng pintuan ng kanilang mga bahay. (Exo 12:21, 22) Noong pasinayaan ang tipang Kautusan, gumamit si Moises ng isopo nang wisikan niya ang aklat ng Kautusan at ang bayan. (Heb 9:19) Ang isopo ay binabanggit din sa seremonya ng paglilinis para sa mga tao o mga bahay na dating nahawahan ng ketong (Lev 14:2-7, 48-53; tingnan ang MALINIS, KALINISAN [Ketong]) at sa paghahanda ng mga abo na gagamitin sa “tubig na panlinis,” at gayundin sa pagwiwisik ng tubig na ito sa ilang mga bagay at sa mga tao. (Bil 19:6, 9, 18) Kaya naman si David ay angkop na nanalanging dalisayin siya mula sa kasalanan sa pamamagitan ng isopo.​—Aw 51:7.

Ang isopo na binanggit may kaugnayan sa pagbabayubay kay Jesu-Kristo (Ju 19:29) ay ipinapalagay ng ilan na tumutukoy sa durra,Indian millet, isang uri ng karaniwang sorghum (Sorghum vulgare). Isa itong halaman na mataas, maliliit ang butil at mahahaba at malalapad ang dahon. Yamang ang halamang ito karaniwan na ay umaabot sa taas na humigit-kumulang 1.8 m (6 na piye) sa Palestina, malamang na napagkunan ito ng isang tangkay, o “tambo,” na sapat ang haba upang mailapit sa bibig ni Jesus ang esponghang may maasim na alak. (Mat 27:48; Mar 15:36) Inaakala naman ng iba na maging sa kasong ito, maaaring ang isopo ay ang marjoram at iminumungkahi nila na maaaring isang bungkos ng marjoram ang ikinabit sa “tambo” na binanggit nina Mateo at Marcos. Ang isa pang pangmalas ay na ang Juan 19:29 ay orihinal na kababasahan ng hys·soiʹ (mahabang kahoy na patulis, diyabelin), hindi hys·soʹpoi (isopo); kaya naman may pagkakasalin na “sa isang mahabang kahoy na patulis” (AT) at “sa isang sibat” (Mo).